Elumbre, Adonis L., Atoy M. Navarro. mga pat. Lakbay-Kabanwahan: Mga Salaysay sa Pangingibang-Bayan ng mga Likasyon, Tomo 1; Lakbay-Kabanwahan sa Timog Silangang Asya. Quezon City. Limbagang Pangkasaysayan. 2019.
Pinatnugutan ni Prop. Adonis Elumbre at Prop. Atoy Navarro, ang aklat ay ang una sa binabalak na serye ng mga monograp na nagsasalaysay ng karanasan ng mga Likasyan (alumni ng UP Lipunang Pangkasaysayan) sa kanilang akademikong paglalakbay sa ibang bayan. Ani ni Navarro (p.2), mauugat ang henealohiya nito sa isang aklat noong 1993, na nagsasaad ng karanasan ng mga propesor ng UP Departamento ng Kasaysayan ukol sa kanilang pag-aaral sa ibang bansa (aklat na pinatnugutan ni Prop. Luisa De Leon-Bolinao, na siya ring nagbigay ng paunang salita sa kasalukuyang tomo). Iginiit ni Elumbre na hindi na mapanghahawakan pa sa kasalukuyan ang obhektibismong naglalahad na dapat panatilihin ang puwang sa pagitan ng nag-aaral at pinag-aaralan, sapagkat hindi mapasusubalian ang malaking impluwensya ng personal na karanasan ng intelektuwal sa kanyang pakikilahok sa produksyon ng kaalaman (p.8). Ito ang nagbibigay ng lohika sa kabuuan ng aklat, na binubuo ng limang sanaysay.
Kauna-unahan dito ang kabanata ni
Navarro na nagsasalaysay ng kanyang karanasan sa pag-aaral, pananaliksik, at
paghahanapbuhay sa Thailand. Liban sa pagdodoktorado sa Thammasat University
(TU) at paglilingkod sa Forum for Ethical Review Committees in Asia and the
Pacific (FERCAP), ginugul ng may-akda ang kanyang panahon sa pananaliksik ukol
sa ugnayang Pilipino-Thai at pamumuhay ng mga Pilipino sa Thailand, bilang
larangan ng araling kabanwahan. Ibinahagi niya ang naging proseso ng pagsusulat
ng kanyang tatlong artikulo na nakapaloob sa paksang ito (ukol sa mga pagkain,
pagdiriwang, at palakasan/isports), gamit ang mga metodo ng kasaysayang
pasalita tulad ng pagtatanung-tanong, pakikipagkwentuhan, at pagpapakwento.
Isinalaysay niya rin ang kanyang karanasan sa pakikipag-ugnayan sa mga kapwa
Pilipino at mga Thai, hindi lang sa larangan ng pananaliksik kundi maging sa
mga programang naglalayong magsulong ng katarungang panlipunan kapwa sa
Pilipinas at Thailand.
Sumunod dito ang sanaysay ni Prop.
Wensley Reyes na nakatuon sa pedagohiya ng araling panlipunan sa Indonesia.
Hinugot ang mga salaysay na nakapaloob sa kabanatang ito mula sa kanyang
karanasan sa pagkuha ng doktorado sa pagtuturo ng araling panlipunan sa
Universitas Pendidikan Indonesia (UPI). Ayon sa kanyang paglalahad, ang
pagkakataong mapabilang sa mga iskolar ng UPI ay buhat sa kolektibong pagkilos
ng iba’t ibang bansa sa Timog Silangang Asya tungo sa harmonisasyon ng kanilang
mga sistemang pang-edukasyon. Isang konkretong hakbang tungo rito ay ang
pag-uugnayan ng mga institusyong ang pangunahing gampanin ay humulma ng mga
guro. Matapos ang maikling mga tala ukol sa ugnayang Pilipinas-Indonesia,
kalinangang Indones, at kabuuang sistemang pang-edukasyon Indonesia,
ipinaliwanag niya ang naging gampanin ng araling panlipunan sa proyekto ng
pagpapatatag ng nasyonalismo sa bansa. Isa ito sa ginamit na instrumento tungo
sa pagkikintal sa kamalayan ng mga mamamayan ng Pancasila, na kumakatawan sa
pambansang pilosopiya ng Indonesia. Mahalagang aral din aniya ang matatag na
paggamit ng wikang pambansa ng Indonesia sa pagtuturo hindi lamang ng araling
panlipunan kundi maging ng iba pang mga asignatura.
Ang ikatlong sanaysay ay isinulat
ni Prop. Ruel Pagunsan. Nasa sentro nito ang pagbaybay ni Pagunsan sa kanyang
akademikong paglalakbay sa larangan ng magkakahugpong na kasaysayan, agham, at
kalikasan. Ang kanyang interes at pananaliksik sa paksa ay nagkaroon ng lalim
nang siya ay magtungo sa National University of Singapore upang kumuha ng
doktorado sa araling Timog Silangang Asya (TSA). Naging paksa ng kanyang disertasyon
ang kaugnayan ng produksyon ng kaalaman sa “natural history” sa proyekto ng
“nation-building” sa Pilipinas. Sinundan ito ng pagsasalaysay ukol sa tatlong
magkakahiwalay na artikulo niya na ipinapakita kung paanong ang mga “national
parks” at “heritage sites” ay nagiging mahalagang salik sa pagkabansa. Tinapos
niya ang kanyang sanaysay sa pamamagitan ng paglalahad ng kanyang paniniwala na
ang mga kooperasyon ng mga siyentista, mga dalubhasa, at mga organisasyon ng
iba’t ibang bansa ng TSA patungkol sa “natural history” ay nakapag-aambag sa
nagpapatuloy na proyekto ng pagbubuo ng rehiyon bilang isang entidad.
Si Prop. Ma. Florina Orillos-Juan
naman ang may-akda ng ikaapat na sanaysay. Naglalaman ang kabanatang ito ng
karanasan ni Orillos-Juan sa pananaliksik ukol sa paksa ng sakit na ketong.
Aniya, nagsimula ang kanyang malalim na pagkahumaling sa paksa nang paanyayahan
siya ni Prop. Ma. Serena Diokno na maging isa sa mga mananaliksik sa proyektong
aklat ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP). Sakit na
ketong sa Pilipinas ang paksa ng proyektong aklat na ito. Napunta kay
Orillos-Juan ang bahagi ukol sa pag-aaral sa kasaysayan ng mga pangunahing
leprosaryo sa bansa. Isinalaysay niya nang detalyado ang masalimuot na proseso
ng “fieldwork” at pananaliksik pang-arkibo. Matapos ang matagal na pangangalap
ng mga primaryang batis, ang manuskrito niya at ng iba pang mga kasamang
mananaliksik ay dumaan sa panunuri ng mga pantas sa larangan ng ketong, na
nagbigay sa kanila ng mahahalagang puna upang mapainam ang kanilang mga
pananaliksik-papel. Matapos mailimbag ang aklat, nagkaroon ng pagkakataon ang
may-akda na ibahagi ang kanyang pananaliksik sa isang kumperensyang ginanap sa
Cambodia. Samantala, muling pinaanyayahan ni Diokno ang may-akda upang lumahok
sa panibagong proyekto ukol sa ketong. Sa pagkakataong ito, ang proyekto ay
nakatuon na sa malawak na rehiyon ng TSA. Binubuo ang pangkat nila ng mga
dalubhasa mula sa iba’t ibang bansa ng TSA. Bawat awtor ay may pananagutan na
sumulat ng artikulo ukol sa iba’t ibang dimensyong panlipunan, pampulitika at
pangkalusugan ng sakit na ketong sa kanilang bansa. Ang naging paksa ni
Orillos-Juan sa puntong ito ay ang naging papel ng mga Heswita sa pangangalaga
ng mga may ketong mula sa panahong kolonyal. Tulad ng naunang artikulo niya,
matapos ang matagal na proseso ng pananaliksik pang-arkibo, dumaan muli sa
pagsusuri ng mga eksperto ang kanyang papel. Sa pagkakataong ito ay sa
Singapore ginanap ang konsultasyon. Bilang pagtatapos ay inilahad ni Orillos-Juan
na mas magiging mabunga pa ang pananaliksik ukol sa ketong sa TSA kung
magkakaroon ng mas ekstensibong mga komparatibong pag-aaral sa paksang ito sa
rehiyon.
Huling kabanata ng aklat ang
pagsasalaysay ni Elumbre ukol sa paksa ng rehiyunalismong ASEAN. Isa sa serye
ng mga oportunidad na nagbitbit sa kanya tungo sa larangang ito ang pagkapasok
niya sa programa ng International Masters in ASEAN Studies sa Universiti Malaya
(UM). Dagdag din dito ang karanasan niya bilang “intern” sa ASEAN Secretariat.
Mula sa kanyang karanasan sa mga kursong kinuha at “internship” sa programang
ito, nabuo niya ang paksa ng kanyang tesis masterado na patungkol sa rehiyunal
na pagkamamamayan sa ASEAN. Tinasa niya rito ang konsepto ng rehiyunal na
pagkamamamayan, at kung paano ito lumalaganap sa mga indibiduwal na bansang
miyembro ng organisasyon. Kumpara sa ibang bansa tulad ng Singapore, Malaysia
at Thailand na mayroong mga gradwadong programa, sentro at mga departamento
ukol sa Araling TSA at Araling ASEAN, aniya, medyo nahuhuli ang Pilipinas sa
pagpaprayoridad ng mga larangang ito. Kaya naman hindi raw nakapagtataka kung
bakit sa mga pag-aaral ay lumilitaw na ang Pilipinas ang isa sa may pinaka
mababang kamalayan ng rehiyunalismong TSA at ASEAN sa buong rehiyon. Nanawagan
sa huli si Elumbre tungo sa isang mas inklusibong rehiyunalismong ASEAN, na ang
tuon ay nasa mga mamamayan mismo ng rehiyon.
No comments:
Post a Comment