Boyd, Gregory A., Edward K. Boyd. Letters from a Skeptic: A Son Wrestles with His Father’s Questions About Christianity, Second Edition. Colorado Springs. David C. Cook. 2008.
Paano gagamitin ang “apologetics” bilang instrumento sa pag-eebanghelyo? Ang aklat na Letters from a Skeptic ay isa sa pinaka ilustratibong halimbawa kung paano ito isasagawa. Ang aklat ay kalipunan ng tatlumpung beses na palitan ng liham sa pagitan ng teologong si Gregory Boyd at kanyang tatay na ateista na si Edward Boyd. Nagsimula ito sa imbitasyon ni Greg kay Ed noong Marso 10, 1989 na bigyan siya ng pagkakataong ibahagi kung bakit siya naniniwala sa Kristiyanismo, at ilahad din nito isa isa ang kanyang mga dahilan kung bakit siya ateista. Ang palitang ito ng liham na inabot ng tatlong taon (hanggang Enero 21, 1992) ay kumprehensibong naglalaman ng napakaraming esensyal na paksa sa apologetics. Malinaw na naibato ni Ed ang mga pinaka mahalagang kritisismo at mga tanong na maaaring ilahad ukol sa pagiging totoo o hindi totoo ng Kristiyanismo. Hinati ang daloy ng palitang-liham sa apat na bahagi alinsunod sa mga paksang napag-usapan: 1. Kairalan ng Diyos, 2. Historisidad, muling pagkabuhay at pagka-Diyos ni Kristo, 3. Historisidad ng Biblia, at 4. Samu’t saring katanungan ukol sa Kristiyanong pamumuhay. Sa loob ng bawat bahaging ito ay samu’t saring paksa ang napag-usapan ng mag-ama. Bilang halimbawa, narito sa ibaba ang maiksing buod ng una sa apat na bahagi ng aklat.
Binuksan ni Ed ang unang bahagi sa
pamamagitan ng pagbato ng katanungang ito: kung ang simbahan ang kinatawan ng
Diyos sa lupa at may hawak ng katotohanan, bakit ito nakapagsagawa ng
napakaraming kasalanan sa buong kasaysayan nito? Tumugon si Greg na hindi nito
napabubulaanan ang pag-iral ng Diyos ng Kristiyanismo. Kung mayroon man itong
ipinapakita, ito ay ang hindi pagtalima kadalasan ng mga nagpapakilalang
Kristiyano sa tunay na katuruan ng Kristiyanismo (Correspondence 1). Ngunit ang
pinaka naging dominanteng paksa sa unang bahagi ay ang usapin ng “theodicy” –
paano natin mapagkakasundo ang pag-iral ng Diyos sa isang banda at ng matinding
kasamaan at pagdurusa ng tao sa kabilang banda? Ang konsepto ng malayang kilos
loob ng tao ang naging pangunahing instrumento ni Greg sa pagpapaliwanag nito
(tinatawag ng ilang teologo bilang “Free Will Defense” o FWD). Iginiit niya na
magiging posible lamang ang pag-iral ng malayang kilos loob ng tao kung kusang
loob na lilimitahan ng Diyos ang kanyang aksyon sa mundo. Kaya naman mayorya ng
kasamaan at pagdurusa na umiiral sa mundo ay bunga ng maling paggamit ng
sangkatauhan sa malayang kilos loob nito (Correspondence 2&3). Bilang isa
sa mga tagapagtaguyod ng “Open Theism”, inilahad niya na maging ang
“omniscience” ng Diyos ay hindi sumasaklaw sa hinaharap, sapagkat ang hinaharap
ay lilikhain pa lamang sa pamamagitan ng desisyon ng mga taong pinagkalooban
niya ng malayang kilos loob (Correspondence 4). Sa usapin ng “natural evil”
(hal. lindol, baha, tagtuyot) pinaniniwalaan niya rin na malaking bahagi nito
ay bunga rin ng malayang kilos loob ng tao (kung paano nila ginagamit ang
kalikasan) at ng mga demonyo, pangunahin na ni Satanas (Correspondence
5&6). Bagaman nananatiling “omnipotent” ang Diyos, kusang loob niyang
isinuko ang ilang antas ng kanyang kapangyarihan upang hindi malabag ang malayang
kilos loob ng tao (Correspondence 7). Naglahad ng katanungan si Ed na kung
hindi naman pala magagawang pigilan ng Diyos ang pagdurusa ng mga tao, ano pa
ang silbi ng paniniwala sa Diyos (Correspondence 9) at pananalangin
(Correspondence 11)? Ani ni Greg, kung ito ang pamumuhay lamang sa mundo sa
tanging buhay at walang kabilang buhay, walang halaga kapwa ang paniniwala sa
Diyos at pananalangin. Ngunit kung mayroong kabilang buhay at talagang umiiral
ang Diyos, ang paniniwala at pananalangin ay instrumento upang magkaroon ng
relasyon sa Diyos bilang paghahanda sa buhay na walang hanggan sa hinaharap.
Ibinahagi rin ni Ed ang mahirap na pinagdaanan niya noong namatay ang kanyang
asawa na nanay ni Greg (Correspondence 10). Tumugon si Greg na mananatiling misteryo
ang ilan sa mga trahedya sa buhay natin, na mahirap basahin kung niloob ba ng
Diyos para sa isang ispesipikong layunin o bunga lamang ng maling paggamit ng
malayang kilos loob ng iba. Naging bahagi rin ng usapan ang paksa ng ebolusyon,
kung ang kairalan ba ng tao ay nagkataon lamang. Ani ni Greg, hindi
maipaliliwanag ng ebolusyon ang kairalan ng mga di-pisikal na mga elemento
tulad ng malayang kilos loob at kamalayan (Correspondence 9).
Magaan lamang ang uri ng talakayan
na nakapaloob sa aklat, lalo na’t sinadya ito ni Greg dahil hindi naman
akademiko ang kanyang ama. Ibig sabihin, hindi maituturing na “debate” sa
teknikal na kahulugan nito ang nilalaman ng mga liham. Pagdawdaw lamang din ang
aklat sa napakaraming isyu ng apologetics na maaari pang tuklasin gamit ang
ibang mga aklat na mas ispesyalisadong nakatuon sa mga partikular na
paksa.
Kung mayroon mang maituturing na
isa sa pangunahing aral na matututunan ng mga Kristiyano mula sa aklat, ito ay
ang kahalagan ng “pagsasalita ng katotohanan na may pag-ibig” (Efeso 4:15). Sa
Correspondence 6 (Hunyo 19, 1989) pa lamang ay nagpahayag na si Greg ng pag-asa
na “I know that, sooner or later, you are going to believe. You’ll see” (p.49).
Isang “prophetic” na pahayag ito dahil matapos ang tatlong taong pagpapalitan
ng liham, tinanggap ni Ed ang katotohanan ng Kristiyanismo. Sa kahuli-hulihang
liham, nagpasalamat siya sa katiyagaan ng kanyang anak na sagutin ang lahat ng
kanyang mga katanungin at ibinabatong mga pagdududa sa Kristiyanismo.
Mapapansin ng mga babasa sa aklat na sa dulong bahagi ng bawat liham ni Greg ay
lagi siyang may panawagan sa kanyang ama na ikonsidera ang katotohanan ng
Kristiyanismo at tanggapin ang regalong biyaya ng Diyos sa pamamagitan ni
Kristo. Puno rin ang liham niya ng pagpuri sa pagiging bukas ng kanyang ama sa
pakikipag-dialogo, katalasan ng mga tanong nito, at pagiging tapat sa
paglalahad ng tunay na nilalaman ng kanyang isip at damdamin. Hindi itinuring
ni Greg ang apologetics bilang intelektuwal na ehersisyo lamang na paraan para
ipagtanggol ang Kristiyanismo. Malinaw para sa kanya na instrumento itong
maaaring magamit upang mailapit kay Kristo ang isang minamahal na tao.
No comments:
Post a Comment