Jose, F. Sionil. The Feet of Juan Bacnang. Ermita, Manila. Solidaridad Publishing House. 2011.
May mga pagkakataon na mas nakapagsisiwalat pa ng katotohanan ukol sa lipunan ang mga likhang sining kaysa sa mga sanaysay. Totoo ito sa kaso ng nobelang The Feet of Juan Bacnang ng National Artist na si F. Sionil Jose. Tila isang “diagnosis” ng doktor, malinaw na naipinta ng nobelista ang kabulukan ng pulitikang Pilipino sa mga dekada matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig: mula sa pulitika ng patronahe, dominasyon ng mga makapangyarihang pamilya, at paggamit ng mga koneksyong pampulitika sa pagpapalawak ng kapital, hanggang sa magarbong pamumuhay ng mga mayayaman, pang-aapi sa mga maralita, at pananagumpay ng inhustisya.
Binulatlat niya ang sikolohiya at
pananaw-pandaigdig ng mapang-aping uri sa pamamagitan ng kwento ng buhay ni
Juan Bacnang de la Cruz IV. Ang dialektika ng nang-aapi at inaapi ay nabigyang
buhay niya sa katauhan ng bida, na nagmula sa isang Ilokanong pesanteng pamilya
sa baryo Nalipatan. Si Juan Bacnang ay anak sa labas ng isang Senador na
gumahasa sa isang dalaga ng Nalipatan, noong ito ay lider ng isang pangkat ng
mga gerilya sa panahon ng digmaan. Matapos ang ilang taon na pagdanas ng
kahirapan sa Nalipatan, napilitan ang binata na tumungo sa Maynila upang
takasan ang isang nagawang krimen sa kanyang baryo. Bukas palad siyang
tinanggap ng amang Senador bilang tagapagmana ng yaman at kapangyarihan nito,
yamang matagal na niyang tinatangkang magkaroon ng anak na lalake (umabot sa
dalawang dosena ang anak na babae sa iba’t ibang nanay dahil sa pagsisikap na
magkaroon ng tagapagmana). Matapos ang ilang buwan ay nasanay na ang bida sa
isang napakagarbong pamumuhay. Pinag-aral siya ng abogasya, tinuruan sa
paghawak ng mga negosyo, at pinasahan ng mga kaalaman ukol sa pakikipaglaro sa
pulitika ng kanyang ama.
Sa simula ng asimilasyon sa
naghaharing uri, may tensyon sa loob ni Juan Bacnang, na humahandong kung
minsan sa pagkukumpara sa dalawang mundo: ang mundo ng mga inaapi na kinagisnan
niya sa Nalipatan, at ang mundo ng mga nang-aapi sa Maynila na unti-unti niyang
niyayakap. Isa sa mga bunga ng paminsan-minsang pagmumuning ito ay ang
reyalisasyon na sa isang di makatarungang lipunan, tanging ang mayaman lamang
ang nagtataglay ng kapangyarihang lumikha ng kasaysayan. Napapanatili ng mga
mayamang pamilya ang kwento ng kanilang angkan, at naihahabi pa ito sa
pambansang kasaysayan. Sa kabaliktaran, sa kaso ng mga mahihirap: “The poor
don’t have a past written down, recorded as distinguished lineage to be
sanctified and emblazoned in a clan’s or even a nation’s history. The poor are
brought to this life to labor and die unknown.” (p.72).
Ngunit kalaunan ay nakalimutan na
niya ang kanyang pinagmulan, at nagpalamon sa papalaki nang papalaking kagutuman
sa kapangyarihan, na kailanman ay hindi napupunan. Ang mayorya sa mga kabanata
ng nobela ay pagsasalaysay sa kwento ng unti-unting pag-angat ng bida bilang
isa sa pinaka makapangyarihan at mayamang negosyante sa bansa, na persona sa
likod ng kamag-anak na pangulong numero uno sa korapsyon. Unti-unting namanhid
ang kanyang konsensya, at nilinlang niya ang kanyang sariling budhi sa
pamamagitan ng pag-iisip na katanggap-tanggap ang lahat ng mga kasalanang
ginawa niya dahil kapalit nito ay marami naman siyang natutulungan bilang
makapangyarihang patron (107-108).
Ang kwento ni Juan Bacnang ay
kwento ng kawalang katarungan, brutal na kapangyarihan, paghahari ng mga
gahaman, at kagutuman ng mga inaapi. Ang The
Feet of Juan Bacnang ay kwento ng lipunang Pilipino na patuloy pa ring
pinaghaharian ng pekeng pagkamakabayan ng mga pulitikong nagkukunwaring
tagapagdala ng progreso.
No comments:
Post a Comment