Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #17 -- Evil and the Justice of God ni N.T. Wright

Wright, N.T. Evil and the Justice of God. Illinois. InterVarsity Press. 2006.

   

“The quest for a solution is not a quest for an intellectually satisfying answer to the problem of why evil is there in the first place. Rather, the quest for a solution to the problem of evil is a search for ways in which the healing, restorative justice of the Creator God himself – a justice which will one day suffuce the whole creation – can be brought to bear, in advance of that ultimate reality, within the present world of space, time, matter and messy realities in human lives and societies. Faced with that challenge, much of the agonizing over evil as a problem in philosophy or theology is exposed as displacement activity, as moaning over spilled milk instead of mopping it up.” (p.149-150)

 

Ang talata sa itaas ang maituturing pinaka buod na tesis ng aklat ni N.T. Wright. Ang Evil and the Justice of God ay hindi dagdag na literatura sa theodicy na naglalayong pagtagpiin ang kairalan ng makatarungan at mabuting Diyos sa kairalan ng kasamaan sa daigdig. Sa halip, isa itong pastoral na pagsusuri sa pagtrato ng kontemporaryong Kanluraning lipunan sa kairalan ng kasamaan, at pagbibigay ng biblikal na “solusyon.” Matapos ang pagsusuri sa mga maling pagtrato ng kontemporaryong lipunan sa kasamaan sa unang kabanata, nilaman ng ikalawang kabanta ang pagbaybay sa tema ng kasamaan sa Lumang Tipan. Sentral dito ang proposisyon na ang Israel ang inihandang solusyon ng Diyos laban sa unibersal na kasamaan, bagaman lagi’t lagi silang nagiging bahagi ng suliranin sa halip na solusyon. Ang ikatlong kabanata ay paglalahad ng ilang bahagi ng Bagong Tipan, lalo na ang kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus sa Mabuting Balita, upang ipakita na si Hesus, bilang kinatawan ng Israel, ang hinirang ng Diyos bilang perpektong solusyon sa kairalan ng kasamaan. Bagaman sinimulan na ng Diyos ang paggapi sa kasamaan sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus, ang tuluyang pagwasak at paglaho ng kasamaan ay magaganap pa lamang sa pagdating ng bagong langit at bagong lupa sa hinaharap. Ang pagtigil ng kairalan ng kasamaan sa bagong langit at bagong lupa, at kung paano tayo mamumuhay sa kasalukuyan habang nag aantay sa malualhating hinaharap na ito ang paksa ng ikaapat na kabanata. Isa sa ating mga pananagutan bilang mga Kristiyano sa kasalukuyang paglupig sa kasamaan ay ang gawain ng pagpapatawad. Sa temang ito umikot ang ikalimang kabanata ng aklat.

 

Mainam na baybayin nang maiksi bawat isa sa limang kabanatang ito.

 

Inilatag niya sa unang kabanata ang dalawang maling lapit ng kontemporaryong lipunan sa kasamaan. Ang una at mas luma sa dalawang ito ay ang modernong lapit sa kasamaan. Ani ni Wright, isinasawalang bahala ng modernismo ang kasamaan, na para bang kusa na lamang ito mawawala sa dahan-dahang progreso ng lipunan. Isang halimbawa ng progresibismong ito ng modernismo ay ang paniniwala na ang pagpapalaganap ng Kanluraning liberal na demokrasya ang makalulunas sa pandaigdigang kasamaan. Sa harap ng dalawang pandaigdigang digmaan na pinasimulan ng Kanluran, mukhang mahirap nang maniwala sa pananaw na ito. Taliwas dito, mas angkop sa reyalidad ang pananaw ng postmodernismo na hindi biro ang kasamaan at umiiral ito sa samu’t saring porma. Gayunman, hindi natin matatanggap nang buo ang pananaw na ito, dahil walang ibinibigay na solusyon ang postmodernismo sa kairalan ng kasamaan. Kailangan nating bumalik sa klasikong Kristiyanong pananaw sa kasamaan, na naniniwalang siryoso ang pag-iral ng kasamaan, may pananagutang moral ang tao, may espirituwal na reyalidad sa likod ng kasamaan, at kumikilos ang Diyos upang magapi ito.

 

Binuksan ni Wright ang ikalawang kabanata sa pamamagitan ng obserbasyon na hindi nagbibigay ang Lumang Tipan ng paliwanag ukol sa kung bakit at paano umiiral ang kasamaan. Sa halip, mas interesado ito sa paglalahad ng kwento kung anong ginagawa ng Diyos laban sa kasamaan. May dalawang laging magkasamang tugon ang Diyos sa kasamaan sa buong Lumang Tipan: 1. pinarurusahan niya ang mga gumagawa ng kasamaan (bilang mga taong may moral na panangutan) upang mapigilan ang paglala at higit na pagkalat ng kasamaan, at 2. naghahanda siya unti-unti ng solusyon upang tuluyang magapi ang kasamaan. Ang pagkatawag ng Diyos kay Abraham at pangakong pagpapala ng daigdig sa pamamagitan niya sa Genesis 12 ang itinuturing ni Wright na pagsisimula ng solusyon ng Diyos sa kairalan ng kasamaan. Mula rito, ihahanda na niya ang Israel bilang bayan na magiging daluyan ng solusyon. Ngunit sa buong kwento ng Lumang Tipan, malinaw na isang malaking bahagi rin ng suliranin ang Israel bilang tagapagpalaganap mismo ng kasamaan, na magiging sanhi ng pagkaka-eksilo nila sa Babylonia. Sa ganang ito, may umiiral na tatlong uri ng kasamaan sa Lumang Tipan: 1. ang kasamaan ng sangkatauhan (mula sa Genesis 3), 2. ang kasamaan ng Israel, at 3. ang kasamaan ng bawat indibiduwal. Liban sa mga pahiwatig, wala pang direktang pagpapaliwanag ang Diyos sa Lumang Tipan kung paano gagapiin nang tuluyan ang kasamaan.

 

Pagpapatuloy ng “biblical theology of evil” ang ikatlong kabanata, ngunit sa pagkakataong ito ay nakatutok na si Wright sa Bagong Tipan, partikular sa buhay, kamatayan at muling pagkabuhay ni Hesus sa Mabuting Balita. Para sa may-akda, isa sa mga suliranin sa teolohiya ay ang madalas na paghihiwalay sa pagitan ng “atonement theology” ng kamatayan ni Hesus sa isang banda, at ang suliranin ng kairalan ng kasamaan sa kabilang banda. Madalas na ibinibigay bilang trabaho ng mga teologo ang pag-aaral ng una, samantalang nasa panig ng mga pilosoper ang ikalawa. Wala silang nakikitang koneksyon sa pagitan ng pagkamatay ni Kristo sa isang panig at paggapi sa kairalan ng kasamaan sa kabilang panig. Aniya, nakatuon lang madalas ang “atonement theology” sa personal na kaligtasan ng tao. Bagaman naniniwala si Wright na may dimensyong legal (pagpapawalang sala) at moral (pagtulad sa ehemplo) ang kamatayan ni Hesus, iginiit niya na ang pinaka sentro nito ay ang Christus Victor, ang pananagumpay ng Diyos sa kasamaan sa pamamagitan ni Hesus. Si Hesus ang ipinadala ng Ama upang isagawa nang perpekto ang bokasyon ng paggapi sa kasamaan, na nabigong pangatawanan ng Israel. Sa pamamagitan ng kanyang kamatayan, ang magkatambal na parusa laban sa kasamaan at solusyon ng habag ay tuluyang naisagawa. Ang muling pagkabuhay niya naman ay parang binhing tagapagsimula ng pagbuo ng bagong langit at bagong lupa. Ito ang naging hudyat ng kamatayan ng kamatayan, ang pagwawagi ng buong sangkatauhan at sandaigdigan laban sa kasamaan.

 

Sa ikaapat na kabanata, nagbigay ng katanungan si Wright: paano natin mapapakinabangan sa kasalukuyang paglaban natin sa kasamaan ang biblikal na teolohiya ng kasamaan na ibinahagi niya sa ikalawa at ikatlong kabanata? Aniya, magiging malinaw lamang sa atin ang kasagutan dito kung susubukan nating ipasok sa ating imahinasyon ang estado ng isang mundo sa hinaharap kung saan wala nang kahit isang bahid ng kasamaan. Ngunit kahit ang pagharaya (imagine) sa hinaharap na walang kasamaan ay hindi rin posible kung hindi muna tatalakayin kung ano ba talaga ang kalikasan ng kasamaan. Sa Biblia, ang kasamaan ay personal na kinakatawan ni Satanas, isang napariwarang anghel, na ang misyon ay sirain ang sangkatauhan at kabuuan ng mga nilikha ng Diyos. Upang mapigilan ang misyon ng Diyos, sa pamamagitan ng Israel na, na ibalik ang tao sa orihinal na plano niya sa Hardin ng Eden, ang instrumentong ginamit niya ay ang kasalanan na nagbubunga ng kamatayan. Matapos nito ay nagpatuloy na si Wright sa paggabay sa mga mambabasa sa pagharaya sa isang hinaharap na walang kasamaan. Aniya, medyo may kahirapan sa simula ang pagharaya dahil sa maling katuruan na nakagisnan natin. Itinuro sa atin sa matagal na panahon na ang dapat nating asamin ay isang Platonikong langit, isang “disembodied reality.” Ngunit ang Biblia, lalo na ang muling pagkabuhay ni Hesus, ay nagtuturo sa atin ng isang bagong langit at bagong lupa, isang “new physicality” kung saan wala ng kasalanan, kamatayan, at kasamaan. Ani ni Wright, hindi dapat ito magtulak sa atin ng isang uri ng pag-iisip na nagsasabing “darating naman pala ang hinaharap na wala nang kasamaan, kaya aantayin ko nalang ang pagdating nito at wala na akong gagawin.” Sa halip na maging pasibong taga-antay, kapwa ang reyalidad ng hinaharap na walang kasamaan at ang pagsisimula ng progreso tungo rito sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ng Panginoon, ang mismong nagtutulak sa atin sa aktibong pakikilahok sa kasalukuyang paglaban sa kasamaan. Bagaman hindi natin magagawa sa kasalukuyan ang tuluyang pagbura sa kasamaan kahit ano pa ang gawin natin, bilang mga Kristiyano na bahagi ng “new creation”, instrumento tayo ng Diyos sa unti-unting paglikha ng bagong langit at bagong lupa. Inilista ni Wright ang aspekto kung saan tayo may maaaring magawa sa kasalukuyan: 1. Panalangin, 2. Kabanalan sa pamumuhay, 3. Pulitika, 4. Mga batas sa pagpaparusa, at 5, Internasyunal na ugnayan.

 

Ang ikalimang kabanata ay nakatuon sa kapatawaran, na para kay Wright ay isa rin sa mahalagang gampanin ng Kristiyano sa kasalukuyang paglaban sa kasamaan. Binuksan niya ang kabanata sa pamamagitan ng pagbanggit sa tatlong aklat na pinaka nakaimpluwensya sa kanyang pag-iisip ukol sa tema ng kapatawaran: 1. Exclusion and Embrace ni Miraslov Volf, 2. Embodying Forgiveness ni Gregory Jones, at 3. No Future Without Forgiveness ni Desmond Tutu. Para kay Wright, ang kapatawaran (ng Diyos sa atin, at natin sa isa’t isa) ang susi sa paglaban sa kasalukuyan sa kairalan ng kasamaan. Kapag nagpapatawad tayo, pinalalaya natin hindi lang ang pinatawad natin mula sa ating galit, kundi pati ang sarili natin. Hindi na tayo maaaring maimpluwensyahan ng kasamaang dating ginawa sa atin kapag nagpatawad tayo. Nawawalan ng kapangyarihan ang kasamaan kapag isinasagawa ang pagpapatawad. Ito ang dahilan kung bakit posible ang tuluyang pagkabura ng kasamaan sa bagong langit at bagong lupa. Wala ng kasamaan sa hinaharap dahil napatawad na ng Diyos ang mga tao, at napatawad na ng mga tao ang isa’t isa. Nakalaya na ang bawat tao sa kasamaan, at nakalaya na rin kahit ang Diyos sa pangangailangan na magalit. Iniisip ng iba na ang pagpapatawad ay hindi pagsiryoso sa kasamaan, na kung talagang sinisiryoso natin ang kasamaan ay kaparusahan at katarungan ang dapat nating ipaglaban sa halip na kapatawaran. Pero iginiit ni Wright na iba ang pagpapatawad sa “toleration.” Dapat paring ikondena at parusahan ang kasamaan. Sa pamamagitan lamang ng pagkondena at pagkilala na masama talaga ang masama masisimulan ang gawain ng pagpapatawad. Hindi kahinaan ang pagpapatawad o pangmamaliit sa kasamaan. Ito ay gawaing makapagpapalaya sa lahat mula sa impluwensya ng kasamaan, ang pagpapatawad man ay gagawin ng indibiduwal, grupo ng mga tao, o kahit pa bansa. Malinaw ang kaugnayan ng pagpapatawad ng Diyos sa tao at pagpapatawad ng tao sa kapwa tao sa Bagong Tipan, na kapag hindi naisagawa ang pagpapatawad sa kapwa ay hindi rin naman magiging ganap ang pagpapatawad ng Diyos. Ito ang dapat isagawa sa kasalukuyan, habang inaantay ang pagdating ng isang bagong langit at bagong lupa kung saan ganap na ang kapatawaran at wala nang kapangyarihan ang kasamaan.

 

Mainam na wakasan ang maikling rebyu/buod na ito sa pamamagitan ng pagsipi sa isang linya mula sa aklat:   

 

“Nations of the world got together to pronounce judgment on God for all the evils in the world, only to realize with a shock that God had already served his sentence.” (p.94)

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...