Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #18 -- The Problem of Pain ni C.S. Lewis

Lewis, C.S. The Problem of Pain. New York. HarperCollins Publishers. 1996.

                                                                                                                               

“God whispers to us in our pleasures, speaks in our conscience, but shouts in our pain: it is His megaphone to rouse a deaf world.” (p.91)

 

Ang aklat na ito ng isa sa mga pinaka tanyag na Kristiyanong manunulat ng ikadalawampung siglo ay isang klasikong akda sa paksa ng “theodicy.” Nilalayon nitong magbigay ng paliwanag kung bakit dapat tayong maniwala sa pag-iral ng isang mabuti at makapangyarihang Diyos sa kabila ng kalaganapan ng kasamaan sa daigdig. “Freewill defense” (FWD) at “soul-making” ang dalawang pangunahing linya ng argumentong ginamit ni Lewis sa kanyang aklat. Nang likhain ng Diyos ang daigdig, isa sa mga regalong kanyang ipinagkaloob sa tao ay ang malayang kilos-loob (freewill). Nakapaloob sa regalong ito ang potensyal sa paggawa ng kasamaan. Ibig sabihin, malinaw sa kamalayan ng Diyos ang “risk” ng pag-iral ng kasamaan nang magdesisyon siyang likhain ang mundo. Aniya, “Perhaps this is not the ‘best of all possible’ universes, but the only possible one” (p.26). Ang tanging daigdig kung saan maaaring umiral ang malayang kilos-loob ay ang daigdig kung saan may posibilidad na umiral ang kasamaan na bunga ng malayang kilos-loob. Sa mga nagsasabing bakit hindi magawa ng Diyos na pigilan ang kasamaan na nagdudulot ng pagdurusa, tumugon si Lewis na hindi ito maaaring gawin kahit na ng “omnipotent” na Diyos, dahil labag ito sa malayang kilos-loob na ipinagkaloob niya sa mga tao.

 

Liban sa FWD, isa pang ginamit na argumento ni Lewis ang “soul-making.” Tumutukoy ito sa pananaw na isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit ipinahihintulot ng Diyos ang paghihirap na dulot ng kasamaan sa mga tao ay upang mapainam ang mga ito at lumapit sa kanya. Ani ni Lewis, madaling isipin na umiikot sa atin ang uniberso kapag masaya tayo at kuntento sa ating buhay. Ngunit kapag tinamaan tayo ng pagdurusa, doon lamang natin napagtatanto na hindi sa atin umiikot ang uniberso, at nilikha tayo hindi para sa ating mga sarili. Kinakailangan ang “soul-making” sa atin dahil sa likas na pagiging masama natin, na dulot ng pagkahulog ng sangkatauhan sa kasalanan mula pa man sa panahon ni Adan at Eba. 

 

Isa sa mga dahilan kung bakit mahirap para sa iba na tanggapin ang paliwanag ng “soul-making” ay dahil sinanay tayo ng kontemporaryong lipunan sa pag-iisip na tayong mga tao ay mabuti. Inilista ni Lewis ang mga dahilan kung bakit nahihirapan tayong tanggapin ang pagiging masama natin: ikinukumpara natin ang sarili natin sa iba, mas pinagtutuunan natin ng pansin ang panlipunang kasamaan kaysa sa indibiduwal na kasamaan, at naniniwala tayong katanggap tanggap ang ilang gawaing mali dahil mayorya ng tao ay gumagawa nito. Aniya, hanggat hindi natin natatanggap ang suliranin ng ating kasamaan, mahirap paniwalaan ang pangangailangan ng paghihirap bilang bahagi ng lunas.

 

Mahalaga rin ang ginawang kategorisasyon ni Lewis sa mga uri ng kabutihan at kasamaan: 1. Simple good (mabubuting bagay na nagmumula sa Diyos), 2. Evil (kasamaan na mula sa malayang kilos-loob ng tao at ipinahintulot ng Diyos), at 3. Complex good (kabutihang naidudulot ng kasamaan). Ang “soul-making” ay resulta ng “complex good”, bagaman hindi ito nangangahulugan na mabuti na ang naranasan nating kasamaan. Halimbawa, may kabutihang naidulot ang pagkakanulo ni Hudas kay Hesus dahil nakatulong ito upang maisagawa ng Panginoon ang kanyang misyon, ngunit nananatiling may pananagutang moral si Hudas sa kanyang sariling kasalanan. Malinaw para sa Kristiyanismo ang katotohanan na hanggang tayo ay nasa lupa pa at hindi pa dumarating ang bagong langit at bagong lupa, mananatili ang pag-iral ng pighati para sa pagpapainam ng ating kaluluwa. 

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...