Jose, Mary Dorothy Dl., Atoy M. Navarro, Jerome A. Ong. mga pat. Social Sciences, Health and Ethics: Papers Celebrating Cristina E. Torres. Manila. Department of Social Sciences, University of the Philippines Manila. 2019.
Ang aklat ay kalipunan ng limang sanaysay na alay sa isa sa mga haliging pantas ng Department of Social Sciences ng UP-Manila na si Dr. Cristina E. Torres. Bilang isang festschrift, sumasalamin ang mga sanaysay na ito sa pagtatagpo ng tatlong larangang kinasangkutan ng pinaparangalan: agham panlipunan, araling pangkalusugan, at etika. Ang unang tatlong sanaysay ay nakatuon partikular sa kalusugan, habang ang huling dalawang sanaysay ay nakalaan sa paksa ng etika sa pananaliksik pangkalusugan.
Kauna-unahang sanaysay ang
pag-aaral ni Prop. Jerome Ong ukol sa kasaysayan ng Philippine General Hospital
(PGH) noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Isinalaysay niya ang
patuloy na paglilingkod ng mga kawani nito sa mga maysakit sa gitna ng
panganib. Maraming kinaharap na pagsubok ang ospital tulad na lamang ng
kakulangan sa mga materyales at pananalapi, pang-aabuso ng mga Hapon,
pagnanakaw sa gitna ng kaguluhan, at banta ng mga kanyon at ligaw na bala.
Liban sa pagiging ospital, naging kanlungan din ang PGH ng maraming pamilya
mula sa mga kalapit komunidad.
Sinundan ito ng sanaysay ni Prop.
Mary Dorothy Jose patungkol sa mga pinagdaanang debate ng Reproductive Health
Bill (RH Bill) bago ito tuluyang maisabatas noong 2012. Iginiit ni Jose na isa
sa mga kahirapang pinagdaanan ng mga tagapagsulong nito ay ang di-makatuwirang
“labeling” (pro-abortion, anti-marriage, anti-life) at “misinformation” ukol sa
sa panukalang batas. Uminog ang mga talastasan sa usapin ng abortion at
contraceptives, sa kabila ng katotohanang napakarami pa nitong nilalaman na mga
probisyon liban dito. Naging pangunahing tagapagharang ng batas ang simbahang
Romano Katoliko na naniniwalang ito ay labag sa batas moral ng Diyos. Kahit na
noong maisabatas ito, itinigil ang pagpapatupad nito nang panigan ng Korte
Suprema ang panawagan ng mga humaharang dito. Malaking pagsulong para sa
adbokasiyang ito ang atas ng rehimeng Duterte noong 2017 para sa muling
pagpapatupad ng batas.
Ikatlo na sanaysay sa aklat ang
artikulo ni Prop. Rolando Talampas. Patungkol ito sa social health insurance
(SHI) ng apat na bansang Asyano. Sa partikular, nagsagawa ng kumparatibong
pagsusuri si Talampas ukol sa mga aksyon at polisiyang isinagawa ng Tsina,
Vietnam, Thailand at Indonesia upang mapainam ang kanilang respektibong SHI
tungo sa pagkamit ng universal health coverage (UHC). Ginamit niya ang
pamantayang isinagawa ng World Health Organization (WHO), partikular na ang
“UHC cube” para matasa ang estado ng SHI ng mga naturang bansa. Sa huli,
nagbigay siya ng ilang aral na maaaring matutunan ng Pilipinas mula sa
karanasan ng apat na bansa.
Ang pang-apat na sanaysay na
patungkol naman sa pangangalaga ng karapatan ng mga kalahok sa mga pananaliksik
pangkalusugan ay isinulat ni Prop. Ma. Paula Sioco. Aniya, ang mga
pandaigdigang mga kasunduan at polisiya ukol sa etika ng pananaliksik (lalo na
yaong mga may kaugnayan sa larangan ng kalusugan) ay tugon sa samu’t saring
pang-aabusong isinagawa ng mga siyentista at doktor noong ikadalawampung siglo.
Inisa-isa ni Sioco ang ilang halimbawa ng di-makataong eksperimentong isinagawa
ng mga Aleman, Amerikano at Hapon sa kanilang mga kalahok bago, sa kasagsagan,
at matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Matapos nito ay tinalakay niya
ang ilang mga pangunahing prinsipyo sa likod ng mga pandaigdigang polisiya ukol
sa etika ng pananaliksik. Partikular na nakatuon ang bahaging ito sa usapin ng
pagprotekta at pagsasakapangyarihan sa mga kalahok sa pananaliksik. Pangunahin
sa mga prinsipyong ito ang pagpapahalaga sa kalayaan ng kalahok, pagsasagawa ng
makatarungang pananaliksik, at pag-ingat sa kaligtasan ng mga kalahok.
Siniyasat din ng may-akda ang pagsusulong ng mga prinsipyong ito sa Pilipinas,
na kinakatawan ng mga institusyon na nagsusulong ng etika ng pananaliksik. Sa
huling bahagi ng papel ni Sioco, naglatag siya ng ilang rekomendasyon kung
paano mas mapapatatag ang mga polisiya sa etika ng pananaliksik at kung paano
mas maipapakalat ang mga impormasyon ukol dito sa mga simpleng mamamayan.
Inisa-isa niya ang mga maaaring isagawa ng mga ahensya ng pamahalaan, mga
pribadong sektor, mga ospital, at akademya tungo rito.
No comments:
Post a Comment