Tan, Michael L. Revisiting Usog, Pasma, Kulam. Quezon City. University of the Philippines Press. 2008.
Hanggang sa kasalukuyan, malaking palaisipan pa rin kahit sa mga eksperto sa Kanluraning medisina ang ilang mga karamdamang inilalarawan ng mga Pilipino tulad ng usog, pasma, kulam, bangungot, at marami pang iba. Kadalasan, itinuturing lamang ng ilang mga doktor ang mga ito bilang psychosomatic o mga karamdamang nasa isip lang (kung hindi man purong pamahiin). Kung ang Kanluraning medisina ay itinuturing ng mga dalubhasa sa kalusugan bilang “sistema ng kaalaman”, ang tradisyunal na medisina ng Pilipinas ay itinuturing naman nila bilang “koleksyon ng paniniwala” lamang. Likas na prosesong pinagdadaanan ng mga nasa larangan ng medisina sa Pilipinas na habang mas lumalalim ang kanilang pagkakaugat sa Kanluraning medisina ay lalo naman silang napawawalay sa katutubong sistema ng medisina, na nakabatay sa kalinangan ng mga Pilipino.
Bilang tugon dito, isinulat ni
Michael Tan, isa sa mga pangunahing Pilipinong dalubhasa sa medikal na
antropolohiya, ang Revisiting Usog,
Pasma, Kulam. Batay ito sa samu’t saring etnograpikal na pag-aaral ukol sa
mga sakit sa iba’t ibang mga pangkat etniko, liban pa sa ibang batis na ginamit
ng may-akda tulad ng mga diksyunaryo (sa paniniwalang mayamang bukal ng
kalinagan ang wika) at mga pananaliksik ng mga historyador, sosyolohista, at
mga medikal na doktor. Naglalayon
itong makatulong sa mga dalubhasa, lalo na yaong mga nasa larangan ng medisina,
na maunawaan ang mga karamdaman sa Pilipinas alinsunod sa konteksto ng kultura
at lipunang Pilipino. Aniya, bagaman ang mga sakit at lunas sa kalusugan ay
unibersal, ang persepsyon at pagpapakahulugan dito ng bawat lipunan ay
magkakaiba. Kaya naman kung nais ng mga nagpapakadalubhasa sa medisina na mas
pag-inamin ang pampublikong kalusugan at paglilingkod sa bayan, nararapat
lamang na magkaroon din sila ng kaalaman sa pagpapakahulugan ng mga Pilipino sa
mga sakit na ito.
Gamit ang kategorisasyon nina
Rivers, Foster at Murdock, inihanay ni Tan ang mga sanhi ng karamdaman sa
Pilipinas sa tatlong “theories of illness causation”: 1. Mistikal, 2.
Personalistiko, at 3. Naturalistiko. Liban sa Chapter 1 (introduksyon), Chapter
2 (teoretikal na balangkas), at Chapter 6 (buod at paglalagom), ang aklat ay
nakaayos alinsunod sa tatlong kategoryang ito (Chapter 3 hanggang 5).
Ang kategoryang mistikal ay
tumutukoy sa mga karamdamang impersonal ang sanhi, at kung mayroon mang mga
personal na indibiduwal na sangkot, hindi nila sinasadya ang pagtama ng
karamdaman sa isang tao. Isang pinaka mainam na halimbawa nito ay ang
karamdaman ng usog. Umiinog ito sa paniniwala ng mga Pilipino sa esensya ng
buhay (“lifeforce”) na matatagpuan sa lahat ng may buhay sa daigdig. Bawat
pangkat etniko sa Pilipinas ay mayroong salita para rito: gina sa Subanon,
liget sa Ilognot, gahum/kusog sa Cebuano, at mga kogneyt ng ginhawa sa iba’t
ibang panig ng bansa. Ang taong may malakas na ginhawa (kadalasan ay mas
matanda) ay maaaring magdulot ng usog sa may mahinang ginhawa (kadalasan ay mas
bata), sa pamamagitan lamang ng pagsasalita (minsan ay sa pamamagitan ng
pagbati sa magandang katangian ng bata). Nangyayari ito kahit hindi sinasadya
ng taong may malakas na ginhawa ang magdulot ng karamdaman. Maging ang halaman
na nagtataglay ng malakas na ginhawa ay maaaring magdala ng karamandaman sa
kakain nito. May ilang mga kasangkapan na maaaring magamit upang makontrol ang
ginhawa, tulad ng anting-anting na pinaniniwalaan ng ilang pangkat etniko na
may kakayahang humigop ng malakas na ginhawa ng mga halaman sa pamamagitan ng
ritwal. Kapag sinuot ng isang tao ang anting-anting ay magbibigay ito sa kanya
ng karagdagang lakas o proteksyon. Ang paniniwala rin sa ginhawa (na
nangangahulugan ding “hininga”) ang dahilan kung bakit pinaniniwalaan na
magiging epektibo ang halamang gamot kung ito ay bubulungan ng babaylan o
albularyo. May ilang mga kalagayan maaaring magdulot ng pagkakontamina ng
ginhawa ng tao, hayop o halaman tulad ng babaeng may dalaw, patay na katawan,
at sekswal na kasalanan tulad ng pakikiapid.
Liban sa ginhawa, ang kaluluwa ay
isa pang elementong mahalaga sa tao na maaari ring maging sanhi ng karamdaman.
Ang kaluluwa ay may tendensyang humiwalay sa katawan ng tao at maglagalag
(pansinin na ang salin sa Cebuano ng kaluluwa ay “kalag”, na sa Tagalog ay
tumutukoy sa pagiging maluwag o pagkatanggal/hiwalay). Tulad sa kaso ng
ginhawa, mas mataas din ang tsansa na humiwalay ang kaluluwa sa katawan kapag
mas bata ang isang tao. Kapag matagal na nawala ang kaluluwa sa katawan,
magdudulot ito ng pagkakasakit sa isang tao. Minsan, pinapaniwalaan ng mga
magulang na kapag sila ay lumalabas upang maghanapbuhay, sumasama ang kaluluwa
ng kanilang anak. Kaya naman kapag nagkasakit ang bata ay bumabalik sila sa
kanilang pinanggalingan at tinatawag ang kaluluwa ng bata upang sumama sa
kanila pauwi. Isa pang halimbawa ng karamdamang may mistikal na sanhi ay ang
bangungot. Taliwas sa “nightmare” ng mga Kanluranin na katumbas lamang ng
masamang panaginip, ang bangungot ay laging may kalakip na panganib ng
kamatayan. Inilalarawan ng mga nakakaranas ng bangungot na tila may nakadagan
sa kanilang dibdib o tiyan at hindi sila makasigaw. Pinaniniwalaang mamamatay
ang isang tao kapag hindi siya nagising habang binabangungot. Kadalasan din ito
umanong mangyari sa mga lalakeng nagtutulog mag-isa. Hanggang sa kasalukuyan,
hindi parin naipaliliwanag nang konklusibo ng Kanluraning medisina ang
karamdamang ito. Maraming teorya ang mga doktor, gayundin ang taumbayan, kung
bakit nagaganap ang bangungot: mula sa sobrang pagkain bago matulog at namamana
sa magulang, hanggang sa sakit sa puso. Lahat ng mga karamdamang nabanggit sa
itaas (usog, pagkalag ng kaluluwa, at bangungot) ay nasa ilalim ng kategorya ng
mistikal na kategorya, dahil ang karamadaman ay hindi nagmumula sa personal na
mga taong sinasadyang magdulot ng sakit.
Ang ikalawang uri ng sanhi ng
karamdaman ay ang kategoryang personalistiko. Kabilang dito ang mga karamdaman
na dinulot ng personal na indibiduwal, ito man ay diyos, supernatural na mga
nilalang tulad ng anito, engkanto, lamang-lupa at diwata, o tao/mala-taong mga
nilalang tulad ng aswang, mangkukulam, at mambabarang. Ayon kay Tan,
mangilan-ngilan ang paniniwala ng mga pangkat etniko sa karamdamang dulot ng
pagpaparusa ng diyos (na marahil ay bunga ng impluwensyang Kristiyano). Mas
malaganap ang paniniwala sa mga karamdamang dulot ng supernatural at
tao/mala-tao na mga nilalang. Isa na rito ay ang mga anito, na kaluluwa ng mga
ninuno at kamag-anak na namatay. Sinasabing maaaring magdulot ito ng sakit sa
mga kapamilya kapag nagsagawa sila ng mga bagay na labag sa panuntunan tulad ng
karahasan sa kamag-anak, pakikipagtalik sa kapamilya, at pakikiapid. May mga
nilalang na nananahan sa mga bato, puno, ilog, at iba pang bahagi ng kalikasan.
Kapag nagsagawa ng panghihimasok o paggamit sa mga likas na yaman ng mga ito
(na itinuturing na personal na teritoryo ng mga supernatural na nilalang tulad
ng lamang-lupa), maaari itong makapagpagalit sa nilalang na nananahan, na
magdadala ng sumpang karamdaman sa tao. Ukol naman sa engkanto, laganap ang
kwento ng mga babaeng nagkakaroon ng romantikong relasyon sa kanila. Binabalaan
ng mga nakatatanda ang mga nakababata na huwag makikisalamuha sa mga ito dahil
nagdadala sila ng kamalasan. Inilalarawan ang mga engkanto bilang mapuputi at
kahawig ng mga Kanluranin. Ayon kay Tan, maaaring nagmula sa karanasan ng
kolonisasyon ang paniniwala sa engkanto. Simbolismo ito umano ng Kanluranin na
dapat iwasan dahil puro pang-aapi at kamalasan ang dadalhin sa mga Pilipino.
Sa hanay naman ng ta0/malatao
nabibilang ang mangkukulam, mambabarang, aswang at manananggal. Ikinategorya ni
Tan ang gawain ng mga ito sa dalawang grupo: 1. Sorcery, at 2. Witchcraft. Ang
sorcery ay tumutukoy sa gawain ng mga tao na nagdudulot ng karamdaman sa
biktima sa pamamagitan ng ilang mga kasangkapan. Dito nabibilang ang
mangkukulam at mambabarang. Kalimitang gumagamit ng manika (na sinasabing
kumakatawan sa biktima) ang mangkukulam upang pahirapan ang biktima. Minsan ay
kinakailangan din ng bahagi ng katawan ng biktima tulad ng buhok at kuko upang
maisagawa ang ritwal. Sa kabilang banda, mga insekto naman ang kasangkapan ng
mambabarang upang magdulot ng karamdaman sa biktima. Sinasabing pumupunta ang
mga mamamayan sa mga mangkukulam at mambabarang upang pahirapan ang mga taong
nakagawa ng kasalanan sa kanila. Taliwas naman sa sorcery, hindi kinakailangan
ng kasangkapan ang pagsasagawa ng witchcraft, dahil nagtataglay ng
kapangyarihan (na minana sa ninuno) sa loob mismo ng katawan ang mga
nagsasagawa nito. Dito naman maihahanay ang aswang at manananggal. Hawig din ng
tao ang mga ito, at nananahan sila kasama ng mga tao. Ngunit nagtataglay sila
ng pisikal at sikolohikal na kapangyarihan na mapanakit sa mga tao. Madalas na
paghinalaan na aswang o manananggal ang mga galing sa ibang bayan, mga sobrang
yaman, at mga taong mailap at hindi nakikisalamuha. Ano man ang pagkakaiba-iba
ng mga paniniwalang ito, lahat sila ay tumuturo sa mga personal na indibiduwal
bilang sanhi ng karamdaman.
Ani ni Tan, ang mga paniniwalang
ito ay mayroong gampanin na magpataw ng “social control” sa mga tao (mga
paniniwalang ang layunin ay mapanatili ang mga panuntunan sa isang lipunan).
Halimbawa, ang paniniwala sa lamang-lupa ay makapipigil sa mga tao sa pag-abuso
sa kalikasan, samantalang ang sakit na dala ng mga anito ay paalala na huwag
magsagawa ng pakikiapid, karahasan at pakikipagtalik sa kapamilya. Ang
paniniwala naman sa engkanto ay nagbibigay paalala sa banta ng mga kolonisador.
Kung ang paniniwala sa kulam ay maaaring gawing panakot upang huwag gumawa ng
masama na maaaring magdulot ng paghihiganti ng kapwa, ang paniniwala naman sa
mga aswang at mananaggal ay naglalayong ipakita na negatibo ang pagkamal ng
maraming pera at pagiging mailap sa pakikisalamuha. Instrumento rin ang
paniniwalang ito upang maglagay ng pagkakahati sa pagitan ng dayo at taal na
mamamayan sa isang lugar.
Ang ikatlo at huling uri ng sanhi
ng mga karamdaman ay ang naturalistikong kategorya. Taliwas sa dalawang nauna,
sa kategoryang ito ay kalikasan o likas na mga pangyayari ang itinuturong sanhi
ng karamdaman. Isa sa pangunahing ehemplo nito ay ang pasma. Inilalarawan ng
mga nakararanas nito na ang pasma ay nagdudulot ng pamamasa at panginginig ng
kamay. Sinasabing dulot ito ng pagbasa ng kamay (partikular na gamit ang
malamig na tubig) matapos ang matagal na pagtatrabaho. Ayon kay Tan, nakabatay
ang paniniwalang ito sa sistema ng “humoral pathology.” Tumutukoy ito sa
paniniwala ng mga tao na binubuo ang katawan ng iba’t ibang elemento, na
marapat na maging balanse upang maiwasan ang pagkakasakit. Sa mga Griego,
naniniwala silang dapat na balanse ang apat na “humor” sa katawan na batayan ng
personalidad ng tao: blood (sanguine), black bile (melancholic), yellow bile
(choleric), at plegm (plegmatic). Sa mga Tsino, mahalaga ang balanse ng yin at
yang, at ang maayos na daloy ng dugo sa katawan ng tao. Gumagamit sila ng mga
kasangkapan tulad ng acupuncture upang mapainam ang ganitong balanse. Sa
Pilipinas, may implisitong paniniwala ang mga tao na dapat na balanse ang
dalawang bagay sa katawan ng tao: init at lamig. May mga kalagayan na
itinuturing na mainit gaya ng mga sumusunod: bagong silang na nanay, babaeng
may dalaw, taong kakagaling lang sa pakikipagtalik, galing sa trabaho, at
galing sa sakit. May mga kalagayan ding itinuturing na malamig gaya ng mga
sumusunod: bagong gising, nagpapahinga, at walang sakit na tao. Pinapaniwalaan
na masisira ang balanse kapag ang taong galing sa mainit na kalagayan ay
nagsagawa ng malamig na bagay tulad ng paliligo o pagbabasa ng kamay gamit ang
malamig na tubig. Kaya naman pinagbabawalan maligo ang bagong silang na nanay,
babaeng may dalaw, taong galing sa trabaho at galing sa sakit. Dahil mainit ang
kanilang katawan, masama ang biglaang pagbibigay sa kanila ng malamig ng gawain
tulad ng paliligo. Ang pagkasira ng tambalang init-lamig sa katawan ng tao ang
nagdudulot ng pasma. Samantala, ang mga taong galing sa pahinga at walang sakit
ay hindi pinagbabawalang maligo o magbasa ng malamig na tubig dahil ang katawan
nila ay pinaniniwalaang malamig.
Nakasalalay din sa tambalang
init-lamig ang paniniwala sa singaw-lupa. Para sa mga Pilipino, nagdadala ng
sakit ang singaw ng lupa, na dulot ng biglaang pag-ulan gayong mainit ang
panahon. Ang biglaang pagbagsak ng malamig na ulan sa mainit na lupa ang sanhi
ng singaw-lupa, na nagdadala ng sakit. Ang labis na pagkatakot ng mga Pilipino
sa pagkabasa dulot ng ambon/ulan ay dulot din ng tambang init-lamig. Ani ni Tan,
walang medikal na batayan ang paniniwala na magkakaroon ng lagnat/binat ang tao
dulot ng pagkabasa ng ulo sa ambon/ulan. Ngunit pinaniniwalaan parin ito ng mga
Pilipino dahil sa pagkatakot na mabasa ang mainit na katawan ng malamig na
ulan. Mainam na sipiin dito ang isang anekdota ni Tan:
“A German
visitor once asked me, watching out students, ‘In Germany, when it rains we
find ways to protect our books. Why is it that in the Philippines, when it
rains, people used the books to protect their heads?’ We do have a morbid fear
of rain, thinking it causes respiratory ailments. Medically speaking, there is
no basis for this belief but even physicians have been known to bring out their
think medical books to cover their heads when it begins to shower.”
Isa na naman itong indikasyon na ang karamdaman at kalusugan ay hindi lamang biolohikal kundi kultural din.
No comments:
Post a Comment