Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #26 -- Women in Christianity ni Hans Kung

Kung, Hans. Women in Christianity. London: Continuum, 2005.

                                                                                                                              

Kilala ang Swiss na Katolikong teologo na si Hans Kung sa kanyang progresibo at liberal na uri ng teolohiya. Kaya naman tiyak na magugulantang ang ilang konserbatibong Katoliko, na nasanay sa kamalayang patriarkal ng simbahan, sa ilang posisyong teolohikal ni Kung gaya ng pagsuporta niya sa ordinasyon ng mga kababaihan sa kaparian, pagsang-ayon sa paggamit ng contraceptives, panawagan na hayaan na ang mga pari na mag-asawa, at pagtaliwas na tradisyunal na paniniwala ng simbahan na dapat magpailalim ang babae sa awtoridad ng lalake. Ito ang mga paninindigang matatagpuan sa kanyang aklat na Women in Christianity.

 

Binaybay ni Kung ang kalagayan ng kababaihan sa limang magkakaibang yugto sa kasaysayan ng simbahan, na nilalaman ng limang kabanata ng aklat. Nakabatay ang peryodisasyon ng mga yugtong ito sa limang magkakaibang “paradigm”: 1. Kristiyanismong Hudio (mula sa panahon ng ministeryo ni Kristo hanggang sa Konseho ng Jerusalem), 2. Kristiyanismong Griego (mula sa ministeryo ni Pablo hanggang panahong patristiko), 3. Kristiyanismong Romano Katoliko (mula sa pagpaimbulog ng Roma bilang sentro ng Kristiyanismo sa Gitnang Panahon hanggang sa Repormasyong Protestante), 4, Kristiyanismong Protestante (panahon ng Repormasyong Protestante), at 5. Modernismo at Postmodernismo (mula sa Panahon ng Kaliwanagan hanggang sa kasalukuyan).

 

Partikular na nakatuon si Kung sa estado ng pagpapalayang pangkasarian sa kababaihan sa bawat yugtong ito. Kung susumahin ang pangkabuuang daloy ng pagpapalayang pangkasariang ito sa limang yugto, mababanaang ang ganitong “pattern”: 1. Pamamayani ng egalitaryanismo sa ministeryo ni Kristo at unang komunidad ng mga Kristiyano, na taliwas sa kinagisnan nilang partriarkal na lipunang Hudio, 2. Pagsisimula ng partiarkal na kaayusan sa simbahan sa panahon ng Kristiyanismong Griego, na kapansin-pansin na sa ilang huling mga liham ni Pablo, 3. Gitnang Panahon ng Romanong Katolisismo bilang pinaka rurok ng sistemang patriarkal, 4. Pagpapainam nang bahagya sa kalagayan ng kababaihan sa panahon ng Repormasyong Protestante, bagaman mananatili parin ang sistemang patriarkal, at 5. Radikal na pag-unlad ng pagpapalayang pangkasarian ng kababaihan, na magsisimula sa Panahon ng Kaliwanagan at mas iinam pa hanggang sa panahong Postmoderno. Maaaring mailarawan ang pagbaba-pagtaas ng estado ng pagpapalaya ng kababaihan sa daloy ng limang yugto sa pamamagitan ng sumusunod na dalawang magkahiwalay na ilustratibong paliwanag sa ibaba:

 

                        A. Kristiyanismong Hudio (Lubos na Pagtaas)

 

            B. Kristiyanismong Griego (Bahagyang Pagbaba)

 

C. Kristiyanismong Romano Katoliko (Lubos na Pagbaba)

 

            D. Kristiyanismong Protestante (Bahagyang Pagtaas)

 

E. Modernismo at Postmodernismo (Lubos na Pagtaas)

 

 

Mainam na tingnan nang mas ispesipiko ang kalagayan ng kababaihan sa bawat yugtong ito.

 

Sa panahon ng Kristiyanismong Hudio, kapansin-pansin ang radikal na pagtaliwas ni Kristo sa mababang pagtrato ng kanyang lipunan sa mga kababaihan. Nangunguna na rito ang pagtawag niya sa mga kababaihan upang kanyang maging mga disipulo. Dagdag pa rito, iginiit ni Kung na ang mga apostol ay hindi lamang limitado sa labingdalawang disipulo, kundi mas malawak na grupong kinabibilangan ng ilang kababaihan. Aniya, isang ebidensya nito si Junia na tinawag ni Pablo na dakila sa hanay ng mga apostol (Roma 16:7). Hiwalay pa sila sa mga babaeng propeta sa mga Mga Gawa. Ang pagkatawag ni Kristo sa mga kababaihan bilang disipulo, apostol at propeta ay nangangahulugan na hindi na maaari pang gamitin ng kontemporaryong simbahang Katoliko ang rason na puro lalaki ang labindalawang disipulo, upang bigyang katarungan ang hindi pag-ordina sa mga babae bilang pari.

 

Ipinagpatuloy sa panahon ng Kristiyanismong Griego ang egalitaryong kalagayang ito ng simbahan. Ang pinaka buod nito ay matatagpuan sa deklarasyon ni Pablo sa Galatia na kay Kristo ay wala nang Hudio o Griego, lalake o babae, malaya o alipin, dahil lahat ay pantay-pantay na. Sinalungguhitan ni Kung ang pagbanggit at pagpaparangal ni Pablo sa maraming babae sa kanyang mga liham. Gayunpaman, magsisimula ring lumitaw ang kamalayang patriarkal sa mga huling liham ni Pablo (tulad ng 1 Timoteo) at ilang pinaghihinalaang hindi niya sinulat (Efeso at bahagi ng 1 Corinto na nagpapatahimik sa mga babae). Tatlong salik ang nakita ni Kung na nakatulong sa pagpapaimbulog ng partriarkal na kamalayan sa panahong ito: 1. Paglago ng hirarkiya ng mga opisina ng simbahan, 2. Masamang pagturing sa pakikipagtalik (kalakip ng tingin sa di pag-aasawa bilang birtud), at 3. Pagkakaroon ng mababang pagpapahalaga sa edukasyon. Ang paniniwalang dapat magpailalim ang babae sa lalake ay naipagpatuloy at lalo pang napalakas ng mga teologo sa panahong patristiko. Habang lalong tumatatag ang partriarkal na sistema sa opisyal na simbahan, unti-unti namang nagkakaroon ng oportunidad ang mga kababaihan sa mga sekta na itinuring na heretiko tulad ng Gnostisismo at Montanismo.

 

Ngunit sa Gitnang Panahon, na yugto ng Kristiyanismong Romano-Katoliko, pinaka mararanasan ng kababaihan ang matinding partiarkal na sistema ng simbahan. Lalong napalakas ang partriarkal na sistema ng simbahan sa pamamagitan ng teolohikal na kaisipan nina Augustine at Thomas Aquinas. Si Augustine ang nagpasimula ng pananaw na ang “original sin” ay naipapasa sa anak sa pamamagitan ng malaswang pagnanasa ng mag-asawa sa isa’t isa habang nagtatalik. Dito nanggaling ang paniniwala ng simbahan na ang tanging layunin lang dapat ng pagtatalik ay ang pagpaparami, at kasalanan ito kapag ginagawa lang para sa kaligayahan (kahit pa ng mag-asawa). Nagdulot ito ng masamang pagturing sa sekswalidad, na humantong naman sa pagtrato sa babae bilang tukso (at pag-ugnay sa lahat ng babae kay Eba bilang pinaka unang nagkasala at “tumukso” kay Adan). Nagsilbi itong rasyunalisasyon nang ipatupad kalaunan ang batas na hindi na maaaring mag-asawa ang mga pari (“celibacy”). Ang “celibacy” o pagkasoltero ang itinuturong dahilan ng may-akda kung bakit nagkaroon ng pagkakahati sa pagitan ng kaparian (mga lalakeng soltero/walang asawa) at layko (mga pamilyado at kinabibilangan ng mga babae). Dahil dito ay lalo nang nawalan ng akses ang kababaihan sa mga opisina ng simbahan. Ang pagkasoltero ng mga pari ay lalo ring nagpatibay sa paniniwala na ang mga babae ay sekswal na tuksong humahadlang sa paggawa ng kalooban ng Diyos.

 

Ipinagpatuloy ni Aquinas ang ilan sa mga posisyon ni Augustine na nakadagdag sa patriarkal na pananaw ng simbahan. Impluwensyado si Aquinas ng biolohikal na paliwanag ni Aristotle ukol sa pagiging superyor ng lalake sa babae (dahil ayon sa kanya, tanging ang punla ng lalake ang aktibo sa proseso ng reproduksyon samantalang ang babae ay pasibong tagatanggap lamang). Hiniram din ni Aquinas mula kay Aristotle ang paniniwalang ang babae ay isang depektibo (o di kumpleto) na lalake, upang bigyang katwiran ang posisyon ng simbahan na dapat magpasakop ang babae sa lalake, at hindi maaaring maordina ang mga babae bilang mga pari. Masasabing nakapag-ambag nang malaki ang kaisipan nina Augustine at Aquinas sa sistemang patriarkal ng simbahan na nagbunsod sa eksklusyon ng mga kababaihan sa mga unibersidad, pagiging mas mababa ng mga madre sa mga pari, at pagredyus ng pagiging babae ng mga babae sa kanilang sekswalidad. Maging ang imahe ni Maria bilang ina ng Diyos (“theotokos”) ay hindi rin nakatulong sa pagpapainam ng kalagayan ng mga kababaihan. Lalo lang nitong pinalaganap ang kaisipan na dalawa lang ang maaaring pagpilian ng mga babae: 1. Magpakasal at magpasakop sa asawa, o 2. Maging soltera/di-kasal at pumasok sa kumbento upang gayahin ang pagkabirhen ni Maria. 

 

Bahagyang nabago ang kalagayang ito sa panahon ng Repormasyong Protestante. Malaki ang naitulong sa kababaihan ng ilang mga aksyon ni Martin Luther tulad ng pag-alis sa polisiya ng pagkasoltero, pagtaliwas sa pagsamba kay Maria, at pagpapahalaga sa edukasyon ng mga kababaihan. Binigyang diin ni Luther na ang sekswalidad ay kaloob ng Diyos, at ang pagpapakasal ay pagtutulungan ng babae at lalake bilang kapwa nilikha sa imahe ng Diyos. Gayunpaman, iginiit ni Kung na hindi ito nangangahulugan na tuluyan nang naglaho ang sistemang patriarkal sa simbahan. Maging sa mga simbahang Protestante ay nanatili parin ang pagiging eksklusibo sa kalalakihan ng ordinasyon, at ang paniniwala na dapat magpasakop ng babae sa lalake. Sa katunayan, walang ginawang malawakang aksyon ang mga simbahang Protestante sa ginagawa ng mga Katolikong pagtugis sa mga pinaghihinalaang mangkukulam, na karamihan ay mga babae. Kaakibat ito ng paglaganap ng paniniwalang mas may tendensya ang mga babae kaysa lalake na maging heretiko at maniwala sa mga pamahiin. Para kay Kung, ang pagtugis sa mga mangkukulam ay sistematikong pag-api ng mga kalalakihan sa mga kababaihan (yamang puro lalake ang mga opisyal ng simbahan at pamahalaan na nagsagawa nito).

 

Sa panahon lamang ng modernismo at postmodernismo magsisimula ang totoong pagpapalaya sa mga kababaihan. Malaki ang naitulong sa paglaganap ng egalitaryong pananaw ng sulatin ng mga pilosopo at teologo tulad nina Schleiermacher, Schlegel, Marx, Engels, Bebel, at Mill. Sa Communist Manifesto halimbawa nina Marx at Engels ay iuugnay nila ang pagpapalayang pangkasarian sa pagpapalayang pang-uri. Dulot ng mga kaisipang ito ay nagsimulang mag-organisa ng mga samahan ang mga kababaihan na nagsusulong ng kanilang karapatan (naging pangunahin na rito ang karapatang bumoto). Nagsimula ring lumitaw ang feministang teolohiya, na naggigiit na marapat tingnan ang teolohiya mula sa pananaw ng kababaihan, sa halip na maging pasibong tagatanggap lamang ang mga kababaihan ng teolohikal na mga pormulasyong ginawa ng mga lalake. Nagsimula na rin ang ilang simbahang Protestante na buksan ang ordinasyon sa mga kababaihan, upang sila ay maging mga diakono at mga pastor. Hinamon ni Kung ang mga Katoliko at Eastern Orthodox na tularan ang mga Protestante sa aspektong ito.

 

Sa huling bahagi ng aklat ay nagbigay si Kung ng ilang praktikal na hakbang na maaaaring gawin ng simbahan upang tunay itong makatulong sa pagpapalaya ng kababaihan. Ilan sa mga ito ay ang mga sumusunod:

 

1. Sa pagbasa ng mga teksto ng Bagong Tipan ukol sa pagpapasakop ng babae sa lalake, dapat na ikonsidera na kinondisyon ito ng patriarkal na kalagayan ng lipunan noong panahong iyon, at isaalang-alang ang katotohanang may natatanging konteksto ang kasalukuyan nating lipunan.

 

2. Dapat na turuan ang lalake at babae kapwa sa mga gawaing tradisyunal na ipinagpapalagay na panlalake at pambabae lamang (ibig sabihin, turuan ng mga gawaing bahay ang mga lalake, at pagtrabahuhin ang mga babae). Sa pamamagitan nito ay hindi na malilimita ang mga kasarian sa mga tradisyunal na itinalaga sa kanilang gawain ng lipunan. Magbibigay daan ito sa mga kababaihan na magkaroon ng oportunidad sa napakaraming larangan, at hindi nalang sila nakakulong sa bahay (kung may-asawa) o kumbento (kung walang asawa).

 

3. Hayaan na ng simbahan na magkaroon ng akses ang mga kababaihan sa contraceptives para sa pagpapainam sa kanilang kalusugan at pagsasakapangyarihan sa kanila na pagpasyahan ang sarili nilang buhay.

 

4. Buksan ang mga opisina ng simbahan sa kababaihan at hayaan silang maordina kapantay ng mga lalake.

 

5. Gawing inklusibo ang wika ng pagsamba. Hindi lang dapat ito nakalimita sa “brothers” at “sons of God” kundi dapat na maisama rin ang “sisters” at “daughters of God.”

 

6. Paigtingin ang suporta sa kababaihan na lumahok sa pagteteolohiya. Para kay Kung, malaking pakinabang sa simbahan kung maririnig din nito ang panig ng kababaihan sa mga usaping teolohikal, sa halip na puro sa mga kalalakihang teologo lamang making.

 

7. Pag-alis sa polisiya ng pagkasoltero upang mabura ang pananaw na ang mga kababaihan ay tuksong sekswal lamang sa mga pari. Iginiit ni Kung na ang pagkasoltero ay dapat na maging boluntaryo.

 

Makailang ulit binanggit ng may-akda na dapat tularan ng kontemporaryong simbahan si Kristo at ang pinaka maagang komunidad ng mga Kristiyano sa kanilang egalitaryong sistema. Iginiit niyang kung hindi ito gagawin ng simbahan ay magiging atrasado ito, na sa halip na ipagpatuloy ang progresong pangkasariang pinasimulan ng mga unang Kristiyano ay babalik lamang ito sa patriarkal na kaayusan ng sangkatauhan bago ang pagdating ni Kristo. Sa ganang ito, maituturing ang akda ni Kung na hindi lamang deskriptibo kundi preskriptibo rin. Hindi lamang nito layunin na obhektibong ilahad ang pang-aaping naranasan ng mga kababaihan sa kasaysayan ng simbahan. Instrumento lamang ang naratibong ito tungo sa tunay na layunin ni Kung, layuning siya mismo ang malinaw na makapaglalahad:

 

The church needs to be a fellowship of brothers and sisters. Is it legitimate instead for it to be a system of domination under a patriarchal rule, in which . . . the female sex is legally or de facto excluded or marginalized? Doesn’t the spirit of brotherhood and sisterhood need to be expressed in the ordinances and social conditions of the church fellowship, in such a way that the democratic demands for the greatest possible freedom and the best possible equality, which fundamentally conflict, are reconciled in the solidarity of a community of brothers and sisters? The Christian church needs to be seen as a sphere which promotes brotherhood and sisterhood, not only for itself, but for the whole world. (p.97-98).  

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...