Moreno, Antonio F. Church, State, and Civil Society in Postauthoritarian Philippines: Narratives of Engaged Citizenship. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2006.
Noong dekada 1970s at 1980s, ang simbahang Romano Katoliko ang isa sa mga pangunahing institusyon na namuno sa paglaban sa mga diktadurya sa Latin Amerika, Silangang Europa, Aprika, at Pilipinas. Matapos ang pagbagsak ng mga diktadurya, nahaharap ang simbahan sa hamon na maging responsableng aktor sa pagpapanatili at pagpapalakas ng naipanalong demokrasya. Ang gampaning ito ng simbahan matapos ang pagbagsak ng Diktaduryang Marcos sa Pilipinas ang siyang paksa ng aklat ni Fr. Antonio Moreno. Masasabing umiinog ang buong akda ni Moreno sa tatlong pangunahing tesis.
Una, ang mga panlipunang pagkilos
ng simbahan ay hindi reaktibong pagtugon lamang sa mga eksternal na salik (hal.
agresyon ng militar sa kaparian, paglabag sa karapatang pantao, korapsyon ng
mga pulitiko, atbp.). Bagkus ito ay nakaugat sa mismong mga katuruan ng
simbahan (Vatican II, ensiklikal ng mga Santo Papa, at PCP II), kung saan ang
panlipunang pagkilos ay esensyal na bahagi ng ebanghelisasyon. Ibig sabihin,
hindi lamang basta reaktibong kontra-diktadurya ang simbahan, kundi isang
aktibong pro-demokrasya.
Ikalawa, ang pagiging epektibo ng
panlipunang pagkilos ng simbahan para sa demokratisasyon ay nakasalalay sa
maayos na church ad intra at church ad extra, alinsunod sa
bokabularyo ng may-akda. Ang church ad
intra ay tumutukoy sa panloob na pagkakaisa ng simbahan, partikular na sa
pagitan ng kaparian (clergy) at layko
(laity). Ang church ad extra naman ay tumutukoy sa panlabas na pakikiisa ng
simbahan sa iba pang aktor ng demokratisasyon tulad ng Civil Society Organizations (CSOs). Sa napakaraming bahagi ng aklat
ay ipinakita ni Moreno kung paanong ang dalawang ito ay nakakaapekto sa
paglakas o paghina ng kilos ng simbahan para sa demokrasya. Pinaka epektibong
aktor ng demokratisasyon ang simbahan tuwing may malinaw itong panloob at
panlabas na pagkakaisa.
Ikatlo, iginiit ng may-akda na ang
pinaka malaking ambag ng simbahan sa demokratisasyon ng Pilipinas ay ang
pagsusulong nito ng aktibong pagkamamamayan (engaged citizenship). Tampok na epekto ng mga pagkilos ng simbahan
ang mobilisasyon sa mga mamamayan upang aktibong makilahok sa mga isyung
panlipunan, ito man ay pagtulong sa proseso ng malinis na eleksyon, pagsusulong
ng pangangalaga sa kalikasan, pagpoprotesta laban sa korapsyon, pagpapanatili
ng kapayapaan, pagtatanggol sa karapatang pantao, at iba pa.
Binubuo ng walong kabanata ang
aklat. Nagsilbing panimulang pagbabalangkas ng mga pangunahing konsepto ng
aklat ang una at ikalawang kabanata. Matapos ang pagbaybay sa ibang naunang mga
literatura patungkol sa ugnayang simbahan-demokrasya, tinatalakay ni Moreno ang
Konseho ng Vatican II, na nagbigay ng teolohikal na batayan para sa panlipunang
pagkilos ng simbahan. Madiin ang tuon ng Vatican II sa katarungang panlipunan,
kapakanan ng mga mahihirap, at pagsasakapangyarihan sa mga layko. Nagbigay-daan
ang Vatican II sa pag-usbong sa Pilipinas ng Basic Christian Communities (BCC), na makakarakterisa ng mga
sumusunod: 1. Pamumuno ng mga layko, 2. Diin sa mga isyung panlipunan, 3. Tuon
sa mga rural sa halip na urban na mga lugar, at 4. Nakaugat sa mga komunidad. Kalaunan
ay lalo pang lumaganap ang impluwensya ng Vatican II sa Pilipinas sa
pamamagitan ng lokalisasyong isinagawa rito ng Second Plenary Council of the
Philippines (PCP II).
Nagsagawa naman ng rebyu ang
ikatlong kabanata sa papel na ginampanan ng simbahan sa paglaban sa diktadurya.
Inisa-isa niya ang mga mahahalagang organisasyon ng simbahan na nanguna rito
tulad ng Catholic Bishops’ Conference, Association of Major Religious of
Superiors Women in the Philippines, at National Secretariat for Social Action,
Justice and Peace. Binaybay din dito ang unti-unting pagbabago sa pakikitungo
ng simbahan sa rehimeng Marcos mula sa pagtanggap at pananahimik tungo sa
mabagsik na paghamon, lalo na sa pangunguna ni Jaime Cardinal Sin. Samu’t sari
ang isinagawa ng simbahan upang labanan si Marcos, mula sa paglalabas ng mga
pastoral na liham (ang makasaysayang pahayag ng CBCP noong Pebrero 1986),
pagprotekta sa karapatang pantao (sa pangunguna ng Task Force Detainees), at
pagbabantay sa proseso ng eleksyon (pagsuporta sa NAMFREL), hanggang sa
mobilisasyon ng mga mamamayan (sa pamamagitan ng Basic Christian Communities)
at tahasang pagsapi sa armadong pakikibaka ng CPP-NDP ng ilan sa simbahan
(tulad nina Zakarias Agatep at Edicio de la Torre).
Ang ikaapat hanggang ikaanim na
kabanata ay naglalaman ng pinaka paksa ng aklat. Sa ikaapat kabanata ay
siniyasat ni Moreno ang panlipunang aksyon ng simbahan sa pambansang antas,
samantalang dalawang lokal na simbahan sa Pilipinas ang pinagtuunan ng pansin
ni ikalima at ikaanim na kabanata. Sinasaklaw ang lahat ng ito ng panahon mula
sa panunungkulan ni Cory Aquino hanggang sa rehimeng Joseph Estrada. Sa tatlong
ito ipinakita ni Moreno ang operasyon ng kanyang tatlong tesis na nabanggit sa
itaas.
Nagsimula ang ikaapat na kabanata sa
paggigiit na dahil sa pangunahing papel na ginampanan ng simbahan sa panahon ng
Batas Militar, pumaimbulog ito bilang isa sa pinaka pinagkakatiwalaang
institusyon sa Pilipinas sa post-awtoritaryong yugto. Naging malawak ang
panlipunang pagkilos nito at magiliw na pakikipag-ugnayan sa CSOs tungo sa
demokratisasyon (liban lamang sa ilang isyu tulad ng usaping pangkalusugan at
sekswalidad na umani ng maraming batikos mula sa CSOs). Ilan lamang ang mga
sumusunod sa mga pambansang inisyatibang ginawa ng simbahan sa panahong ito: 1.
Pagkondena sa mga sundalong pinipilit agawin ang pamahalaan mula kay Aquino, 2.
Pagsuporta sa Konstitusyong 1987 at paglaban sa mga nagtangkang magsagawa ng Charter Change (tulad ni Ramos at
Estrada), 3. Pagsusulong ng kapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at mga armadong
grupo (tulad ng MNLF at CPP-NDF), 4. Pangunguna sa pangangalaga ng malinis na
eleksyon (sa pamamagitan ng PPCRV, VOTE-CARE, at NAMFREL), 5. Pagprotesta sa
mga di-makatarungang batas (tulad ng Visiting Forces Agreement at Death
Penalty), at 6. Pagpapatalsik sa mga tiwaling pulitiko gaya ni Estrada.
Diyosesis ng Malaybalay ang paksa
ng ikalimang kabanata. Para kay Moreno, ilan sa mga salik na nakatulong sa
maagang radikalisasyon ng Malaybalay ay ang Vatican II, malaganap na kahirapang
sosyo-ekonomiko sa lugar, tahasang militarisasyon nito, progresibong pamumuno
ni Obispo Francisco Claver, at pag-usbong ng Basic Christian Communities o BCC
(na kalaunan ay pinalitan ng pangalang Basic Ecclesial Communities o BEC, upang
maipag-iba ito sa BCC na kadalasang impluwensyado ng Kaliwa). Naging
pangunahing preokupasyon ng diyosesis ang adbokasiyang pangkapaligiran, na
naging daan upang ituring ang Bukidnon bilang pinaka unang lugar sa Pilipinas
kung saan idineklara ang pagbabawal sa pagtotroso. Liban dito, pinagtuunan din
ng pansin ng simbahan ang mga isyu ng karapatang pantao, kapakanan ng mga
lumad, karapatan sa lupa ng mga magsasaka, at edukasyon sa tamang pagboto.
Ang ikalawang lokal na simbahan na
pinagtuunan naman ng pansin ng ikaanim na kabanata ay ang diyosesis ng Bacolod.
Inisa-isa rin dito ni Moreno ang mga salik na maituturong dahilan ng pagiging
progresibo ng diyosesis tulad ng Vatican II, masahol na sosyo-ekonomikong
kalagayan, di-matatawarang pamumuno ni Obispo Antonio Fortich, pagpapaimbulog
ng BCCs, pagtulong ng Society of Columban, at impluwensya ng Kaliwa. Tulad ng
Malaybalay, samu’t sari rin ang naging panlipunang pagkilos ng Bacolod, mula sa
pagsusulong ng kapayapaan (inilatag ni Fortich ang kanyang panukala sa pagbubuo
ng mga peace zone na hindi pwedeng
pasukin kapwa ng military at NPA), at adbokasiya para sa karapatang pantao,
hanggang sa pagprotekta sa mga mahihirap. Ngunit taliwas sa sitwasyon ng
Malaybalay, mas naging problematiko ang church
ad intra at ad extra ng Bacolod,
dahil sa pagkakawatak-watak ng lokal na simbahan. Isa sa mga naging sanhi ng
pagkakawatak-watak nito ay ang pag-angat ng mas konserbatibong pinuno na si
Camilo Gregorio, bilang bagong Obispo kapalit ni Fortich. Nagdulot ito ng
dibisyon sa pagitan ng mga kaparian at layko na nanatiling progresibo, at mga
kaparian at laykong konserbatibo na mas binibigyang-diin ang ispirituwal na
pagpapayabong higit sa pagbabagong panlipunan. Ani ni Moreno, ang limitadong
panlipunang pagkilos ng Bacolod kumpara sa Malaybalay ay pagpapatunay lamang sa
kanyang tesis ukol sa church ad intra at
extra, na esensyal para sa pagiging
epektibo ng simbahan bilang ahente ng demokratisasyon (ipinakita niya rin ito
ng ilang ulit sa ikaapat na kabanata sa kaso ng pambansang simbahan).
Nagsilbi lamang bilang paglalagom
ng mga pangunahing punto sa mga naunang kabanata ang ikapitong kabanata.
Sinundan ito ng ikawalong kabanata na tumalakay nang maiksi sa panlipunang
pagkilos ng simbahan sa panahon ng panunungkulan ni Arroyo. Taliwas sa kaso ni
Ramos at Estrada, mas naging malumanay ang simbahan kay Arroyo, na epektibong
nakuha ang loob ng mga lider ng simbahan. Gayunpaman, tumututol parin ang
simbahan tuwing may mga polisiya si Arroyo na labag sa paninindigan nito tulad
ng pagpapataw ng parusang kamatayan sa mga kriminal, labis na pakikidigma laban
sa Kaliwa (bilang pagsunod sa digma laban sa terorismo ni Bush), at tangkang
pag-aamyenda ng Konstitusyon. Sa panahong ito ay mapapansin din umano ang medyo
humihinang partisipasyon ng simbahan sa mga panlipunang isyu na makikita sa
malamyang pagkilos ng simbahan sa eleksyong 2004. Ang mga eskandalong sekswal
noong 2003 ay nakabawas din sa lakas ng simbahan para sa demokratisasyon.
No comments:
Post a Comment