Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #28 -- Rock Solid: How the Philippines Won Its Maritime Case Against China ni Marites Danguilan Vitug

Vitug, Marites Danguilan. Rock Solid: How the Philippines Won Its Maritime Case Against China. Quezon City: Bughaw, 2018. 

                                                                                                                               

Sa unang pagkakataon sa buong kasaysayang diplomatiko ng Pilipinas ay nagkaroon ito ng lakas ng loob na ihabla sa internasyunal na korte ang isang makapangyarihang bansa na mas malaki ng 32 beses kaysa sa Pilipinas. Ang makasaysayang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration (PCA) laban sa Tsina noong Hulyo 12, 2016 para sa karapatan nito sa Kanlurang Dagat ng Pilipinas (KDP) ay komprehensibo at malikhaing isinalaysay ng batikang mamamahayag na si Marites Vitug sa kanyang monumental na akdang Rock Solid: How the Philippines Won Its Maritime Case Against China, na inilimbag noong 2018. Matagumpay na naibaba ni Vitug sa popular na wika ang napakateknikal at masalimuot na mga isyung pumapalibot sa tunggaliang teritoryal sa KDP. Animo’y nagbabasa ng isang nobela ang mga mambabasa ng akda ni Vitug, na nakararamdam ng pagkamangha, pagkatuwa, at pagkagalit (mga emosyong hindi likas na mararamdaman sa pagbabasa ng mga esoterikong paksa) habang isinasalaysay ng may-akda ang napakahabang prosesong pinagdaanan ng Pilipinas sa internasyunal na hablahang umabot ng humigit kumulang tatlong taon.

 

Naka-organisa ang dalawampu’t dalawang kabanata ng aklat sa ilalim ng apat na bahagi. Ang unang bahagi ay naglalaman ng historikal na pagtalakay sa sitwasyon sa KDP mula sa panahon ng panunungkulan ni Ferdinand Marcos hanggang sa paghahanda para sa hablahan noong 2013. Liban sa salaysay ukol sa kung paano inokupa ng Pilipinas sa daloy ng kasaysayan ang ilang isla sa KDP tulad ng Pag-asa, Parola at Ayungin, ipininta rin nito ang tumitinding hidwaan sa pagitan ng Pilipinas at Tsina sa iba pang lugar sa KDP, na kalaunan ay nakuha ng Tsina tulad ng Panganiban/Mischief Reef (1995) at Panatag/Scarborough Shoal (2012). Matingkad sa naratibo ang tuloy-tuloy na pang-aapi ng Tsina sa mga mangingisdang Pilipino na pinagbabawalang tumungo sa mga tradisyunal nitong mga pangisdaan, gayundin sa navy at coastguard ng bansa na makailang ulit nanganib ang buhay dahil sa agresyon ng Tsina.

 

Ang ikalawang bahagi ay nakatuon sa tatlong pangunahing salik na may kaugnayan sa hidwaan ng dalawa at sa kalaunang hablahan sa internasyunal na korte. Nangunguna rito ang Estados Unidos. Itinuturing ng marami ang Mutual Defense Treaty (MDT) ng Pilipinas sa Estados Unidos na instrumental upang mapigilan ang pagiging agresibo ng Tsina sa KDP. Gayunman, hindi naisakatuparan ang layuning pagpigil na ito dahil sa pagiging malamya ng Estados Unidos sa pagtupad sa MDT (na malamang ay dulot ng pagsasaalang-alang nito sa diplomatikong ugnayan sa Tsina). Ikalawa ay ang ASEAN. Matagal na nagsilbing lunsaran ang ASEAN ng pag-uusap ng Pilipinas at Tsina (gayundin ng iba pang may kleym sa KDP tulad ng Malaysia at Vietnam), at naging gabay ang dokumento nitong Declaration of Conduct (DOC) sa pagpapanatili ng kapayapaan sa rehiyon. Gayunpaman, hindi rin naging matagumpay na instrumento ang ASEAN sa paggigiit ng karapatan ng Pilipinas sa KDP dahil sa impluwensya ng Tsina sa ilang bansang miyembro nito na nakasandal sa ekonomiya ng higanteng bansa. Ikatlo ay ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS). Matapos ang maikling salaysay ukol sa pinagmulan at kasaysayan ng UNCLOS, ibinahagi ni Vitug ang halaga nito para sa paggigiit ng karapatan ng Pilipinas sa KDP. 

 

Nakalaan naman ang ikatlong bahagi sa mahahalagang papel na ginampanan ng ilang pangunahing aktor na nanguna sa makasaysayang hablahan. Una na rito si Justice Antonio Carpio ng Korte Suprema, na kauna-unahang nagpanukala na ihabla ng Pilipinas sa internasyunal na korte ang Tsina. Para kay Carpio, wala nang patutunguhan ang bilateral na pag-uusap ng Pilipinas at Tsina, gayundin ang multilateral na diplomasya sa ASEAN, dahil patuloy lamang na ginagamit ng Tsina ang militar at ekonomikong lakas nito upang unti-unting okupahan ang mga isla sa KDP. Matagal na naging mag-isa si Carpio sa kanyang adbokasiya, dahil karamihan sa mga diplomat at mga iskolar sa ugnayang panlabas ay naniniwala na hindi magiging matagumpay ang paghahabla sa Tsina. Ngunit nagbago ito nang makaugnay ni Carpio ang ikalawang aktor na tinalakay ni Vitug: si Albert del Rosario. Bilang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA), si del Rosario ang opisyal na nagsulong ng pananaw ni Carpio sa ehekutibong sangay ng pamahalaan. Siya ang humikayat kay Pangulong Benigno Aquino III – na ikatlong aktor na tinalakay ni Vitug – na ikonsidera ang paghahabla sa internasyunal na korte bilang solusyon sa suliraning teritoryal. Ang kontrobersyal na stand-off sa pagitan ng dalawang bansa sa Scarborough Shoal at ang kalaunang pag-okupa dito ng Tsina noong 2012 ang isa sa mga pangunahing nagtulak kay Aquino upang tuluyan nang ihabla ang Tsina sa internasyunal na korte. Ikaapat na aktor sa kabanata si Paul Reichler ng Foley Hoag, isa sa mga abogadong kinuha ng Pilipinas upang katawanin ang bansa sa harap ng limang hukom sa Permanent Court of Arbitration (PCA). Dalubhasa sa UNCLOS, kilala si Reichler sa kanyang paninindigan na ipaglaban ang mga maliliit at mahihinang bansa laban sa mga mas malalaki at makakapangyarihang mga bansa. Bago niya katawanin ang Pilipinas, naipanalo na niya sa internasyunal na korte ang mga bansa tulad ng Nicaragua (laban sa Estados Unidos), Mauritius (laban sa UK), at Bangladesh (laban sa India). Nang tanungin siya kung nangangamba ba siyang magalit ang Tsina at kung nanghihinayang ba siya sa maaaring ibayad nito sa kanila kung ito ang kanilang piniling kliyente, nagpahayag si Reichler na pinili niyang maging internasyunal na abogado para isulong ang katarungan at pagkakapantay-pantay (p. 168).

 

Sa ikaapat na bahagi matatagpuan ang salaysay ukol sa proseso ng aktuwal na hablahan sa PCA, kalakip ng mga pangunahing argumentong nakapaloob sa kaso. Nagsimula ang PCA sa pagdinig sa isyu kung may karapatan ba itong magdesisyon sa teritoryal na tunggalian sa pagitan ng dalawang bansa. Ibinasura nito ang argumento ng Tsina na lumabag ang Pilipinas sa kasunduang panatilihin sa bilateral na lebel ang pag-uusap alinsunod sa DOC ng ASEAN, dahil ayon sa PCA ay hindi ito isang binding legal document. Nagpasya rin ang korte na maaari pa ring ipagpatuloy ang hablahan kahit pa tumanggi ang Tsina na sumali rito. Ani ng mga abogado, ang pagpirma nito noong isinasabatas ang UNCLOS ay direkta nang pagpayag na pumailalim sa korte kapag may isang partidong nagsumite ng kaso laban dito. Isa pa, yamang pag-interpreta sa UNCLOS para sa resolusyon ng hidwaan sa KDP ang paksa ng paglilitis, ang korte ng PCA ang may karapatan na dinggin ito.

 

Matapos mapatunayan na may hurisdiksyon ang PCA sa kaso, tumungo na ito sa aktuwal na pagdinig sa kasong inihabla ng Pilipinas. Nangunguna na rito ang paggigiit ng pagiging ilegal ng 9 dash line ng Tsina. Inilahad ng mga abogado ng Pilipinas ang kawalan ng mga dokumentong makapagpapatunay na may historikal na karapatan ang Tsina sa KDP. Ginamit nila ang mga mapa mula pa sa ikalabingdalawang siglo hanggang sa modernong panahon upang ipakita na sa lahat ng mga opisyal na mapa ng Tsina ay laging isla ng Hainan ang pinakatimog na teritoryo nito. Isang argumento rin laban sa 9 dash line ang paggigiit na taliwas ito sa probisyon ng UNCLOS ukol sa exclusive economic zone (EEZ) ng mga arkipelagong bansa. Ani ng mga abogado, hindi kinikilala ng UNCLOS ang historikal na kleym ng mga bansa sa mga karagatan, dahil maaari itong magamit ng mga makapangyarihang bansa upang agawan ng teritoryo ang mga mas mahihinang arkipelagong bansa.

 

Liban sa 9 dash line, naging preokupasyon din ng korte ang pagpapasya kung ang mga teritoryo ba sa KDP ay islands, rocks, o low tide elevations (LTEs). Ang islands ay may karapatan sa 200 milyang EEZ, samantalang rocks at LTEs ay mayroon lamang 12 milyang territorial sea. Mahalagang malaman ito sapagkat kung rocks o LTEs lamang ang mga teritoryo ng KDP mangangahulugan itong pasok itong lahat sa EEZ ng Pilipinas at hindi ito magiging taliwas sa EEZ ng ibang bansa. Ngunit kung mayroong island sa mga ito na inookupa ng Tsina, maaari itong magkaroon ng EEZ na magiging overlapped sa EEZ ng Pilipinas (na magdudulot sa patuloy na pagtatalo sa hangganan ng teritoryo ng Pilipinas at Tsina). Sa huli, napagdesisyunan ng mga hukom na lahat ng nasa KDP ay puro rocks at LTEs, kahit pa ang Itu Aba na pinakamalaking teritoryo rito at inookupahan ng Taiwan. Bilang karagdagan sa isyu ng 9 dash line at kategoryang islands, rocks o LTEs ng mga teritoryo sa KDP, pumanig din ang korte sa akusasyon ng Pilipinas na lumabag ang Tsina sa pananagutang pangkapaligiran nito sa KDP, dahil sa paggamit ng mga ilegal na instrumento sa pagkuha sa mga likas na yaman nito (tulad ng paggamit ng dinamita sa pangingisda at malakawang pagsira sa mga koral sa paghukay at pagtatayo ng mga artipisyal na isla).      

 

Ang aklat – na maituturing bilang pinaka komprehensibong pagsasadokumento ng makasaysayang hablahan sa KDP – ay tila baga modernong “epiko” na naglalaman ng kwentong kailangang patuloy na isalaysay at ipasa sa susunod na mga salinlahi, upang mas maibaon sa kamalayan ng Kapilipinuhan ang ating karapatan sa KDP. Higit na kinakailangan ang pagpapakalat ng “epiko” na ito lalo sa panahon kung kailan handang isuko ng kasalukuyang administrasyon ang makasaysayang pagkapanalo ng bayan sa altar ng naghahari-hariang bansa sa Pasipiko.   

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...