Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #29 -- Sikolohiyang Panlipunan-at-Kalinangan ni Zeus Salazar

Salazar, Zeus A. pat. Sikolohiyang Panlipunan-at-Kalinangan:  Panimulang Pagbabalangkas ng Isang Larangan. Quezon City: Palimbagan ng Lahi, 2004.

                                                                                                                               

Matapos ang pagreretiro sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman noong 2000, tinanggap ng historyador-antropologong si Zeus Salazar ang paanyaya ng Departamento ng Sikolohiya, Pamantasang De La Salle na maging panauhing propesor sa mga gradwadong kursong Kasaysayan ng Sikolohiya, at Sikolohiyang Panlipunan at Kalinangan. Ang paghawak nitong huling kurso ang nagbunsod sa pagkakasilang ng aklat na Sikolohiyang Panlipunan-at-Kalinangan: Panimulang Pagbabalabngkas ng Isang Larangan. Bilang proyekto ng mga gradwadong mag-aaral ni Salazar sa Sikolohiyang Panlipunan-at-Kalinangan (SLK), mauulinigan ang boses ni Salazar sa kabuuan aklat, na patunay sa matagumpay na paggabay at transmisyon ng kaalaman ng guro patungo sa kanyang mga mag-aaral.

 

Bagaman may kaugnayan sa Sikolohiyang Pilipino (SP), isang naiibang bagong larangan ang SLK na nais ipakilala at simulang dalumatin ng aklat. Gaya ng binanggit ni Salazar sa panimula ng aklat, nais nitong igpawan ang tendensya ng SP na maging reaktibo at pagmamadaling ipakilala ang sariling kalinangan sa labas, na mahihinuha sa paggamit ng banyagang wika (p.xvii). Pantayong Pananaw ang pangunahing perspektibong taglay ng SLK. Nangingibabaw na layunin nito ang pagkamit ng mas malalim na pag-unawa sa sariling lipunan-at-kalinangan tungo sa higit pang pagbubuo ng Kapilipinuhan. Bagaman maaari ring maging paksa ng pananaliksik ng SLK ang ibang lipunan-at-kalinangan, layunin muna nitong patatagin ang pag-unawa sa sarili. Ito’y sapagkat ang kawalan ng matatag na pagkaunawa sa sarili ay maaaring magdulot ng pagkakatangay ng Kapilipinuhan sa banyagang lipunan-at-kalinangan, bagay na naranasan ng mga elit na nasa itaas ng dambuhalang pagkakahating pangkalinangan. Kapag metatag na ang sarili ay mas madali nang unawain ang mga nasa labas. Ngunit maging ang pag-aaral ukol sa labas ay marapat paring humantong sa kapakinabangan ng loob (p.277-278).

 

Bilang isang sub-larangan ng mas malawak na disiplina ng sikolohiya, ang SLK ay humahango ng mga positibong aspekto mula sa mga naunang mga sub-larangan ng sikolohiya. Binaybay ng Unang Kabanata ni Ma. Myrna Fernando ang kasaysayan ng sikolohiya bilang disiplina upang madetermina ang iba’t ibang mga batis na pinaghanguan ng SLK. Pangunahin na rito ang Volkerpsychologie ni Wilhelm Wundt sa Alemanya noong huling bahagi ng ikalabingsiyam na dantaon. Nakatuon ito sa kolektibong sikolohiya ng mga bayan sa pamamagitan ng pag-aaral sa samu’t saring materyal gaya ng mga epiko, kwentong bayan, mito, at iba pa. Ngunit matagal na natabunan ang pagpapahalaga ng Volkerpsychologie sa lipunan-at-kalinangan bilang aspekto ng sikolohiya dahil sa isa pang uri ng sikolohiyang umusbong din kasabay nito. Ito ay ang sikolohiyang eksperimental na may tuon sa dimensyong pisikal at pang-indibiduwal, at kadalasang gumagamit ng metodong kantitatibo sa mga laboratoryo. Ipinagpapalagay nito ang sariling produksyon ng kaalaman bilang unibersal. Muling lamang bumalik ang atensyon ng mga sikolohista sa halaga ng lipunan-at-kalinangan sa sikolohiya nang umusbong ang iba pang sub-larangan ng sikolohiya noong ikadalawampung dantaon tulad ng Sikolohiyang Kros-Kultural, Sikolohiyang Kultural, Sikolohiyang Panlipunan, Sikolohiyang Etniko, Sikolohiyang Indiheno, at Sikolohiyang Pilipino. Taliwas sa ipinagpapalagay na unibersalidad ng eksperimental/positibista/pisikal/indibiduwal/ kantitatibong sikolohiya, ang mga larangang nabanggit ay nakatuon sa partikularidad ng bawat lipunan-at-kalinangang pinag-aaralan, na kalitatibo ang kadalasang paraan ng pananaliksik. Ang diin ng lahat ng sub-larangang ito sa lipunan-at-kalinangan ay hinalaw para sa pagbubuo ng SLK bilang isang bagong larangan (p.48). Ngunit hindi isinasantabi ng SLK ang dimensyong pisikal/indibiduwal. Sa katunayan, isang misyon nito ang pagtagpuin ang indibiduwal/pisikal at panlipunan/pangkalinangan para sa isang mas holistikong sikolohiya.

 

Yamang kalitatibo/partikular/panlipunan/pangkalinangang aspekto ng sikolohiya ang nais pag-aralan ng SLK, hindi nito magagamit ang tradisyunal na metodo ng “unibersal” na sikolohiyang nakakulong sa laboratoryo. Ang siyentipikong pag-aaral ng mga penomenong sikolohikal sa laboratoryo ay nakahiwalay sa anumang uri ng konteksto o aktuwal na pamumuhay ng mga tao. Samakatuwid, ang “laboratoryo” ng SLK ay ang larangan mismo ng partikular na lipunan-at-kalinangang pinag-aaralan (p.109-110). Para sa SLK, ang ideyal na metodo para pag-aralan ang “laboratoryo” na ito ng larangan ay ang etnograpiya, na siyang paksa ng Ikalawang Kabanata na isinulat ni Iñigo Mortel. Iginiit sa kabanata na marapat hiramin ng sikolohiya ang etnograpiya mula sa antropolohiya upang pag-aralan ang mga prosesong sikolohikal ng isang lipunan-at-kalinangan. Nagsilbing introduksyon sa etnograpiya ang kabanata, na naglatag ng ilang mga hakbang na marapat isagawa sa pag-eetnograpiya: mula sa paghahanda at pagpasok sa larangan hanggang sa pagtipon ng datos mula sa mga impormante/kalahok, pagsusuri, at paglabas sa larangan. Inisa-isa rito ang ilang mga pamamaraang nakapaloob sa etnograpiya tulad ng nakikiugaling pagmamasid, pagtatanung-tanong, pakikipagkwentuhan, pakikipanayam, at iba pa. Isinaalang-alang din ang etikal na aspekto ng etnograpiya, kung saan dapat na laging protektahan ang kapakanan ng mga kalahok. Ani pa ni Mortel, kung taliwas ang pag-aaral sa kapakanan ng mga kalahok ng lipunan-at-kalinangan, walang saysay ang pananaliksik na isinasagawa at dapat na itong itigil na lamang (p.135).

 

Mga negatibong halimbawa ng pag-eetnograpiya naman ang nilalaman ng Ikatlong Kabanata ni Kathryn Lacanlale at Nonalyn Vista. Tinalakay dito ang ilang halimbawa ng mga maling pag-eetnograpiya upang malaman ng mga mambabasa ang mga dapat iwasan kapag aktuwal nang nagsagawa ng pat-eetnograpiya ang mga ito. Ilan sa mga ito ay ang mga pag-aaral ukol sa Tasaday, pananaliksik ni Diane Murray ukol sa parasikolohiya ng mga Isnag at mga taga-Sampalok, pagsisiyasat ni Margaret LeCompte sa mga paaralan ng Pinnacle, at pagtuon ni William Jones sa mga mangangayaw na Ilongot. Ilang mga negatibong kasanayang etnograpikal ang mahihinuha mula sa tinalakay nina Lacanlale at Vista: 1. Kawalan ng kahandaan bago pumasok sa larangan, 2. Paggamit ng mga kamera at presensya ng maraming tao na maaaring makahadlang sa mga kalahok na kumilos nang likas, 3. Hindi pakikiugali at pagsali sa aktuwal na pamumuhay ng mga kalahok, 4. Paggamit ng mga banyagang panukat ng pagkatao, 5. Hindi pag-aaral ng wika ng larangan, at 6. Mababang pagtingin sa mga kalahok.

 

Taliwas sa Ikatlong Kabanata, ukol naman sa mga mainam na halimbawang pag-eetnograpiya ang paksa ng Ikaapat na Kabanata ni Raymond Charles Anicete at Michael Gumapos. Ilan sa mga ehemplong akdang etnograpikal na para sa mga may-akda ay marapat na tularan ay ang mga sumusunod: 1. Pag-aaral ni Albert Alejo ukol sa pamayanan sa Bundok Apo kaugnay ng pagtatayo ng plantang pang-eherhiya, 2. Aklat ni Alicia Magos ukol sa mga maaram (manggagamot) sa Antique, 3. Akda ni Roy Barton ukol sa kalinangang Ifugao, at 4. Pananaliksik ni Abraham Sakili ukol sa konsepto ng espasyo ng mga Muslim sa Pilipinas na makikita sa kanilang uri ng sining. Inihalimbawa rin dito ang dalawang tesis masterado na ipinagpapalagay nilang direktang nakapaloob sa diwa ng SLK: 1. Pag-aaral sa kasiyahan ng mga kabataang Pilipino ni Carmelo Napoleon Martinez, at 2. Paksa ukol sa tunggalian at rekonsilasyon sa ilang Basic Ecclesial Community ni Christine Tirol Zarate. Binigyang-diin sa lahat ng mga pananaliksik na ito ang kahalagahan ng pagsisikap upang ganap na makapasok sa kalooban ng larangan, pag-aaral sa wika ng lipunan, pagsulat sa wikang Filipino, at pagpapahalaga sa kapakanan ng mga kalahok.

 

Tulad ng nabanggit na, litaw na litaw sa kabuuan ng akda ang diwa ng kapantasan ni Salazar. Ang etnograpikal na lapit ng SLK ay sumasalamin sa personal na pagpapahalaga ni Salazar sa pag-aaral ng wika-at-kalinangan, bilang isang akademikong may pormal na kasanayan sa etnolohiya sa Pransya. Bagaman minsang pinaratangan ni Floro Quibuyen bilang “armchair field researcher” at “library ethnologist”, ang kanyang akdang Liktao at Epiko: Ang Takip ng Tapayang Libingan ng Libmanan, Camarines Sur (2004), halimbawa, ay testimonya sa sariling pagsasagawa ng etnograpiya. Ang pagbuo ng SLK, sa pagnanasang lalo pang mapalago ang SP, ay maituturing na nakaugat sa karanasan ni Salazar bilang isa sa mga pangunahing tagapagsulong ng SP nang nagsisimula pa lamang ito noong Dekada Sitenta. Ang diin naman ng aklat sa ganap na pagpasok sa larangan, pagsasaloob ng diwa ng lipunan-at-kalinangan, panloob na pananaw, at epekto ng pananaliksik sa kapakanan ng mga tagaloob ay nakalinya lahat sa diwa ng Pantayong Pananaw, ang eskwela ng kaisipang kinatha ni Salazar. Sa kahuli-hulihan, lahat ng ito ay nagbubukal sa iisang bisyon ni Salazar na pinaghandugan niya ng buong buhay na akademikong pagpapagal: ang paglikha ng isang nagsasariling kapantasang Pilipino, na ang puno’t dulo ay ang pagbubuo ng Kapilipinuhan, tungo sa ganap na kaginhawaan nito.  

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...