Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #30 -- Reading Horacio de la Costa, SJ: Views from the 21st Century ni Soledad Reyes

Soledad, Reyes S. pat. Reading Horacio de la Costa, SJ: Views from the 21st Century. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2017.

                                                                                                                               

Paano ba natin sapat na mapararangalan ang itinuturing nating natatanging mga tao na nag-iwan ng mga dakilang pamana sa atin bilang isang bayan? Maraming paraan ng pagpaparangal, nariyan ang pagtatayo ng mga monumento, pagdaraos ng mga komemoratibong programa, paglalagay ng pangalan ng pinaparangalan sa mga gusali, kalsada, at mga bulwagan, at marami pang iba. Ngunit isa sa pinaka makabuluhang anyo ng pagpaparangal ay ang isang uri ng pag-alala kung saan pinipilit natin na magkaroon ng saysay sa ating kasalukuyan ang mga alaalang iniwan ng mga taong pinaparangalan.

 

Ganito ang uri ng pagpaparangal na naisip ng isang pangkat ng mga Atenistang pantas, sa pangunguna ni Soledad Reyes, upang alalahanin ang maituturing na isa sa mga pinaka tanyag na historyador na iniluwal ng Pamantasang Ateneo de Manila. Si Padre Horacio de la Costa ay pinakakilala bilang kauna-unahang Provincial Superior ng mga Heswita sa Pilipinas. Sa larangan ng kasaysayan, ang nagbigay ng dambuhalang pangalan sa kanya ay ang monumental niyang na aklat na Jesuits in the Philippines, 1581-1768. Matagal din siyang naging propesor sa Ateneo at nagsilbi pa bilang tagapangulo ng Departamento ng Kasaysayan, liban sa pagiging dekano ng Kolehiyo ng Agham at Sining ng unibersidad.

 

Sa okasyon ng sentenaryo ng kanyang kapanganakan noong 2016, nagdesisyon sina Reyes na maglunsad ng isang serye ng mga lektura upang alalahanin ang mga intelektuwal na pamana ni de la Costa. Karamihan sa mga inimbitahang mga tagapagsalita ay mga Atenista na nagkaroon ng personal na ugnayan kay de la Costa. Sinuri nila ang samu’t saring mga akda ni dela Costa mula sa lente ng iba’t ibang disiplina tulad ng kasaysayan, lingguwistika, kultural na antropolohiya, araling postkolonyal, panitikan, at araling Timog Silangang Asya. Sa kabila ng pagkakaiba-ibang ito, pinagbibigkis ng iisang tanong ang lahat ng naging panayam: paano natin bibigyang saysay ang nakalipas na buhay at mga sinulat ni Padre Horacio de la Costa sa harap ng mga isyu at suliranin sa akademya at lipunang Pilipino sa kasalukuyan? Sa ganang ito ay tinangka ng mga tagapagsalita na muling buhayin ang diwa ni de la Costa at pagsalitain ito para sa kapakinabangan nating mga Pilipino sa kasalukuyan. Lahat ng panayam ng labing-isang tagapagsalita ay tinipon ni Reyes, at ang koleksyong ito ang bumubuo sa aklat na Reading Horacio de la Costa, SJ: Views from the 21st Century.  

 

Liban sa interdisiplinaryong muling-pagbasa kay de la Costa, naglalaman ang aklat ng ilang mga kabanata na personal na nagkukuwento ng alaala ng mga may-akda ukol kay de la Costa, na puno ng makukulay na anekdota. Pangunahin na sa mga ito ang biograpikal na sanaysay ni Padre Catalino Arevalo, dating mag-aaral at kalauna’y kaibigang Heswita ni de la Costa. Isinalaysay ni Arevalo ang nalalaman niya ukol kay de la Costa sa magkakaibang yugto ng buhay nito tulad ng pag-aaral sa Ateneo, pagkapiit sa bilangguan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pagdodoktorado sa Estados Unidos, panunungkulan bilang Provincial Superior ng mga Heswita sa Pilipinas, at paglilingkod bilang opisyal sa Roma. Sinundan ito ng artikulo ni Paulynn Paredes Sicam, kung saan isinalaysay ang buhay-mag-aaral ng tatlong nagtapos bilang summa cum laude sa Ateneo noong 1935: si de la Costa, Jesus Paredes, at Leon Ma. Guerrero. Itinanghal dito ang kahusayan ng tatlong magkakaibigan sa iba’t ibang aspekto ng kanilang pag-aaral sa Ateneo, ito man ay sa larangan ng pilosopiya, retorika, panitikan, kasaysayan at iba pa. May maiksi ring talakayan ukol sa magkakaibang naging direksyon ng kanilang propesyon kung saan pare-pareho silang naging matagumpay bilang mga dinarangal na alumni ng Ateneo. Nasa porma rin ng personal na pagsasalaysay ang mga sanaysay nina Edilberto de Jesus at Benito Legarda Jr. Sa kaso ni de Jesus, inalala niya ang mga naging impluwensya sa takbo ng kanyang propesyon ni de la Costa bilang kanyang dating propesor na humulma sa kanyang murang isipan, bilang tapangulo ng Departamento ng Kasaysayan na nagdala sa kanya sa disiplina ng kasaysayan, at bilang manunulat na nakaapekto sa takbo ng kanyang post-gradwadong pag-aaral sa disiplina ng Araling Timog Silangang Asya sa Estados Unidos. Tulad ni de Jesus, ibinahagi rin ni Legarda ang mangilan-ngilang pagkakataon na nakadaupang palad niya si de la Costa. Aniya, ang inisyatibo ni de la Costa na ipalathala ang isang kabanata ng kanyang disertasyon ang isa sa mga nagbigay daan sa maagang pagkilala kay Legarda sa akademya.

 

Apat na kabanata lamang sa kabuuang labing-isang kabanata ng aklat ang binubuo ng mga personal na pagkukuwento. Ang natitirang pitong sanaysay ay pagsisiyasat na sa iba’t ibang aspekto ng buhay at kapantasan ni de la Costa sa lente ng iba’t ibang disiplina. Mula sa larangan ng kasaysayan ang naging pagsisiyasat ng mga sanaysay nina Padre Rene Javellana at Reynaldo Ileto. Naglatag si Javellana sa kanyang kabanata ng pagsusuri sa isang maagang akda ni de la Costa, ang Light Cavalry, na isinulat niya noong 1941. Ukol ito sa kasaysayan ng mga Heswita sa Pilipinas mula 1859 hanggang 1941. Nagsimula siya sa pamamagitan ng pagkukumpara nito sa Jesuits in the Philippines, 1581-1768. Aniya, kumpara sa mas siryosong akdang pangkasaysayan na Jesuits in the Philippines, na isinulat ng isang de la Costa na may doktorado na sa kasaysayan, ang Light Cavalry (na isinulat niya sa edad ng 25) ay mas pampanitikan kaysa pangkasaysayan, isang akdang mas nasa direksyon ng propaganda kaysa akademiko. Ang layunin nito ay hindi kumatha ng siryosong akdang pangkasaysayan, kundi magbigay ng inspirasyon sa mga nakababatang naghahangad na maging Heswita, na tularan ang halimbawa ng mga naunang Espanyol at Amerikanong mga Heswita sa bansa. Bilang eksperto sa pananaliksik sa arkibo, binagtas ni Javellana ang mga batis na ginamit ng batang de la Costa sa pagsulat ng Light Cavalry tulad ng akda nina Chirino, Blair at Robertson, Najeeb Saleeby, Repetti, at marami pang iba. Ipinaliwanag niya rin ang mga pangunahing tema na dumadaloy sa aklat tulad ng tendensya ni de la Costa na hatiin sa dalawang pangkat ang mga karakter sa buong aklat: ang mga Heswitang tagapagtanggol ng pananampalataya sa isang banda, at ang mga kalaban na binubuo ng mga Protestante, Mason, at Muslim sa kabilang banda. Implisito rin sa Light Cavalry ang presuposisyon ni de la Costa na ang lunas sa suliranin ng relihiyon at bansa sa kanyang panahon ay ang pagpapalaganap ng edukasyong Katoliko at paghulma sa naliwanagang gitnang uri na mamumuno sa bayan.    

 

Ibang paksang pangkasaysayan naman ang naging tuon ni Ileto sa kanyang sanaysay. Nagsagawa siya ng pagkukumpara sa magkakontemporaryong historyador na sina de la Costa at Teodoro Agoncillo, partikular na ukol sa kanilang pananaw sa di-tapos na himagsikan. Sa kabila ng pagiging magkapanahon at magkababayan mula sa Katimugang Luzon, pinansin ni Ileto na marami silang pagkakaiba. Si Agoncillo ng UP ay nasa kaliwang panig ng Cold War, may simpatya sa mga komunista, kritikal sa kolonyalismong Espanyol, naniniwalang 1872 lamang nagsimula ang tunay na kasaysayang Pilipino, at inilalagay si Bonifacio sa sentro ng kasaysayan. Taliwas dito, si de la Costa ng Ateneo ay nasa kanang panig ng Cold War, kritikal sa mga komunista, pinapahalagahan ang mga pamana ng kolonyalismong Espanyol (lalo na ang Kristiyanismo), naniniwalang mahalaga ang pag-aaral ng yugto ng kolonyalismong Espanyol sa kasaysayang Pilipino, at tinitingala si Rizal bilang mas mainam na simbulo ng nasyonalismo. Ngunit ani ni Ileto, kaalinsabay ng pagtindi ng aktibismo noong Dekada Sitenta, mas naging malambot na ang kritisismo ni de la Costa sa mga komunista at mas naging bukas na sa liberation theology. Sa panahong ito ay unti-unti nang mas lumapit ang pananaw ni de la Costa sa pananaw ni Agoncillo. Naniniwala na rin siya na hindi pa tapos ang Himagsikang 1896, at patuloy itong dapat ipaglaban sa kasalukuyan upang mapalaya ang mga maralitang mga kababayan.

 

Parehong ukol sa identidad ng mga Pilipino ang naging paksa nina Padre Jose Mario Francisco at Fernando Zialcita. Sa araling postkolonyal humugot ng pagsusuri ang una, samantalang ang ikalawa naman ay nagmula sa disiplina ng kultural na antropolohiya. Matapos ipaliwanag ang konsepto ng hybridity sa konteksto ng araling postkolonyal, sinuri niya ang ilang piling akda ni de la Costa at ipinakita ang pananaw nito sa kakanyahang Pilipino bilang hybrid. Para kay de la Costa, kailangang tanggapin na ang kakanyahang Pilipino, liban sa pagiging Malayo ng batayang istruktura nito, ay binubuo ng samu’t saring impluwensyang banyaga tulad ng Intsik, Espanyol, at Amerikano. Sa halip na hanapin ang orihinal na katutubong kalinangan ng mga Pilipino, naniniwala si de la Costa na kailangang magsagawa ng integrasyon sa pagitan ng katutubong kalinangan at mga banyagang impluwensya upang mabuo ang kakanyahang Pilipino. Para sa kanya, hindi pa buo ang kakanyahang Pilipino sa kasalukuyan, at liban sa nabanggit na integrasyon, dapat na isama sa proyekto ng pagbuo ng identidad ang elemento ng pag-unlad tungo sa tunay na pagpapalaya ng ating bayan mula sa pang-aapi.

 

Sinusugan ng pag-aaral ni Zialcita ang sanaysay na ito ni Francisco. Itinanghal din niya ang pananaw ni de la Costa ukol sa pagiging hybrid ng kakanyahang Pilipino. Ngunit nagsagawa ng ilang komentaryo at kritika si Zialcita sa pormulasyon ni de la Costa. Aniya, mali ang pagturing ni de la Costa sa kalinangang Malayo bilang ugat ng kakanyahang Pilipino. Bagaman naniniwala rin si Zialcita na binubuo ng maraming banyagang impluwensya ang kakanyahang Pilipino, iginiit niya na ang totoong batayan nito ay hindi kalinangang Malayo kundi kalinangang Austronesyano. Isa pang puna niya ay ang paggamit ng terminong hybrid ni de la Costa, na para sa kanya ay may negatibong konotasyon (tulad ng pagiging hindi kumpleto at kung gayo’y imperyor). Pinagmuni-munihan niya ang mas positibong paggamit ng mga pantas na Latino Amerikano sa terminong mestizo sa halip na hybrid, at nagsabing baka tulad nila ay maaari rin tayong maghanap ng ibang terminong pamalit sa hybrid (bagaman nilinaw niyang halimbawa lamang ang mestizo ng mga Latino Amerikano at hindi niya ito ineendorso). Ipinaliwanag din niyang hindi lang ang mga Espanyol at Amerikano ang may malaking impluwensya sa atin. Dapat din umanong kilalanin ang impluwensya ng Mexico, na hindi unidireksyunal dahil malaki rin ang impluwensya nating mga Pilipino sa kalinangang Mexicano. Sa katapus-tapusan ay idiniin niya sa pag-aaral ng kakanyahang Pilipino ay hindi lamang dalawa ang pagpipilian na paninindigan: 1. maging nasyonalista sa pamamagitan ng di-pagtanggap sa mga kolonyal na impluwensya, o 2. maging kontra-nasyonalista sa pamamagitan ng pagyakap sa mga banyagang impluwensya. Aniya, may ikatlong pagpipilian, at ito ay ang pagiging nasyonalista habang tinatanggap ang mga banyagang impluwensya, na ayon kay Zialcita ay ang orihinal na paninindigang mayroon sina Rizal noong ikalabingsiyam na dantaon: kritikal sila sa paniniil ng kolonyalismong Espanyol ngunit niyayakap nila ang pangkalinangang ambag nito sa mga Pilipino.

 

Ang mga kabanata nina Vicente Rafael at John Labella ay kapwa nagmumula sa lente ng wika at panitikan. Sinuri ni Rafael ang kamalayan ng batang de la Costa sa pamamagitan ng pag-aaral sa Light Cavalry at mga sinulat nito para sa serye ng Kwentong Kutsero na itinatanghal noon sa radyo. Ani ni Rafael, ginamit ni de la Costa na pedagohikal na instrumento ang mga ito upang ipalaganap ang kanyang pananaw na ang edukasyong Katoliko ang isa sa mga susi para sa suliranin ng bansa. Naging okasyon ang mga sulating ito upang ipagtanggol ang Katolisismo mula sa mga Mason at Protestante, at sagutin ang mga anti-klerikong puwersa sa likod ng Himagsikang 1896. Sa bahagi naman ni Labella, iniugnay niya ang maagang kaisipang poetiko ng batang de la Costa (na matatagpuan sa kanyang mga tula) sa kalaunang sosyo-pulitikal na kamalayan ng mas nakatatandang de la Costa (na matatagpuan sa kanyang mga akademikong sanaysay). Ipinakita niyang may pagpapatuloy na makikita sa dalawa, na marami sa mga elemento ng kanyang paninindigan sa kanyang mga kalaunang mga sanaysay ay unti-unti nang naipupunla noon pa mang kanyang kabataan sa kanyang mga tula.

 

Ang akda naman ni Coeli Barry ay nagsagawa ng pagpopook sa kapantasan ni de la Costa sa konteksto ng araling Timog Silangang Asya. Tulad ng napuna na ng iba pang may-akda sa aklat na ito, inilahad ni Barry na isa sa mga pangunahing paninindigan ni de la Costa na humulma ng lahat ng kanyang mga akda ay ang kanyang Katolikong nasyonalismo. Naniniwala si de la Costa na ang Katolisismo, partikular ang Katolikong edukasyon, ay susi sa pag-unlad ng bansa. Dagdag pa niya, bilang nag-iisang Katolikong bansa sa Asya, may mahalagang pananagutan ang Pilipinas sa pag-unlad ng mga bansang Asyano. Iginiit ni Barry na ang paninindigang ito ni de la Costa noong 1950s at 1960s na humulma sa kanyang historiograpiya ay hindi na tinanggap ng marami noong radikal na yugto ng 70s, panahon kung kailan mas naging impluwensyal sa historiograpiya ng Timog Silangang Asya ang postkolonyal na mga teorya. Aniya, ang Katolikong nasyonalismo ng klasikal na historiograpiya ni de la Costa ang isa sa naging dahilan kung bakit napaglipasan na ng panahon ang kanyang historiograpiya, at kung bakit limitado na ang mga bumabasa sa kanya sa kasalukuyan (at limitado rin ang impluwensya niya sa kasalukuyang takbo ng historiograpiya). Ngunit winakasan ni Barry ang kanyang sanaysay sa pahayag na ang kasalukuyan at susunod na mga henerasyon ang magtatakda kung ano pang aspekto ng kapantasan ni de la Costa ang patuloy na magiging makabuluhan.

 

Makailang ulit nabanggit sa aklat na tentatibo pa lamang ang isinagawang pag-alala ng mga may-akda sa intelektuwal na pamana ni de la Costa. Marami pang aspekto ng malawak na buhay ni de la Costa ang marapat na gawan ng muling-pagbasa. Samu’t sari pang posibilidad ang maaaring buksan ng paglalapat ng iba pang mga disiplina at perspektiba sa kanyang mga akda. Sa halip na pangwakas na ebalwasyon sa buhay at mga sinulat ni de la Costa, ang aklat na ito ay panimulang patikim pa lamang na naglalayong akitin tayong mga mambabasa upang tayo mismo ang lumangoy sa pamanang intelektuwal ni de la Costa, sa pamamagitan ng aktuwal na pagbasa sa kanyang mga akda.   

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...