Carson, D.A. Praying with Paul: A Call to Spiritual Reformation. Grand Rapids, Michigan: Baker Academic, 2014.
Sa napakaraming pinagkakaabalahan ng mga Kristiyano, mula sa ebanghelismo at pagdidisipulo hanggang sa teolohikal na edukasyon at panlipunang pagkilos, isa sa madalas na nakakaligtaan ay ang pananalangin. Partikular na nakatuon sa mga simbahan sa Kanluran, nananawagan ang prominenteng Amerikanong teologo na si D.A. Carson para sa isang repormasyon sa buhay pananalangin ng mga Kristiyano. Yamang ang repormasyon ng anumang aspekto ng buhay ispirituwal ng simbahan ay magaganap lamang kung iaayon ito sa Biblia, naniniwala si Carson na maisasagawa lamang din ang repormasyon sa pananalangin kung matututo tayong pag-aralan kung paano nananalangin ang mga karakter sa Biblia. Isa sa mga huwarang manunulat ng Biblia na makapagtuturo sa atin ukol dito ay ang apostol Pablo. Malaking pagbabago ang magaganap sa ating pananalangin kung susubukan nating pagnilayan ang mga presuposisyon, direksyon, nilalaman, at kagawian ni Pablo sa pananalangin.
Orihinal na nagsimula ang aklat
bilang serye ng mga lektura at sermon ni Carson ukol sa mga panalangin ni
Pablo, na ibinahagi niya sa Church Missionary Society sa New South Wales noong
Enero 1990. Naglatag siya sa aklat ng eksposisyon sa ilang piling teksto sa mga
liham ni Pablo na naglalaman ng kanyang mga panalangin tulad ng 2 Tesalonica
1:1-12, 1 Tesalonica 3:9-13, Colossas 1:9-14, Filipos 1:9-11, Efeso 1:15-23,
Efeso 3:14-21, at Roma 15:14-33. Ipinaliwanag niya ang mga pangunahing tema na
umiiral sa maraming panalangin ni Pablo tulad ng pasasalamat sa Diyos para sa
ispirituwal na paglago ng ibang kapwa Kristiyano, pananalangin na laging
isinasaisip ang pagdating ng bagong langit at bagong lupa, hiling para sa
paglalim ng higit na pagkakakilala ng simbahan kay Kristo, pananalanging
nag-uugat sa pagmamahal sa kapwa, at panalangin na may pagkilala sa soberanya
ng Diyos.
Liban sa mga ekspositoryong
pagtalakay sa samu’t saring teksto sa liham ni Pablo, mayroon ding apat na
tematikong kabanata ang aklat na nakatuon sa ilang mahahalagang usapin ukol sa
pananalangin tulad ng pananalangin na nakatuon hindi sa sarili kundi sa kapwa,
ilang mga madalas idahilan kung bakit hindi nananalangin (hal. pagiging abala,
pagkahiya sa Diyos, pagkapuno ng galit sa kapwa, at kawalan ng gana),
pananalangin na may balanseng pagtrato sa soberanya ng Diyos at kanyang
pagiging personal, at mga ispesipikong payo ni Carson ukol sa pananalangin na
natutunan niya sa ibang Kristiyano (hal. paghahanap ng regular na katuwang sa
panalangin, pagsulat ng listahan ng panalangin, pagpaplano ng oras ng
pananalangin, paghanap ng mga modelong Kristiyano na dapat tularan sa
pananalangin, at pag-uugnay ng ating pananalangin sa ating pagbabasa ng
Biblia).
Sa lahat ng mga kabanata ng aklat,
ang pinaka teoretikal ay ang kabanata siyam na ukol sa pananalangin na
ibinabalanse ang soberanya ng Diyos at kanyang pagiging personal. Para kay
Carson, may dalawang kalabisan na dapat iwasan sa pananalangin. Ang una ay ang
pananaw na dahil makapangyarihan ang Diyos, walang anumang mangyayari na hindi
niya kalooban, kaya manalangin man o hindi ang Kristiyano ay wala ring
mangyayari. Isa itong pagkakamali ng mga fatalist.
Ang ikalawang pagkakamali naman ay ang pag-iisip na dahil personal ang
Diyos at may moral na pananagutan tayong manalangin, nakasalalay sa
kapangyarihan ng ating panalangin ang mga mangyayari, na hindi makakakilos ang
Diyos kung hindi tayo mananalangin. Ito naman ang pagkakamali ng mga
naniniwalang limitado ang kapangyarihan ng Diyos. Ani ni Carson, malinaw sa
Biblia ang reyalidad ng dalawang bagay: 1. Makapangyarihan ang Diyos, walang
pangyayari na hindi saklaw ng kanyang soberanya, at 2. May moral na pananagutan
ang tao sa kanyang mga kilos.
Para sa iba ay kontradiksyon ang
dalawang ito (i.e. kung absoluto ang kapangyarihan ng Diyos ibig sabihin ay
walang moral na pananagutan ang tao dahil wala siyang malayang kilos-loob; kung
may moral na pananagutan ang tao ibig sabihin ay limitado ang kapangyarihan ng
Diyos). Ngunit para kay Carson, hindi ito kontradiksyon. Ang dahilan kung bakit
hindi natin maunawaan ang malinaw na kaugnayan ng dalawang Biblikal na
katotohanang ito ay dahil sa misteryo ng mismong kalikasan ng Diyos. Alam
nating makapangyarihan (transcendent,
sovereign) at personal ang Diyos,
ngunit hindi natin alam kung paano nagkakaugnay ang dalawang katangiang ito ng Diyos.
Kaya sa halip na bigyan ng malabis na atensyon ang isa kaysa sa isa, kailangang
kapwa balansihin ang pananaw natin sa pagiging makapangyarihan at personal ng
Diyos sa ating pananalangin. Sa halip na maging fatalistic at isiping huwag nang manalangin dahil mangyayari naman
ang lahat ng dapat mangyari dahil sa pagiging makapangyarihan, dapat nating
isipin na personal na Diyos ang ating Diyos, gusto niyang manalangin tayo sa
kanya bilang ating Ama, at mas interesado siya sa relasyon natin sa kanya kaysa
sa mismong laman ng ating panalangin. Sa kabilang banda, sa halip na isiping
limitado ang kapangyarihan ng Diyos at kailangan niya ang ating panalangin
upang makakilos siya, dapat nating maunawaan na kontrolado ng Diyos ang mga
pangyayari at makakaasa tayong pinaka mainam ang kanyang plano. Kaya sa
katanungan kung may pagbabago bang nagagawa ang pananalangin, hindi at oo ang
sagot ni Carson. Hindi sa sentidong hindi mahika ang panalangin na nakasalalay
sa kapangyarihan ng nananalangin. Ngunit oo sa sentidong ang mga pagbabagong
pinlano ng Diyos na maganap ay magaganap sa pamamagitan nating mga
nananalangin, dahil pinili niyang maging instrumento ang mga panalangin natin
upang maganap ang mga itinakda niyang mangyari.
Ang mga paliwanag na ito ni Carson
ay bunga ng kanyang paniniwala sa tinatawag niyang compatibilism. Ito ay ang pananaw na kapwa totoo alinsunod sa
Biblia ang absolutong soberanya ng Diyos at ang pag-iral ng moral na
pananagutan ng tao. Pinaka komprehensibo ang pagdadalumat ni Carson sa konseptong
ito sa kanyang disertasyon para sa PhD New Testament Studies sa Cambridge
University na Predestination and
Responsibility: Elements of Tension-Theology in the Fourth Gospel against
Jewish Background. Kalaunan ay isinaayos at inilimbag ito bilang Divine Sovereignty and Human Responsibility:
Biblical Perspectives in Tension. Ang compatibilism
ay muli niyang ipinaliwanag bilang dalawang kabanata ng aklat niyang How Long o Lord? Reflections on Suffering
and Evil. Mula sa aklat na ito hinango ni Carson ang maraming bahagi ng
kabanata niya sa Praying with Paul ukol sa pagbabalanse sa soberanya at pagiging
personal ng Diyos sa ating pananalangin.
No comments:
Post a Comment