Jose, F. Sionil. The Pretenders. Fourteenth Printing. Ermita, Manila: Solidaridad Publishing House, 2011.
Nasyonalismo, pag-unlad, kapitalismo, kahirapan, himagsikan, kasaysayan. Ilan lamang ito sa magkakasalabid na mga temang pinagtuunan ng pansin ng nobela, mga temang prominente sa lipunang Pilipino sa pagsapit ng Dekada 1960s. Ikaapat sa Rosales Saga ng Pambansang Alagad ng Sining na si F. Sionil Jose, ang The Pretenders ay kwento ng pag-ahon sa hirap at pagkabigo na sumalungat sa isang dambuhalang sistema ng inhustisya. Ito ay kwento ng pagkasangkapan ng mga burgis sa mga gitnang uring intelektuwal, at pagwasak sa potensyal na mga itong makiisa sa laban ng mga maralita para sa isang makatarungang lipunan.
Umiinog ang nobela sa buhay ng
isang propesor ng kasaysayan na si Antonio “Tony” Samson, ang apo ng
protagonista ng Po-on na si Eustaquio
“Istak” Salvador. Naglakbay mula Ilocos hanggang Pangasinan ang angkang
Salvador (na nagpalit ng apelyidong Samson upang magtago sa mga Kastila), sa
pagnanasang makahanap ng lupang mabubungkal at maaangkin bilang sariling
pag-aari. Ngunit isang henerasyon pa lamang ang lumipas, inangkin ng mga
mestisong asendero, na armado ng mga titulong Torrens, ang mga lupang
pinagpagurang patagin ng kanilang angkan. Tulad ng katapangan ni Istak na
lumaban sa mga Amerikanong mananakop, sumapi sa mga kolorum ang ama ni Tony at
pinatay ang abusadong asendero ng Rosales. Nagdulot ito ng pagkakakulong ng
kanyang ama sa Muntinlupa, at pagluwas ni Tony sa Antipolo kasama ng kanyang
ate Betty at pinsang si Emy.
Habang nasa Antipolo, nakapag-aral
si Tony sa Unibersidad ng Pilipinas sa pamamagitan ng nakuha niyang
iskolarsyip, at sa tulong ng kanyang ateng naging guro dulot ng pagpapakahirap
sa Rosales ng kanilang ina (na ikinamatay nito). Sa pamamagitan ng suporta ng
kapwa niya Ilokano na si Dekano Lopez ng UP, nagkaroon din siya ng oportunidad
na makapag-aral sa Harvard University. Anim na taon ang inalagi niya sa Estados
Unidos at sa mga sinupan ng Europa para saliksikin ang papel na ginampanan ng
mga ilustrado sa Himagsikang 1896, na paksa ng kanyang disertasyong doktorado.
Sa Washington niya nakilala si Carmen Villa, ang anak ng kapitalistang si Don
Manuel Villa, na pinakasalan niya pag-uwi ng Pilipinas. Sa loob ng anim na
taong ito ay hindi alam ni Tony na nagdadalang tao ang kanyang pinsang si Emy
dahil sa nangyari sa kanila bago siya tumungo sa Estados Unidos.
Pag-uwi nina Tony at Carmen sa
Pilipinas, agad ikinasal ang dalawa. Maraming kakilala ni Tony ang nabigla
dahil tanyag ang mga Villa bilang isa sa pinaka mayaman at maimpluwensyang
pamilya sa bansa. Maraming industriya na hawak ng pamilya tulad ng pagtatayo ng
mga bahay, mga kasangkapang pambahay, transportasyon, at pagmimina ng bakal.
Noong una ay plano niyang mamuhay lamang sila nang payak, ngunit napahinuhod
siya sa kagustuhan ng mga magulang ni Carmen na manirahan na sila sa mansyon ng
mga Villa sa Sta. Mesa, Maynila. Laging iginigiit ni Tony sa kanyang sarili at
sa iba na hindi pera ang habol niya kay Carmen. Mataas ang kanyang
pagpapahalaga sa respeto sa sarili at pagiging taas-noo sa kabila ng kahirapan.
Ngunit madalas sinasabi ng kanyang pamilya at mga kaibigan na minsan ay
kailangang isakripisyo ang respeto sa sarili ng isang mahirap alang-alang sa
pagtakas sa kahirapan. Sa kabila ng paninindigan ni Tony, kalaunan ay naging
komportable na rin siya sa marangyang pamumuhay bilang bagong miyembro ng
pamilyang Villa.
Samantala, bumalik siya sa
pagtuturo sa UP pag-uwi mula sa Estados Unidos. Sa tulong ni Dekano Lopez,
nakamit niya ang posisyong Kawaksing Propesor (Associate Professor). Liban sa kanyang interes sa mga ilustrado ng
ikalabingsiyam na dantaon, nagsimula rin siyang manaliksik ukol sa kasaysayang
pangkalinangan ng mga Ilokano, partikular ang kanilang migrasyon. Kasisimula pa
lamang niya sa pagbalik sa pagtuturo nang magkaroon siya ng di-inaasahang
alitan kay Dekano Lopez. Pinaratangan siya nito na nagpakasal lamang sa isang
Villa upang magkaroon ng pulitikal na impluwensya, nang sa gayon ay mabilis
siyang maging dekano. Humantong ang alitang ito sa pagbibitiw ni Tony sa
pagtuturo. Kalaunan niya lamang nalaman ang pinag-ugatan ng paratang ni Dekano
Lopez. Ibinahagi sa kanya ni Don Manuel na pinakiusapan nito si Senador Reyes
na impluwensyahan ang UP upang gawing rehente (regent) ng unibersidad si Tony.
Dulot ng pangyayaring ito,
tinanggap ni Tony ang alok ni Don Manuel na magtrabaho sa kumpanya nito, na
nakatirik sa marangyang lugar na kung tawagin ay Pobres Park. Siya ang tumayong
tagapagsalita at tagapamahala ng ugnayang pampubliko ng kumpanya, liban sa
pagsasagawa ng mga pananaliksik na may kinalaman sa mga industriyang hawak ng
pamilya. Dagdag pa rito, naging lihim na manunulat siya ng mga talumpati ni
Senador Reyes, isang pulitiko na kumasangkapan sa nasyonalismo para mapaunlad
ang kanyang karera at yaman (sa kabila ng katotohanang huwad ang pagiging
makabayan ng senador). Isinali siya ni Don Manuel bilang kasapi ng lupon ng mga
direktor ng kumpanya, kung saan nakasama niya si Senador Reyes, at mga
milyonaryong negosyante tulad ng Amerikanong si Alfred Dangmount, Tsinong si
Johny Lee, at Hapong si Saito San.
Sa gitna ng mga karangyaang ito,
hindi pa rin maalis ni Tony ang pangarap na hanapin ang pinag-ugatan ng kanyang
pamilya. Para sa kanya ay mahalaga ang kasaysayan dahil ito ang nagbibigay ng
identidad sa isang tao. Aniya, hindi tayo ligaw na tubig na bigla na lamang
sumulpot. Bahagi tayo ng isang malaking alon na lumikha sa atin. Kaya naman
isang bakasyon ay nagtungo siya sa Ilokos upang saliksikin ang kanyang
pinagmulan, kasama ang kanyang asawang napilitan lamang na tumungo. Dala ng karangyaan
nito, kasalukuyan lang ang mahalaga para kay Carmen, at hindi nito nakikita ang
kahalagahan ng pagbabalik-tanaw sa nakaraan. Narating nila ang Po-on, ngunit
wala sa mga ito ang nakakakilala kay Eustaquio Salvador, na inilarawan ni Tony
bilang isang gurong katuwang ng pari na mahusay sa wikang Latin at Espanyol,
alinsunod sa paglalarawan ng kanyang ama. Liban sa dahilang halos isang daang
taon na ang nakalilipas, sa pagkakaalam ng mga mamamayan doon ay walang
sinumang may apelyidong Samson sa buong Cabugaw.
Ngunit hindi sila sumuko. Sinubukan
nilang tumungo sa simbahan ng Cabugaw sa pag-asang makahanap ng anumang
impormasyon ukol kay Eustaquio. Wala ring Eustaquio Samson na lumitaw sa mga
dokumentong naglalaman ng listahan ng mga ipinanganak at mga namatay sa
Cabugaw. Sinabi ng pari na may nakita siya dating isang pilosopikal na aklat na
nasa wikang Latin na isinulat ng isang “Eustaquio Salvador.” Bigla na lamang
naalala ni Tony na ibinahagi dati ng kanyang ama na nagpalit ng apelyido ang
kanilang pamilya upang magtago sa mga Espanyol na kanilang nakaalitan, at ang
orihinal talaga nilang apelyido ay Salvador. Pinakiusapan ni Tony na basahin at
isalin ng pari ang ilang linya mula sa aklat ni Eustaquio na may titulong
“Philosophia Vitae” (Pilosopiya ng Buhay). Labis ang galak ni Tony,
ipinagmalaki niya ang kanyang lolo, at naramdaman niyang natupad na ang kanyang
pangarap na malaman ang kanyang pinag-ugatan.
Pagbalik niya sa Maynila, nagtungo
ang kapatid ni Emy kay Tony, at ibinunyag nito sa kanya ang katotohanan ukol sa
anak nila na inilihim ni Emy. Agad siyang nagtungo sa Cabugawan, Rosales upang
puntahan si Emy at kanilang anak. Sinabi ni Emy na itinago niya ang katotohanan
dahil kasalukuyang nasa Estados Unidos si Tony noon, at masisira ang nag-iisa
nitong oportunidad na makaahon sa hirap kapag nalaman niya. Hindi niya na rin
ito sinabi kay Tony nang makauwi ito sa Pilipinas dahil sa balitang ito’y
nagpakasal na. Labis ang pagsisisi niya na hindi niya agad dinalaw si Emy, at
nagdadalamhati siya na umabot sa anim na taong gulang ang kanyang anak na si
Pepe nang hindi man lamang niya ito nasubaybayan. Hiniling ni Tony na isama
niya ang bata sa Maynila upang mapag-aral ito at mabigyan ng magandang buhay.
Nagalit si Emy dahil sa pakiwari nito’y nagbago na si Tony, sinusukat na niya
ang lahat ng bagay batay sa materyal na yaman. Nakiusap si Emy na huwag nang
kuhanin ang nag-iisang mayroon siya, dahil handa siyang magpakahirap mabigyan
lamang ito ng magandang buhay at maturuan ng maayos na pagpapakatao. Pagdating
ni Pepe galing sa paaralan, niyakap ito ni Tony, na ginantihan ng pagpupumiglas
ng bata. Nagtanong ito sa kanyang ina kung si Tony ba ang kanyang ama. Hindi
nagawang magsalita ni Tony, at sinabi ni Emy na hindi niya ito ama.
Pinatindi ng pangyayaring ito ang
krisis ng pag-iral ni Tony. Bago pa man ang pangyayaring ito ay labis na ang
nararamdamang pagdurusa ng protagonista dulot ng tensyon na umiiral sa kanyang
kalooban, sa pagitan ng ligayang dulot ng marangyang pamumuhay sa isang banda,
at pagnanasang maging makatwiran at huwag makalimot sa kanyang pinagmulan sa
kabilang banda. Malinaw sa konsensya niya na ang mga kapitalistang kasama niya
sa Pobres Park ay “Dinosaurs, prehistoric monsters feeding on the weak” (p.92).
Hindi lingid sa kanyang kaalaman ang pangangamkam ng mga lupain, korapsyon, at
pananamantalang isinasagawa ni Don Manuel at kanyang mga kasosyo. Alam niyang
sa kabila ng mga retorika nina Senador Reyes ukol sa kaunlaran ng bansa at
nasyonalismo, ang nais lang talaga ng mga ito ay lalo pang magpayaman. Ngunit
sa kabilang banda ay pinipilit niyang bigyang-katwiran sa kanyang sariling
konsensya ang pagtatrabaho sa ilalim nila. Iniisip niya na ang mga korporasyon
ng mga ito ay lumilikha naman ng maraming trabaho para sa mga Pilipino, at
nagtatayo sila ng mga industriya na kinakailangan para sa modernisasyon at
kaunlarang pang-ekonomiya sa bansa. Labis niya ring pinagbubutihan ang kanyang
trabaho para patunayan sa sarili na pinaghirapan niya ang lahat ng tinatanggap
niyang pabor mula kay Don Manuel. Bagaman malaya siyang makakuha ng salapi kung
kailan niya kailangan, sinisikap din niyang laging magtabi ng mga resibo ng
kanyang mga ginagastos gamit ang pera ng korporasyon.
Ang kalabuan na ito sa kalooban ni
Tony ay kapansin-pansin sa magkaibang uri ng mga tugon niya kapag kausap niya
si Don Manuel sa isang banda, at kapag kausap niya ang kanyang dalawang matalik
na kaibigan na sina Godo at Charlie sa kabilang banda. Kapag kaharap niya si
Don Manuel, sinasalungat niya ang ilang mga elitistang pananaw nito, pinupuna
niya ang maling sistema at pinagtatanggol ang mga mahihirap. Ngunit iba ang uri
ng mga argumento niya sa harap nina Godo at Charlie, mga dati niyang kaklase sa
UP na may radikal na pananaw at nagtatrabaho bilang manunulat sa pahayagang
Newsmen Corner. Iginiit niya sa kanila na ang pansariling pagpapayaman ng mga
kapitalista ay nagdudulot din ng kaunlaran para sa bansa, bunga ng
industriyalisasyong kanilang pinangungunahan. Sinabi rin niyang hindi monopolyo
ng mga mahihirap ang birtud, at kahit papano’y nagtataglay din ng kabutihan ang
mga mayayaman. Dagdag pa niya, isa nang bukas na lipunan ang Pilipinas at
mayroon nang oportunidad ang bawat isa na umangat sa buhay. Tumugon si Charlie
na hindi totoong lahat ay may oportunidad at nagbato kay Tony ng isang
retorikal na tanong: “How many artists, how many geniuses, how many great minds
are aborted in the nameless villages and slums of this country because children
don’t go on to college?” (p.121).
May kalabuan din sa pananaw ng
protagonista sa himagsikan at pagbabagong panlipunan. Sa isang banda ay
naniniwala siyang higit ang kabayanihan ni Bonifacio kaysa mga ilustrado, dahil
itong una ang aktuwal na lumaban para sa kalayaan (p.88); sa kabilang banda,
iginigiit niyang ang mga ilustrado ang may kapasidad mag-isip, maglaan ng
salapi, at mamahala, na esensyal para sa tagumpay ng pagbabagong panlipunan
(p.40). Sa isang banda, mataas ang tingin niya sa kabayanihan ng kanyang lolo
at ama na lumaban sa mga nang-aapi, at nalulungkot na taliwas ang kanilang
katangian sa kanyang sariling kaduwagan (p.11, 170); sa kabilang banda,
naniniwala siyang napaglipasan na ng panahon ang himagsikan at kinakailangan na
ng panibagong instrumento para sa pagbabagong panlipunan (p.123).
Liban sa mga pag-uusap nila ni Don
Manuel, ang pakikipagpalitan ng mga ideya ni Tony kina Godo at Charlie, na
nakakalat sa maraming bahagi ng aklat, ang pinakamalamang diskurso ng nobela.
Ngunit ang lahat ng sagutang ito ay laging hindi nagkakaroon ng resolusyon. Ang
kanilang huling palitan ay humantong sa mainit na sagutan na natapos sa
paratang ni Godo na pinagtaksilan ni Tony ang kanyang uri at pinagmulan.
Kung tila hindi pa sapat ang
kanyang mga suliraning dala ng kanilang anak ni Emy at ideolohikal na
pakikipagbangayan kina Godo at Charlie, lalo pang tumindi ang kanyang
eksistensyal na krisis dulot ng pagkatuklas niyang pakikiapid ni Carmen.
Matapos ang sagutan kina Godo at Charlie, nadatnan niya ang kanyang asawa na
nakikipaghalikan kay Ben de Jesus, ang asawa ng kaibigan ni Carmen na si Nena,
bago sila tuluyang pumasok sa isang motel. Pagdating ng kanyang asawa sa
kanilang tahanan, nagkaroon sila ng kaunting pag-uusap bago siya tuluyang
magpasya na lisanin na ang pamilya Villa at bumalik sa Antipolo. Matapos
makausap nang saglit ang kanyang ateng si Betty at asawa nitong si Bert, nang
gabi ring iyon ay nakapagpasya na siya sa kanyang huling gagawin.
Naging malinaw na sa kanya na mali
ang kanyang mga naging desisyon na magpailalim sa pamilyang Villas, maging
pasibo, na maging duwag di-tulad ng kanyang lolo at tatay, at mawala sa
pagkakaugat sa kanyang nakaraan. Ang nawaglit na respeto sa sarili ay tinangka
niyang sagipin, at sinubukang bigyang resolusyon ang kalabuan/tensyong matagal
nang umiiral sa kanyang kalooban sa pamamagitan ng pagpapakamatay, na para sa
kanya ay ang pagpapamalas ng kanyang sariling bersyon ng katapangang ipinamana
sa kanya ng kanyang lolo at ama.
Ang nobela ay salamin ng isang
lipunan kung saan kinakasangkapan ng mga makapangyarihan ang mga potensyal na
instrumento ng pagbabago, upang mapanatili ang isang di-makatarungang sistemang
iilan lang ang nakikinabang. Ang katapus-tapusang pagsusuri ng may-akda sa
suliraning ito ay lumabas sa dila ng kaibigan ni Tony na si Lawrence Bitfogel:
Wealth
dictates government, and in this fair Oriental land, wealth resided in a few
hands, in the hands of people like Manuel Villa and Ben de Jesus. And where
were the young people like Antonio Samson, who had gone to the United States
and to its fountainhead of wisdom, if not of courage? They were destroyed
because they were bribed – and because they were destroyed, the country and the
beneficent change they would have brought were lost.
Ang trahedya ni Antonio Samson ay
trahedya ng lipunang Pilipino.
No comments:
Post a Comment