Metzger, Bruce M. The New Testament: Its Background, Growth, and Content. Second Edition, Enlarged. Nashville: Abingdon Press, 1983.
Ang The New Testament: Its Background, Growth, and Content ay isang panimulang introduksyon sa kaligirang pangkasaysayan ng Bagong Tipan. Isinulat ito ni Bruce Metzger, isa sa mga tanyag na Amerikanong pantas sa larangan ng kritisismong tekstuwal ng Bagong Tipan.
Kronolohikal ang pagkakasalansan ni
Metzger sa kanyang aklat, na binubuo ng labing-isang kabanata. Maaaring hatiin
ang labing-isang ito sa apat na mas malalawak na bahagi. Una ay ang kaligirang
sosyo-kultural ng lipunang Hudio, at kaligirang pilosopikal ng lipunang Griego
sa panahon ng pagkapanganak ng Kristiyanismo. Ikalawa ay ang kaligiran ng
ministeryo, kamatayan at muling pagkabuhay ni Kristo na batay sa apat na
Mabuting Balita nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Ikatlo ay ang kaligiran ng
maagang kasaysayan ng simbahan (na kung tawagin ay “Panahong Apostoliko”), mula
sa Pentecost (30 M.K.) hanggang sa pagsasara ng unang dantaon, na alinsunod sa
naratibo ng Mga Gawa na sinulat ni Lucas. Ikaapat ay ang kaligiran ng mga iba
pang bahagi ng Bagong Tipan liban sa apat na Mabuting Balita at mga Gawa, tulad
ng mga liham ni Pablo at ng iba pang pinuno ng simbahan.
Dalawang kabanata ang inilaan ni
Metzger sa pagtalakay ng kaligirang sosyo-kultural ng lipunang Hudio sa panahon
ng pagkapananganak ng Kristiyanismo. Ang Unang Kabanata ay inilaan niya sa
pagtalakay ng aspektong pulitikal at panlipunan (na tinawag niyang aspektong
panlabas), habang ang Ikalawang Kabanata ay iniukol niya sa pagtalakay ng
aspektong pangkalinangan at pangrelihiyon (na tinatawag niya naman bilang
aspektong panloob). Binuksan niya ang kabanata ng aspektong pulitikal at
panlipunan sa pamamagitan ng maiksing pagbaybay sa kasaysayan ng Israel mula sa
pagka-eksilo ng mga Hudio sa Babylonia noong 586 B.K., hanggang sa pagkagapi ng
mga Romano sa rebolusyong Hudio noong 70 M.K. Nakapaloob dito ang mabilisang
pagtalakay sa ilang mahahalagang kaganapan tulad ng pagkakapailalim ng Judea sa
kahariang Ptolemaic at Seleucid, pagkamit ng kalayaan ng mga Hudio sa pamumuno
ng dinastiyang Hasmonean, at pamumuno ng dinastiyang Herodian sa ilalim ng mga
Romano. Sa aspektong kultural at pangrelihiyon naman, ipinaliwanag ni Metzger
ang mga relihiyosong pangkat na umiiral sa panahon ni Kristo tulad ng mga
Saduceo, Pariseo, at Essenes. Nagkaroon din ng pagtalakay sa mga pangrelihiyong
akda na umusbong sa pagitan ng Luma at Bagong Tipan (tinatawag na mga
literaturang intertestamental) tulad 1 and 2 Macabeo, Tobit, Judith, Sirach, at
II Esdras. Kalakip din ng kabanata ang patungkol sa mga mahahalagang
institusyon ng Hudaismo sa panahong iyon tulad ng sinagoga, sanedrin, at papel
ng mga eskriba.
Pagtalakay sa mga kilusang
pilosopikal ng mga Griego ang nilalaman ng Ikatlong Kabanata tulad ng
Platonismo, Epicureanismo, Stoicismo, at Cynics. Sa bahagi ring ito matatagpuan
ang paliwanag ukol sa mga tinatawag na “mystery religions” ng mga Griego na
nakasentro sa mga mitolohikal na pigura tulad nina Eleusis, Mithra, Isis,
Dionysus, at Cybele.
Mula Ikaapat hanggang Ikaanim na
Kabanata ay nakatuon sa buhay ni Kristo. Nilalaman ng Ikaapat na Kabanata ang
mga batis na mayroon tayo ukol sa buhay ni Kristo, na mahahati sa dalawang
kategorya. Unang kategorya ay ang hindi biblikal na batis na isinulat ng iba’t
ibang kontemporaryo ni Kristo tulad ng Hudiong historyador na si Flavius
Josephus, Romanong historyador na sina Tacitus at Suetonius, at pulitikong
Romano na si Pliny the Younger. Maidadagdag din dito ang mangilan-ngilang
pagbanggit kay Kristo ng Babylonian Talmud ng mga Hudio. Sa kategoryang
biblikal, ang pangunahing batis natin ukol kay Kristo ay ang apat na Mabuting
Balita. Isa-isang ipinaliwanag ni Metzger ang tatlong sikat na metodo na
nalinang ng mga teologo sa pag-aaral nila ng apat na Mabuting Balita sa mga
nakaraang dekada: 1. Literary Criticism,
2. Form Criticism, at 3. Redaction Criticism. Sa Literary Criticism, sinuri ng mga pantas ang mga batis na ginamit
ng apat na manunulat sa pamamagitan ng pagkukumpara sa kanilang mga akda. Bunga
nito, nabuo nila ang konklusyon na ginamit na batis ni Mateo at Lucas si
Marcos, at gumamit pa sila ng isang batis na naglalaman ng mga kasabihan ni
Kristo (ang hipotetikal na batis na ito ay tinatawag nilang “Q”, mula sa
salitang Aleman na quelle na
nangangahulugang batis), habang si Juan ay ibang iba sa naunang tatlo. Gamit
naman ang Form Criticism, inaral ng
mga teologo ang mga posibilidad sa transmisyong pasalita ng mga materyales ng
apat na Mabuting Balita bago sila naisa-dokumento. Sinasalungguhitan ng
metodong ito ang kahalagahan ng pag-unawa sa mga konkretong sitwasyon at mga
pangangailangan ng batang simbahan bilang konteksto ng mga pasalitang
tradisyong pinagmulan ng apat na Mabuting Balita. Ikatlong dulog sa pag-aaral
ng apat na Mabuting Balita ay ang Reduction
Criticism. Sa ganang ito naman, binibigyang pansin ang natatanging estilong
pampanitikan at teolohikal na diin ng bawat isa sa apat. Dulot umano ito ng
magkakaibang layunin at mambabasa ng apat. Layunin ni Mateo ang pagpapatunay sa
mga Hudio na si Kristo ang pinaka aantay na Mesias. Si Marcos ay nakatuon sa
mga mambabasang Romano, at ang diin niya ay nasa pagiging tao ni Kristo.
Kalimitan namang pinaniniwalaan na si Lucas ay nagsulat para sa mga
sopistikadong Griego, na tangan-tangan ang pagnanasa na ipakita ang
unibersalidad ng Mabuting Balita. Pinaka naiiba si Juan sa kanila, na ang
layunin ay magsagawa ng malalim na teolohikal na presentasyon ng Mabuting
Balita, kaya naglalaman ito ng mahahabang mga diskurso ni Kristo.
Nagbigay ng pagbubuod ang Ikalimang
Kabanata sa buhay ni Kristo. Mahalagang bahagi nito ang pagdetermina ng
may-akda sa kronolohikal na pagkakasunod-sunod at posibleng petsa ng
mahahalagang pangyayari sa buhay ni Kristo tulad ng kanyang kapanganakan,
bautismo, ministeryo, at kamatayan. Maikling presentasyon naman ng mga
pangunahing katuruan ni Kristo ang nilalaman ng Ikaanim na Kabanata.
Mula Ikapito hanggang Ikasiyam na
Kabanata, tinalakay ni Metzger ang maagang kasaysayan ng simbahan. Tinatagurian
ang panahong ito na “Apostolikong Panahon”, yamang ito ang yugto ng kung kailan
pinamunuan ang simbahan ng mga apostol ni Kristo. Partikular na nakatuon sa isyu
ng batis at kronolohiya ang Ikapitong Kabanata. Ang pangunahing batis na
mayroon tayo ukol sa panahong ito ay ang Mga Gawa na pinaniniwalaang isinulat
ni Lucas. Marami sa mga naratibo ni Lucas ay nagmula sa testimonya ni Pablo.
May mga bahagi rin ng Mga Gawa na batay mismo sa kanyang sariling obserbasyon
bilang saksi. Liban sa sariling obserbasyon at pakikipanayam kay Pablo, mataas
ang posibilidad na marami pang ibang kinapanayam at ginamit na mga dokumento si
Lucas sa kanyang pagkatha ng Mga Gawa. Ayon kay Metzger, dalawa ang pangunahing
layunin ni Lucas sa kanyang pagsulat ng akdang ito. Una ay upang mapatunayan sa
mga di-Kristiyanong mambabasa na walang dalang pulitikal na panganib ang
Kristiyanismo. Ikalawa ay upang maipakita na ang pag-unlad ng simbahan ay dulot
ng pagkilos ng Banal na Espiritu.
Ang maagang kasaysayan ng simbahan
sa Apostolikong Panahon ay maaari pang hatiin sa dalawang yugto. Una ay ang
pag-iral ng Kristiyanismo bilang sekta sa ilalim ng Hudaismo, at ang
pagkasentro nito sa Jerusalem. Ito ang paksa ng Ikawalong Kabanata ng Aklat. Sa
panahong ito, mayorya ng mga Kristiyano ay mga Hudio, at patuloy pa rin ang
kanilang pagsasagawa ng mga probisyong nakatala sa Batas ni Moses. Sumasamba pa
rin sila sa mga sinagoga, nag-aalay ng mga handog sa templo, ipinangingilin ang
Araw ng Pamamahinga, at dumadalo sa mga tradisyunal na pistang Hudio. Subalit
kalaunan ay unti-unting umalpas ang Kristiyanismo mula sa Hudaismo ng Judea,
hanggang sa mas dumami na ang mga simbahang Kristiyanong Hentil kaysa mga
simbahang Kristiyanong Hudio. Isa sa mga pangunahing dahilan nito ay ang
malawak na ebanghelisasyon ng mga Hentil na pinangunahan ni Pablo. Ang
paglaganap ng Kristiyanismo sa mga Hentil ang maituturing na ikalawang yugto sa
kasaysayan ng Apostolikong Panahon, at ito naman ang paksa ng Ikasiyam na
Kabanata. Nakatuon ito sa ministeryo ni Pablo, isang Hudiong ipinanganak sa
Tarsus, na naging Pariseo sa ilalim ng pagtuturo ni Gamaliel. Kadalasang
hinahati sa tatlong misyonaryong paglalakbay ang ebanghelisasyon ni Pablo sa
mga Hentil. Nagsimula ang kanyang misyon nang atasan siya, kasama ni Barnabas,
ng simbahan ng Antioch na dalhin sa mga Hentil ang Mabuting Balita. Ang labis
na pagdami ng mga Kristiyanong Hentil ay nagdulot ng pagkabalisa ng ilang Kristiyanong
Hudio, na iniisip na dulot nito ay nawawala na ang bahid ng Hudaismo sa
Kristiyanismo. Ilan sa mga ito ay naggiit na ang mga Hentil na nais maging
Kristiyano ay marapat na isagawa ang ilang ipinag-uutos ng Lumang Tipan tulad
ng pagpapatuli. Lumago ang tensyon sa pagitan ng mga Kristiyanong Hudio at
Kristiyanong Hentil, na nilutas ng simbahan sa pamamagitan ng Konseho ng
Jerusalem. Sa konsehong ito, pinanigan nina Pedro at Santiago si Pablo, na
hindi kinakailangang sumunod sa Batas ni Moses ang mga Hentil. Nakatulong ang
desisyong ito sa pagpapatuloy ng misyon ni Pablo, na responsable sa kalaganapan
ng Kristiyanismo sa maraming bahagi ng Europa.
Ang Ikasampu at Ikalabing-isang
Kabanata ay patungkol sa kaligirang pangkasaysayan ng iba pang bahagi ng Bagong
Tipan, liban sa natalakay na ng may-akda na apat na Mabuting Balita at Mga
Gawa. Isinapangkat niya ang mga nalalabing aklat ng Bagong Tipan sa dalawang
kategorya. Una ay ang mga liham ni Pablo (na paksa ng Ikasampung Kabanata), at
ikalawa ay liham ng iba pang pinuno ng simbahan at ang Pahayag (na tuon ng
Ikalabing-isang Kabanata). Isa-isang tinalakay ni Metzger ang mga ito, kalakip
ang ilang mahahalagang isyu tulad ng identidad ng may-akda, petsa ng
pagkakasulat, orihinal na mambabasa, layunin ng pagsulat, teolohikal na diin,
at buod ng akda.
Liban sa labing-isang kabanata,
nagsama rin si Metzger ng dalawang apendise sa dulo ng aklat. Ang una ay
patungkol sa maiksing kasaysayan ng pagpapasya ng simbahan kung anong mga akda
ang ituturing na awtoritibo at sagrado. Ilan sa mga salik na isinaalang-alang
ng simbahan sa pagpapasyang ito ay ang mga sumusunod na katanungan: 1. Mga
apostol ba ang sumulat nito (o kung hindi man, may kaugnayan ba sa mga apostol
ang mga sumulat)? 2. Hindi ba ito naglalaman ng kontradiksyon sa iba pang mga
sagradong aklat? at 3. Malaganap ba ng pagtanggap dito ng mayorya sa mga lokal
na simbahan? Giit ni Metzger, pagsapit ng ikatlo hanggang ikaapat na dantaon ay
kumpleto na ang listahan ng mga itinuturing na sagradong mga aklat ng Bagong
Tipan, na identikal sa kung anong mayroon tayo sa kasalukuyan. Samakatuwid, ang
konseho kalaunan na naglabas ng opisyal na listahan ng Bagong Tipan ay pormal
na pagkilala na lamang sa matagal nang itinuturing ng mga mayorya ng mga
Kristiyano bilang sagradong mga akda.
Ang ikalawang apendise ay ukol
naman sa isyu ng transmisyon at pagsasalin ng Biblia. Ipinaliwanag dito ng
may-akda ang maingat na kasanayan ng mga eskriba sa paglikha ng mga kopya ng
Bagong Tipan, at ang di-maiiwasang mga pagkakamali na naidudulot sa teksto ng
mano-manong pagkopya. Papyrus na gawa
sa halaman at parchment na gawa sa
balat ng hayop ang kadalasang materyales na ginagamit ng mga eskriba bilang
“papel.” Dalawang porma ng aklat ang maaari nilang pagpilian sa paglikha ng
kopya ng Biblia. Una ay sa porma ng scroll,
at ikalawa ay sa porma ng codex. Yamang
mas matipid ang produksyon ng codex (at
mas madali itong buklatin) kaysa scroll, mas
madalas sa hanay ng mga Kristiyanong eskriba ang paggamit ng codex. Dalawang pamamaraan din ang
maaaring pagpilian sa pagsusulat ng bagong kopya ng Biblia. Una ay sa
pamamagitan ng isang manuskrito, na titingnan ng eskriba habang siya ay
gumagawa ng kopya nito. Ikalawa ay sa pamamagitan ng diktasyon, kung saan may
isang tao na dahan-dahang babasahin ang manuskrito, habang isinusulat ng mga
eskriba ang kanya-kanya nilang kopya ng Biblia. Sa apendiseng ito ay tinalakay
din ni Metzger ang ilang impormasyon ukol sa mga umiiral na salin sa Ingles ng
Biblia tulad ng King James Version, New
International Version, Revised Standard Version, at New American Standard Version.
Sa katapus-tapusan, ang akda ni
Metzger ay isang mainam na teksbuk, na sa kabila ng mataas na kalidad ay naging
matagumpay sa payak na presentasyon ng kaligirang pangkasaysayan ng Bagong
Tipan para sa mga hindi espesyalista sa larangan ng Araling Bagong Tipan. Ang
paglimita nito sa kaunting paggamit ng mga teknikal na mga terminolohiya at
pag-iwas sa mga masalimuot na debate ng mga pantas sa larangan ay ilan lamang
sa mga dahilan ng pagiging abot-kaya nito sa pang-unawa ng mga nasa hanay ng
wala sa larangan. Mairerekomenda ito sa mga Kristiyano, mga mag-aaral sa
seminaryo, at iba pang mambabasa na nais magkaroon ng panimulang kaalaman ukol
sa kaligirang pangkasaysayan ng Bagong Tipan.
No comments:
Post a Comment