Hunter, A.M. Interpreting the Parables. London: SCM Press LTD, 1960.
Ang paggamit ng parabula ang isa sa mga natatanging taktika ni Kristo sa kanyang pagtuturo, na umookupa sa malaking bahagi ng buong materyales ng Mabuting Balita ayon sa apat na ebanghelista. Isa itong dahilan kung bakit marapat na siryosohin ng sinumang nag-aaral ng Bagong Tipan ang pagpapakahulugan sa mga parabula. Sa munting aklat na Interpreting the Parables ni A.M. Hunter, ginawa niyang abot-kaya sa pang-unawa ng mga hindi espesyalista ang bunga ng deka-dekadang teknikal na pag-aaral ng mga teologo sa mga parabula ni Kristo.
Inilatag niya sa aklat ang maikling
kasaysayan ng interpretasyon ng simbahan sa mga parabula, mula sa Panahong
Patristiko hanggang sa pag-usbong ng Biblikal na kritisismo ng Modernong
Panahon. Liban dito, gamit ang metodo ng Form Criticism ay tinangka ng may-akda
na ilugar ang mga parabula sa tinatawag ng mga teologong Aleman na “Sitz im
leben” ( “life-setting”) o aktuwal na konteksto ng pang-araw-araw na buhay ni
Kristo sa Palestina. Sentral na tesis ng aklat ang paniniwala na ginamit ni
Kristo ang mga parabula upang ituro ang ukol sa Kaharian ng Diyos, at
magsilbing polemiko sa mga pinunong pangrelihiyon na pumupuna sa kanyang ministeryo.
Kalaunan, ang mga parabulang ito ay naging tradisyong pasalita na ginamit ng
mga unang Kristiyano sa pagtuturo at pangangaral, alinsunod sa pangangailangan
ng kanilang konteksto. Nang maitala na ang mga ito nina Mateo, Marcos at Lucas
(halos walang parabulang matatagpuan kay Juan) ilang dekada matapos ang
kamatayan ni Kristo, wala na ang mga ito sa orihinal na konteksto ng ministeryo
ni Kristo, sapagkat ang konteksto nito ay batay na sa mga pangangailangan ng
simbahan. Samakatuwid, ang pananagutan ng responsableng tagapag-interpreta ng
parabula para kay Hunter ay ang rekonstruksyon ng orihinal na konteksto ng
ministeryo ni Kristo, na nagbigay-hugis sa kanyang mga parabula.
Binigyang pakahulugan ng may-akda
ang parabula bilang instrumento ng pagtuturo ng mga espirituwal na aral gamit
ang kalikasan at pang-araw-araw na karanasan ng mga tao. Ang mga obheto sa mga
parabula ni Kristo ay pamilyar sa sinumang Hudio ng unang siglo: ubasan, puno
ng igos, asin, lampara, tupa, lebadura, langis, atbp. Gumagamit si Kristo ng
mga parabula upang maging madali sa kanyang tagapakinig na maunawaan ang
kanyang mga itinuturo, at upang maitulak ang mga ito na magnilay-nilay.
Naniniwala si Hunter na ang Marcos 4:11 (na nagsasabing ginagamit ni Kristo ang
parabula upang hindi maunawaan ng mga tao ang kanyang mga ipinapahayag),
bagaman tunay na mga salita ni Kristo, ay maling nailagay ni Marcos sa bahaging
ito ng kanyang salaysay.
Upang mas maging malinaw ang
kahulugan ng parabula, ipinag-iba niya ito sa kahulugan ng alegorya. Ang
alegorya ay isang kuwento kung saan bawat detalye ay maaaring kumakatawan sa
ibang bagay. Halimbawa, sa alegoryang Pilgrim’s
Progress ni John Bunyan, ang bida ay
sumisimbulo sa mga Kristiyano, ang paglalakbay niya ay ang buhay ispirituwal ng
mga Kristiyano, at ang Celestial City
na kanyang destinasyon ay ang langit.
Sa kabilang banda, ang parabula ay kalimitang nagtataglay lamang ng isang
sentral na punto, at ang mga detalye sa loob ng kwento ay walang espesyal na
kahulugan, mga sekondaryang impormasyon lamang ang mga ito na kailangan upang
mabuo ang kwento. Halimbawa, ang magnanakaw, biktima, saserdote, Levita at
Samaritano sa parabula ng Mabuting Samaritano ay hindi kumakatawan sa anumang
reyalidad, mga detalye lamang sila na ginamit ni Kristo upang maipahayag ang
kanyang punto.
Mahalaga ang pagkakaibang ito ng
parabula at alegorya, dahil ang isyung ito ang isa sa mga pinaka nakaapekto sa
paraan ng pagpapakahulugan sa mga parabula ni Kristo sa agos ng kasaysayan ng
simbahan. Sa Panahong Patristiko, ang katanggap-tanggap na paraan ng
pag-interpreta sa mga parabula ni Kristo ay ang pagturing sa mga ito bilang mga
alegorya. Halimbawa, naniniwala si Origen na sa kwento ng Mabuting Samaritano,
ang Jerusalem ay kumakatawan sa langit, ang Jericho ay makasalanang mundo, ang
saserdote ay kautusan, ang Levita ay mga propeta, ang Samaritano ay si Kristo,
at ang pangakong pagbalik ng Samaritano ay ang ikalawang pagdating ni Kristo.
Matatagpuan ang ganitong alegorikong pagtrato sa parabula sa mga sulatin sa iba
pang mga tanyag na teologo ng Panahong Patristiko tulad nina Ireneaus,
Tertullian, Clement, at Augustine (bagaman sa yugto pa lamang na ito ay mayroon
na ring mangilan-ngilang teologo na taliwas sa ganitong uri ng interpretasyon,
tulad nina John Chrysostom at Theodore of Mopsuestia). Mas tumindi ang ganitong
paraan ng pag-interpreta pagsapit ng Gitnang Panahon. Sa panahong ito ay naging
popular ang paniniwala na bawat bahagi ng Biblia, kasama na ang mga parabula,
ay nagtataglay ng apat na kahulugan (“four senses”) – literal, moral,
anagohikal, at alegorikal.
Nagbago lamang ang ganitong
kalakaran pagsapit ng Repormasyong Protestante. Sa pangunguna ni Martin Luther
at John Calvin, binigyang-diin ng simbahan ang literal na kahulugan ng mga
parabula, at itinakwil ang alegorikal na metodo ng interpretasyon. Sa hanay ng
mga Katoliko sa panahong ito, may ilan ding teologo na literalistiko na ang
dulog sa parabula tulad ng Heswitang Espanyol na si Juan Maldonato. Sa
Modernong Panahon, ang pag-usbong ng Biblikal na kritisismo ay nagbigay-daan sa
radikal na pagbabago sa interpretasyon ng mga parabula. Ilan sa mga teologo na
pinaka nakapag-ambag sa pag-unlad ng pag-aaral sa mga parabula ay sina A.B.
Bruce, Adolf Julicher, C.H. Dodd, at Joachim Jeremias. Iginiit ng mga
tagapagsulong ng Form Criticism tulad nina Dibelius at Bultmann na bago maitala
ang mga parabula sa Mabuting Balita, umiiral muna ang mga ito bilang tradisyong
pasalita ng simbahan. Ginamit ng mga unang Kristiyano ang mga parabula upang
tugunan ang kanilang mga pangangailangan, sa kanilang pagtuturo, pagpapalakas
sa isa’t isa, at pagsagot sa mga kritiko. Ang bagong kontekstong ito alinsunod
sa mga pangangailangan ng maagang simbahan ang konteksto ng mga parabula na
matatagpuan natin sa Mabuting Balita. Ibig sabihin, ang paraan ng paggamit nina
Mateo, Marcos at Lucas sa mga parabula ay iba sa orihinal na intensyon ni
Kristo noong winika niya ang mga ito sa konteksto ng kanyang ministeryo.
Samakatuwid, upang mabigyang hustisya ang pag-interpreta sa mga parabula,
kailangan itong ibalik sa orihinal na konteksto ng buhay ni Kristo.
Sa hanay ng mga modernong teologo,
sina Dodd at Jeremias ang itinuturing ni Hunter na pinaka nagbigay-linaw sa mga
parabula. Ayon sa dalawang ito, ang mga parabula ay ginamit ni Kristo upang
ituro ang ukol sa Kaharian ng Diyos (na sentral na tema ng lahat ng parabula ni
Kristo), at tugunan ang puna ng kanyang mga kapanahunang pinunong pangrelihiyon
tulad ng mga Pariseo. Alinsunod sa pagbibilang ni Hunter, mayroong animnapung
parabula sa Mateo, Marcos at Lucas. Ipinangkat niya ang animnapung parabulang
ito sa apat na kategorya, na lahat ay umiinog sa tema ng pagtuturo ni Kristo
ukol sa Kaharian ng Diyos: 1. Ang Pagdating ng Kaharian, 2. Ang
Kagandahang-loob ng Kaharian, 3. Ang mga Mamamayan ng Kaharian, at 4. Ang
Krisis ng Kaharian.
Mailalagay sa ilalim ng kategorya
ng Ang Pagdating ng Kaharian ang mga parabula tulad ng Binhi ng Mustasa,
Manghahasik, Lebadura, at Trigo at Damo. Lahat ng ito ay ginamit ni Kristo
upang ilarawan ang pagdating ng kaharian. Kung papansinin, lahat ng parabulang
ito ay may kinalaman sa paglago at pag-ani. Isinalaysay ni Hesus ang mga ito
para ipakita sa kanyang mga disipulo at iba pang tagapakinig na dahan-dahan ang
paglago ng Kaharian, at huwag silang mabahala kung tila maliit pa lamang ang
kanilang pangkat dahil kalaunan ay lalago rin ito.
Ang Kaharian na ito ay na
unti-unting lumalago ay kinakarakterisa ng kagandahang-loob. Pinupuna ng mga
Pariseo si Kristo at tinatanong kung bakit siya nakikihalubilo sa mga
makasalanan kung talagang ipinangangaral niya ang Kaharian ng Diyos. Upang
tugunan ang mga Pariseo at bigyang-katwiran ang kanyang pakikisama sa
tinuturing nilang mga makasalanan (tulad ng mga patutot at maniningil ng
buwis), isinalaysay niya ang mga parabula ng Mga Manggagawa sa Ubasan, Pariseo
at Publikano, Malaking Hapunan, Nawawalang Tupa, at Nawawalang Anak. Lahat ng
ito ay nakapailalim sa Ang Kagandahang-loob ng Kaharian. Halimbawa, sa kaso ng
Nawawalang Anak, malinaw ang kanyang mensahe na ang naglayas na anak ay ang mga
itinuturing nilang makasalanan, at ang panganay na anak ay ang mga Pariseo.
Kung tutuusin, parehong nawawala ang dalawang anak. Nawawala rin ang panganay
dahil sa kanyang pagmamataas at pag-iisip na siya lang ang may karapatan sa pabor
ng kanilang ama. Ginamit ni Kristo ang kwentong ito upang ipakita na puno ng
kagandahang-loob ang Hari ng Kaharian, kahit na sa mga itinuturing na mga
makasalanan, at ito ang dahilan kung bakit nakikisalamuha si Kristo sa kanila.
Sa kategorya naman ng Ang Mga
Mamamayan ng Kaharian, inilarawan ni Kristo ang mga katangian na hinahanap ng
Diyos sa mga taong nais na makasali sa paparating na Kaharian. Ginamit niya ang
parabula ng Nakatagong Kayamanan at Perlas upang ipahayag na ang mga nagnanais
sumapi sa Kaharian ay marapat na maging handa na talikuran ang lahat para rito.
Ang parabula ukol sa Tusong Tagapamahala ay patungkol sa kahalagahan ng
karunungan na dapat ilaan para sa mga gawain ng Kaharian. Itinuro ni Kristo ang
kahalagahan ng pananampalataya sa pamamagitan ng mga parabula tulad ng
Matiyagang Balo at Kaibigan sa Hatinggabi. Dapat din silang maging mapagpatawad
na itinuturo ng parabula ng Alipin na Di-Marunong Magpatawad, at maawain na
mensahe naman ng Mabuting Samaritano.
Ang ikaapat na kategorya ng mga
parabula (Ang Krisis ng Kaharian) ay ipinahayag marahil ni Kristo sa mga dulong
bahagi ng kanyang ministeryo. Isinalaysay niya ang mga ito upang ipakita ang
mga suliranin ng Kaharian, at iparating na ang mga suliraning ito ay hahantong
sa kanyang kamatayan. Pinuna niya ang kabulagan ng mga Hudio sa Kaharian, na
nasa harap na nila, sa pamamagitan ng parabula ng Tapat na Katiwala. Binigyang
kritisismo rin ni Hesus ang kanilang pagiging makasarili sa rebelasyong
ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos sa halip na ipagkaloob ito sa mga Hentil at
tinuturing nilang makasalanan, sa pamamagitan ng mga parabula tulad ng Asin,
Ilaw at Talento. Ang hindi pagtanggap ng mga Hudio sa Mesias ang tuon ng
parabula ng mga Magsasaka. Ang parabula tulad ng Sampung Birhen ay patungkol
naman sa kahalagahan ng kahandaan sa pagdating ng Kaharian. Ang orihinal na
konteksto nito ay ang kahalagahan ng kahandaan ng mga Hudio sa ministeryo ni
Kristo bilang Mesias. Kalaunan ay binago ng maagang simbahan ang konteksto nito
at inilapat sa kahandaan para sa muling pagbalik ni Kristo, kontekstong
matatagpuan natin sa Mabuting Balita.
Kung isasaalang-alang ang lahat ng
ito, mapapansin na maraming uri ng interpretasyon at pangangaral ng simbahan
ukol sa mga parabula ay hindi tugma sa orihinal na mga mensahe ni Kristo nang
una niyang ipinahayag ang mga ito. Ngunit hindi ito nangangahulugan na mali na
ang kasalukuyang mga Kristiyano. Kung paanong binigyan ng panibagong bihis ng
unang mga Kristiyano at nina Mateo, Marcos at Lucas ang mga parabula alinsunod
sa kanilang mga layunin at pangangailangan, maaari rin nating bigyan ng bagong
konteksto ang mga ito upang magkaroon ng saysay sa ating kasalukuyang
konteksto. Ngunit dapat tayong makasigurado na ang uri ng paglalapat natin ng
mga parabulang ito sa kasalukuyan ay alinsunod pa rin sa mga katuruan ni
Kristo. Nagbigay ng babala si Hunter hindi lamang sa alegorisasyon, kundi pati
sa labis na moralisasyon ng mga parabula. Sa halip na paglalapat sa kung ano
anong bagay na walang koneksyon sa orihinal na konteksto ni Kristo, kailangang
maghanap ng pagkakatulad sa kanya at ating konteksto upang maging makatwiran
ang paglalapat. Halimbawa, ang tukso ng pagiging makasarili sa rebelasyon ng
Diyos na naranasan ng mga Pariseo, na pinuna ni Kristo sa parabula ng Talento,
ay maaari pa rin nating kaharapin sa kasalukuyan. Kaya naman maaaring ang
puntong ito ang bigyang diin sa kasalukuyang pangangaral sa simbahan gamit ang
parabulang ito. Sa huli, ipinahayag ni Hunter na dalawa ang pangunahing
pananagutan ng mga nangangaral ukol sa mga parabula. Una ay pagpapaliwanag ukol
sa orihinal nitong konteksto sa ministeryo ni Kristo, at ikalawa ay ang maingat
at malikhaing paglalapat nito sa kasalukuyan.
Bagaman siguradong magigitla ang
mga konserbatibong Kristiyano sa ilang laman ng aklat na ito ni Hunter, lalo na
yaong mga hindi tumatanggap sa Form Criticism at iba pang uri ng tinaguriang
“Biblical higher criticism,” mainam na basahin ang munting aklat na ito ng mga
pastor, mag-aaral ng teolohiya, at mga Kristiyano na nais magkaroon ng mas
malalim na pag-unawa sa kalikasan ng mga parabula ni Kristo.
No comments:
Post a Comment