McKnight, Edgar V. What is Form Criticism? Philadelphia: Fortress Press, 1969.
Mula nang umusbong ang Biblikal na
kritisismo noong ikalabingwalong dantaon sa Europa, nag-umpisang pag-aralan sa
akademya ang Biblia at itratong tulad ng iba pang pangkaraniwang dokumentong
pangkasaysayan at pampanitikan. Ang mga sumunod na siglo ay saksi sa paglitaw
ng samu’t saring kritikal na metodong nilapat sa Bagong Tipan – partikular na
sa Ebanghelyo nina Mateo, Marcos at Lucas – sa layong madetermina ang
historisidad ng buhay at ministeryo ni Hesus. Isa sa mga metodong ito ang form criticism
na pinasimulan ng mga teologong Aleman noong ikadalawampung dantaon. Ang What is Form Criticism? ni Edgar V.
McKnight ay isang mabilisang gabay ukol sa metodong ito. Inihain ni McKnight sa
aklat ang maiksing kasaysayan ng pag-unlad ng form criticism sa konteksto ng tinatawag ng mga teologong “historical Jesus research.”
Tinatayang nag-umpisa ang Biblikal
na kritisismo noong ikalabingwalong dantaon sa publikasyon ng akda ni Hermann
Samuel Reimarus, na itinuturing na kauna-unahang kritikal na pangkasaysayang
pagsusuri sa Biblia. Pagsapit ng ikalabingsiyam na dantaon, ipinanganak ang source criticism, isang metodo na
nagsusuri sa ugnayang pampanitikan ng Mateo, Marcos at Lucas (na kolektibong
tinatawag bilang Synoptic Gospels).
Bunga ng paglalapat ng source criticism sa
Synoptics, napagtanto ng mga pantas
na Marcos ang pinaka maagang Ebanghelyo, at ginamit ito nina Mateo at Lucas
bilang batis sa kani-kanilang akda. Napansin nila na liban sa Marcos ay
malamang na may isa pang pangunahing batis na ginamit si Mateo at Lucas
sapagkat marami silang mga materyales na magkatulad, at karamihan sa mga ito ay
naglalaman ng salitang winika ni Kristo. Ang batis na ito, na marahil ay isang
dokumentong nagtipon sa mga salita ni Hesus, ay tinawag nilang “Q” (na
kumakatawan sa quelle, isang salitang
Aleman na nangangahulugang batis). Malamang na may mga espesyal na batis si
Mateo na pinagmulan ng mga impormasyong sa kanyang akda lang makikita
(tinatawag na “M”), na wala sa Marcos at Lucas. Totoo rin ito sa kaso ng mga
espesyal na batis na sa Lucas lamang makikita (tinatawag na “L”). Samakatuwid,
may apat na pangunahing batis ang Synoptics
– Marcos, Q, M at L.
Sa kabila ng mabungang epekto ng
paggamit ng source criticism, napagtanto
ng mga pantas na hindi ito sapat sa misyong magsagawa ng rekonstruksyon ng
historikal na Hesus. Limitado lamang ito sa pagsusuri ng mga nakasulat na batis
ng Synoptics, na naisulat lamang
ilang dekada na ang nakakaraan matapos mamatay si Kristo. Pagsapit ng ikalabingsiyam na dantaon, may lumitaw na panibagong
uri ng kritikal na metodo na pinasimulan ni Hermann Gunkel, isang pantas ng
Araling Lumang Tipan. Sa kanyang pag-aaral ng Genesis, iginiit ni Gunkel na
bago nabuo ang pinal na bersyon ng dokumento, dumaan ito sa kamay ng maraming
patnugot. Ang mga ito ang nagtipon at nagsama-sama ng samu’t saring mga batis.
Ang mga batis na ito ay nagsimula bilang magkakahiwalay na mga tradisyong
pasalita, na matagal nang umiiral bago pa man makolekta at maitala kalaunan.
Dapat na madetermina ang iba’t ibang anyo/porma ng mga tradisyong pasalitang
ito, upang masuri ang kanilang historisidad (kung gaano kalapit o kalayo ang
nilalaman ng mga ito sa aktuwal na kasaysayang kanilang inilalarawan).
Ang pag-aaral sa tinatawag na preliterary stage ng dokumento (o
kasaysayan ng tradisyon bago ito maitala) na natutunan nila kay Gunkel ay
sinimulang ilapat ng mga pantas ng Araling Bagong Tipan sa kanilang disiplina.
Ang kauna-unahang naglapat nito sa Synoptics
ay si Martin Dibelius, na siyang pinagmulan ng terminong form criticism. Ngunit mas nakilala
kalaunan ang metodong ito sa pamamagitan ng mga pananaliksik ni Rudolf
Bultmann. Anila, bawat isang Ebanghelyo sa Synoptics
ay binubuo ng maliliit na mga yunit, na nagsimula bilang mga tradisyong
pasalita. Walang kaugnayan umano ang mga ito sa isa’t isa at pinagsama-sama
lamang ng mga ebanghelista para sa kanilang layunin. Matagal nang
ipinapasa-pasa ng mga sinaunang Kristiyano ang mga tradisyong pasalitang ito
bago pa man maitala nina Marcos, Mateo at Lucas. Ang mga tradisyong ito ay nagtataglay
ng partikular na anyo/porma, na dapat suriin (kaya tinatawag nilang form criticism). Tumutukoy ang anyo sa
eksternal na istruktura ng tradisyong pasalita. Naglatag si Dibelius at
Bultmann ng kategorisasyon ng mga anyo ng mga tradisyong pasalita sa Synoptics. Ilan sa halimbawa ng mga
anyong ito ay parabula, kasabihan, kwento ng milagro, at iba pang naratibo ukol
sa mga aksyon ni Kristo.
Naniniwala si Dibelius at Bultmann
na marami sa mga ito ay hindi talaga nagmula kay Hesus, bagkus ay nilikha ng
sinaunang simbahan. Maging ang mga salita at aksyon ni Hesus na nakatala sa Synoptics na nagmula mismo kay Kristo ay
malamang na dinagdagan, binawasan, at binago ng sinaunang simbahan alinsunod sa
mga pangangailangan ng kanilang konteksto. Ang mga salita at kilos na nagmula
sa historikal na Hesus ay binigyan ng panibagong bihis ng simbahang Hudio batay
sa kanilang pananampalataya. Lalo pang nabago ang mga ito kalaunan sa yugto ng
simbahang Hentil, na responsable sa pagkakabuo ng Synoptics. Ibig sabihin, ang mga datos sa Synoptics ay naglalaman ng mga salita at kilos ng Kristo na nabuo
bunga ng pananampalataya ng sinaunang simbahan, at hindi salita at kilos ng
Hesus ng kasaysayan. Ani nina Dibelius at Bultmann, upang makapagsagawa ng
rekonstruksyon ukol sa historikal na Hesus, marapat na ilapat ang form criticism sa mga indibiduwal na
yunit ng tradisyong pasalita ng Synoptics.
Sa pamamagitan ng pagsusuri sa anyo ng mga ito, malalaman natin umano kung
ano ang mga yunit na nilikha ng simbahan, at ano ang talagang nagmula sa
historikal na Hesus.
Naglatag ang mga tagapagsulong ng form criticism ng mga pamantayan na
maaaring gamitin upang madetermina kung ang indibiduwal na yunit ba sa Synoptics ay awtentikong salita at
aksyon ni Hesus o hindi. Una, yamang Aramaic ang orihinal na wikang ginamit ni
Hesus, kung makikitaan ng bakas ng Aramaicong katangian ang mga nakatalang
salita ni Hesus sa Griego, may posibilidad na nagmula talaga ito sa kanya at
hindi inimbento ng simbahang Hentil. Ikalawa, kung ang mga naratibo ukol kay
Hesus at kanyang mga salita ay sumasalamin sa kaligiran ng lipunang Hudio, sa
halip na lipunang Hentil, mas mataas ang tsansa na awtentiko ang mga ito.
Ikatlo, mas mataas din ang posibilidad ng pagiging awtentiko kung hindi
nagtataglay ang mga ito ng mga doktrina ng simbahan (dahil kung nagtataglay
sila ng mga ito ay maaaring idinagdag lamang ito ng maagang simbahan).
Halimbawa, ang mga pahayag ni Kristo na may kinalaman sa kanyang kamatayan at
muling pagkabuhay ay pinaniniwalaan ng mga form
critics bilang dinagdag lamang ng simbahan alinsunod sa kanilang
pananampalataya.
Taliwas sa optimismo ni Dibelius,
naniniwala si Bultmann na dulot ng mga bagong tuklas na kaalamang naibunga ng form criticism, imposible na ang
rekonstruksyon ng historikal na Hesus. Aniya, halos wala na tayong siguradong
kaalaman ukol sa buhay ni Hesus, dahil mayorya sa mga ito ay nilikha, binago,
at hinulma ng maagang simbahan alinsunod sa mga pangangailangang espirituwal
nito. Para sa kanya ay dapat nang isuko ang proyekto ng historikal na Hesus at
makuntento na lamang tayo sa Kristo ng pananampalataya na nilalaman ng kerygma o proklamasyon ng Synoptics ukol kay Kristo.
Magkakaiba ang naging reaksyon ng
mga pantas ng Araling Bagong Tipan sa metodong form criticism at mga naibunga nito sa larangan ng historikal na
Hesus. Bagaman hindi lahat ng form
critics ay kasing pesimistiko ni Bultmann, ang kaugnayan ng pangalan ni
Bultmann sa form criticism ay
nagdulot sa maraming konserbatibo upang tuwirang tanggihan ang metodong ito.
Para sa mga ito, sapat na ang metodo ng source
criticism para sa rekonstruksyon ng historikal na Hesus. Marami rin ang
pumuna sa ilang presuposisyong taglay ng form
criticism. Halimbawa, sinalungguhitan ni C.H. Dodd na bagaman totoong may
maliliit na yunit na bumubuo sa Ebanghelyo ni Marcos, nagtataglay din ito ng
malawak na balangkas ng naratibo ng buhay at ministeryo ni Kristo. Aniya, hindi
nilikha ni Marcos ang balangkas na ito, kung saan arbitraryo niyang pinagsama-sama
ang lahat ng mga di-magkakaugnay na mga yunit sa kanyang Ebanghelyo. Sa halip,
ang balangkas na ito ay bunga mismo ng buhay ni Hesus, at maaaring naipasa-pasa
rin nang buo bilang isang malaking tradisyong pasalita. Para naman kay Harald
Riesenfeld, ang mga tradisyong pasalita ng Synoptics
ay hindi nilikha ng simbahan, bagkus ang mga ito ay maayos na nakabisado at
naipasa nang tapat sa hanay ng mga sinaunang Kristiyano. Iginiit niya na
disiplinado ang ginawang pagpapasa ng kaalaman ni Hesus sa kanyang mga
disipulo, tulad ng tipikal na mga gurong Hudio na kanyang kakontemporaryo. Ang
mga katuruang ito ay may malinaw nang anyo at nilalaman, na ipinasa-pasa bilang
tradisyong pasalita. Sinalungguhitan din ng mga kritiko na dapat isaalang-alang
na buhay pa ang mga orihinal na saksi sa buhay at ministeryo ni Hesus, kaya
naman hindi basta iikot sa simbahan ang mga inimbentong kwento ukol sa
tagapagtatag ng Kristiyanismo.
Sa kabila ng mga ito, mayorya ng
mga pantas ng Araling Bagong Tipan ay naniniwalang malaki ang mapapakinabangan
ng proyekto ng historikal na Hesus sa form
criticism. Sa opinyon nila, dapat lamang ingatan ang paggamit nito, ngunit
hindi maaaring tuwiran itong ibasura. Hindi umano maitatatwa na ang pagsusuri
sa mga indibiduwal na yunit ng Synoptics bilang
tradisyong pasalita ay nagbunga ng mataas na pag-unlad sa pag-aaral ng
historikal na Hesus. Para kay McKnight, ilan sa mga teologo na nakalikha ng
produktibong mga pag-aaral sa larangan ng historikal na Hesus gamit ang form criticism ay sina C.H Dodd, Joachim
Jeremias, Gunther Bornkamm, Reginald Fuller, at Norman Perrin. Taliwas sa
pesimismo ni Bultmann, naniniwala ang iba na maaari pa ngang magamit ang form criticism upang mapataas ang ating
tiwala sa historisidad ng buhay at ministeryo ni Hesus.
No comments:
Post a Comment