Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #41 - The Origins of New Testament Christology ni I. Howard Marshall

Marshall, I. Howard. The Origins of New Testament Christology. England: Inter-Varsity Press. 1977.


Ang Origins of New Testament Christology ni I. Howard Marshall ay mabilisang gabay sa isang malawak na larangan ng talastasan ng mga teologo: ang pinagmulan at pinagdaanang pag-unlad ng Kristolohiya (partikular na ang pagkakakilanlan ni Kristo) sa Bagong Tipan. Sa loob ng larangang ito ay tumuon si Marshall sa isa pang mas makitid na paksa. Ito ay ang mga titulo ni Hesus alinsunod sa pagkakagamit ng sinaunang simbahan tulad ng Anak ng Tao, Kristo, Panginoon, at Anak ng Diyos. Naglaan siya ng tig-iisang kabanata para talakayin ang debate ng mga teologo sa nagdaang mga dekada patungkol sa mga titulong ito. Upang mas maging matalas ang pokus, ang mga titulo sa Kristolohiya na matatagpuan lamang sa Sinoptikong Ebanghelyo (Marcos, Mateo at Lucas) ang kanyang binigyang pansin, at hindi na isinama pa ang Kristolohiya ni Juan, Pablo, at iba pang manunulat ng Bagong Tipan. Liban sa pagsisilbing gabay ukol sa umiiral na pagtatalo ng mga pantas, naghain din si Marshall ng sarili niyang Ebanghelikal na punto-de-bista sa paksang karaniwang pinaghaharian ng liberal na pananaw.

 

Naglatag ang may-akda ng maiksing kasaysayan ng talastasang Kristolohikal sa Kanluran mula ikalabingsiyam hanggang ikadalawampung dantaon. Isinagawa niya ito sa pamamagitan ng pagtalakay sa mga akda ng ilang piling pantas sa Araling Bagong Tipan (kapwa konserbatibo at liberal) tulad nina H.P. Liddon, W. Bousset, A.E.J. Rawlinson, V. Taylor, O. Cullman, F. Hann, at R.H. Fuller. Sa ganitong paraan ay nabigyang niya ng panimulang kaalaman ang mga mambabasa sa iba’t ibang yugto ng pag-unlad ng Kristolohiya bilang larangan tulad ng unang mga konserbatibong pananaliksik bago ang pag-usbong ng mga kritikal na metodo (Liddon), pag-usbong ng liberal na pananaw sa Kristolohiya dulot ng paglalapat ng mga kritikal na metodo (Bousset), tugon ng mga konserbatibo sa mga liberal (Rawlinson, Taylor, Cullman), at makabagong akda ng mga liberal ukol sa Kristolohiya sa panahon ng pagkakasulat ng aklat (Hann, Fuller).

 

Sa panig ng mga liberal, pangkaraniwan ang paninindigan na ang mga titulo ni Hesus sa Bagong Tipan ay hindi mismo maiuugat kay Hesus noong panahon ng kanyang pamumuhay sa mundo. Para sa kanila, hindi ginamit ni Hesus ang mga titulong ito noong nabubuhay pa siya, kaya wala siyang Kristolohiya. Ibig sabihin, wala siyang sariling kamalayan ukol sa mga pagkakakilanlang ipinantutukoy sa kanya ng Bagong Tipan tulad ng pagiging Anak ng Tao, Kristo, Panginoon at Anak ng Diyos. Ang mga pagkakakilanlang ito ay nilikha lang umano ng sinaunang simbahan na kanilang ibinigay kay Hesus matapos niyang mamatay. Sa ganang ito, ang pinakamaagang Kristolohiya ng Bagong Tipan ay maiuugat sa sinaunang simbahan, hindi kay Hesus.

 

Tipikal nilang hinahati sa tatlong yugto ang ebolusyong pinagdaanan ng Kristolohiya ng Bagong Tipan, alinsunod sa tatlong magkakaibang pangkat ng mga sinaunang simbahan. Una at pinakamaaga sa mga ito ay ang simbahan ng mga Palestinong Hudio na nakasentro sa Jerusalem. Ang ikalawang yugto ay nakaugnay sa simbahan ng mga Helenistikong Hudio sa labas ng Palestina. Isa sa mga pangunahing sentro ng simbahang ito ay ang Antioch, na binubuo ng mga Hudiong impluwensyado ng kalinangang Griego. Ikatlo ay ang simbahan ng mga Hentil, na karamihan ay naipanganak bunga ng ebanghelisasyon ni Pablo. Iginigiit ng mga liberal na pantas na sa pagdaloy ng Kristolohiya sa tatlong simbahan ay dumaan ito sa matinding ebolusyon. Kaya naman bawat isa sa tatlong simbahang ito ay nagtataglay ng magkakaibang Kristolohiya.

 

Tinatayang ang simbahan ng mga Palestinong Hudio ang lumikha ng mga salita ni Hesus, mga kwento ukol sa kanya, at mga titulo niya sa Bagong Tipan na may bahid ng kulturang Hudio at       wikang Aramaiko (yamang ito ang kanilang pangunahing wika). Halimbawa, pinaniniwalaan nilang ang Anak ng Tao bilang titulo ay maiuugat sa simbahan ito, yamang ito ay isang kategoryang Hudio sa Lumang Tipan. Ang mga salita namang may bahid ng pinagsamang kalinangan-at-wikang Hudio at Helenistiko ay kanilang iniuugat sa simbahan ng mga Helenistikong Hudio. Ang pinakamaunlad na mga pormulasyong Kristolohikal sa Bagong Tipan ay ipinagpapalagay nilang nagmula sa simbahang Hentil. Halimbawa, ang pagtawag kay Hesus na Panginoon ay iniuugat nila sa yugtong ito. Ang kyrios – Griegong termino na katumbas ng salitang Panginoon – na itinaguri ng mga Hentil kay Hesus ay karaniwan ding ginagamit na pantawag sa mga diyos ng ibang relihiyon sa mundong Helenistiko.

 

Mariing pinuna ni Marshall ang ganitong tatluhang paghahati ng ebolusyong Kristolohikal. Aniya, hindi malinaw ang pagkakahati ng mga sinaunang Kristiyano alinsunod sa wika, kalinangan, at lahi. Dapat tandaang malaganap na ang impluwensya ng wika-at-kalinangang Griego sa Palestina noong unang siglo. Dahil sa mataas na posibilidad na marunong din ng Griego ang ilan sa mga Kristiyanong Hudio sa Jerusalem, hindi maikakahon sa simbahang Helenistikong Hudio at Hentil ang mga Kristolohikal na ideyang may bahid ng wika-at-kalinangang Griego. Gayundin, kung paanong may ilang mga Hentil sa simbahan ng mga Palestinong Hudio at Helenistikong Hudio, may ilan ding mga Hudio sa simbahan ng mga Hentil. Ang ganitong kalagayan ng pagkakahalo ng lahi, kalinangan at wika ay nangangahulugang mahirap magsagawa ng malinaw na paghahati sa pagitan ng tatlong simbahan. Samakatuwid, hindi ganoong kapayak ang paglalatag ng ebolusyon ng Kristolohiya tulad ng nais ipakita ng mga liberal na pantas. Hindi lahat ng mga salita ng Sinoptikong Ebanghelyo na may bahid na Hudio ay maiuugat lamang sa simbahan ng mga Hudio, at hindi rin naman lahat ng mga salita na may bahid na Griego ay maiuugat sa simbahan ng mga Hentil.

 

Pinansin din ni Marshall ang paikot na pangangatwiran ng ilang gumagamit ng kritikal na metodo. Pinipili nila sa Sinoptikong Ebanghelyo kung ano ang mga salitang si Hesus mismo ang nagsabi at ano sa mga ito ang inilagay lang ng sinaunang simbahan sa labi ni Hesus. Ibinabatay nila ang pagpili na ito sa Sitz im Leben o orihinal na kalagayan ng pamumuhay ni Hesus noong panahon ng kanyang ministeryo. Kapag ang mga salita ay sumasalamin sa Sitz im Leben ni Hesus, itinuturing nila itong historikal o totoo. Ngunit kapag mas sumasalamin ito sa Sitz im Leben ng sinaunang simbahan, ipinagpapalagay nilang hindi talaga ito nagmula kay Hesus. Halimbawa, pangkaraniwan nilang itinuturing na likha ng simbahan ang mga salita ni Hesus na may prediksyon ukol sa kanyang kamatayan at muling pagkabuhay (dahil ito umano ang pinaniniwalaan ng simbahan matapos ang kamatayan ni Hesus). Subalit, ang Sitz im Leben ni Hesus ay inuunawa ng mga pantas na ito sa pamamagitan din mismo ng mga salitang nasa Sinoptikong Ebanghelyo. Sa madaling salita, nagpapasya sila kung anong mga materyales sa Ebanghelyo ang tunay at hindi tunay na mga salita ni Hesus batay sa kanyang Sitz im Leben, ngunit ang pagkakaunawa nila sa Sitz im Leben ni Hesus ay nakabatay din sa mga salitang ito ng Ebanghelyo! Ito ang tinutukoy ni Marshall na paikot na pangangatwiran ng mga liberal na pantas.

 

Tulad ng nabanggit na, nag-alay ang may-akda ng tig-iisang kabanata upang talakayin ang pagtatalo ng mga pantas ukol sa apat na titulo ito: Anak ng Tao, Kristo, Panginoon at Anak ng Diyos. Mainam na banggitin nang maiksi ang ilang mga detalye ukol sa bawat isa sa apat na ito.

 

Siguradong sa mga Hudio nagmula ang terminong Anak ng Tao, dahil hindi angkop sa wikang Griego ang salin nito. Madalang lamang ang paggamit ng Lumang Tipan sa terminong ito. Sa isang banda, sa paggamit dito ng Mga Awit at Ezekiel, payak lamang itong tumutukoy sa pagiging tao ng tao, sa kanyang mababa at mahinang kalikasan. Sa kabilang banda naman, sa Daniel 7 ay may apokaliptiko itong katangian. Tumutukoy ito sa isang makalangit na taong darating sa pagwawakas ng daigdig. Mayroong apat na magkakaibang teorya ukol sa titulong ito kaugnay ni Hesus. Una, hindi talaga ginamit ni Hesus ang katagang Anak ng Tao at ang simbahan lamang ang lumikha nito. Ikalawa, ginamit ito ni Hesus at lahat ng pagbanggit ng Anak ng Tao sa Ebanghelyo ay maiuugat sa kanya. Ikatlo, ginamit ito ni Hesus ngunit hindi bilang kanyang titulo. Sa halip, ibang tao ang tinutukoy ni Hesus sa tuwing binabanggit niya ang Anak ng Tao. Sa kanyang isip, mayroong ibang taong darating sa pagwawakas ng daigdig. Ito ang huhukom sa mundo at magbibigay-ganti upang bigyang balidasyon ang ministeryong ginawa ni Hesus. Ikaapat, ginamit ito ni Hesus, ngunit bilang mapagpakumbabang titulo lamang at upang idiin ang kanyang pagkatao. Ayon sa teoryang ito, ang paggamit ng Ezekiel ang ginaya ni Hesus at hindi ang paggamit ng Daniel.

 

Isa-isang sinagot ni Marshall ang mga teoryang ito. Halimbawa, patungkol sa pananaw ng ilang radikal na liberal na hindi ginamit ni Hesus ang Anak ng Tao, iginiit niyang kung totoo ito ay nakapagtataka kung bakit sa buong Ebanghelyo, sa labi lamang ni Hesus matatagpuan ang katagang ito. Kaugnay nito, kung talagang nilikha lamang ito ng simbahan, bakit hindi ito ginamit ni Pablo at iba pang manunulat ng Bagong Tipan bilang pagpapahayag ng pananampalataya kay Hesus? Ukol sa pananaw na tumutukoy ito sa ibang tao na darating sa katapusan ng daigdig, binanggit ni Marshall na walang anumang bahagi ng Ebanghelyo ang makapagpapatunay na may inaantay si Hesus na isang taong mas higit sa kanya. Patungkol naman sa paniniwalang mapagpakumbabang pantukoy lamang ito ni Hesus sa kanyang pagkatao, sinalungguhitan ni Marshall ang katotohanang sa hanay ng mga Hudio ay malinaw ang pakahulugan sa Anak ng Tao sa konotasyong apokaliptiko nito (tulad ng makikita sa pagbanggit ng 4 Ezra 13 at 1 Enoch 37-71 sa Anak ng Tao). Ngunit pinuna niya rin ang mga radikal na konserbatibong naniniwalang lahat ng pagbanggit sa Anak ng Tao sa Ebanghelyo ay maiuugat kay Hesus, dahil aniya maaaring ang ilan dito ay dumaan sa pagbabagong dulot ng pagpapatnugot nina Marcos, Mateo at Lucas.

 

Hindi tulad ng Anak ng Tao na maraming ulit na nabanggit sa Ebanghelyo at paborito ni Hesus na pantawag sa kanyang sarili, ilang beses lamang lumitaw ang salitang Kristo sa Ebanghelyo. Dalawang beses lamang tuwirang tinanggap ni Hesus ang pagtawag sa kanya bilang Kristo. Una ay sa Marcos 8:29 nang ikumpisal ito ni Pedro, at ikalawa ay sa Marcos 14:61 kung saan tinanong siya ng punong saserdote kung siya ba ang Kristo. Ang kadalangan ng paglitaw ng salitang ito ay itinuturing ng ilang liberal na patunay na nagsimula lamang ang simbahan na tawaging Kristo ni Hesus matapos niyang mamatay. Sa ganitong paraan nila ipinapaliwanag ang “Mesyanikong lihim” na isang prominenteng tema ng Marcos. Anila, hindi talaga ito ginagamit ni Hesus na pantukoy sa kanyang sarili noong nabubuhay siya. Nang mamatay siya, tinuring siya na Kristo ng kanyang mga tagasunod. Ngunit mayroon silang suliranin dahil hindi naman ginagamit ni Hesus ang titulong Kristo noong nabubuhay pa siya. Kaya upang ipakita sa mga tao na itinuturing mismo ni Hesus ang kanyang sarili bilang Kristo bago pa man siya mamatay, pinalitaw nila na inililihim lang ito dati ni Hesus sa publiko dahil kailangan niya munang maipako sa krus bago malaman ng mga tao na siya ang Kristo (kaya niya pinagbabawalan ang mga pinapagaling niya na ipagkalat na siya ang Kristo).

 

Sumang-ayon si Marshall na hindi tuwirang ginagamit ni Hesus na titulo ang Kristo, ngunit hindi ito sa kadahilanang hindi niya itinuturing na Kristo ang kanyang sarili. May dalawa umanong maaaring dahilan kung bakit hindi tuwirang ipinapahayag ni Hesus ang kanyang pagiging Kristo. Una, nais niyang ilayo ang kanyang sarili mula sa maling pananaw ng mga Hudio ukol sa Kristo. Nasyonalista at pulitikal ang tanyag noon na pananaw ng mga Hudio sa Kristo. Yamang mas espirituwal kaysa pulitikal umano ang kahulugan ng pagiging Kristo ni Hesus, iniwasan niya ang terminong ito. Ikalawa, may ilang umiiral noon na paniniwalang hindi maaaring ipahayag ng tao na siya talaga ang Kristo hanggat hindi pa niya nagagawa ang kanyang misyon bilang Kristo. Bukod sa mga ito, idinagdag din ni Marshall na mahirap paniwalaan ang iginigiit ng ilang liberal na hindi maiuugat kay Hesus ang paggamit ng Kristo. Kailangan umanong tandaan na kaya siya pinatay ay dahil mismo sa paratang sa kanya na nagpapanggap siya bilang Kristo. Sinalungguhitan niya rin na ang hindi paggamit ni Hesus sa publiko ng titulong Kristo ay hindi nangangahulugan na hindi niya rin ito ginagamit sa mga pribadong pagkakataon na kasama lamang ang mga alagad niya.

 

Sa usapin naman ng titulong Panginoon, tipikal itong iniuugat ng mga liberal sa simbahang Hentil. Anila, ang salin nito sa Griego na kyrios ay karaniwang ginagamit na mapagpitagang pantawag sa amo ng mga alipin, sa mga pampublikong opisyal, sa diyos ng ibang relihiyon, at maging sa emperador ng Roma. Noong isalin ang Lumang Tipan sa Griego (Septuagint), kyrios ang ginamit nilang salita upang isalin ang Yahweh. Nang isulat na ang Bagong Tipan, ito rin ang terminong ginamit nila bilang pantawag kay Hesus. Anila, hindi rin ito maiuugat kay Hesus, na makikita sa katotohanang kakaunti lamang ang paglitaw ng terminong ito sa Ebanghelyo bilang pantukoy kay Hesus. Ngunit iginiit ng may-akda na mayroon ding ginagamit na maagang salitang Aramaiko ang mga sinaunang Kristiyano na katumbas ng kyrios ng mga Griego. Ang salin ng Panginoon sa Aramaiko ay mare, na bahagi ng katagang maranatha. Ang maranatha ay maaaring mangahulugang “dumating ka, Panginoon” o “dumating ang Panginoon.” Ang katagang ito na ginamit ni Pablo sa 1 Corinto 16:22 ay maituturing na may napakaagang pagkakagamit dahil sa pagiging Aramaiko nito. Nangangahulugan itong tinuturing ng maagang simbahang Hudio si Kristo bilang mare.

 

Ang huling titulo ay Anak ng Diyos. Muli, sinisikap ng mga liberal na iugat ito mula sa mga impluwensyang Hentil. Halimbawa, sinasabi nilang ang Anak ng Diyos ay ginagamit na pantukoy sa tinatawag na makalangit na tao (theios aner) ng mga Helenistikong relihiyon. Ngunit iginiit ni Marshall na mas maiuugat ang katagang ito sa kaligirang Hudio. Samu’t sari ang paraan ng paggamit ng Lumang Tipan sa titulong Anak ng Diyos. Ginagamit itong pantukoy sa mga anghel, sa Israel sa kabuuan, sa hari ng Israel, sa mga masunuring tao sa Diyos, at sa Mesias. Pinansin ni Marshall ang pagsipi ng Bagong Tipan sa Mga Awit kung saan tinatawag na Anak ng Diyos ang Mesias. Liban dito, binanggit niya rin na mayroong posibilidad na may impluwensya sa paggamit ng Bagong Tipan ang personipikasyon ng mga Hudio sa Karunungan bilang Anak ng Diyos.

 

Sa pangkalahatan, sinang-ayunan ni Marshall ang mga liberal na hindi tuwiran ang paggamit ni Hesus sa mga titulong ito. Ngunit hindi ito nangangahulugan na wala siyang Kristolohiya. Bagkus, mas angkop na sabihing implisito o di-tuwiran ang Kristolohiya ni Hesus. Bagaman hindi niya tuwirang ipinapahayag sa publiko ang pag-angkin niya sa mga natalakay na titulo, marami siyang mga salita at kilos (tulad ng pagtawag sa Diyos na Ama, pagpapatawad ng mga kasalanan, at pagpapakita ng awtoridad na mas mataas pa sa Lumang Tipan) na di-tuwirang nagpapakita ng katotohanang siya nga ang Anak ng Tao, Kristo, Panginoon at Anak ng Diyos. Samakatuwid, taliwas sa pagiging likha ng simbahan, ang paggamit ng sinaunang mga Kristiyano sa mga titulong ito ay nakabatay mismo sa salita at kilos ni Hesus.

 

Ang aklat ni Marshall ay isang mahusay na gabay sa Kristolohikal na debateng ito para sa mga di-dalubhasang nais magkaroon ng panimulang kaalaman ukol dito. Ideyal ito lalo na para sa mga mananampalatayang nais na makarinig ng Ebanghelikal na pananaw sa talastasang ito. Ang maiksing sukat ng akda at limitadong bilang ng mga teknikal na termino ay ideyal para sa maraming pastor, mga mag-aaral ng teolohiya, mga Kristiyano, at iba pang interesadong idawdaw ang dulo ng kanilang paa sa ibabaw ng malalim na larangan ng Kristolohiya ng Bagong Tipan.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...