Wednesday, June 23, 2021

Rebyu #42 -- Sin ni F. Sionil Jose

Jose, F. Sionil. Sin: A Novel. Fourth Printing. Manila: Solidaridad Publishing House, 2011.

                                                                                                                               

Paano ba umusbong at naging makapangyarihan ang ilan sa mga oligarko ng Pilipinas? Paano nila patuloy na napalalago ang kanilang yaman sa gitna ng isang naghihikahos na bansa? Ano ang hitsura ng kanilang pamumuhay? Anu-ano ang tumatakbo sa kanilang mga isip? Ang mga palaisipang ito ay malikhaing tinugunan ni F. Sionil Jose sa pamamagitan ng pagkatha sa interesanteng karakter ni Don Carlos Cabello, ang pangunahing tauhan sa nobela niyang Sin. Ang pagsasalaysay ni Carlos ng kanyang sariling buhay, na animo’y isang anyo ng pangungumpisal, ang nagbigay ng daloy sa buong kwento ng nobela.

 

Mestiso ang pamilyang Cobello, na ipinagmamalaki ang kanilang taglay na dugong Espanyol. Sumali ang lolo ni Carlos sa Himagsikang 1896, at itinuturing ng maraming Pilipino bilang isang bayani. Gayunman, ang totoo’y pinakinabangan lamang nito ang himagsikan. Kinamkam nito ang pondo ng Unang Republika, at ginamit sa pagbili ng maraming mga lupain. Ang yamang ito ay lalo pang pinalago ng ama ni Carlos, na liban sa pangangalaga sa kanilang Hasyenda Esperanza sa Nueva Ecija ay namuhunan din sa napakaraming industriya sa bansa. Naging posible ito dahil sa pakikipagsabwatan ng kanyang ama sa mga Amerikano, at pakikipagkaibigan sa matataas na pinuno ng pamahalaan tulad ni Manuel Quezon. Pagdating ng mga Hapon, nakipagtulungan sa mga ito ang kanyang ama. Naglingkod ito sa ilalim ng mga Hapon bilang isang opisyal sa pamahalaan. Ngunit nang magapi ang mga Hapon sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay hindi nilitis ang kanyang ama sa kasong kolaborasyon. Nakikipagtulungan pala ito ng pailalim sa mga gerilya laban sa mga Hapon. Subalit hindi ito dahil sa pagkamakabayan, bagkus ay pagsayaw lamang sa himno ng pulitika upang masigurado na sinuman ang manalo sa digmaan ay mapapanatili niya ang kanyang yaman. Kaya naman mabilis itong nakabalik sa pulitika sa ilalim ng bagong Republika. Ang pagiging senador ay kinasangkapan nito upang lalo pang mapalago ang kapital ng kanyang mga korporasyon.  

 

Nang maipasa na kay Carlos ang buong ari-arian ng kanyang ama, lalo pa nitong pinalago ang yaman ng mga Cobello. Bukod sa pagiging panginoong maylupa na nagmamay-ari ng malawak na hasyendang pinagtataniman ng asukal, nagmamay-ari siya ng mga korporasyon sa iba’t ibang industriya ng bansa tulad ng pagbabangko, paggawa ng barko, pagtatayo ng mga gusali at marami pang iba. Dahil sa pagiging tuso, lumawak ang kanyang ekonomikong imperyo hanggang sa siya’y maging isa sa pinakamayamang kapitalista sa buong bansa, na nagtataglay ng malaking impluwensya sa pambansang pamahalaan. Tulad ng kanyang lolo at ama, mayroong malapit na relasyon si Carlos sa mga pinakamatataas na opisyal ng bansa. Ang kanyang pakikipagkaibigan kay Marcos ang naging dahilan kung bakit hindi ginalaw ng pamahalaan ang kanyang mga korporasyon noong ipataw ang Batas Militar sa bansa. Mismong siya ay pumasok sa mundo ng pulitika upang higit pang palawakin ang kanyang koneksyon. Ngunit dahil ayaw niyang sobrang malantad ang kanyang sarili sa pulitika, tinanggihan niya ang matataas na puwesto, at nagsilbi na lamang bilang kinatawan ng Pilipinas sa Peru. Nakikipagtulungan din siya sa mga korporasyong nagmula sa iba’t ibang bansa upang mas mapaunlad ang kanyang mga negosyo. Sama-sama nilang sinasamantala ang murang halaga ng lakas-paggawa ng milyon-milyong manggagawang Pilipino.

 

Bukod sa napakaraming pagmamay-ari sa Pilipinas, samu’t sari rin ang kanyang mga negosyo at ari-arian sa labas ng bansa. Mayroon silang mga mansyon at gusali sa Espanya, Japan, Hongkong, Timog Korea, Estados Unidos, at marami pang mga bansa. Halos buwan-buwan ay tumutungo siya sa iba’t ibang bansa para sa pangangasiwa ng kanyang mga negosyo. Kahit kailan gustuhin ng kanyang pamilya ay nakakatungo ang mga ito sa Europa, Amerika, at iba’t ibang bahagi ng Asya, na ginagawa nilang bakasyunan. 

 

Bagaman wala naman talaga siyang pakialam sa bayan (bukod sa kailangan niya ito bilang instrumento sa higit pang pagpapalago ng kanyang kapital), nakabuo siya ng publiko ng isang nasyonalistang imahe. Dulot ito ng kanyang libangan bilang kolektor ng maraming kulturang materyal na may kinalaman sa kalinangang Pilipino. Nagmamay-ari rin siya ng malaking koleksyon ng mga aklat ukol sa Pilipinas. Binuksan niya ang mga koleksyong ito para sa mga akademikong interesado sa pananaliksik ukol sa kasaysayan at lipunang Pilipino. Nakilala rin siya bilang tagapagsulong ng karapatan ng mga minoryang pangkat etniko, na personal niyang pinadadalhan ng tulong. Ngunit kaalinsabay ng pagtulong sa mga ito ay ang pagkuha ng kanilang loob upang mapagsamantalahan niya ang kanilang mga likas na yaman. Ang ganitong nasyonalistang imahe ay kanyang ginamit upang mapapayag niya ang ilan sa mga tunay na makabayan na magtrabaho sa ilalim ng kanyang mga korporasyon. Sa kanyang isip, lagi niyang ikinakatuwiran na ginagamit niya man ang masa bilang instrumento ng pagpapayaman, binibigyan niya naman ang mga ito ng sweldo at mga benepisyong mas mainam kaysa sa ibinibigay ng ibang mga korporasyon. Sa pamamagitan din umano ng kanyang pagpapayaman ay lalong umuunlad ang bansa, dahil marami siyang itinatayong mga industriya na nakatutulong sa ekonomiya ng Pilipinas.

 

Sa kabila ng kanyang pampublikong imahe bilang nasyonalista, tahasang rasista ang pag-iisip ni Carlos. Pinandidirihan niya ang mga tinatawag niyang Indio, ang masa na para sa kanya ay ubod ng tamad, kulang sa talino at walang pagkamalikhain kaya nananatiling mahirap. Naniniwala siyang likas na karapatan ng mga mestiso ang paghahari sa lipunan, dahil taglay nila ang superyor na dugo ng mga Espanyol. Para sa kanya, nagagawa nilang palaguin ang kanilang yaman dahil sa kanilang kasipagan at husay. Ipinagmamalaki niya rin ang pagsasalita nila ng wikang Espanyol, na para sa kanya ay ang tunay na wika ng mga makapangyarihang mestiso sa bansa.

 

Pinaniniwalaan din niya na pribilehiyo nilang mayayaman ang kasaysayan. May isang nasyonalistang historyador, na nagngangalang Lamberto Campo, na nagsusulat laban sa kanilang pamilya. Iginigiit nito na oportunista ang lolo ni Carlos, na sinamantala ang pondo ng Unang Republika. Bagaman naiinis siya rito, hindi niya ito ipinapatay (bagay na kaya niyang gawin, tulad ng ginagawa nila sa ibang kaaway ng kanilang pamilya). Para kay Carlos ay hindi na dapat pang pag-aksayahan ng oras ang historyador na ito, dahil hindi naman niya magagawang baguhin ang kasaysayan, na hawak ng mga makapangyarihan. Ani nga ni Carlos:

 

But for people like me, history is a real luxury, for we have all the time to read, to amass the artifacts of the past, to contemplate this past if we are thinking at all. The people – those Indios who live in the farms, in rundown neighborhoods – to them history has no meaning. All they are aware of is us, the living with our sanctified names; we have been vested by history with the power to write it, create it, for that is what it has always been – history is written by the strong. (p.125)

 

Kaya naman para sa kanya, kahit na anong gawin ng mga historyador na ipinaglalaban ang masa, sila paring mga makapangyarihan ang ipapangalan sa mga kalsada, ilalagay sa pera, at pag-aaralan ng mga akademiko.

 

Samantala, pati ang industriya ng prostitusyon ay hindi pinalagpas ng pamilyang Cobello. Ngunit hindi pang-masang prostitusyon ang kanilang hawak. Ang kanyang ama ang nagsimula ng pangongolekta ng mga kababaihan na kanilang iniaalok sa mga Hapon na may mataas na ranggo sa militar. Nang ipasa ng kanyang ama kay Carlos ang negosyong ito, ang naging suki nila ay mga prominenteng pulitiko at negosyante ng bansa. Kaya hindi nakapagtataka kung bakit puno ng kalayawang sekswal si Carlos. Bago niya ialok ang mga kababaihang ito sa mga pulitiko’t negosyante, siya muna ang unang nakikipagtalik sa mga ito. Kahit saang bansa mapunta si Carlos ay nagkakaroon siya ng karelasyong sekswal, tulad nina Choonja ng Timog Korea, Yoshiko ng Japan, at Ann ng Hongkong. Hindi minahal ni Carlos ang marami sa mga babaeng kanyang nakaulayaw, na itinuturing lamang niya bilang gamit na magbibigay sa kanya ng kasarapang pisikal. Ngunit dahil sa ganitong uri ng pamumuhay ay nagkaroon siya ng karamdamang sekswal, na una niyang nakuha kay Adela, isa sa mga babaeng tinipon ng kanyang ama upang ialok sa mga Hapon.

 

Maging ang kanyang ate na si Corito ay kanya ring naging katalik. Nagbunga ang kanilang ginawa nang ipagbuntis ni Corito si Angela. Itinago nila ang katotohanang ito sa lahat, maging sa kanilang anak. Naging sakitin ito mula pa man sa pagkasilang, dahil bukod sa pagiging bunga ng pagniniig ng magkapatid, naipasa ni Carlos ang kanyang karamdamang sekswal kay Corito noong ipinagbubuntis nito si Angela. Kalaunan ay sinira ng karamdamang ito ang kakayahan ni Carlos na bumuo ng sanggol. Buong akala niya ay si Angela lamang ang kanyang anak. Ngunit isang pagkakataon ay bigla na lamang mayroong dumalaw sa kanyang tahanan na isang lalake na nagpakilalang anak niya ito kay Severina. Isang kasambahay ng kanilang pamilya si Severina, na pinilit niyang makipagtalik sa kanya noong siya ay nasa hayskul pa lamang. Bagaman negatibo ang kanilang simula, natutunan nila kalaunang ibigin ang isa’t isa. Isang araw ay bigla na lamang nawala si Severina sa kanilang mansyon. Ang hinala niya ay tinakot ito ng kanyang ama noong malaman ang namamagitan sa kanila, yamang laging sinasabi ng kanyang ama na huwag siyang iibig sa babaeng hindi niya kauri. Sa kabila ng nararamdaman niya kay Severina, walang anumang pagsisikap na ginawa si Carlos upang hanapin si Severina.

 

Nang nagpakilala si Delfin sa kanya bilang kanyang anak kay Severina, agad niya itong pinaniwalaan dahil kamukhang kamukha niya ito. Lubos ang galak ni Carlos nang makilala niya si Delfin, dahil sa wakas ay magkakaroon na siya ng tagapagmana. Subalit matapos ng munting pag-uusap nila ay nagpasya nang umalis si Delfin, dahil ani nito, pumunta lamang siya kay Carlos dahil bago mamatay ang kanyang ina ay pinilit nito si Delfin na mangakong pupunta siya sa kanyang ama upang magpakilala. Hindi siya interesado na maging tagapagmana ni Carlos, dahil nais niyang tumayo sa sarili niyang mga paa. Nag-aral siya sa Unibersidad ng Pilipinas bilang iskolar, at kalauna’y kumuha ng abogasya. Nais nitong maging abogado upang maipagtanggol ang mga magsasaka laban sa mga mapang-aping mayayaman na kumakamkam sa kanilang mga kalupaan (tulad ng karanasan ng mga magsasaka ng Siquijor kung saan siya lumaki). Nang maging ganap na siyang abogado, nagtrabaho siya sa ilalim ni Nojok, isang nasyonalistang abogado na laging bumabatikos sa korapsyon ng pamahalaan, at nakatutok sa pagbibigay ng tulong sa mga magsasakang pinagsasamantalahan ng mga hasyendero. Sa kabila ng pagtanggi ni Delfin na magtamasa ng yaman ng kanyang ama, nagpumilit si Carlos na laging magbigay ng pera sa kanya (na hindi nito ginagamit para sa sarili, kundi ibinibigay sa mga mahihirap na magsasaka). Sinikap ni Carlos na gawin ang lahat ng makakaya niya upang mapalapit ang loob sa kanya ng kanyang anak.

 

Naging malapit ang loob ni Delfin at Angela sa isa’t isa bilang magpinsan (hindi nila alam na sila’y magkapatid). Ginawang tulay ni Carlos si Angela upang malaman niya ang mga ginagawa ni Delfin, at upang magkaroon siya ng pagkakataong makasama ang kanyang anak. Hindi man lamang siya nakahalata na mayroon nang yumayabong na damdamin sa isa’t isa ang dalawa. Unti-unti na sanang nagtatagumpay si Carlos na makuha ang loob ng kanyang anak, ngunit may isang insidenteng nagdulot ng pagkakasira nito. Naglatag si Carlos ng mekanisasyon ng agrikultura sa Hacienda Esperanza, na nagdulot ng pagpapalayas sa maraming mga magsasaka. Tinulungan ng mga abogado ang mga magsasaka upang magsampa ng kaso, nang sa gayon ay magkaroon sila ng titulo sa lupa kung saan sila pinalalayas. Ilan sa mga magsasakang naapektuhan ay mga kamag-anak ni Delfin, sa panig ng kanyang nanay. Lumapit si Delfin at nagpakumbaba sa kanyang ama alang-alang sa mga magsasaka. Ang buong akala niya’y mahihikayat niya ito. Maaari naman sanang hayaan ni Carlos na manalo ang mga magsasaka, dahil hindi naman ganoong kalaki ang mawawala sa kanya, at makatutulong din ito upang maging malapit sa kanya si Delfin. Ngunit nagpasya si Carlos na gawin ang lahat upang manalo, upang maituro kay Delfin ang aral ukol sa reyalidad ng pulitika at kapangyarihan. Binayaran niya ang mga hukom ng Korte Suprema, na naging sanhi ng kanyang pagkapanalo sa kasuhan. Ngunit sa halip na matutunan ni Delfin ang aral na nais niyang ituro, lalo itong nanindigan para sa mga magsasaka at tuluyan na siyang lumayo sa kanyang ama.

 

Ang kanyang pagkalungkot sa pagdistansya ng kanyang anak ay nasundan ng isang mas malalang insidente. Noong makikipagtalik sana siya sa isang babaeng ibubugaw niya sa ibang mayayaman kalaunan, matapos nilang sabay na maligo ay aksidente niyang natapakan ang sabon sa gilid ng banyo. Natumba siya, tumama ang kanyang ulo, at bunga nito ay naparalisa ang kanyang buong katawan. Matapos ipagtapat ng mga doktor na may taning na ang kanyang buhay, nakiusap siyang puntahan siya nina Delfin at Angela, na noo’y nabalitaan niyang nagsasama na. Sinabi niyang siguradong hindi na niya mapipigilan ang planong pagpapakasal nina Delfin at Angela, kaya’t ang ipakikiusap niya na lamang kay Delfin ay tanggapin nito ang pagiging tagapagmana, upang makapamuhay ng komportable si Angela. Ngunit sa kabila nito ay hindi parin tinanggap ni Delfin ang yaman ng kanyang ama. Kalaunan ay umiiyak na bumalik si Angela sa ospital upang sabihin kay Carlos na natuklasan na nila ni Delfin ang katotohanang magkapatid sila, kaya naman hindi na nila maitutuloy ang pagpapakasal.  

 

Sa ganitong kalagayan ay napuno ng eksistensyal na krisis si Carlos. Sa kabila ng lahat ng pera at kapangyarihan na mayroon siya, hindi na niya magagawang maipagpatuloy ang kanyang senswal na pamumuhay, pakikipagtalik man sa kababaihan o pagkain ng masasarap na pagkain. Wala siyang kakayahang baliktarin ang masamang kinasapitan ng kanyang dalawang anak, na dulot ng kanyang mga kasalanan. Isa siya sa pinakamayamang tao sa buong bansa, ngunit wala siyang magiging tagapagmana. Bagaman napakalawak ng kanyang pag-aari, wala siyang mapapakinabangan sa mga ito habang siya’y tila lantang gulay na nakahiga at nag-aantay ng kamatayan.

 

Matagumpay na naipinta ni F. Sionil Jose ang masalimuot na kalagayan ng lipunang Pilipino mula sa punto-de-bista ng mga naghaharing uri. Binigyan tayo nito ng pagkakataon na makasulyap sa tipikal na pag-iisip at pamumuhay ng mga makapangyarihang pamilya sa bansa, na nagtataglay ng hindi napapatid na pagkauhaw sa kayamanan. Tahasan nitong iniharap sa atin ang kasalanan, na bagaman mukhang nasa dimensyong pang-indibiduwal lamang, ay mayroong napakalaking implikasyon sa milyon-milyong mamamayan ng isang lipunang mula noon hanggang ngayon ay nananatiling makasalanan.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...