Bautista, Lualhati. Dekada ’70. Mandaluyong City: Anvil Publishing, Inc., 2018.
Mula nang mag-umpisa ang tinatawag ni Julio Teehankee na “Post-Edsa Regime” noong 2016, naging talamak ang rebisyunistang paglalarawan sa Batas Militar bilang ginintuang panahon diumano sa kontemporaryong kasaysayan ng Pilipinas. Tatlumpung taon matapos ang Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan sa EDSA, inihimlay ang labi ni Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at nakabalik na sa mga pambansang opisina ang kanyang pamilya. Nagsulputan din ang mga “history vlogger” na nagpapakalat sa mga pampublikong espasyo ng pagtatanggol sa Batas Militar, kalakip ng mga anekdotang nagmula sa kanilang lolo’t lola na maganda at mapayapa ang buhay noon, palibhasa’y nadisiplina raw nang maayos ng pamahalaan ang mga mamamayan. Tila malaking porsyento ng mga Pilipino ang naimpluwensyahan ng proyekto ng pangkasaysayang pagpapakalimot na isinasagawa ng kasalukuyang administrasyon, na hindi lingid sa kaalaman ng marami ay taktika nito upang magbigay lehitimasyon sa mala-awtoritaryong pamumuno ng pangulo. Sa ganitong kritikal na panahon labis na mahalaga ang muling pagbasa sa mga klasikong teksto, na naipanganak mula sa sinapupunan ng kaapihang nilikha ng Batas Militar.
Walang duda na sa larangan ng
panitikan, isa sa pinakaprominenteng halimbawa ng mga klasikong tekstong ito ay
ang Dekada ‘70 ng Pambansang Alagad
ng Sining na si Lualhati Bautista. Bagaman likha ng imahinasyon, ayon na rin sa
paunang salita ng may-akda, marami sa mga pangyayari sa nobela ay hango sa mga
tunay na karanasan ng mga tao noong Batas Militar. Subalit hindi lamang
depiksyon ng malagim na dekadang ito ang nobela. Ito ay makulay na paglalarawan
din sa masalimuot na interseksyon ng pamilya, kasarian at pagkamakabayan sa
konteksto ng isang lipunang puno ng inhustisya. Ang mga temang ito ay
organisadong napagtagni-tagni ni Bautista, sa pamamagitan ng pagsubaybay sa
dahan-dahan ngunit radikal na transpormasyon ng protagonistang si Amanda
Bartolome – mula sa pagiging isang konserbatibong babae, walang identidad na
nanay at apulitikal na Pilipina, tungo sa pagiging isang indibiduwal na may
ganap at mapagpalayang pananaw sa kasarian, pagpapamilya, at lipunan.
Si Amanda ay isang asawa at ina sa
isang tipikal na pamilyang gitnang uri. Nasanay siya sa isang maginhawang
buhay, palibhasa’y inhinyero ang kanyang asawang si Julian, at maging siya ay
galing din naman sa isang nakaririwasang pamilya. Siya ay ina ng limang lalake
– sina Jules, Gani, Em, Jason at Bingo. Bunga siya ng isang konserbatibo at
patriarkal na lipunan, kung saan ang babae ay nakakahon lamang sa mga gampaning
domestiko. Hindi siya pinag-aral ng kanyang mga magulang dahil sa paniniwalang
ang papel lamang naman ng babae ay pagsilbihan ang kanyang asawa’t mga anak. At
ganito nga ang naging takbo ng kanyang buhay sa maraming taon. Ang kanyang
pagiging Amanda ay laging nakabatay sa iba – siya ay asawa ni Julian at nanay
nina Jules, Gani, Em, Jason at Bingo. Ngunit wala siyang identidad na matatawag
niyang kanya, hindi tulad ng kanyang asawa’t mga anak na lalake na malayang
nakatutuklas ng kani-kanilang mga pangarap at pagkakakilanlan. Hindi rin siya
pinahihintulutan ni Julian na magtrabaho. Katwiran nito, “its a man’s world
after all.” Aniya, ang pagnanasa sa kapangyarihan at paglikha ng mga
bagay-bagay sa lipunan ay gawaing panglalake, at kailangang makuntento ng babae
sa pangangalaga ng kanyang pamilya.
Bukod sa patriarkal na pananaw,
nahubog din si Amanda ng isang kapitalistang lipunan, na kinukondisyon ang mga
taong ituon sa pagkonsumo at maginhawang pamumuhay ang kanilang pansin, at
huwag nang makialam pa sa mas malawak na mga isyung panlipunan at pampulitika.
Bagaman kung minsan ay nakababalita ng ilang ukol sa kahirapang dinaranas ng
ibang mga Pilipino, naiisip niya na hindi niya ito kasalanan at hindi niya
obligasyong makialam dito. Katwiran niya, hindi niya kasalanan na nakaririwasa
ang kanyang pamilya. Sa halip na pagtuunan ng pansin ang mga isyung ito, mas
dapat niyang pag-isipan ang kinabukasan ng kanyang mga anak at ikabubuti ng
kanyang pamilya. Isa pa, ang mga isyung ito ay mga paksang kinasasangkutan
lamang ng mga lalake. Bilang babae, sapat na ang pagsulyap sa mga bahagi ng
magasin na ukol sa dekorasyon sa bahay, mga damit, pagkain, at domestikong
pamumuhay. Naaasiwa rin siya sa tuwing nakakakita ng mga kabataang sumasali sa
kilos protesta. Nanggugulo lang umano ang mga ito at dinudumihan pa ang
kapaligiran sa pamamagitan ng kanilang bandalismo. Nanghihinayang siya sa
kinabukasan ng mga kabataang ito, at sa isip niya’y sinisisi ang mga pabayang
magulang na hindi maayos ang pagpapalaki sa kanilang mga anak.
Bagaman kinaiinisan ng mga
kapitbahay dahil sa kapilyuhan, ipinagpapalagay ni Amanda na mababait naman ang
kanyang limang anak. Ang kanyang panganay na si Jules ay isang masikap na
mag-aaral na mahilig sa musika. Nagsimula siyang mag-alala rito noong tila
nahihilig ito sa mga progresibong awitin, na may kinalaman sa mga isyung
panlipunan. Sa tuwing nagtutugtugan sila ng kanyang matalik na kaibigang si
Willy sa tahanan, naririnig ni Amanda at Julian ang mga lirikong pumupuna sa
pamahalaang Marcos at imperyalismong Amerikano. Makailang ulit na nagkaroon ng
sagutan sa pagitan ni Jules at ng kanyang ama, na nagsisikap namang
pangatwiranan at ipagtanggol ang mga polisiya ng pamahalaan at ibinibigay na
“pag-unlad” ng mga Amerikano.
Pinagmumulan din ng sakit ng ulo ni
Amanda si Gani, na sa murang edad ay nakabuntis agad. Upang mapanagutan ang
babae at hindi magkasala sa pamilya nito, ipinakasal nila nang maaga si Gani
kay Evelyn. Kahit na noong matapos na maipanganak si Anna Lissa, patuloy pa rin
sa pag-aaway na tila aso’t pusa sina Gani at Evelyn. Laging tumatayong
tagapamagitan sa dalawa si Amanda, upang maibsan ang kanilang mga pagtatalo. Kalaunan
ay ipinasya ni Gani na tumungo sa Estados Unidos upang sumali sa hukbong
pandagat ng mga Amerikano, at nangakong magsisikap siya upang mabilis na
mapetisyon ang kanyang mag-ina.
Si Em ang itinuturing niyang
pinakamatalinong anak. Noong una ay ipinadadala ito sa iba’t ibang lupalop ng
bansa para dumalo sa mga seminar at akademikong pagsasanay na ibinibigay ng
pamahalaan. Kalaunan ay sa ibang bansa na siya ipinapadala upang makilahok sa
iba’t ibang programa. Nakapasok din sa Unibersidad ng Pilipinas si Em, na
laging napapanatiling matataas ang kanyang grado. Habang mag-aaral pa lamang
siya ay nasangkot na siya sa pagsusulat ng mga sanaysay, maikling kwento, at
dula na naililimbag sa mga magasin sa loob at labas ng unibersidad.
Kabaliktaran ni Em, si Jason naman
ang pinakabulakbol niyang anak pagdating sa pag-aaral. Nagpapabili ito ng mga
materyales na kailangan niya sa pag-aaral, ngunit lagi namang hindi natatapos
ang kanyang mga proyekto. Nagagawa lamang niyang makakuha ng pasang-awang mga
grado dahil sa kaaya-ayang personalidad niya. Mahilig magbiro si Jason, na
dahilan kung bakit mabilis siyang kagiliwan ng mga tao. Subukan mang itago ni
Julian, si Jason ang kanyang paboritong anak. Malambing din na anak si Jason.
Madali sa kanya na yumakap sa kanyang ina, at magpakita ng pagmamahal sa iba’t
ibang kaparaanan.
Tulad ng isang tipikal na bunso,
makulit ang kanyang anak na si Bingo. Mahilig ito sa iba’t ibang libangan tulad
ng pagbibisikleta, pagsasaranggola, pag-aalaga ng kalapati, at marami pang iba.
Lagi mang inaasar ng kanyang mga kuya, magiliw din ang pagkalinga nila rito.
Nagsimulang subukin ang katatagan
ni Amanda bilang nanay noong unti-unting lumalim ang paninindigan ni Jules sa
kanyang progresibong pananaw. Naging malaking dagok para kay Jules noong
mabalitaan niyang namatay sa engkwentro laban sa militar ang kanyang kaibigang
si Willy. Walang nagawa si Amanda at Julian noong magdesisyon ang kanilang anak
na tuluyan nang tumungo sa ibang probinsya upang sumapi sa kilusan.
Manaka-nakang bumabalik si Jules sa kanilang tahanan, upang magdala ng kanyang
mga kasamaan sa kilusan na kailangan ng pansamantalang masisilungan. Isa sa mga
ito si Rene, na sugatan mula sa labanan noong kanyang iniuwi rito. Magiliw
itong inalagaan ni Amanda, at dahil sa magandang personalidad ay napalapit ang
loob kina Julian. Liban sa mga kaibigan, may bitbit din na samu’t saring kwento
si Jules sa kanyang mga magulang tuwing umuuwi siya, patungkol sa iba’t ibang
anyo ng kaapihan na kanyang namamalas sa kanayunan. Kalaunan ay dinala rin niya
sa bahay si Mara, upang ipakilala sa kanyang mga magulang ang kanyang babaeng
napangasawa sa loob ng kilusan. Nang ipakilala niya ito sa kanyang mga
magulang, nagdadalang-tao na si Mara sa kanilang anak na si Rev. Bilang kapwa
kasapi sa kilusan, napakadalang lang magkita nina Jules at Mara. Hindi sila
tulad ng pangkaraniwang mag-asawa na araw-araw magkasama sa iisang bahay.
Palipat-lipat sila nang sinisilungan, batay sa tawag ng gampanin at seguridad.
Noong pagsabihan siya ni Amanda na tila mas pinapahalagahan niya pa ang kilusan
kaysa sa kanyang asawa at ipinagbubuntis nito, sumagot si Jules na “Loving does not mean looking at each other
but looking together in the same direction.” Iginiit niya pa na ang kanyang
ginagawa ay ekspresyon mismo ng pagmamahal sa kanyang magiging anak, na gusto
niyang bigyan ng isang mas makatarungang lipunan.
Noong magpaalam si Jules sa kanyang
pamilya dahil matagal siyang hindi uuwi, binilinan niya sila na sunugin ang
lahat ng kanyang gamit, lalo na ang mga subersibong babasahin, dahil
nangangamba siya na baka pumunta ang mga pulis sa kanilang tahanan upang
tugisin siya. At nagkatotoo nga ang kanyang pangamba nang halughugin ng mga
pulis ang kanilang buong kabahayan upang maghanap ng ebidensya sa kinaroroonan
si Jules. Walang natagpuan anuman ang mga ito, at maligaling na
nakapagsinungaling ang kanyang mga kapatid na wala silang nalalaman ukol sa
kanilang kuya. Ngunit pagkalipas ng ilang buwan ay ibinalita sa kanila na
nahuli na si Jules at ipiniit sa Kampo Crame. Nang sa wakas ay pahintulutan na
si Amanda na dumalaw sa kanyang anak, ibinahagi nito ang pangtotortyur na
ginawa sa kanya: halos mabasag ang kanyang buto sa dibdib sa pagsusuntok at
pagsisipa sa kanya, kinuryente ang kanyang ari, at hubo’t hubad siya habang
kinukwestiyon upang tuluyan siyang panghinaan ng loob dahil sa labis na
kahihiyan. Sa kabila ng lahat ng kanyang paghihirap, hindi nagsalita si Jules
at hindi siya nagsabi ng anumang impormasyon ukol sa kanyang mga kasamahan.
Labis ang pagdurusa ni Amanda sa
paghihirap na dinaranas ng kanyang anak. Kahit na noon pa lamang na nagsisimula
niyang mahiwatigan ang anak ng unti-unting pagiging progresibo, nangangamba na
siya para sa kaligtasan nito, lalo pa dahil kaliwa’t kanan ang mga balita ukol
sa mga aktibistang hinuhuli o pinapatay. Noong tuluyan nang umalis si Jules
upang lumublob sa pamumuhay ng masa, hindi na nawala ang lagi-laging pag-aalala
ni Amanda kung kumusta na kaya ang kanyang anak, kung ligtas ba ito o kung
maayos ang kanyang pamumuhay. Noong makulong at pahirapan si Jules sa piitan,
napagtanto ni Amanda na bilang ina ay mayroon pa palang mga uri ng sakit na
makailang ulit na mas mahapdi kaysa sa panganganak. Hindi pala sa panganganak
natatapos ang kalbaryo ng isang nanay, kundi lagi niya itong dala sa paglaki ng
kanyang mga anak, lalo na sa mga sitwasyon na nalalagay sa panganib ang mga
ito. Sa kanyang isip ay paulit-ulit niyang sinasabi na kung maaari lamang na
kunin niya ang kirot na pinagdadaanan ni Jules ay gagawin niya ito.
Samantala, ang kanya namang anak na
si Gani ay hiniwalayan ni Evelyn. Nagpasya ito na hindi na sila magpapapetisyon
sa Estados Unidos ni Anna Lissa. Nang tanungin siya ni Amanda kung mayroon na
ba siyang iba, nagwika si Evelyn na hindi naman laging ito ang dahilan ng
pakikipaghiwalay ng isang asawa. Paulit-ulit ang kanilang pag-aaway, hanggang
sa mawala na ang lahat ng kanyang nararamdaman sa kanyang kabiyak. Bagaman
masama ang loob ni Amanda, sa kabilang banda ay hinahangaan niya si Evelyn
dahil sa tapang nito, dahil napakabihira na tumindig ang isang babae at
magdesisyong makipaghiwalay sa kanyang asawa. Kaya nitong mabuhay nang nag-iisa
dahil di-tulad niya na nasa bahay lamang, may sariling trabaho si Evelyn. Kahit
na hiwalay na ito sa kanyang anak, patuloy pa rin nila itong tinatanggap kasama
si Anna Lissa kapag dumadalaw sila sa tahanan. Ani nga ni Evelyn, hiwalay naman
ang kanyang relasyon kay Gani sa kanyang pagmamahal kina Amanda at Julian na
itinuturing na niyang nanay at tatay.
Ngunit ang pinakamalaking dagok sa
buhay ni Amanda bilang ina ay ang nangyari sa kanyang ikaapat na anak na si
Jason. Matapos sa hayskul, tumigil na ito sa pag-aaral dahil hindi umano pa
siya sigurado sa gusto niyang maging direksyon ng kanyang buhay. Nahilig siya
sa pagsama sa mga barkada, hanggang sa napapadalas na hindi siya umuuwi. Isang
araw ay biglang tumawag kina Amanda ang isang kaibigan ni Jason at sinabi sa
kanilang hinuli ito ng mga pulis dahil nakitaan diumano ito ng droga. Nang
makarating sila sa presinto ay sinabi sa kanila ng mga pulis na pinalaya na
nila si Jason. Ngunit hindi nila matagpuan kung nasaan ito. Kung saan-saan
naghanap si Amanda at Julian ngunit hindi nila ito natagpuan. Niyaya ni Em ang
kanyang kaibigan upang sila naman ang maghanap kay Jason magdamag. Hinalughog
nila ang mga presinto at ospital ngunit wala rin silang napala. Biglang
nagkaroon ng masamang kutob si Em at sinabi niya sa kanyang kaibigan na tumungo
na rin sila maging sa mga punerarya. Sa isang punerarya ay kahabag-habag ang
hitsura ng bangkay ni Jason nang makita nila ito. Labingpito ang saksak nito,
ang ilan ay tumagos sa puso at baga. Basag pati ang kanyang bayag. May alambre
sa pulso, at gasgas ang mga tuhod. Halatang halata na pinahirapan siya bago
patayin. Nang ibalita ito ni Em sa kanyang mga magulang, nagwala si Julian at
nahimatay sa pagkagulantang si Amanda.
Sa unang pagkakataon ay nakumpleto
muli silang pamilya noong binurol si Jason. Umuwi mula sa Estados Unidos si
Gani, at pinayagan si Jules na makapunta sa lamay ng kanyang kapatid habang
ineeskortan ng dalawang militar. Nagngingitngit sa galit ang bawat isa sa
kanila, at binubulalas na mga pulis ang siguradong nang-salvage sa kanilang kapatid. Naniniwala silang hindi totoong
gumagamit ng droga si Jason, dahil ni wala man lang nakitang indikasyon sa
kanyang awtopsiya ukol sa paggamit ng droga. Ngunit sinikap silang payapain ni
Julian upang hindi magkagulo. Ngunit noong silang dalawa nalang sa kwarto bago
matulog, nasaksihan ni Amanda sa unang pagkakataon ang labis na pagtangis ni
Julian. Sa pagkakataong ito’y hindi na isang matikas na lalake si Julian, isa
na siyang ama. Bagaman ginawa nila ang lahat ng makakaya nila upang malaman
kung sinu-sino ang pumatay kay Jason, at kung saan-saang opisina na sila lumapit,
hindi pa rin nila nakamit ang katarungan. Napabilang lamang si Jason sa
estadistika ng libo-libong kaso ng mga hindi naresolbang pagpatay noong panahon
ng Batas Militar.
Samantala, matapos ng dalawang taon
na pagkakakulong ni Jules, isa siya sa mga detinadong pulitikal na nakalabas
noong naglabas ng utos ang pamahalaan na palayain ang maraming bilanggo (dulot
ng pamimilit na ginagawa ng maraming grupo ng karapatang pantao sa loob at
labas ng bansa). Ngunit matapos makalaya ay agad siyang bumalik sa kilusan.
Inilahad niya sa kanyang mga magulang na kapag nanindigan na sila para sa
pagsusulong ng katarungang panlipunan, wala na itong atrasan.
Sa lahat ng mga karanasang ito ni
Amanda ay unti-unting namulat ang kanyang kamalayan ukol sa reyalidad ng lipunan.
Sa kabila ng paulit-ulit na pagtatangka nilang himukin si Jules na tigilan ang
kanyang panlipunang pakikisangkot mula pa man umpisa, nabigo sila. Naisip ni
Amanda na kung ang isang kabataang tulad ni Jules, na nasanay sa masarap na
pamumuhay, ay nagawang iwan ang kaginhawaang ito para sa kanyang paninindigan,
baka nga may katotohanan ang kanyang ipinaglalaban. Dumagdag pa rito ang
personal na karanasan nila ng inhustisya sa pagkamatay ni Jason. Naging
sensitibo na rin siya sa kanyang pagmamasid sa paligid. Hindi na lumapagpas
nang baliwala lamang ang bawat balita na nasasaganap niya – bawat ilegal na
detensyon, pantotortyur, pagpatay, panggagahasa at iba pang paglabag sa
karapatang pantao. Nagiging malinaw na rin para sa kanya ang mga dating
paliwanag ni Jules – ukol sa pagpapautang ng Estados Unidos sa Pilipinas upang
mapagalaw ang kanilang sobra-sobrang kapital, mga kapital na hinuthot din nila
mula sa Pilipinas; ang pananamantala ng mga Amerikano sa likas na yaman at
murang halaga ng lakas-paggawa ng bansa; ang pagsisilbi ng Pilipinas bilang
merkado ng labis-labis na produksyon ng Estados Unidos; ang mga proyekto ng
pamahalaan na ang pinakanakikinabang lamang ay mga multinasyunal na
korporasyon; at pagbagsak ng mga lokal na industriya dahil sa pagkiling ng
pamahalaan sa mga banyagang industriya; at patuloy na paghahari ng
imperyalismong Amerikano sa Pilipinas na pinagtatanggol ng diktadurang
Marcos.
Kaalinsabay ng kanyang pagkamulat
sa reyalidad ng lipunan ay ang kanya ring unti-unting pagkagising sa mga isyung
pangkasarian sa konteksto ng pamilya. Sa kabila ng kakaibang sitwasyon ng
mag-asawang Mara at Jules, nagsimula siyang makaramdam ng pagkainggit sa
kanilang uri ng relasyon. Kahit na hindi sila laging magkasama, malapit na
malapit ang loob nila sa isa’t isa. Nagkakaisa sila sa diwa at layunin. Taliwas
sa relasyon nila ni Julian, na magkasama nga sa iisang tahanan ngunit hindi
naman malapit ang loob sa isa’t isa. Hindi siya nakakapagsabi kay Julian ng
kanyang mga nararamdaman, at hindi rin nagsasabi si Julian ukol sa kanyang
sariling buhay, sa kanyang trabaho at kanyang mga iniisip, palibhasa’y inaakala
na walang interes dito ang mga babae. Maging sa pribadong buhay-pagtatalik
nila, nahihiyang magsabi si Amanda sa tuwing gusto niya itong gawin, dahil sa
pakiwari na hindi ugali ng babae ang pagiging agresibo. Kaya ginagawa lamang
nila ito kung kailan naisin ni Julian. Pakiramdam niya ay isa lamang siyang
utusan, tagapagtimpla ng kape at tagapagsilbi, tagapagbigay ng aliw sa asawa
kapag pagod sa trabaho. Naiinggit siya kay Mara, na matapang sumagot at diretso
kung makatingin sa lalake. Mayroon itong identidad na matatawag niyang kanya,
na hiwalay sa pagiging asawa ni Jules at ina ni Rev. Siya ay isang babaeng may
sariling pagkakakilanlan, sinusunod ang sariling konsensya at ginagawa ang
sariling pangarap at adhikain. Taliwas kay Mara, sa ganitong mga salita
inilarawan ni Amanda ang kanyang sarili:
Sa loob ng
dalawampu’t pitong taon ng pagiging asawa ko’y hindi ako ganap na umunlad
bilang tao. Nanganak lang ako’t naging ina at wala na. Tumigil na ‘ko sa
pagiging gano’n. Nawala na ‘ko pagkatapos n’yon. Nagsilbing bantay na lang ako
sa paghanap at pagkatagpo ni Julian ng katuparan niya bilang tao, sa paglaki ng
mga bata’t pagtuklas ng kanilang kakayahan at kahalagahan. Sa proseso nito,
walang nag-abalang magtanong kung ano kaya ang mga kaangkinan ko naman. Ni ako,
hindi ko alam kung ano pa ako liban sa asawa’t ina (p.176).
Nagsimula lamang ang ganap na
pagbubukas ng loob sa isa’t isa nina Amanda at Julian nang takutin niya ito na
makikipaghiwalay siya, na siyang labis na kinabigla ni Julian. Mula noon ay
nagsimula na silang magkwentuhan, mula sa pinakamalalaki hanggang sa
pinakamaliliit na mga bagay, ukol sa mga nangyayari sa kanilang mga anak
hanggang sa mga nilalaman ng kanilang mga isip. Mula rin nang mangyari ito ay
napapadalas na ang paglabas nilang mag-asawa na sila lamang dalawa upang
kumain, manood ng mga tanghalan at iba pang bagay na hindi nila dati ginagawa.
Naibabahagi na niya nang malaya ang kanyang isinasaloob bilang babae kay
Julian.
Matapos ang pagkamatay ni Jason ay
nagpatuloy ang pamilyang Bartolome sa kanilang pamumuhay, gaano man ito kahirap
para sa kanila. Nagpatuloy si Jules sa kanyang paglublob sa masa. Kung ang
kanyang kuya ay kumikilos pailalim, sa legal na pamamaraan naman isinagawa ni
Em ang pagsusulong ng katarungan. Bukod sa patuloy na pagsusulat ng mga
sanaysay, dula at maikling kwento na may kinalaman sa lipunan, sumali si Em sa
isang organisasyon na nagsusulong ng karapatang pantao, kung saan kumakalap
sila ng mga datos ukol sa mga inhustisyang isinasagawa ng pamahalaan. Liban
dito ay aktibo rin siyang sumasali sa mga kilos protesta at paglilibot sa mga
nayon upang malaman ang kwento ng mga taong biktima ng pang-aapi. Si Gani ay
patuloy na nanirahan sa Estados Unidos at muli nang nakapag-asawa. Si Bingo ay
labis na nahilig sa mga palabas na may tema ng krimen. Nang tanungin siya ni
Amanda kung bakit tila nahihilig siya rito, tumugon si Bingo na nais niyang
malaman ang nasa isip ng mga gumagawa ng inhustisya, kung bakit nila nagagawang
pumatay ng mga inosenteng tao tulad ng kanyang kuya Jason. Sinabi ni Amanda na
baka mainam na iwan niya na lamang ang pag-aaral ng inhinyero at kumuha na
lamang ng kriminolohiya. Nang sabihin niya sa kanyang ina na marami siyang
kilalang nagkriminolohiya na ngayo’y kasama na sa mga pulis na ginagamit ng
pamahalaan para mang-api, sumagot si Amanda na hindi naman lahat ng pulis at
militar ay masama, na mayroon pa rin namang ilan na nagsusulong ng karapatang
pantao. Kaya pinayuhan niya ito na kung saan siya magiging masaya, kung saan
niya mahahanap ang kanyang sarili ay iyon ang kanyang suungin. Patuloy naman
silang dinadalaw ni Evelyn kasama si Anna Lissa, samantalang si Mara na
naipanganak na si Rev ay nagpapadala lagi ng liham (yamang mapanganib ang
pagtungo niya rito dahil sa kanyang pagiging kasapi ng kilusan).
Sa ganang kay Amanda naman, sinabi
niya kay Julian na nais niyang tumayong tagapangalaga sa mga biktima ng
pang-aapi ng pamahalaan. Nakararamdam siya umano ng galak sa tuwing ginagawa
niya ito sa mga taong dinadala nina Jules at Em sa kanilang tahanan upang
pansamantalang makasilong. Agad na pumayag si Julian dahil nasanay na rin naman
daw siya sa ganitong gawain. Ani ni Julian, sagutin na ni Amanda ang liham ni
Gani, “Tell him once and for all na hindi tayo pupunta sa states. Narito kamo
ang laban” (p.203). Pati pala ang kanyang asawang dating bilib sa pamahalaan ay
namulat na rin. Mula noon ay nahanap na rin sa wakas ni Amanda ang kanyang
sarili, na bagaman siya’y asawa ni Julian at nanay nina Jules, Gani, Em, Jason,
at Bingo, siya’y higit pa rito. Siya ay si Amanda, isang babae, isang Pilipina.
Ang obra maestrang ito ni Lualhati
Bautista ay hindi lamang paglalarawan sa dekada sitenta, ito ay tahasang
pag-uusig sa isang uri ng lipunan, na hanggang sa kasalukuyan ay nananatiling
patriarkal, kapitalista, at neo-kolonyal.
No comments:
Post a Comment