Nagsimula ang kwento sa pag-imbestiga
ni Anton Trese, kasama ang kanyang anak na si Alexandra, sa apat na sundalong
miyembro ng Scout Rangers na natagpuang patay sa isang bahay-aliwan. Sa proseso
ng kanilang imbestigasyon, kinapanayam nila ang isa sa mga dati ring miyembro
ng Scout Rangers na si Raul Lanares. Ibinahagi niya kung paanong ipinadala dati
ang kanilang grupo sa kabundukan upang makipaglaban sa mga rebelde. Nang
madakip nila ang mga ito, piniringan nila sila at inutusan na magpatayan upang
mailigtas ang sarili nilang mga buhay. Ito ay isang ritwal na paraan upang
matawag ang kaluluwa ni Talagbusao, ang datu ng digmaan. Sa pamamagitan nito ay
sumapi sa mga miyembro ng Scout Rangers ang kaluluwa ni Talagbusao. Habang
lulong sila sa kaluluwa ni Talagbusao, ginahasa nila ang nag-iisang babae na
nakaligtas sa mga rebeldeng kanilang pinatay. Pagkatapos ay iniwan nila ang
babae sa pag-aakalang patay na ito. Paglipas ng dalawang taon ay nabalitaan
nila na buhay pa ang babae, at isa-isa sila nitong pinapatay. Ang babaeng ito
ang pumatay sa apat na miyembro ng Scout Rangers sa isang bahay-aliwan.
Nagtungo si Anton at Alexandra kay
Darago at Darranga upang makakalap ng mga impormasyon ukol kay Talagbusao. Ayon
sa dalawang ito, si Talagbusao ay diyos ng Bukidnon, na natatawag ang kaluluwa
sa pamamagitan ng pagpapatayan ng maraming tao. Bumabalik lamang siya sa
kanyang pinanggalingan at umaalis sa mundo ng mga tao kapag wala nang
natitirang buhay sa labanan. Anila, noong huling sumanib si Talagbusao sa mga
tao, nakabuntis ito ng isang babae. Sinadya niya ito, upang sa susunod niyang
pagparito sa mundo ay makain niya ang kanyang anak. Kapag nagtagumpay siya sa
planong pagkain sa kanyang anak, maaari nang manatili ang kanyang pisikal na
katawan sa mundo kahit kailan niya naisin.
Habang kinakausap nina Anton sina Darago
at Darranga, inutusan niya ang kanyang mga kasamang segben (mga asong nagiging
tao) na hanapin at manmanan ang naturang babae na nabuntis ni Talagbusao. Ngunit
hindi nila namalayan na napansin pala sila ng kambal na anak nito, si Crispin
at si Basilio, na nagtagumpay na patayin silang lahat. Pagkatapos nito ay
dumiretso ang mag-iina sa Fort Bonifacio, kung saan nila dinakip ang dating
pinuno ng Scout Ranger na si Wilson Hidalgo. Muli nilang isinagawa ang ritwal
kung saan pinilit nila si Hidalgo na pagpapatayin ang lahat ng sariling tauhan
nito. Sa pamamagitan nito ay lumitaw ang pisikal na katawan ni Talagbusao. Pinatay
nito ang babae, at tinangkang kainin ang kambal. Sa kabutihang palad ay naagapan
ito ni Anton at Alexandra, na nagtagumpay na mapaalis si Talagbusao mula sa
mundo ng mga tao. Kinupkop nila ang kambal, at ipinaliwanag ni Anton kay
Alexandra na bata pa lamang ang mga ito kaya may pagkakataon pang madala sila
sa tamang landas. Mula noon ay naging tapat na kakampi na ni Alexandra ang
kambal.
Nang papalapit na ang ika-18
kaarawan ni Alexandra, ibinahagi ni Anton ang mga propesiya ng ina ni Alexandra
na si Miranda Trese ukol sa kanilang anim na magkakapatid. Ang unang anak ay
magiging manunugis ng mga masasama. Ang ikalawa ay magiging propesor. Ang
ikatlo ay magiging pari. Ang ikaapat ay magiging kolektor ng mga mahiwagang
gamit. Ang ikalimang anak ay namatay at ang kaluluwa nito ay isinanib sa
sandata ni Alexandra. Ukol sa ikaanim na anak, na walang iba kundi si
Alexandra, ay magkakaiba ang propesiya ng pitong propeta (na kinabibilangan ni
Miranda). Mayroong nagsabi na siya ang magdadala ng kadakilaan para sa
kailaliman. Taliwas dito, may mga nanghula na lahat ng mahiwagang nilalang ay
palalayasin niya sa mundo ng mga tao patungo sa kailaliman.
Pagsapit ng ika-18 kaarawan ni
Alexandra, dinala siya ng kanyang ama at lolo sa mahiwagang puno ng balete. Tulad
ng nasasaad sa propesiya, kinakailangan niyang dumaan sa maraming pagsubok sa
loob ng balete upang maihanda siya sa kanyang misyon bilang ikaanim na anak. Sa
araw ng kanyang pagpasok sa loob ng puno ng balete, dumating ang kanyang apat
na kapatid upang tulungan ang kanilang ama, lolo at iba pang kapanalig sa
pagprotekta kay Alexandra habang nasa loob siya. Habang nagaganap ang kanyang
mga pagsubok sa loob, dumating ang mga aswang upang sirain ang balete, dahil sa
pananaw nila ay panganib ang dulot ng ikaanim na anak sa buong mundo. Paglipas
ng tatlong taon ay tsaka lamang natapos ni Alexandra ang lahat ng pagsubok.
Paglabas niya ay sinabi sa kanya ng kanyang lolo na namatay ang kanyang ama sa
pagsisikap nitong ipagtanggol ang puno ng balete laban sa mga aswang. Ang kanya
namang apat na kapatid ay tumungo sa kailaliman upang lumaban. Bagaman masakit
sa kanyang kalooban ang pagkamatay ng kanyang ama, wala siyang panahong
magmukmok dahil sa balikat na niya nakapasan ang pananagutang protektahan ang
mundo ng mga tao.
Pagkatapos ang pagsasalaysay ukol
sa nakaraan ni Alexandra, bumalik na ang tuon ng naratibo sa kasalukuyang
panahon ng pagresolba niya sa mga krimen. Sa maraming bahagi ng Kalakhang
Maynila ay mayroong biglang naglilitawan na mga taong nakasuot ng mga bomba, na
pinapasabog nila sa kanilang mga sarili upang madamay ang mga tao sa paligid. Inimbestigahan
ni Alexandra at ng Kambal ang dahilan sa likod ng mga insidenteng ito, at
natuklasan nila na ang mga taong nagpapasabog ng sarili ay puro mga presinto sa
Bilibid. Ang mga ito ay kinokontrol ni Meyor Santamaria, isang pulitikong
nakulong dahil sa korapsyon. Nilusob nina Alexandra, ng Kambal at ng iba pa
nilang kapanalig (tulad ng mga dwende, tikbalang, at taong-hangin) ang Bilibid
upang gapiin ang puwersa ni Santamaria, na tinutulungan naman ni Bagyon Lektro.
Nagapi nina Trese ang mga ito, ngunit bigla na lamang sumulpot si Talagbusao. Nagawa
niyang makapunta muli sa mundo ng mga tao sa pamamagitan ng ginawa niyang rayot
sa pagitan ng mga preso. Muli niyang tinangkang kainin ang Kambal, ngunit
muling nagtagumpay si Alexandra na mapalayas siya mula sa mundo ng mga tao.
Tomo 1 hanggang tomo 3 ang
pinagbatayan ng anime na unang
ipinalabas sa Netflix noong Hunyo 2021. Sa 13 kaso na nakapaloob sa unang
tatlong tomo ng komiks, 11 ang pinaghalawan para sa 6 na episodo ng anime. Yamang maraming pagkakaiba sa
pagitan ng komiks at anime bilang
midyum, marami ring pagbabago ang naganap sa kwento nang gawin na itong anime. Sa ibaba ay matutunghayan ang
isang talahanayan na nagpapakita ng ilang pagkakaiba sa pagitan ng komiks at anime ng Trese.
|
Komiks |
Anime |
Trese Komiks Volume 1 |
Walang presentasyon sa MRT bilang sasakyan
patungo sa kabilang buhay. |
MRT ang sasakyan ng mga kaluluwa tungo sa
kabilang-buhay (Episode 1). |
|
Mayroong nakalaan na isang buong kwento ukol
kay Dr. Karl Burgos (Case 3: The Tragic Case of Dr. Burgos) at kay Nida
Vargas (Case 4: Our Secret Constellation). |
Hindi isinama sa anime ang kwento nina Dr.
Burgos at Vargas. |
|
Walang kaugnayan kay Gina Santos si Mayor
Santamaria (unang beses lamang na ipapakita si Mayor Santamaria sa “Book 3
Case 13: An Act of War”) |
Si Mayor Santamaria ang nagpapatay sa
kalaguyo niyang si Gina Santos na isang white lady sa Balete Drive (Episode
1). |
|
Walang ibinibigay na handog si Alexandra Trese
tuwing magtatanong siya kay Nuno (“Book 1 Case 1: At the Intersection of
Balete and 13th Street” at “Book 2 Case 5: A Little Known Murder
in Studio 4”). Ang binibigyan niya ng chocnut bilang handog ay ang mga dwende
(Book 3 Case 13: An Act of War). |
Nagbibigay si Trese ng chocnut kay Nuno
bilang handog sa tuwing may nais siya ritong tanungin (Episode 1, Episode 2,
at pagbibigay ni Hank kay Nuno ng chocnut sa Episode 4). |
Trese Komiks Volume 2 |
Magkahiwalay ang kwento ni Nova Aurora (“A
Little Known Murder in Studio 4”) sa kwento ng mga tiyanak at ni Dr. Petra
Gallaga (“The Embrace of the Unwanted”). |
Pinagsama ang kwento ni Nova Aurora sa kwento
ng tiyanak. Sa bersyong ito, si Nova Aurora ang ina ng tiyanak, na dating
ipinalaglag sa tulong ni Dr. Gallaga (Episode 3). |
|
Magkaibang tao ang laging nagpapatawag kay
Trese (Captain Guerrero) at sa pinuno ng presinto sa Kalayaan St., Makati
(Gregorio Revilla). Abusado si Sgt. Revilla bilang pinuno sa presinto. |
Ginawang iisang tao lang (si Captain
Guerrero) ang nagpapatawag kay Trese at sa pinuno ng presinto sa Kalayaan St.
Mabait si Captain Guerrero bilang pinuno ng presinto (Episode 4). |
|
Humingi ng tulong si Trese kay Amang Paso
upang magapi si Bagyon Kulimlim. |
Kay Nuno humingi ng tulong si Trese upang
magapi si Bagyon Kulimlim (Episode 2). |
Trese Komiks Volume 3 |
Walang ginawang pagtataksil si Nuno, hindi
siya kasali sa eksena ng labanan sa pagitan nina Trese at nina Mayor
Talagbusao. |
Nagtaksil si Nuno sa pamamagitan ng
pakikipagkampihan kay Mayor Santamaria (Episode 5). |
|
Dumating ang apat na kapatid na lalake ni Alexandra
Trese upang tumulong sa pagprotekta sa kanya habang nasa loob siya ng puno ng
balete. |
Walang kahit anong impormasyon ukol sa apat
na kapatid ni Alexandra. |
|
Nagapi nina Trese si Talagbusao sa
pamamagitan ng pagpapadala rito sa isang dimensyon ng laro sa kompyuter, sa
tulong ni Jobert. |
Hindi inilarawan kung saang dimensyon
inilipat ni Trese si Talagbusao, at wala ritong kinalaman ang laro na
minamaniobra ni Jobert. |
|
Walang monologo si Talagbusao ukol sa
nakaraan ni Alexandra, at wala ring anumang indikasyon ukol sa
pagsisinungaling ni Anton Trese sa kanyang anak, |
May mahabang monologo si Talagbusao ukol sa
nakaraan ni Alexandra, partikular ukol sa pagsisinungaling ng kanyang amang
si Anton Trese. |
|
Ang mga aswang ang unang lumusob sa puno ng
Balete, kaya kinailangang lumaban nina Anton Trese upang maipagtanggol si
Alexandra. |
Sa salaysay ni Talagbusao, si Anton Trese ang
nagsimula ng paglusob sa mga aswang upang maipagtanggol si Alexandra. |
Bagaman maraming pagkakaiba, isa sa
napanatili ng anime ay ang makulay na
representasyon ng komiks ng Trese sa mga mitolohiya, alamat at iba pang
kwentong bayan ng kalinangang Pilipino. Ang mga lumang alamat na ito ay
matagumpay na naihabi nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo sa modernong lipunang
Pilipino. Ang mga sinaunang nilalang ng mitolohiyang Pilipino tulad ng dwende, nuno,
tikbalang, aswang, sirena, tiyanak, at iba pa ay malikhaing naihalo ng Trese sa
kasalukuyang lipunang Pilipino. Nariyan halimbawa ang mga aswang, na katuwang
ng isang meyor sa relokasyon ng mga mahihirap upang sila’y maipagbili. Kung sa
sinaunang pamayanan, ang bangka ang pinaniniwalaang daan tungo sa paglalakbay
sa kabilang-buhay, sa bersyon ng anime ng
Trese ay MRT ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng sanlibutan at kailaliman. Kung
dati, ang nuno sa punso ay nagtatago sa mga lupa, sa modernong depiksyon ng
Trese ay matatawag na itong “nuno sa estero”, dahil sa estero ito natatagpuan
ni Alexandra tuwing may kailangan siyang tanungin. Dati, ang mga tikbalang ay
mahilig makipagpabilisan at nagtatago sa mga puno; sa Trese, sa modernong kotse
na nakikipagpaligsahan ang tikbalang, at ang kanyang tahanang puno ay matatagpuan
na sa tuktok ng isang gusali. Ang babaylan at bagani ay pinagsanib ng kwento sa
katauhan ni Alexandra Trese bilang isang “babaylan-mandirigma”, na sinasangguni
ng kapulisan tuwing may misteryosong krimen sa Kamaynilaan.
Maituturing na full-blooded Filipino ang Trese, kapwa bilang komiks at anime, dahil sa ganitong mahusay na
representasyon sa sinaunang kultura at modernong lipunan ng bansa. Ang pangunahing kontrabida na si
Talagbusao ay isang diyos sa Bukidnon. Ang dyosa ng kailaliman kung saan
dinadala ang mga kaluluwa sa pamamagitan ng MRT ay si Ibu, na isang dyosang Manobo.[1] Si Alexandra Trese ay
isang babaylan at mandirigma, at tinawag ding “lakan ng sangkatauhan”, na may
isang sandatang tinatawag na sinag. Ang sandatang ito ay kahugis ng kris, isang
sandatang pangkaraniwang ginagamit ng mga Muslim ng Sulu at Mindanao. Sa isang
pakikipanayam kay Budjette Tan, ibinahagi niya na ang collar ng damit ni Alexandra ay hinalaw mula sa coat ni Jose Rizal.[2] Sa episode 1 ng anime, Baybayin
ang mga titik na nakasulat sa mahikang ginamit upang ikulong ang white lady. Baybayin din ang matatagpuan
sa mga bato na ginamit ni Raul Lazaro upang palusubin ang mga zombie sa mga abusadong pulis na episode 4. Ang panimulang kanta sa bawat
episodo ng anime ng Trese ay hinalaw
sa Hudhud ng mga Ifugao.[3]
Isa sa kapangyarihan ng Trese
bilang anime ay ang bisa nito bilang
instrumento sa pagbalikwas sa karaniwang agos ng globalisasyon. Pangkaraniwan
na nauunawaan natin ang globalisasyon at internasyunalisasyon bilang mga
proseso kung saan ang Pilipinas ay kailangang magpatianod at makiayon sa mga
banyagang elementong kultural. Tinitingnan natin kadalasan ang globalisasyon
bilang uni-direksyunal na panghihiram ng Pilipinas ng mga elementong galing sa
labas.
Pero ipinakita ng Trese na may
isang alternatibong agos ng globalisasyon na maaari nating tahakin. Sa halip na
puro panghihiram ng mga banyagang elemento, maaari naman pala na tayo naman ang
magpahiram sa mga banyaga ng sarili nating mga elementong kultural. Kung
paanong natututunan nating mga Pilipino ang kalinangang Hapon sa pamamagitan ng
panonood ng Japanese anime, maaari rin pala na mga banyaga naman ang matuto
ukol sa mitolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng panonood ng sariling likhang
anime ng mga Pilipino.
Minulat tayo ng Trese sa reyalidad
na maaari naman palang magkaroon ng isang uri ng globalisasyon kung saan patas
na nanghihiram-at-nagpapahiram ang mga Pilipino, sa halip na puro hiram lamang.
Ang Trese ay pagkastigo at paglatigo sa isang uri ng globalisasyon na
pinaghaharian lamang ng iilang cultural
hegemonic center tulad ng Estados Unidos (at ng Japan sa kaso ng entertainment industry). Tulad ng
metaporang ginamit ni Adonis Elumbre, isang daan ito tungo sa isang Pilipinas
na naglalayag ng may sariling direksyon sa halip na nagpapatianod lamang sa
agos ng globalisasyon.[4]
[1]
Franz Sorilla IV, “Trese: A Quick Guide On The Monsters Of Philippine
Folklore—Who Is Friendly And Who Is Not?”, Hunyo 11, 2021, Tatler, matatagpuan sa https://ph.asiatatler.com/life/trese-quick-guide-on-the-monsters-of-philippine-folklore,
sinangguni noong Hulyo 22, 2021.
[2]
“Interview: Budjette Tan”, Hunyo 7, 2019, Difference
Engine, matatagpuan sa https://differenceengine.sg/interview-budjette-tan/,
sinangguni noong Hulyo 22, 2021.
[3]
Angelica Gutierrez, “WATCH: The Opening Theme in Trese Is an Ancient Ifugao
Song”, Hunyo 18, 2021, Esquire, matatagpuan
sa https://www.esquiremag.ph/culture/movies-and-tv/the-opening-song-in-em-trese-em-is-an-ancient-ifugao-chant-a00225-20210618-lfrm,
sinangguni noong Hulyo 22, 2021.
[4] Adonis Elumbre, “Area Studies at Araling Kabanwahan sa Konteksto ng Agham Panlipunan sa Kontemporanyong Panahon”, nasa Araling Pang-Erya at Araling Kabanwahan, mga pat., Jose, dL. Mary Dorothy, Atoy M. Navarro, at Jerome Ong (Manila: Department of Social Sciences, University of the Philippines-Manila: 2021), 86.