Monday, July 19, 2021

Rebyu #85 -- Trese 1: Murder on Balete Drive nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 1: Murder on Balete Drive. Imus, Cavite: Avenida Publishing House, 2021.

 

Mula nang magsimulang maipalabas ang Trese bilang kauna-unahang Pilipinong komiks na ginawan ng anime para sa Netflix noong Hunyo 2021,[1] tuloy-tuloy na ang mabilis na pagsikat nito sa publiko, lalo sa hanay ng mga kabataan. Kaliwa’t kanan ang mga talakayan sa social media ukol sa kaangkupan o ‘di-kaangkupan ng pagboses ni Liza Soberano kay Alexandra Trese, ang nakabibighaning representasyon sa pisikal na anyo ng Maynila,[2] ang implisito nitong mensahe ukol sa ilang kabulukan ng umiiral na sistema sa lipunan,[3] at ang muli nitong pagbuhay sa mga kwentong bayan sa modernong kamalayan ng mga kabataang Pilipino. Ang pagkakapasok ng Trese sa Netflix, na kilala bilang isang pandaigdigang espasyo ng mga pelikula, ay isang mahalagang pangyayari na nakapagbigay-daan sa pagkakatampok ng lipunan at kalinangang Pilipino sa daigdig. Kaya naman hindi nakapagtataka ang papuring inani ng Trese sa mga sunod na araw pagkatapos ng pagkakapalabas nito sa Netflix. May isang komentarista nga na binansagan ang Trese bilang “a love letter to Filipino culture and heritage.[4]

 

Kajo Baldisimo (kaliwa) at
Budjette Tan (kanan)
Ngunit mahaba-haba ang pinagdaanan ng Trese bago ito nakarating sa Netflix. Nagsimula ito sa isang munting pangarap nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo na lumikha ng mga komiks. Sa gitna ng isang talakayan sa hanay ng mga lumikha ng Trese, ibinahagi ni Tan na nagsimula ang lahat noong 2005, nang bigla siyang makatanggap ng imbitasyon mula kay Baldisimo – na kung magpapasa siya rito ng 20-pahinang iskrip ay tatapusin ni Baldisimo ang pagguhit ng komiks nito sa loob ng 20 araw.[5] Isinagawa nila ito at nakalikha sila ng tig-iisa-isang “kaso” (case) o indibiduwal na mga kwento kung saan mayroong nireresolbang misteryosong krimen si Trese. Noong una ay mano-manong lumilikha ng mga kopya sina Tan at Baldisimo sa pamamagitan ng pagpapa-photocopy ng mga ito, at nagbibigay sila ng kopya sa mga kaibigang interesadong magbasa.[6] Pero pagsapit ng 2007, ipinasa nila sa Visprint ang pinagsama-samang mga kaso bilang serye ng mga aklat.[7] Taong 2008 pormal na inilathala ng Visprint ang mga aklat na ito. Sa kasalukuyan (2021) ay pitong aklat na ang nalilikha nina Tan at Baldisimo, sa pinaplanong kabuuang 13 na aklat, sa ilalim ng paglalathala ng Avenida.

 

Sa seryeng ito, ang sumasalamin sa pagsisimula ng paglalakbay nina Tan at Baldisimo sa mundo ng Trese ay ang Trese 1: Murder on Balete Drive. Binubuo ito ng pinagsama-samang apat na kaso/kwento, na walang malinaw na kronolohikal na pagkakaugnay sa isa’t isa.

 

Ang unang kaso ay ang “At the Intersection of Balete and 13th Street.” Umiinog ito sa pagtuklas ni Trese ukol sa pagkamatay ng isang white lady sa maalamat na Balete Drive. Dahil sa misteryosong kalikasan ng kaso, ipinatawag si Trese ni Kapitan Guerrero. Sa tulong ni Nuno, nalaman ni Trese na ang ginamit upang makulong at mapatay ang white lady ay mga pinulbos na buto ng sirena. Sa pamamagitan ng masusing imbestigasyon ay nahanap niya ang mga aswang na nagbebenta ng mga pinulbos na buto ng sirena. Napag-alaman niya na ang bumili nito upang gamitin sa white lady ay si De la Rosa. Ginawa niya ito bilang paghihiganti sa white lady, dahil ang pagpapakita nito sa Balete Drive ang dahilan ng pagkabangga ng kotse ng nobyo ni De La Rosa at pagkamatay nito. Natuklasan din ni Trese na kaya pala laging nagpapakita roon ang white lady ay dahil patuloy itong naghihintay sa pagdating ng kanyang minamahal.

 

Sa ikalawang kaso (“Rules of the Race”), ipinatawag muli ni Kapitan Guerrero si Trese upang imbestigahan ang makailang ulit na aksidenteng pagbangga ng mga kotseng nakikipagkarera sa kahabaan ng Carlos Garcia Avenue o C-5. Lumitaw sa kanyang pagsisiyasat na ang may kasalanan ng mga pagbanggang ito ay isang tikbalang, na nakikipagkarera sa mga kotse. Kaya pinuntahan niya ang pinuno ng mga tikbalang na si Señor Armanaz, upang tanungin kung sino ang partikular na tikbalang na nanggugulo sa mga tao. Sumagot ito na nawawala ang kanyang anak na si Maliksi, at posibleng ito ang salarin. Hinamon niya sa karera si Maliksi at natalo ito sa tulong ni Hannah at Ammie, mga taong-hangin na mula sa tribo ng Habagat at Amihan. Sa pamamagitan ng kanyang pagkapanalo, napilit niya itong ibalik ang kasintahang babae ng lalakeng natalo niya sa karera (dahil ugali ng mga tikbalang na kumuha ng tropeyo mula sa natalo sa karera).

 

Ang ikatlong kaso (“The Tragic Case of Dr. Burgos”) ay nagsimula sa imbestigasyon ni Trese sa isang babaeng nasunog. Nahanap nila ang salarin nito na si Dr. Karl Burgos. Nagkahiwalay sila ng kanyang asawa dahil sa panlalalake nito, kaya tumungo ito kay Oriol (na isang engkanto) upang makahanap ng pansamantalang pag-ibig. Ngunit napagtanto nito na mahal pa niya ang kanyang asawa at nais pa niya itong balikan, kaya iniwan niya si Oriol. Sa galit ni Oriol, sinumpa nito si Karl sa pamamagitan ng paglalagay ng apoy sa kanyang katawan. Nang muling magkakita si Karl at makipagtalik sa kanyang asawa, biglang nasunog ang babae. Lumapit si Karl kay Oriol upang humingi ng tulong na buhayin ang kanyang asawa. Pumayag ito ngunit ang hiningi niyang kapalit ay pagkuha ni Karl sa kaluluwa ng mga babaeng masusunog sa pamamagitan ng pakikipagtalik sa kanila, at pag-aalay ng mga kaluluwang ito kay Oriol. Nagapi ni Trese si Oriol, at pagkatapos ay napatigil din ang pagkakalat ng apoy ni Karl sa pamamagitan ng pagdala ni Trese ng kanyang asawa patungo sa kanya, at pagsasabi nito kay Karl na hindi na siya mahal nito.  

 

Ang ikaapat na kaso (“Our Secret Constellation”) ay isang anyo ng pag-alala kay Mars Ravelo sa pamamagitan ng paghiram sa kanyang mga karakter na sina Darna at Ding. Inimbestigahan ni Trese ang pagkamatay ni Rodney Rodriguez, na kostumer ng kanilang bar na Diabolical. Nalaman niya kalaunan na isa ito sa mga inakusahang nanggahasa kay Nida Vargas, ngunit nakalaya rin kalaunan. Natuklasan nila na isa-isang pinapatay ang mga nanggahasa kay Nida ng kapatid nito na si Ding. Ito ay bilang anyo ng paghihiganti at pagsisisi. Nagsisisi si Ding dahil palihim niyang kinuha ang batong Adarna, dahil ayaw na niyang masuong sa panganib ng pakikipaglaban ang kanyang ate. Si Ginamit niya ang bato upang kalabanin ang mga masasamang nilalang, nang sa gayon ay mapanatiling ligtas si Nida. Ngunit noong panahon na nakikipaglaban siya, sumakto naman na may ginawang masama sa ate niya si Rodney at ang mga kasama nitong lalake. Kaya bilang anyo ng paghihiganti at pagsisisi ay isa-isa niyang pinatay ang mga ito. Ngunit sa kalagitnaan ng serye ng kanyang pagpatay sa mga ito ay napalaban siya sa Kambal na kakampi ni Trese, na humantong sa kanyang kamatayan.

 

Episodiko ang uri ng naratibong ginamit ni Budjette Tan sa Trese, lalo sa tomo 1. Walang malinaw na kronolohikal na pagkakaugnay-ugnay ang apat na kwento sa isa’t isa. Para itong serye ng mga kwento na mauunawaan ang bawat indibiduwal na kwento kahit hindi basahin ang iba pa (tulad ng panonood ng mga episodikong mga anime tulad ng Detective Conan at Doraemon). Hindi ito nakakapagtaka dahil tulad ng binanggit mismo ni Tan, napagtanto lamang nila na maaaring maging isang ganap na serye ang Trese noong naisulat na nila ang ika-5 o 6 na kaso (na nakapaloob sa tomo 2).[8] Ito ang dahilan kung bakit noong gawing anime ng Netflix ang Trese, malaya nitong napagpalit-palit ang pagkakasunod-sunod ng ilan sa labingtatlong kaso ng komiks bilang anim na episodo ng anime.

 

Isa sa maituturong dahilan ng popularidad ng Trese – kapwa bilang komiks at anime – sa mga Pilipino at mga Pilipino-Amerikano ay ang pagpili nito sa Kalakhang Maynila bilang lunsaran ng mga kwento. Puro mga pamilyar na lugar sa Kalakhang Maynila ang pinagganapan ng mga kwento tulad ng Balete Drive (Case 1), C-5 (Case 2), Paco (Case 3), at Malate (Case 4). Nagbibigay ito sa mga Pilipinong mambabasa/manonood ng likas na koneksyon sa kwento (hindi tulad ng mga anime na nagtatampok sa mga espasyo sa Japan na hindi pamilyar sa mga Pilipino). Ito rin mismo ang dahilan ng atraksyon sa Trese ng komunidad ng mga Pilipino-Amerikano sa Estados Unidos.

 

Ang tinatawag na mga “Filipino hyphenates[9] o mga Pilipinong may iba pang kakanyahang panglahi/pangkalinangan (hal. Pilipino-Tsino, Pilipino-Hapon, Pilipino-Indiano) na naninirahan sa ibang bansa ay nakakaranas kung minsan ng nostalgia o pananabik sa Inang Bayan. Marami silang pamamaraan upang maisagawa ang metaporikal na pagbabalik-bayan (habang nananatili sila sa labas ng bayan), tulad na lamang ng pagtatayo ng mga espasyong Pinoy sa ibayong-dagat (tulad ng mga Pilipinong plaza), paghahanda ng mga Pilipinong pagkain, pagpapatugtog ng mga musikang Pilipino, pagpapabatik (tattoo) ng mga simbolismong Pilipino, at iba pa. Kasama sa mga interbensyong ito para sa pagpapaliit ng espasyo sa pagitan ng diaspora (ibayong-dagat) at homeland (Pilipinas) ang panonood ng mga palabas at pagbabasa ng mga komiks na tatak-Pinoy tulad ng Trese. Ang panonood o pagbabasa ng isang palabas/komiks na nagtatampok sa mga pamilyar na espasyong Pilipino (tulad ng Kalakhang Maynila) ay tiyak na nagbibigay sa mga Pilipino-Amerikano ng pakiramdam ng “pagbabalik-bayan.”

 

Ito rin ang makapagpapaliwanag marahil kung bakit karamihan sa mga nanguna sa produksyon ng Trese bilang anime ay mga Pilipino-Amerikano. Para sa wikang Ingles na dubbing ng Trese, marami sa mga voice actor ay mga Pilipino-Amerikano tulad nina Darren Criss (Maliksi), Doll Nicole Scherzinger (Miranda Trese), at Lou Diamond Phillips (Mayor Sancho Santamaria).[10] Pilipino-Amerikano rin ang direktor at executive producer nito na si Jay Oliva[11], at maging ang bumoses sa Pilipinong bersyon ni Alexandra Trese na si Liza Soberano.  

 

Pabalat ng Isang Edisyon
ng Ablaze
Ang ganitong tema ng “pagbabalik-bayan” ang dahilan ng kasikatan ng Trese sa hanay ng mga Pilipino-Amerikano sa Estados Unidos. Kaya naman hindi nakapagtataka na kinailangang maglimbag ng espesyal na edisyon ng Trese komiks sa Estados Unidos, sa pangunguna ng Ablaze Publishing.[12] Ang mismong pabalat ng isa sa mga edisyong ito ng Ablaze na nagtatampok sa watawat ng Pilipinas ay nagpapahiwatig ng pagnanasa ng mga Pilipino-Amerikano na “magbalik-bayan” sa pamamagitan ng Trese.








[1] Pauline De Leon, “5 Things to Know about Netflix’s Filipino Anime ‘Trese’”, Hunyo 10, 2021, Hypebae, matatagpuan sa https://hypebae.com/2021/6/netflix-trese-filipino-anime-tv-show-shay-mitchell-liza-soberano-cast-release-date, sinangguni noong Hulyo 19, 2021.

[2] Joser Ferreras, “Manila’s Animated Version in ‘Trese’ is too Good and these Scenes Prove it”, Hunyo 2021, TripZilla.ph, matatagpuan sa https://www.tripzilla.ph/trese-netflix-locations/28314, sinangguni noong Hulyo 19, 2021.

[3] Yvette Tan, “Trese: What Netflix’s New Occult Anime Reveals about the Philippines”, Hunyo 11, 2021, BBC News, matatagpuan sa https://www.bbc.com/news/world-asia-57424360, sinangguni noong Hulyo 19, 2021.

[4] Jovi Figueroa, “A Love Letter to Pinoy Culture and Heritage: A Spoiler Review of ‘Trese’”, Hunyo 11, 2021, Metro.style, matatagpuan sa https://metro.style/culture/film-and-tv/a-spoiler-free-review-of-trese/30414, sinangguni noong Hulyo 19, 2021.

[5] Trese After Midnight, Netflix, 2021.

[6] Anton Holmes, “From Ink to Streaming: The Road to Building the ‘Trese’ Universe”, Hunyo 10, 2021, CNN Philippines, matatagpuan sa https://cnnphilippines.com/life/entertainment/television/2021/6/10/making-of-trese-universe.html?fbclid=IwAR3m9WlkSdjseD79uT88rpDTGSiDXqkbUDe3KxTEVr1QJjRCbeiuplKHTOQ, sinangguni noong Hulyo 19, 2021.

[7] Mary, “Encore Feature: The Minds Behind Trese”, Udou, matatagpuan sa https://udou.ph/gaming/encore-features-gaming/the-minds-behind-trese/, sinangguni noong Hulyo 19, 2021.

[8] Trese After Midnight, Netflix, 2021.

[9] Virgilio Enriquez, “Filipino Psychology in the Third World”, Philippine Journal of Psychology Vol. 10, No. 1 (1977), 4.

[10] Devki Nehra, “Trese Review: Netflix Anime is an Outstanding Attempt at Bringing Filipino Culture to the Mainstream”, Hunyo 13, 2021, Firstpost, matatagpuan sa https://www.firstpost.com/entertainment/trese-review-netflix-anime-is-an-outstanding-attempt-at-bringing-filipino-culture-to-the-mainstream-9712111.html, sinangguni noong Hulyo 20, 2021.

[11] Ricky Soberano, “Netflix’s Animated Series Trese Puts a Fascinating Spin on Filipino Folklore”, Hunyo 12, 2021, Polygon, matatagpuan sa https://www.google.com/amp/s/www.polygon.com/platform/amp/22531139/trese-review-explainer-filipino-folklore, sinangguni noong Hulyo 20, 2021.

[12] Ruel S. De Vera, “’Trese’ US Edition Gets Special Variant Cover; More Volumes to Come”, Inquirer Super, matatagpuan sa https://inquirersuper.com.ph/books/trese-us-edition-gets-special-variant-cover-more-volumes-to-come/, sinangguni noong Hulyo 20, 2021.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...