Thursday, July 22, 2021

Rebyu #87 -- Trese 3: Mass Murders nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 3: Mass Murders. Imus, Cavite: Avenida Publishing House, 2021.

 

Naiiba ang estilo ng ikatlong tomo ng mga komiks ng Trese kung ikukumpara sa naunang dalawa. Ang paraan ng pagkukuwento ng tomo 1 at 2 ay episodiko – binubuo ang mga ito ng mga kaso na kayang tumindig nang nag-iisa, at walang malinaw na kronolohikal na pagkakaugnay sa isa’t isa. Taliwas dito, magkakaugnay ang lahat ng limang kaso na nakapaloob sa ikatlong tomo. Ang lahat ng ito ay nagsasalaysay sa nakaraan ni Alexandra at ng kanyang ama na si Anton Trese, partikular sa kwento ng pakikipaglaban nila kay Talagbusao.

 

Nagsimula ang kwento sa pag-imbestiga ni Anton Trese, kasama ang kanyang anak na si Alexandra, sa apat na sundalong miyembro ng Scout Rangers na natagpuang patay sa isang bahay-aliwan. Sa proseso ng kanilang imbestigasyon, kinapanayam nila ang isa sa mga dati ring miyembro ng Scout Rangers na si Raul Lanares. Ibinahagi niya kung paanong ipinadala dati ang kanilang grupo sa kabundukan upang makipaglaban sa mga rebelde. Nang madakip nila ang mga ito, piniringan nila sila at inutusan na magpatayan upang mailigtas ang sarili nilang mga buhay. Ito ay isang ritwal na paraan upang matawag ang kaluluwa ni Talagbusao, ang datu ng digmaan. Sa pamamagitan nito ay sumapi sa mga miyembro ng Scout Rangers ang kaluluwa ni Talagbusao. Habang lulong sila sa kaluluwa ni Talagbusao, ginahasa nila ang nag-iisang babae na nakaligtas sa mga rebeldeng kanilang pinatay. Pagkatapos ay iniwan nila ang babae sa pag-aakalang patay na ito. Paglipas ng dalawang taon ay nabalitaan nila na buhay pa ang babae, at isa-isa sila nitong pinapatay. Ang babaeng ito ang pumatay sa apat na miyembro ng Scout Rangers sa isang bahay-aliwan.

 

Nagtungo si Anton at Alexandra kay Darago at Darranga upang makakalap ng mga impormasyon ukol kay Talagbusao. Ayon sa dalawang ito, si Talagbusao ay diyos ng Bukidnon, na natatawag ang kaluluwa sa pamamagitan ng pagpapatayan ng maraming tao. Bumabalik lamang siya sa kanyang pinanggalingan at umaalis sa mundo ng mga tao kapag wala nang natitirang buhay sa labanan. Anila, noong huling sumanib si Talagbusao sa mga tao, nakabuntis ito ng isang babae. Sinadya niya ito, upang sa susunod niyang pagparito sa mundo ay makain niya ang kanyang anak. Kapag nagtagumpay siya sa planong pagkain sa kanyang anak, maaari nang manatili ang kanyang pisikal na katawan sa mundo kahit kailan niya naisin.

 

Habang kinakausap nina Anton sina Darago at Darranga, inutusan niya ang kanyang mga kasamang segben (mga asong nagiging tao) na hanapin at manmanan ang naturang babae na nabuntis ni Talagbusao. Ngunit hindi nila namalayan na napansin pala sila ng kambal na anak nito, si Crispin at si Basilio, na nagtagumpay na patayin silang lahat. Pagkatapos nito ay dumiretso ang mag-iina sa Fort Bonifacio, kung saan nila dinakip ang dating pinuno ng Scout Ranger na si Wilson Hidalgo. Muli nilang isinagawa ang ritwal kung saan pinilit nila si Hidalgo na pagpapatayin ang lahat ng sariling tauhan nito. Sa pamamagitan nito ay lumitaw ang pisikal na katawan ni Talagbusao. Pinatay nito ang babae, at tinangkang kainin ang kambal. Sa kabutihang palad ay naagapan ito ni Anton at Alexandra, na nagtagumpay na mapaalis si Talagbusao mula sa mundo ng mga tao. Kinupkop nila ang kambal, at ipinaliwanag ni Anton kay Alexandra na bata pa lamang ang mga ito kaya may pagkakataon pang madala sila sa tamang landas. Mula noon ay naging tapat na kakampi na ni Alexandra ang kambal.  

 

Nang papalapit na ang ika-18 kaarawan ni Alexandra, ibinahagi ni Anton ang mga propesiya ng ina ni Alexandra na si Miranda Trese ukol sa kanilang anim na magkakapatid. Ang unang anak ay magiging manunugis ng mga masasama. Ang ikalawa ay magiging propesor. Ang ikatlo ay magiging pari. Ang ikaapat ay magiging kolektor ng mga mahiwagang gamit. Ang ikalimang anak ay namatay at ang kaluluwa nito ay isinanib sa sandata ni Alexandra. Ukol sa ikaanim na anak, na walang iba kundi si Alexandra, ay magkakaiba ang propesiya ng pitong propeta (na kinabibilangan ni Miranda). Mayroong nagsabi na siya ang magdadala ng kadakilaan para sa kailaliman. Taliwas dito, may mga nanghula na lahat ng mahiwagang nilalang ay palalayasin niya sa mundo ng mga tao patungo sa kailaliman.

 

Pagsapit ng ika-18 kaarawan ni Alexandra, dinala siya ng kanyang ama at lolo sa mahiwagang puno ng balete. Tulad ng nasasaad sa propesiya, kinakailangan niyang dumaan sa maraming pagsubok sa loob ng balete upang maihanda siya sa kanyang misyon bilang ikaanim na anak. Sa araw ng kanyang pagpasok sa loob ng puno ng balete, dumating ang kanyang apat na kapatid upang tulungan ang kanilang ama, lolo at iba pang kapanalig sa pagprotekta kay Alexandra habang nasa loob siya. Habang nagaganap ang kanyang mga pagsubok sa loob, dumating ang mga aswang upang sirain ang balete, dahil sa pananaw nila ay panganib ang dulot ng ikaanim na anak sa buong mundo. Paglipas ng tatlong taon ay tsaka lamang natapos ni Alexandra ang lahat ng pagsubok. Paglabas niya ay sinabi sa kanya ng kanyang lolo na namatay ang kanyang ama sa pagsisikap nitong ipagtanggol ang puno ng balete laban sa mga aswang. Ang kanya namang apat na kapatid ay tumungo sa kailaliman upang lumaban. Bagaman masakit sa kanyang kalooban ang pagkamatay ng kanyang ama, wala siyang panahong magmukmok dahil sa balikat na niya nakapasan ang pananagutang protektahan ang mundo ng mga tao.

 

Pagkatapos ang pagsasalaysay ukol sa nakaraan ni Alexandra, bumalik na ang tuon ng naratibo sa kasalukuyang panahon ng pagresolba niya sa mga krimen. Sa maraming bahagi ng Kalakhang Maynila ay mayroong biglang naglilitawan na mga taong nakasuot ng mga bomba, na pinapasabog nila sa kanilang mga sarili upang madamay ang mga tao sa paligid. Inimbestigahan ni Alexandra at ng Kambal ang dahilan sa likod ng mga insidenteng ito, at natuklasan nila na ang mga taong nagpapasabog ng sarili ay puro mga presinto sa Bilibid. Ang mga ito ay kinokontrol ni Meyor Santamaria, isang pulitikong nakulong dahil sa korapsyon. Nilusob nina Alexandra, ng Kambal at ng iba pa nilang kapanalig (tulad ng mga dwende, tikbalang, at taong-hangin) ang Bilibid upang gapiin ang puwersa ni Santamaria, na tinutulungan naman ni Bagyon Lektro. Nagapi nina Trese ang mga ito, ngunit bigla na lamang sumulpot si Talagbusao. Nagawa niyang makapunta muli sa mundo ng mga tao sa pamamagitan ng ginawa niyang rayot sa pagitan ng mga preso. Muli niyang tinangkang kainin ang Kambal, ngunit muling nagtagumpay si Alexandra na mapalayas siya mula sa mundo ng mga tao.

 

Tomo 1 hanggang tomo 3 ang pinagbatayan ng anime na unang ipinalabas sa Netflix noong Hunyo 2021. Sa 13 kaso na nakapaloob sa unang tatlong tomo ng komiks, 11 ang pinaghalawan para sa 6 na episodo ng anime. Yamang maraming pagkakaiba sa pagitan ng komiks at anime bilang midyum, marami ring pagbabago ang naganap sa kwento nang gawin na itong anime. Sa ibaba ay matutunghayan ang isang talahanayan na nagpapakita ng ilang pagkakaiba sa pagitan ng komiks at anime ng Trese.

 

 

Komiks

Anime

Trese Komiks Volume 1

Walang presentasyon sa MRT bilang sasakyan patungo sa kabilang buhay.

MRT ang sasakyan ng mga kaluluwa tungo sa kabilang-buhay (Episode 1).

 

Mayroong nakalaan na isang buong kwento ukol kay Dr. Karl Burgos (Case 3: The Tragic Case of Dr. Burgos) at kay Nida Vargas (Case 4: Our Secret Constellation).

Hindi isinama sa anime ang kwento nina Dr. Burgos at Vargas.

 

Walang kaugnayan kay Gina Santos si Mayor Santamaria (unang beses lamang na ipapakita si Mayor Santamaria sa “Book 3 Case 13: An Act of War”)

Si Mayor Santamaria ang nagpapatay sa kalaguyo niyang si Gina Santos na isang white lady sa Balete Drive (Episode 1).

 

Walang ibinibigay na handog si Alexandra Trese tuwing magtatanong siya kay Nuno (“Book 1 Case 1: At the Intersection of Balete and 13th Street” at “Book 2 Case 5: A Little Known Murder in Studio 4”). Ang binibigyan niya ng chocnut bilang handog ay ang mga dwende (Book 3 Case 13: An Act of War).

Nagbibigay si Trese ng chocnut kay Nuno bilang handog sa tuwing may nais siya ritong tanungin (Episode 1, Episode 2, at pagbibigay ni Hank kay Nuno ng chocnut sa Episode 4).

Trese Komiks Volume 2

Magkahiwalay ang kwento ni Nova Aurora (“A Little Known Murder in Studio 4”) sa kwento ng mga tiyanak at ni Dr. Petra Gallaga (“The Embrace of the Unwanted”).

Pinagsama ang kwento ni Nova Aurora sa kwento ng tiyanak. Sa bersyong ito, si Nova Aurora ang ina ng tiyanak, na dating ipinalaglag sa tulong ni Dr. Gallaga (Episode 3).  

 

Magkaibang tao ang laging nagpapatawag kay Trese (Captain Guerrero) at sa pinuno ng presinto sa Kalayaan St., Makati (Gregorio Revilla). Abusado si Sgt. Revilla bilang pinuno sa presinto.

Ginawang iisang tao lang (si Captain Guerrero) ang nagpapatawag kay Trese at sa pinuno ng presinto sa Kalayaan St. Mabait si Captain Guerrero bilang pinuno ng presinto (Episode 4).

 

Humingi ng tulong si Trese kay Amang Paso upang magapi si Bagyon Kulimlim.

Kay Nuno humingi ng tulong si Trese upang magapi si Bagyon Kulimlim (Episode 2).

Trese Komiks Volume 3

Walang ginawang pagtataksil si Nuno, hindi siya kasali sa eksena ng labanan sa pagitan nina Trese at nina Mayor Talagbusao.

Nagtaksil si Nuno sa pamamagitan ng pakikipagkampihan kay Mayor Santamaria (Episode 5).

 

Dumating ang apat na kapatid na lalake ni Alexandra Trese upang tumulong sa pagprotekta sa kanya habang nasa loob siya ng puno ng balete.

Walang kahit anong impormasyon ukol sa apat na kapatid ni Alexandra.

 

Nagapi nina Trese si Talagbusao sa pamamagitan ng pagpapadala rito sa isang dimensyon ng laro sa kompyuter, sa tulong ni Jobert.

Hindi inilarawan kung saang dimensyon inilipat ni Trese si Talagbusao, at wala ritong kinalaman ang laro na minamaniobra ni Jobert.

 

Walang monologo si Talagbusao ukol sa nakaraan ni Alexandra, at wala ring anumang indikasyon ukol sa pagsisinungaling ni Anton Trese sa kanyang anak,

May mahabang monologo si Talagbusao ukol sa nakaraan ni Alexandra, partikular ukol sa pagsisinungaling ng kanyang amang si Anton Trese.

 

Ang mga aswang ang unang lumusob sa puno ng Balete, kaya kinailangang lumaban nina Anton Trese upang maipagtanggol si Alexandra.

Sa salaysay ni Talagbusao, si Anton Trese ang nagsimula ng paglusob sa mga aswang upang maipagtanggol si Alexandra.

 

Bagaman maraming pagkakaiba, isa sa napanatili ng anime ay ang makulay na representasyon ng komiks ng Trese sa mga mitolohiya, alamat at iba pang kwentong bayan ng kalinangang Pilipino. Ang mga lumang alamat na ito ay matagumpay na naihabi nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo sa modernong lipunang Pilipino. Ang mga sinaunang nilalang ng mitolohiyang Pilipino tulad ng dwende, nuno, tikbalang, aswang, sirena, tiyanak, at iba pa ay malikhaing naihalo ng Trese sa kasalukuyang lipunang Pilipino. Nariyan halimbawa ang mga aswang, na katuwang ng isang meyor sa relokasyon ng mga mahihirap upang sila’y maipagbili. Kung sa sinaunang pamayanan, ang bangka ang pinaniniwalaang daan tungo sa paglalakbay sa kabilang-buhay, sa bersyon ng anime ng Trese ay MRT ang nagsisilbing tulay sa pagitan ng sanlibutan at kailaliman. Kung dati, ang nuno sa punso ay nagtatago sa mga lupa, sa modernong depiksyon ng Trese ay matatawag na itong “nuno sa estero”, dahil sa estero ito natatagpuan ni Alexandra tuwing may kailangan siyang tanungin. Dati, ang mga tikbalang ay mahilig makipagpabilisan at nagtatago sa mga puno; sa Trese, sa modernong kotse na nakikipagpaligsahan ang tikbalang, at ang kanyang tahanang puno ay matatagpuan na sa tuktok ng isang gusali. Ang babaylan at bagani ay pinagsanib ng kwento sa katauhan ni Alexandra Trese bilang isang “babaylan-mandirigma”, na sinasangguni ng kapulisan tuwing may misteryosong krimen sa Kamaynilaan.

 

Maituturing na full-blooded Filipino ang Trese, kapwa bilang komiks at anime, dahil sa ganitong mahusay na representasyon sa sinaunang kultura at modernong lipunan ng bansa. Ang pangunahing kontrabida na si Talagbusao ay isang diyos sa Bukidnon. Ang dyosa ng kailaliman kung saan dinadala ang mga kaluluwa sa pamamagitan ng MRT ay si Ibu, na isang dyosang Manobo.[1] Si Alexandra Trese ay isang babaylan at mandirigma, at tinawag ding “lakan ng sangkatauhan”, na may isang sandatang tinatawag na sinag. Ang sandatang ito ay kahugis ng kris, isang sandatang pangkaraniwang ginagamit ng mga Muslim ng Sulu at Mindanao. Sa isang pakikipanayam kay Budjette Tan, ibinahagi niya na ang collar ng damit ni Alexandra ay hinalaw mula sa coat ni Jose Rizal.[2] Sa episode 1 ng anime, Baybayin ang mga titik na nakasulat sa mahikang ginamit upang ikulong ang white lady. Baybayin din ang matatagpuan sa mga bato na ginamit ni Raul Lazaro upang palusubin ang mga zombie sa mga abusadong pulis na episode 4. Ang panimulang kanta sa bawat episodo ng anime ng Trese ay hinalaw sa Hudhud ng mga Ifugao.[3]

 

Isa sa kapangyarihan ng Trese bilang anime ay ang bisa nito bilang instrumento sa pagbalikwas sa karaniwang agos ng globalisasyon. Pangkaraniwan na nauunawaan natin ang globalisasyon at internasyunalisasyon bilang mga proseso kung saan ang Pilipinas ay kailangang magpatianod at makiayon sa mga banyagang elementong kultural. Tinitingnan natin kadalasan ang globalisasyon bilang uni-direksyunal na panghihiram ng Pilipinas ng mga elementong galing sa labas.

 

Pero ipinakita ng Trese na may isang alternatibong agos ng globalisasyon na maaari nating tahakin. Sa halip na puro panghihiram ng mga banyagang elemento, maaari naman pala na tayo naman ang magpahiram sa mga banyaga ng sarili nating mga elementong kultural. Kung paanong natututunan nating mga Pilipino ang kalinangang Hapon sa pamamagitan ng panonood ng Japanese anime, maaari rin pala na mga banyaga naman ang matuto ukol sa mitolohiyang Pilipino sa pamamagitan ng panonood ng sariling likhang anime ng mga Pilipino.

 

Minulat tayo ng Trese sa reyalidad na maaari naman palang magkaroon ng isang uri ng globalisasyon kung saan patas na nanghihiram-at-nagpapahiram ang mga Pilipino, sa halip na puro hiram lamang. Ang Trese ay pagkastigo at paglatigo sa isang uri ng globalisasyon na pinaghaharian lamang ng iilang cultural hegemonic center tulad ng Estados Unidos (at ng Japan sa kaso ng entertainment industry). Tulad ng metaporang ginamit ni Adonis Elumbre, isang daan ito tungo sa isang Pilipinas na naglalayag ng may sariling direksyon sa halip na nagpapatianod lamang sa agos ng globalisasyon.[4]



[1] Franz Sorilla IV, “Trese: A Quick Guide On The Monsters Of Philippine Folklore—Who Is Friendly And Who Is Not?”, Hunyo 11, 2021, Tatler, matatagpuan sa https://ph.asiatatler.com/life/trese-quick-guide-on-the-monsters-of-philippine-folklore, sinangguni noong Hulyo 22, 2021.

[2] “Interview: Budjette Tan”, Hunyo 7, 2019, Difference Engine, matatagpuan sa https://differenceengine.sg/interview-budjette-tan/, sinangguni noong Hulyo 22, 2021.

[3] Angelica Gutierrez, “WATCH: The Opening Theme in Trese Is an Ancient Ifugao Song”, Hunyo 18, 2021, Esquire, matatagpuan sa https://www.esquiremag.ph/culture/movies-and-tv/the-opening-song-in-em-trese-em-is-an-ancient-ifugao-chant-a00225-20210618-lfrm, sinangguni noong Hulyo 22, 2021.

[4] Adonis Elumbre, “Area Studies at Araling Kabanwahan sa Konteksto ng Agham Panlipunan sa Kontemporanyong Panahon”, nasa Araling Pang-Erya at Araling Kabanwahan, mga pat., Jose, dL. Mary Dorothy, Atoy M. Navarro, at Jerome Ong (Manila: Department of Social Sciences, University of the Philippines-Manila: 2021), 86. 

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...