Tuesday, July 20, 2021

Rebyu #86 -- Trese 2: Unreported Murders nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 2: Unreported Murders. Imus, Cavite: Avenida Publishing House, 2021.

 

Tulad ng unang tomo, ang ikalawang tomo ng Trese komiks ay episodiko rin. Binubuo ito ng apat na kaso (Case 5-8) na walang kronolohikal na pagkakaugnay-ugnay.

 

Ang una rito ay ang “Case 5: A Little Known Murder in Studio 4”, kung saan siniyasat ni Trese ang ukol sa pagkamatay ng aktres na si Heather Evangelista, na gumanap sa tunay sa buhay ni Nova Aurora. Sa tulong ni Nuno, natuklasan niya na ang pumatay kay Heather ay mismong si Nova, dahil sa pagseselos. Sumikat si Nova dahil sa pag-aalaga ng isang duwende, na nakukuha niya ang pabor sa pamamagitan ng pagpapakain dito ng chocnut. Pero kalaunan ay napariwara sa pagliliwaliw si Nova, kaya iniwan siya ng dwende, at lumipat ito kay Heather. Sinubukan ni Nova na muling bumalik sa kanya ang dwende sa pamamagitan ng pagbibigay ng chocnut sa kanya, ngunit tumanggi ito. Namatay ang dwende nang tikman niya ang chocnut na nalaglagan ng luha ni Nova, dahil nalasahan niya ang lahat ng pagdurusa, kalungkutan at pait ng emosyon ni Nova. Ang pagseselos ni Nova sa paglipat ng dwende kay Heather ay nagtulak sa kanya upang patayin ito.

 

Ang ikalawang kwento ay ang “The Outpost on Kalayaan Street.” Ukol ito sa paglusob ng mga zombie na bumangon mula sa Manila South Cemetery at lumusob sa isang presinto ng mga pulis. Kahit anong gawing paglaban ni Trese at ng Kambal sa mga ito ay hindi sila nauubos. Naresolba nila ang suliranin nang matuklasan ni Trese na ang pinagmulan ng sumpa ay ang batong hawak ng isang presong nagngangalang Raul Lazaro. Pinalusob niya ang mga zombie sa presinto ni Sarhento Revilla upang makapaghiganti sa pagkamatay ng kanyang kapatid. Abusado at pabayang pulis sina Revilla, na hindi tinulungan ang kapatid ni Lazaro nang maholdap ito. Humihingi ito ng tulong sa kanila at alam nila ang nangyari ngunit hindi sila rumesponde. Ngunit nang malapit nang mapatay ng mga zombie si Revilla, nagawang sirain nina Trese ang bato. Pinayuhan ni Trese si Kapitan Guerrero na huwag ibabalik sa posisyon si Revilla, kung ayaw nilang ipagpatuloy ng kailaliman ang hindi natapos na gawain ni Lazaro.   

 

Ang ikatlong kwento ay ang “Case 7: Embrace of the Unwanted.” Nagsimula ito sa imbestigasyon nina Trese sa pagkamatay ng isang babae’t lalake sa paradahan ng mga sasakyan sa Magna Mall. Napansin nila na ang mas pinag-ukulan ng matagal na panahon ng pumatay ay ang babae, na kinaykay ang kanyang tiyan. Sa tulong ng isang segben (nagiging anyong aso), nahanap nila ang mga nagtatagong tiyanak sa paradahan, sa salarin sa krimen. Pinagpapatay nila ito upang maging ligtas ang mga tao sa mall. Pagkatapos ay pinuntahan nila sa loob ng mall ang klinika ni Dr. Gallaga, na siyang palihim na nagsasagawa ng aborsyon sa ipinagbubuntis ng mga kliyente. Pinagsabihan siya ni Trese ukol sa kanyang ginagawa, at binalaan ito ukol sa mga ipinalalaglag na nagiging tiyanak. Ngunit hindi naniwala si Dr. Gallaga at pinaalis lamang sila. Kalaunan, pagpunta niya sa paradahan ng mga sasakyan sa mall ay nilusob siya ng isang tiyanak na nakalusot sa ginawang pagtugis nina Trese.

 

Ang huling kwento sa tomong ito ay ang “Case 8: The Association Dues of Livewell Village.” Ipinatawag ni Kapitan Guerrero si Trese dahil makailang ulit nang may namamatay dahil sa pagkakuryente sa Livewell Village. Natuklasan nila na ang salarin sa likod ng mga pagkamatay nito ay ang mismong mga residente ng Livewell Village. Ginagawa nilang alay taun-taon ang mga tagalabas na tumutungo sa kanila upang ayusin ang kanilang kuryente. Ang mga ito ay kinikidlatan ni Bagyon Kulimlim, ang prinsipe ng kulog at kidlat, upang kunin ang kanilang kaluluwa. Kapalit ng mga alay na ito ay nagkakaroon ang mga residente ng Livewell Village ng masagana at matagumpay na isang buong taon. Nang tangkaing hulihin ni Trese si Bagyon Kulimlim, sinubukan sila nitong patayin. Sa tulong ng dwendeng si Amang Paso at ng kanyang mga laman lupa, napatay nila si Bagyon Kulimlim. Dahil dito, nagalit ang ama nitong si Bagyon Lektro, at binalaan si Trese na hindi sila rito makakahingi ng tulong kapag dumating na ang nagbabadyang panganib.

 

Tulad ng aking nabanggit sa rebyu ng tomo 1 ng Trese Komiks, isa sa pinagmumulan ng popularidad ng Trese ay ang pagpili nito sa Kalakhang Maynila bilang lunsaran ng mga kwento. Ang nakabibighaning representasyon sa Kalakhang Maynila ay nagbigay sa mga mambabasa/manonood ng pamilyaridad sa mundo ng Trese o kung tawagin ay “Treseverse.” Ngunit ang nakabibighaning representasyong ito ay hindi lamang mabubulaklak na pagtatampok sa Kalakhang Maynila. Kaalinsabay nito ay ang realistikong representasyon sa mga kabulukan ng lipunang Pilipino.

 

Rodrigo Roa Duterte
Isa na rito ang pagpinta nito sa imahe ng ilang pulis bilang abusado, tulad ni Sarhento Revilla, isang reyalidad na pamilyar sa kolektibong kamalayan ng mga Pilipino. Bagaman 2008 pa unang inilathala ng Visprint ang tomong ito, lalong napapanahon sa kasalukuyan ang representasyong ito nina Tan at Baldisimo sa kapulisan. Lalong napapanahon dahil sa sunod-sunod na balita ukol sa brutalidad ng mga pulis. Nariyan ang retiradong sundalong si Winston Ragos na binaril ng pulis sa lunsod ng Quezon noong Abril 2020;[1] magnanay na Sonia at Frank Gregorio na binaril nang harap-harapan ng pulis na si Jonel Nuesca dahil lamang sa simpleng pagtatalo;[2] at isang matandang babae na harap-harapan ding binaril ng isa pang pulis na si Hensie Zinampan.[3] Bagaman marami nang ganitong insidente bago pa man maupo si Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016, ang kanyang gera kontra droga ay higit na nakapagpataas sa katindihan ng brutalidad ng mga pulis. Ayon kay Jayson Lamcheck, pitong buwan pa lamang matapos ang pagkakaluklok ni Duterte bilang pangulo ay 7,000 katao na ang namatay sa kanyang gera kontra droga.[4]


Totoong walang intensyon ang orihinal na Trese komiks na magbigay ng opinyon ukol sa gera kontra droga, dahil 2005 pa nila ito sinimulang isulat, gayong 2016 lamang nagsimulang mamuno si Duterte. Gayunman, ang kanilang pangkalahatang kritisismo sa kapulisan ay nananatili pa ring may saysay sa kasalukuyang panahon ng gera kontra droga ni Duterte. Ani nga mismo ni Budjette Tan:

 

It is interesting to see how people suddenly relate to something that happened just yesterday. We wrote the story 15 years ago and somehow - whether that's good or bad - it still seems to be relevant today.[5]

 

Marahil ay mapapansin ng ilang nakapanood ng anime na nakapagbasa rin ng komiks na may mga idinagdag na ilang dialogo at pahayag sa bersyon ng anime na wala sa komiks upang mas maging angkop ang Trese sa kasalukuyang sitwasyon ng lipunang Pilipino sa ilalim ni Duterte. Bahagyang iniba ang kwento ukol sa paglusob ng mga zombie sa presinto sa Kalayaan Street, Makati. Kung sa komiks ay magkaiba ang mabait na si Kapitan Guerrero sa abusadong si Sarhento Revilla, ipinag-isa sila sa anime. Sa bersyong ito, ang pinuno ng presinto ay ang mabait na si Kapitan Guerrero, at ang abusado ay ang mga pulis na nasa ilalim niya. Sa bersyon sa anime (Episode 4), nang dalhin ng mga pulis si Raul Lazaro, binubugbog nila ito. Nang sawayin sila ni Kapitan Guerrero sa kanilang pang-aabuso, ipinaliwanag nilang “nanlaban” ito. Marami sa mga Pilipinong nakanood ng eksenang ito ay tiyak na maaalala ang gera kontra droga dahil sa salitang “nanlaban.” Ito ang paboritong idahilan ng mga pulis sa tuwing may napapatay silang ‘diumano’y adik – na binaril nila ito dahil nanlaban sa kanila.

 

Pagkatapos ay inihingi ng tawad ni Kapitan Guerrero kay Lazaro ang ginawa ng mga ito sa kanya, at sinabihan itong “Pasensya ka na sa mga tao ko. Tarantado kaming lahat dito, pero iniiwasan ko na yon kung maniniwala ka.” Sa aking palagay, ang pag-amin na ito ni Kapitan Guerrero ukol sa kasamaan ng mga pulis ay pangontra sa tipikal na naratibo ng mga pulis sa kasalukuyan sa tuwing may nagaganap na brutalidad ng kapulisan. Sa tuwing may napapabalitang brutalidad (tulad ng kaso ni Nuesca at Zinampan), laging idinadahilan ng ilang pulis na “isolated case” ang nangyari at “huwag namang lahatin” dahil “hindi naman lahat ng pulis ay masama.” Bagaman totoo naman na hindi lahat ng pulis ay masama, kailangang kilalanin na hindi isolated cases ang mga nangyayari, kundi indikasyon ito ng istruktural na kontaminasyon ng kapulisan bilang isang institusyon. Samakatuwid, ang kailangan ay hindi lamang payak na paghuli sa ilang abusadong pulis, kundi institusyunal na reporma. Hindi mangyayari ang anumang tunay na reporma hanggat hindi tinatanggap ng kapulisan na hindi payak na “isolated cases” ang nagaganap, kundi bunga ng istruktural na suliranin. Kaya naman mahalaga ang bukas na pag-amin ng kamalian, ng paghingi ng tawad ng mga mabubuting pulis para sa pagkakasala ng mga kasamahan nilang masasamang pulis, tulad ng ginawa ni Kapitan Guerrero.    

 

Mas pinatindi rin ang negatibong imahe ng pulis sa anime. Sa komiks, hindi tinulungan ng mga pulis ang kapatid ni Raul Lazaro, kahit na kaya naman nila itong tulungan laban sa holdaper. Ngunit sa anime, pulis mismo ang bumaril sa kanyang kapatid. Isa pang wala sa komiks na idinagdag sa anime ay ang senaryo kung saan hinihimok ni Kapitan Guerrero si Lazaro na tumakas na sila upang hindi sila mapatay ng mga zombie. Ngunit nagmamatigas si Lazaro, at tinanong niya si Kapitan Guerrero kung alam nito ang kanyang pangalan. Nang hindi ito masagot ni Kapitan Guerrero, ganito ang mga salitang sinambit ni Lazaro: “Hindi kami mga tao para sa inyo, numero lang.” Muli, madaling maiuugnay ito ng mga manonood sa gera kontra droga, kung saan ang mga pinaghihinalaang adik ay idinaragdag na lamang bilang numero sa pataas nang pataas na bilang ng mga namamatay. Maging ang mga bata at kabataang malinaw namang inosente ay idinaragdag na lamang na parang gamit sa “collateral damage” na dulot ng gera kontra droga.

 


Bagaman hiwalay na sa kwentong ito nina Kapitan Guerrero at Raul Lazaro, mahalagang mabanggit ang isa pang pahayag na idinagdag ng anime – sa pagkakataong ito ay sa pamamagitan ng bibig ni Meyor Santamaria. Si Santamaria ay isang meyor na nakulong dahil sa korupsyon at karahasan. Ngunit sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Talagbusao ay nakontrol niya ang buong kulungan. Nagkaroon ng pagkakataon si Meyor Santamaria na marinig ng publiko sa pamamagitan ng pagsasalita sa telebisyon. Isa sa mga linyang sinabi niya ay “Darating na ang pagbabago.” Sa Ingles na dubbing at subtitle, ang makikita/maririnig na mga kataga ay “Change is coming.” Muli, pamilyar sa pandinig ng mga kasalukuyang Pilipino ang mga katagang ito. Ito ang opisyal na tagline ng rehimeng Duterte mula pa man noong panahon ng kampanya nito. Napakahirap ding hindi mapansin ang paralelismo sa pagitan nila: meyor si Santamaria at dati ring meyor si Duterte sa Davao (sa katunayan, ang kauna-unahang meyor na naging pangulo).

 

Ang lahat ng ito ay indikasyon ng pagsisikap ng production team ng anime ng Trese na mas patindihin ang panlipunang kritika ng orihinal na komiks ng Trese upang mas mapaigting ang saysay nito sa kasalukuyan.  



[1] Vince Ferreras at Gerg Cahiles, “Retired Soldier Shot Dead by Police at Checkpoint in Quezon City”, Abril 22, 2020, CNN Philippines, matatagpuan sa https://www.cnnphilippines.com/news/2020/4/22/Retired-soldier-shot-dead-by-police-.html, sinangguni noong Hulyo 20, 2021.

[2] Adrian Portugal, “Filipino Mother, Son Shot Dead by Off-Duty Policeman in Row over Noise Laid to Rest”, Disyembre 27, 2020, Reuters, matatagpuan sa https://www.reuters.com/article/us-philippines-crime-idUSKBN291099, sinangguni noong Hulyo 20, 2021.

[3] CNN Philippines Staff, “Cop to face murder charges for fatally shooting woman in QC”, Hunyo 1, 2021, CNN Philippines, matatagpuan sa https://cnnphilippines.com/news/2021/6/1/Police-shooting-Hensie-Zinampan.html?fbclid=IwAR0A7w18EIsTitGY1T34sePzM68L7EOq6PEJW91ijBL19El9kjqOMpPRw50, sinangguni noong Hulyo  20, 2021.

[4] Jayson Lamcheck, “Mandate for Mass Killings? Public Support for Duterte’s War on Drugs.” Nasa A Duterte Reader: Critical Essays on Rodrigo Duterte’s Early Presidency, pat., Nicole Curato (Quezon City: Bughaw, 2017), 199.

[5] Yvette Tan, “Trese: What Netflix's New Occult Anime Reveals about the Philippines”, Hunyo 11, 2021, BBC News, matatagpuan sa https://www.bbc.com/news/world-asia-57424360, sinangguni noong Hulyo 20, 2021.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...