Wednesday, October 27, 2021

Rebyu #90 -- Ben Singkol ni F. Sionil Jose

Jose, F. Sionil. Ben Singkol. Manila: Solidaridad Publishing House, 2001. Third Edition, 2013.

 

Kung marami nang nobela ni F. Sionil Jose ang iyong nabasa, magkakaroon ka ng pakiramdam na parang ang ilang mga akda niya ay pag-uulit na lamang ng maraming tema, karakter, daloy, at mga taktikang pampanitikan na una na niyang nagawa sa mas maaga niyang mga nobela. Marahil, maiuugat ito sa katotohanang iisa lang ang talagang pinapaksa ng lahat ng kanyang mga nobela: ang masalimuot na reyalidad lipunang Pilipino, na puno ng pang-aapi at inhustisya. Sa aking palagay, ito ang sinulid na nagtatagpi sa buong pampanitikang korpus ni Jose. Iba’t ibang panahon sa agos ng kasaysayan ng lipunang Pilipino ang pinapaksa niya sa kanyang mga nobela. Mayroong ukol sa kolonyalismong Espanyol (Po-on), kolonyalismong Amerikano (Tree), Ikalawang Digmaang Pandaigdig (Ben Singkol, Ermita), rebelyong Huk noong 1950s (My Brother, My Executioner), pagtindi ng anti-imperyalistang nasyonalismo noong 1960s (The Pretenders), Batas Militar (Mass), bagong dispensasyon matapos ang Batas Militar (Gagamba). Ngunit magkakaibang panahon man, magkakatulad ang mga temang tinatalunton ng bawat nobela ni Jose. Ang marami sa mga pamilyar na temang ito sa iba’t ibang akda ni Jose ay tinataglay rin ng kanyang nobelang Ben Singkol.

 

Ang nobela ay umiinog sa buhay ni Ben Singkol, isang batang lumaki sa mahirap na baryo ng Selasor (isang piksyunal na lugar sa Pangasinan). Unti-unting nakaangat sa buhay si Ben dahil sa kanyang pag-aaral ng abogasya sa Maynila, at pagtatrabaho bilang manunulat sa dyaryo. Higit pa ang kanyang naging pag-angat nang maging bahagi siya ng mayamang pamilyang Reyes sa pamamagitan ng pagpapakasal kay Isabel. Puno ng kapaitan ang naging buhay ni Ben. Labis na mahirap ang kanyang buhay-pagkabata. Musmos pa lamang ay sariling sikap na siya upang mabuhay sa Selasor. Habang nag-aaral sa Maynila, samu’t sari ang kanyang trabahong pinasok: kasambahay, bodegero, serbidor, kolektor ng utang, at iba pa. Naantala ang kanyang pag-aaral nang sapilitan siyang ipasok sa militar noong panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Bagaman nakatakas mula sa Bataan, nahuli siya kalaunan ng mga Hapon at isinailalim sa matinding tortyur. Ang kanyang ama ay pinatay ng mga Hapon. Ang kanyang ina at ang pinakamamahal na babaeng si Nena ay dinakip naman ng mga ito, at hindi na niya muli pang nakita ang dalawa. Ang galit sa mga Hapon ang nagtulak sa kanya upang sumali sa mga puwersang gerilya laban sa mga mananakop. Sa kanyang pagtanda ay hindi pa rin nilubayan si Ben ng mapapait na karanasan. Sa maagang edad ay namatay ang asawa niyang si Isabel dahil sa leukemia, at ang kanya namang anak na si Josie ay nahuli kalaunan ng mga sundalo nang lumaban ito sa mapaniil na Batas Militar ni Marcos.  

 

Maraming pagkakatulad ang Ben Singkol sa iba pang mga nobela ni Sionil. Mula sa hirap si Ben na kalaunan ay yumaman tulad ni Juan Bacnang sa Juan Bacnang, Tony Samson sa The Pretenders, at Luis Asperri sa My Brother My Executioner. Tulad rin ni Tony at Luis, mayroong malalim na nostalgia si Ben sa kanyang pinagmulang mahirap na buhay, at nagsagawa rin siya ng pagtatangkang mahanap ang kanyang ugat sa pamamagitan ng pagbalik kalaunan sa kanyang bayang sinilangan. Gumamit ang Ben Singkol ng taktikang “first person point of view”, kung saan ang buong nobela ay direktang pagsasalaysay ng protagonista ng kanyang mga karanasan (na ginamit din ni Sionil sa Sin, Tree, at Mass).

 

Malalim ang repleksyon ng protagonista ng Ben Singkol sa kahulugan ng buhay, at puno ito ng pagpapahayag ng krisis ng kairalan (existential crisis) tulad ng Gagamba, Tree, Juan Bacnang, The Pretenders at Mass. Katulad rin ng Ben Singkol ang Gagamba at Ermita sa pagbibigay-kritika nito sa maiksing memorya ng mga Pilipino – ang tendensyang makalimutan kaagad ang ginawang pananamantala sa kanila (sa kaso ng Ben Singkol, ang tuon ay ang pagkalimot ng mga Pilipino sa kasalanan ng mga Hapon sa ating bayan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig). May kritika rin ang Ben Singkol sa pakikipagsabwatan ng mga elit sa mga banyaga (tulad ng My Brother My Executioner). Tipikal din sa maraming nobela ni Jose ang pagsasalaysay niya na ang ninuno ng ilang kasalukuyang mayaman ay sumali sa himagsikan ng mga Katipunero, at ginamit ang posisyon sa himagsikan upang magpayaman. Ganito niya ipinaliwanag ang pagsisimula ng yaman ng pamilya ni Don Alfonso, na amo ni Ben Singkol bilang kasambahay. Ang temang ito ay matatagpuan din sa nobela ng Sin at Tree.

 

Taliwas sa ibang mga nobelista, hindi laging mabuti ang pangunahing karakter sa mga nobela ni Jose. Sa aking palagay ay maigugrupo sa ilalim ng tatlong kategorya ang mga pangunahing karakter niya: bida, bida-kontrabida, at alanganing bida. Ang bida sa mga nobela ni Sionil ay kadalasang mahirap 0 mula sa hirap na yumaman, at may simpatya sa mga mahihirap. Kadalasan ding progresibo ang mga ito na tumutulong sa pagkilos para sa pagbabagong panlipunan. Sa kategoryang ito maihahanay si Ben Singkol, kasama nina Istak ng Po-on at Jose Samson ng Mass. Matatagurian nating bida-kontrabida ang mga karakter ni Jose na gahamang mayayaman na nagpapanatili ng ‘di patas na sistema, o mga mahirap na yumaman na nakalimot sa kanilang pinagmulan at nakikiisa na sa uring nananamantala. Dito maipapailalim sina Juan Bacnang ng Juan Bacnang, at si Carlos Cobello ng Sin. Samantala, mayroon ding mga karakter na mahirap ilagay sa kategoryang bida o bida-kontrabida. Maaari silang bansagan na “alanganing bida.” Mahirap silang ikulong sa makitid na kategorya ng bida o bida-kontrabida, dahil mayroon silang elemento ng simpatya sa mga mahihirap, maaaring mula sila sa hirap, o nagsisikap din silang makapag-ambag sa pagbabagong panlipunan. Pero sa daloy ng kanilang buhay ay naging kasangkapan sila ng pang-aapi o nilamon na sila ng sistema ng mga elit. Dito marahil maihahanay sina Ermi ng Ermita, ang ‘di pinangalanang karakter ng Tree, Luis Asperri ng My Brother My Executioner, at si Tony Samson ng The Pretenders.  

 

Tulad ng nabanggit na, maraming pagkakatulad ang mga nobela ni Sionil dahil iisa lamang ang pinakatuon ng mga ito: ang masalimuot na lipunang Pilipino. Ngunit hindi ito nangangahulugan na replika na payak na pagpapaulit-ulit lamang ang mga akda ni Jose. Mas makatarungang ilarawan ang mga nobela ni Jose bilang magkakaibang anggulo ng iisang paksa. Habang dumarami ang nababasa ng indibiduwal na nobela ni Jose ay lumalago ang kanyang kaalaman sa lipunang Pilipino, partikular na sa isyu ng ‘di pagkakapantay-pantay at kawalan ng katarungan. Ang maituturing na partikular na ambag ng Ben Singkol sa mundong nilikha ng pampanitikang korpus ni Sionil ay ang malagim na reyalidad ng digmaan, ang kakayahang pagsabayin ang pagpapatawad at hindi pagkalimot, at ang kakayahan ng isang Pilipino na manatiling nakatindig sa gitna ng lahat ng pait, inhustisya, at tukso ng uring mapagsamantala.     

Saturday, October 23, 2021

Rebyu #89 -- Doc Prudente: Nationalist Educator ni Nelson Navarro

Navarro, Nelson A. Doc Prudente: Nationalist Educator. Manila: Anvil Publishing, Inc., 2011.


Why do men of heroic spirit die?
The wisdom of the world
Won’t suffice to embrace,
The void of circular questions
God steer clear of,
Unable to speak like the Holy Inquisition
But Buddhists burn incense
To calm the hearts
& pronounce all who have vanished
Will eventually return
To finish a mission left undone
In another place and time.
In another form.
In another generation
-Edel Garcellano, “In Memoriam: Dr. Nemesio E. Prudente”


“Big Brother of Activists” at “Father of PUP.” Ilan ito sa mga bansag na ipinataw ng mga humahanga kay Nemesio Encarnacion Prudente, isa sa mga pangalang nakaukit sa maringal na Bantayog ng mga Bayani. Para sa mga taong nakasaksi sa lagim ng Batas Militar, isang matibay na pundasyon si Prudente, isang patunay sa kakayahan ng mga Pilipinong ipaglaban ang katarungan sa gitna ng awtoritaryanismo.


Sa gitna ng kasalukuyang lagay ng pulitika, kung saan laganap ang distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar, napapanahon ang pananalambuhay sa mga biktima at bayani ng diktadurang Marcos. Ang kontekstong ito ang nagbibigay ng patuloy na saysay sa akdang Doc Prudente: Nationalist Education ng dyornalist na si Nelson Navarro. Isang batiking mananalambuhay si Navarro, na kumatha sa talambuhay ng mga matatayog na personalidad tulad nina Emmanuel Pelaez, Luis Lorenzo, Vicente Perez Sr., Ramon Magsaysay, Max Soliven, at Armida Siguion-Reyna. Bilang isa sa mga aktibistang nakalahok sa makasaysayang Sigwa ng Unang Sangkapat (First Quarterstorm) na humamon kay Marcos noong 1970, mataas ang pagpapahalaga ni Navarro kay Prudente. Sa kanyang pananalambuhay kay Prudente, malikhain niyang binaybay ang ebolusyon ng bayani, mula sa batang “Mensing” ng Cavite, patungo sa nakikipagsapalarang “Rudy” na mag-aaral sa Estados Unidos, hanggang sa pagiging nasyonalistang edukador ng PUP na “Doc Prudente.” Epektibong naitakda ni Navarro ang peryodisasyon ng talambuhay ni Prudente sa pamamagitan ng tatlong katawagang ito. Ang palayaw na “Mensing” ang kanyang ginamit sa pagtalakay sa maagang buhay ni Prudente; “Rudy” ang bansag niya habang nag-aaral ito sa Estados Unidos; at “Doc” naman ang pangunahing pantukoy niya sa protagonista pagbalik nito sa Pilipinas. Ang ganitong pagpapalit-palit ng katawagan ay instrumentong nagamit ni Navarro upang bigyan ng malinaw na hugis ang kanyang naratibo ng buhay ni Nemesio Prudente.

Tubong Rosario, Cavite si Mensing, na ipinanganak noong Disyembre 1, 1926 kina Mamerto Prudente at Felicidad Encarnacion. Mula kamusmusan ay maagang naitanim sa kamalayan ni Mensing ang pagkamakabayan, dahil sa madalas na pagkukuwento ng kanyang lolo Enciong ng mga karanasan nito bilang Katipunerong lumaban kapwa sa Himagsikang 1896 at sa Digmaang Pilipino-Amerikano. Si Mensing mismo noong bata pa ito ay nagsilbing koryer sa Mag-Irogs, isang puwersang gerilya laban sa mga Hapon noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Nag-aral siya sa Rosario Elementary School, kung saan siya nagtapos bilang balediktoryan. Nag-aral din siya sa UP High School, bagaman kalaunan ay lumipat siya sa Cavite High School dahil sa panganib na dala ng digmaan sa Maynila. Isa sa mga tinitingala niya ay ang kanyang kuyang si Dante, na bilang kadete ng Philippine Military Academy ay lumaban sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Sa pagnanasa na sumunod sa yapak ng kanyang kuya, nagsikap siyang makapasok sa United States Merchant Marine Academy (USMMA) sa Kings Point. Nilisan niya ang Pilipinas noong Enero 1947, para sa pakikipagsapalaran sa bagong yugto ng kanyang buhay sa Estados Unidos.

Sa panahong nag-aaral siya sa USMMA ay nakilala ni Rudy (palayaw na ibinigay sa kanya ng mga kasamahan sa Kings Point) si Ruth Yulo Garcia, na kalaunan ay pinakasalan niya. Isang nars si Ruth, Methodista na kalaunan ay magiging daan upang maipasok si Rudy sa malawak na mundo ng panlipunang aksyon ng simbahang Protestante. Sa Estados Unidos ipinanganak ang tatlong supling ni Rudy at Ruth na sina Felicidad Brigida, Karen, at Rudy Jr. Habang itinataguyod ang pamilya ay sinikap ni Rudy na maisulong ang kanyang gradwadong pag-aaral sa Estados Unidos. Matapos makamit ang Bachelor of Science in Nautical Science sa USMMA, Nag-aral siya ng Master’s in International Affairs sa San Francisco State College, na kanyang natapos noong 1954. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pagpapakadalubhasa sa University of Southern California, kung saan siya nagdoktorado sa agham pampulitika. Bilang disertasyon sa programang ito, isinulat niya ang humigit kumulang 600 pahinang “Admission to Membership in the United Nations: A Tool of Diplomacy”, na pagsusuri niya sa United Nations sa konteksto ng namamayagpag noon na Cold War sa pagitan ng Estados Unidos at Unyong Soviet.

Maaari namang manatili na lamang si Rudy sa komportableng buhay sa Estados Unidos, na siyang nais ng kanyang kabiyak. Ngunit bilang isa sa mga henerasyong nakasaksi sa bagong layang Republika mula sa kolonyalismong Amerikano, may kung anong humahatak kay Rudy pabalik sa kanyang lupang sinilangan. Matapos ang kanyang doktorado, bumalik si Rudy sa Pilipinas noong 1960 na bitbit ang kanyang asawa’t tatlong anak. Maraming mga institusyon ang hindi tumanggap sa aplikasyon ni Rudy noong una, dahil bilang may lagpas na kwalipikasyon, animo’y banta siya sa matatagal nang empleyadong walang doktorado. Isa sa mga naging una niyang trabaho ay ang pagtuturo sa Far Eastern University, sa ilalim ng dekano ng Institute of Arts and Sciences na si Alejandro Roces. Nang manalo bilang pangulo ng bansa si Diosdado Macapagal, kinuha nitong kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon si Roces. Yamang nasaksihan ni Roces ang husay ni Rudy, inalok niya naman ito na maging pangulo ng Philippine College of Commerce (PCC), ang dating pangalan ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP).

Sa panahong iyon, isang maliit at hindi kilalang paaralan ang PCC. Nakapaloob lamang ito sa isang maliit na gusali sa Lepanto na mayroong humigit kumulang 1,500 mag-aaral noong magsimulang manungkulan si Rudy rito bilang pangulo taong 1962. Sa 1,500 mag-aaral na ito, mayorya ay mga estudyante sa hayskul, at mayroon lamang itong maliit na departamentong pangkolehiyo na nagkakaloob ng iilang programang akademiko. Ang pagiging mahusay na administrador ni Rudy – na noon ay mas kilala na sa katawagang “Doc Prudente” – ay ang siyang nagpabagong-anyo sa paaralan, mula sa pagiging hindi kilalang PCC tungo sa pagiging nasyonalistang PUP na isa na sa mga pinakakilalang unibersidad sa buong bansa.

Dalawang mahabang yugto nanungkulan si Doc Prudente bilang pangulo ng PCC/PUP. Una ay bago ang Batas Militar noong 1962-1972, at ikalawa ay matapos ang Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan ng EDSA noong 1986-1992. Nagsikap si Doc Prudente upang makahingi ng pondo sa pamahalaan, at inilipat niya ang PCC mula sa maliit na gusali nito sa Lepanto tungo sa malaking kampus nito sa Sta. Mesa sa kasalukuyan. Sa panahon ng administrasyon niya naipatayo ang maraming gusali sa loob ng bagong kampus, at naestablisa ang maraming sangay na kampus nito sa loob at labas ng Kalakhang Maynila. Sa panunungkulan din ni Doc Prudente nakonseptuwalisa ang College of Law at ang Open University ng PUP. Nang magretiro siya bilang pangulo noong 1992, lomobo na sa 50,000 ang populasyong pang-mag-aaral ng PUP, na napakalayo sa 1,200 na bilang ng mga estudyante nito noong magsimula siyang manungkulan taong 1962.

Sa pamumuno ni Prudente maiuugat ang pagsibol ng nasyonalismo ng PUP. Pinatatag niya ang larangan ng agham panlipunan sa unibersidad, at nag-imbita siya ng mga pang-mag-aaral at mga pambansang lider upang magsalita sa mga estudyante ng PUP. Nag-imbita rin siya ng mga radikal na kaguruan ng UP upang magturo sa PUP. Bago ang pagsikat ng PUP, UP lamang ang nag-iisang pamantasan na aktibo sa pagsasagawa ng mga kilos-protesta ukol sa mga napapanahong isyung panlipunan. Ngunit nagwakas ang monopolyong ito sa pagsapit ng “yugtong Prudente” sa PUP. Ikinintal ni Prudente sa isip ng mga mag-aaral na hindi lang sila magiging mga payak na mga kasangkapang nagbibigay ng serbisyo at produkto kapalit ng salapi, bagkus ay mga susunod na propesyunal na may malinaw na kamalayang makabayan. Ang pagpapagal ni Doc Prudente sa pagpapayabong ng PUP ay nagbubukal sa kanyang taimtim na paniniwalang ang pampublikong edukasyon ay isa sa mga susi upang unti-unting makamit ang pagkakapantay-pantay sa lipunan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng oportunidad sa mga mahihirap na umangat sa buhay sa tulong ng edukasyon.

Naantala ang pagpapaunlad ni Prudente sa PUP noong ipataw ni Ferdinand Marcos ang Batas Militar taong 1972. Ngunit bago pa man maipataw ang Batas Militar ay naranasan n ani Doc Prudente ang bagsik ng rehimeng Marcos. Matapos ang pambobomba sa Plaza Miranda, nagsagawa ng serye ng pagpapadakip ang pamahalaan. Isa sa mga pinaratangang salarin si Doc Prudente at ipiniit sa kulungan noong 1971, sa kabila ng malinaw niyang tindig na hindi siya komunista. Yamang wala sapat na ebidensyang maipakita ang pamahalaan, napilitan silang pakawalan si Doc Prudente matapos ang apat na buwan. Muli, noong ideklara ang Batas Militar ay isa si Doc Prudente sa nakalista sa mga pangalang ipinadadakip ng diktadura, dahil sa malinaw na pagtutol nito sa mga kalabisan ng pamahalaan. Dahil dito ay napilitang mag-underground si Doc Prudente.

Nasa 17 buwan din siyang palipat-lipat ng lugar upang makapagtago sa militar, hanggang sa tuluyan siyang mahuli noong Pebrero 1974. Matinding pisikal at sikolohikal na tortyur ang dinanas ni Doc Prudente sa kamay ng mga militar habang siya’y nakapiit. Sa isang maliit na selda siya ikinulong, at binigyan lamang ng maliit na lalagyan ng kanyang ihi at dumi. Hindi ito inaalis upang manatiling masangsang ang kanyang maliit na selda. Hindi rin siya pinahintulutan na maligo sa loob ng ilang araw. Ngunit ang isa sa pinakamalagim niyang karanasan ay nang dalhin siya sa isang sementeryo, kung saan nagsagawa ng “Russian roulette” ang mga sundalo sa kanya. Isang anyo ito ng tortyur kung saan nilalagyan ng isang bala lamang ang rebolber, pagkatapos ay ipinapaikot ang kargada nito at itinatapat sa ulo ng biktima. Kakalabitin ang gatilyo ng baril, at swertihan ito: kung hindi tumapat ang bala ay makaliligtas ang biktima, at kapag naman minalas siya sa pagtapat ng bala mababawian siya ng buhay sa isang iglap. Pagkatapos itong isagawa kay Doc Prudente ay inilibing naman siya nang buhay sa lupa ng sementeryo, at isang maliit na butas lamang ang pinananatiling nakabukas bilang kanyang hingahan. Natigil lamang ang pagdurusa ni Doc Prudente nang lumakas ang pambansang panawagan na palayain siya. Tuluyan niyang nakamit ang kalayaan noong Disyembre 1974.

Sa halip na matakot, ang naranasan niyang pagpapahirap sa loob ng bilangguan ay lalo pang nagpaalab sa kanyang pagsusulong ng katarungan. Samu’t saring kilusang mapagpalaya ang nilahukan ni Prudente matapos niyang makalaya. Naging tagapayo siya ng Zone One Tondo Organization (ZOTO), isang pangkomunidad na proyektong nag-oorganisa sa masa upang ipagtanggol ang kanilang interes. Naging aktibo siya sa mga gawaing panlipunan ng simbahang Metodista, na naglalayong paunlarin ang kamalayang panlipunan ng mga komunidad. Naging instrumental din siya sa pagkakatatag ng People’s Democratic Movement (PDEM). Isang pangmasang organisasyon ito sa Katimugang Luzon, na binuo bilang alternatibo sa balangkas ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA). Bagaman magkatulad ang PDEM at CPP-NPA sa layuning mapalaya ang lipunang Pilipino mula sa diktadurang Marcos, mas may kiling si Doc Prudente at ang PDEM sa partisipatoryong demokrasya, kaysa sa totalitaryong tendensya ng CPP-NPA. Taliwas din si Doc Prudente sa nakikita niyang kontra-Kristiyanong sentimiyento ng CPP-NPA. Ito ang dahilan kung bakit hindi siya naging komunista, sa kabila ng makailang ulit na pagtatangka nina Jose Ma. Sison na mahamig siya. Gayunman, kasangga ng CPP-NPA ang PDEM sa armadong pakikibaka, dahil mayroon ding armadong grupo ang PDEM na tinatawag na “Anak Pawis”, na nakasentro sa Maynila. Ang mga aktibidad na ito ang dahilan kung bakit noong 1983, matapos ang pagkamatay kay Ninoy, ay isa si Doc Prudente sa mga muling ipinadakip ng diktadura.

Pagsapit ng Himagsikan ng Kapangyarihang Bayan ng EDSA noong 1986, muling nakamit ni Prudente ang kanyang kalayaan, kasama ng lahat ng bilanggong pulitikal na sabay-sabay na pinalayo ng bagong pangulo ng Republika na si Corazon Aquino. Muli siyang nanungkulan bilang pangulo ng PUP, kapalit ni Pablo Mateo, ang opisyal na iniluklok sa PUP ni Marcos (na napilitang umalis matapos ang matinding kilos-protesta ng mga mag-aaral ng PUP laban sa kanya). Muling nagpatuloy ang institusyunal na pag-unlad ng pamantasan sa ilalim ng kanyang ikalawang termino. Dulot ng kanyang radikal at makabayang pamumuno sa PUP, at gayundin ang dati niyang partisipasyon sa PDEM, naging mainit siya sa mata ng mga maka-kanan, lalo na ang militar. Dalawang beses siyang tinangkang ipapatay (Nobyembre 1987 at Hunyo 1988) sa pamamagitan ng pananambang, at sa kabutihang-palad ay dalawang beses din siyang mahimalang nakaligtas.

Dulot ng malakas na panawagan ng sektor ng mga makabayan, tumakbo si Doc Prudente sa pagkasenador noong 1992, sa ilalim ng Partido ni Jovito Salonga. Ngunit bilang isang kandidatong integridad at pagkamakabayan lamang ang bitbit (at walang taglay na malaking pondo at makinarya), natalo si Doc Prudente. Mas mataas ang nalikom na boto sa pagkasenador ng mga sikat na komedyante at mga artista noong 1992. Bagaman retirado na sa PUP noong 1992, patuloy ang pagtanggap niya sa mga imbitasyon na magsalita sa iba’t ibang akademikong pagtitipon bilang professor emeritus ng PUP. Nagkaroon din siya ng panahon upang magsulat ng mga makabayang aklat. Sa kanyang pagkamatay noong Marso 8, 2008 sa edad na 81, dumagsa sa kanyang libing ang napakaraming tao na humahanga sa kanya, mga estudyante at kaguruan ng PUP, at gayundin ang iba’t ibang nakasama niya sa samu’t saring kilusang mapagpalaya. Matapos siyang mamatay ay agad ring inasikaso ng kanyang mga kaibigan at kasama ang proseso ng pag-ukit sa kanyang pangalan sa maringal na Bantayog ng mga Bayani.

Sa panahon na matindi ang ipinapakalat na distorsyong pangkasaysayan, kung saan itinatanggi ang pag-iral ng mga biktima ng Batas Militar, sa ngalan ng makasariling adhikain na muling maibalik ang pamilyang Marcos sa Malakanyang, lalong kagyat ang pangangailangan na muling sariwain ang buhay ng mga bayaning matapang na tumuligsa at lumaban sa diktadurang Marcos. At isa ang alaala ni Mensing/Rudy/Doc Prudente sa mga bayani ng Batas Militar na dapat ipagtanggol at ipopularisa ng lahat ng nagpapahalaga sa kasaysayan at katarungan.

Saturday, October 16, 2021

Rebyu #88 -- Lorena: Isang Tulambuhay ni Pauline Mari Hernando

 Hernando, Pauline Mari. Lorena: Isang Tulambuhay. Quezon City: University of the Philippines Press, 2018.







"Sa hinuha’t kamalayan ng mga kaaway, pumanaw na ang kanilang “sakit sa ulo.” Inakala nilang nagwakas sa lamay ang digmang bayang nilahukan at pinamunuan niya. Pinagpalagay din nilang kasama niyang malilibing ang pangako’t lagablab ng bagong tipo ng kilusang kababaihan. Taliwas ito sa diwa at panata ng mga sumunod na rebolusyonarya. Sapagkat ang kaniyang pagpanaw ay nagsilbi pang panandang bato sa rebolusyonaryong kilusang kababaihan sa bansa.  Nagturo itong manindigang wala sa pingkian ng bala at dugo ang huling yugto sa buhay ni Lorena." – Pauline Mari Hernando (p.115)



Aktibista, makata, babae, pulang mandirigma. Ito ang buod ng pananalambuhay ni Pauline Mari Hernando kay Ma. Lorena “Laurie” Barros, isa sa mga pinaparangalang personalidad ng Bantayog ng mga Bayani dahil sa matapang na paglaban sa diktadurang Marcos, sukdulang nag-alay ng buhay para rito. Halaw ang aklat sa tesis masterado ng may-akda sa disiplina ng Filipino sa Unibersidad ng Pilipinas-Diliman. Sa pamamagitan ng pakikipanayam sa pamilya at mga nakasama ni Lorena, pagsangguni sa mangilan-ngilang publikasyon ukol sa bayani, at paghalukay sa mayamang batis ng mga ‘di limbag na dokumento, malikhaing hinabi ni Hernando ang “tulambuhay” ni Lorena. Binansagan niyang “tulambuhay” ang kanyang katha, dahil bilang mananalambuhay at kritiko, pinagsabay ni Hernando ang pagsasalaysay sa buhay ni Lorena at ang pagsusuri sa mga tulang nilikha nito bilang makata. Ipinakita niya sa agos ng buong aklat ang pagtatalaban ng lipunan at tula, baril at pluma, pulang mandirigma at makata, sa konteksto ng natatanging buhay ni Lorena.

 

Ipinanganak si Lorena kina Alicia Morelos at Romeo Barros sa Baguio noong Marso 18, 1948. Sa maagang edad pa lamang ay nahulog na si Lorena sa mundo ng panitikan na parang isang kumunoy. Naging malaking salik dito ang kanyang ina, na siyang unang nagpabasa kay Lorena ng mga akdang pampanitikan. Nag-aral siya sa Instituto de Mujeres at St. Joseph College para sa elementarya, at sa Far Eastern University-Girl’s High School naman niya inilagi ang kanyang buhay-hayskul. Nananalaytay sa dugo ni Lorena ang pagkamakabayan, yamang ang kanyang lolo sa tuhod na si Gervacio ay isang Katipunero, habang ang nanay at dalawang tito niya naman ay sumali sa Hukbalahap. Ang ganitong pagkamakabayan ay unti-unting nahubog sa murang isip ni Lorena noong nag-aral siya ng batsilyer ng sining sa antropolohiya sa Unibersidad ng Pilipinas, programang natapos niya noong 1970.

 

Habang nasa UP, lumahok siya sa samu’t saring organisasyong akademiko tulad ng UP Writers Workshop, UP Writers’ Union, UP Writers’ Club, UP English Majors Club, UP Philosophical Society, at UP Anthropological Society (bilang pangalawang pangulo). Naging kontribyutor din siya sa opisyal na pang-estudyanteng pahayagan ng pamantasan na Philippine Collegian. Ngunit ang radikalisasyon ni Lorena ay talagang naganap noong maging kasapi siya ng Samahang Demokratiko ng Kabataan (SDK), kung saan una siyang nakapagbasa ng mga Marxistang babasahin tulad ng Communist Manifesto. Sumidhi pang lalo ang pagkamulat ni Lorena bilang aktibista nang pangunahan niya bilang tagapangulo ang Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan o MAKIBAKA. Sa MAKIBAKA unang naranasan ni Lorena ang praktika ng pag-oorganisang pangkomunidad, nang manirahan sila sa San Andres Bukid sa loob ng humigit kumulang 2 taon. Dito ay nagtayo sila ng impormal na paaralan, kung saan nagturo sila sa mga bata ng mga basikong kaalaman. Inorganisa rin nila ang mga kananayan, at tumulong sila sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga mamamayan ng komunidad.  

 

Kaalinsabay ng pag-unlad ng kamalayang panlipunan ni Lorena bilang aktibista ang radikalisasyon ng kanyang panulaan bilang makata. Bago ang kanyang pagpasok sa UP, tipikal na panulaang petit-burges ang kinakatha ni Lorena. Pawang indibiduwalistikong pagbubulalas ng sariling damdamin at mundo ang mga ito, at pumapaksa sa mga tema tulad ng pag-ibig, pananampalataya, at kalikasan. Ngunit nang maging aktibista siya, ang kanyang pagtula ay nagkaroon na ng malinaw na direksyon – ang pagsusuri at paglalantad sa bulok na sistema ng makauring lipunan na pinamamayanihan ng imperyalismong Amerikano, piyudalismo, at burukrata-kapitalismo. Samu’t saring paksa sa loob nito ang pinaksa ng mga tula ni Lorena sa yugtong ito tulad ng kahungkagan ng eleksyon, pambubusabos sa mahihirap, domestisasyon ng kababaihan, mapagkunwaring kaunlaran na ipinapakita ng mga gusaling pinatayo ng rehimeng Marcos (kapalit ng pagtaboy sa mga maralitang tagalunsod), at iba pa.

 

Nang isuspinde ni Marcos ang writ of habeas corpus noong 1971, isa si Lorena sa mga lider-kabataan na ipinadadakip sa militar dahil sa kasong subersyon. Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa kanya na tumakas patungong Zambales at tuluyang sumali sa armadong pakikibaka bilang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). “Ka Cita” ang naging palayaw niya sa larangan ng armadong pakikibaka. Habang nasa larangan, napaibig si Ka Cita kay Ramon Sanchez  (alyas “Dayang-Dayang”), isang dating propesor ng pilosopiya sa Philippine College of Commerce (ang kasalukuyang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas). Ibinunga ng pagmamahalan nila si Ramon Emiliano “Emil” Sanchez, na ipinanganak ni Lorena noong Nobyembre 24, 1972. Naging mahirap para kay Lorena ang pagkakaroon ng pamilya habang nasa larangan ng armadong pakikibaka. Minsan lang niya nakakasama ang anak, maraming pagkakataon na ipinapaalaga niya ito sa iba (tulad ng nanay niya at mga kasamang kadre) para sa seguridad ni Emil.

 

Noong Oktubre 1973, natiktikan ang grupo ni Lorena, at nadakip siya ng mga pulis sa Bicol. Ipiniit siya sa Calamba mula Oktubre 1973 hanggang Mayo 1974, bago siya inilipat sa Fort Bonifacio, kung saan nanatili naman siya hanggang Nobyembre 1974. Dahil sa matinding tortyur na ginawa sa kanya, nalaglag ang ikalawang anak na ipinagbubuntis niya. Habang nasa piitan, nabalitaan ni Lorena na ang asawa niyang si Ramon ay nahuli rin ng militar, at nakipagtulungan ito upang mahuli ang ilan nilang kasama. Ibang iba ito sa katatagan na ipinakita ni Lorena, na hindi nagbigay ng kahit na anong datos na makapagpapahamak sa kanilang kilusan, sa kabila ng matinding pagpapahirap na ginawa sa kanya. Ngunit may mas matindi pang ginawa si Ramon na ikinubli nalang sa kanya ng kanyang ina upang hindi makadagdag sa kanyang pagdurusa – humingi ng amnestiya si Ramon upang makabalik sa dating asawa at anak nito, at pagkatapos ay tumungo na sila sa Estados Unidos para magpakalayu-layo.

 

Sa kabutihang palad, sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa ilang kasamang bilanggo, matapos ang matagal na lihim na pagpaplano, nakapaghukay sila sa lupa ng lagusan na naging daan upang makatakas sila. Matapos niyang makalabas sa bilangguan, nagtungo siya sa sona ng Quezon upang muling makasama sa agos ng armadong pakikibaka. Pagsapit ng 1975, naitalaga siya bilang pangkalahatang kalihim ng komiteng pangrehiyon ng Partido sa Timog Katagalugan.

 

Samantala, ang uri ng panulaan ni Lorena ay higit na umunlad noong panahon na nasa loob siya ng BHB. Kung noong mag-aaral pa lamang siya ng UP at tagapangulo ng MAKIBAKA, puro pagsusuri at paglalantad sa mga kabulukan ng sistemang makauri ang kanyang pinapaksa, sa yugtong ito ay naglalaman na ang kanyang mga tula ng aktuwal na lunas sa mga kabulukang ito – ang armadong pakikibaka. Litaw na litaw rito ang mga tema tulad ng pag-aalay ng buhay ng mga martir na nakapag-aambag sa pagkapanalo ng rebolusyon sa hinaharap. Nariyan din ang realistikong presentasyon sa buhay ng isang pulang mandirigma, na puno ng pasakit, kataksilan, at kamatayan. Sa mga ito higit na makikita ang paninindigan ni Lorena para sa tunay na Kalayaan ng kanyang bayan.

 

Ang rurok ng paninindigan na ito ni Lorena ay makikita sa kanyang matikas na pagtindig hanggang sa huling bahagi ng kanyang buhay. Nahuli ang isa sa mga kasamahan ni Lorena, na nagngangalang Lago o Ka Pidyong. Itinuro nito ang kinalalagyan ni Lorena sa Barrio Cagsiay II, Mauban, Quezon. Sa kabila ng tama ng baril, sinikap ni Lorena na makatakas, ngunit naabutan siya ng militar. Tinangka pa siyang linlangin ng mga militar, at pangakuan ng kaligtasan para sa kanyang sarili at pamilya, pero hindi natinag si Lorena – malinaw sa kanya kung sino ang kaaway. Kaya lumaban siya hanggang sa huli, at malapitan siyang binaril sa batok ng mga berdugo.

 

Tila papasibol na bulaklak na bigla nalang pinitas si Lorena. Tulad ng napakaraming biktima ng Batas Militar na malaki sana ang potensyal na mag-ambag sa iba’t ibang larangan ng pambansang pag-unlad, inagawan siya ng buhay sa edad na 28. Ngunit tulad rin ng maraming martir sa agos ng kasaysayang Pilipino, ang alaala ni Lorena ang isa sa binhing nagpapataba ng lupa ng pagbabago, na nagpapasulong sa bagong henerasyon ng mga kabataang ipinagpapatuloy ang pangarap ni Lorena – ang pinapangarap na lipunang mas makatwiran at mas makatarungan.    

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...