Monday, November 1, 2021

Rebyu #91 -- Ok lang Maging Malungkot at Umiyak ni Federico Villanueva

Villanueva, Rico G. Ok Lang Maging Malungkot at Umiyak. Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017.

 

Si Federico Villanueva ang isa sa pangunahing dalubhasa sa kasalukuyan na nakatuon sa pagsasagawa ng Pilipinong Kristiyanong pagninilay sa kadalasang tinataguriang “mga negatibong emosyon” tulad ng galit, takot, tampo, lungkot, at iba pa. Markado ang metodong teolohikal ni Villanueva ng natawag ni Stephen Bevans na “synthetic model”,[1] kung saan tinatangka niyang pagtapatin at pag-usapin ang Biblia at kontekstong Pilipino. Bilang espesyalista sa Lumang Tipan, ang tuon ni Villanueva ay kadalasang nasa awiting panaghoy (lament psalms). Dito nakatuon ang kanyang disertasyong doktorado sa University of Bristol.[2] Sa serye ng Asia Bible Commentary (kung saan siya ang pangkalahatang patnugot), siya ang may-akda ng komentaryo sa Mga Awit[3] (yamang narito ang mga awiting panaghoy) at Panaghoy.[4] Sa bugkos ng kanyang mga akda, madalas niyang inilalapat ang mga awiting panaghoy sa samu’t saring isyu ng lipunang Pilipino tulad ng mga sakuna,[5] depresyon,[6] at gera kontra droga.[7] Itinatapat niya rin ang mga awiting panaghoy sa mga konseptong nakaugat sa kulturang Pilipino tulad ng tampo[8] at dalamhati.[9]

 

Sa popular na antas, ang ganitong paglalapat ni Villanueva ng awiting panaghoy sa kontekstong Pilipino ay makikita sa It’s Ok to be Not Ok: The Message of the Lament Psalms.[10] Limang taon matapos ang pagkakalimbag ng akdang ito, naglathala si Villanueva ng serye ng tatlong aklat na nakabatay sa naturang libro.[11] Bagaman nasa popular na antas din ang It’s Ok to be Not Ok, mas aksesibol ang serye ng tatlong aklat na ito dahil nasa wikang Filipino sila nakasulat, sa pangunguna ng tagapagsalin na si Marlene Legaspi-Munar. Ang mga aklat na ito na nasa Filipino at binudburan ng ilang salitang Ingles ay angkop na angkop lalo na sa mga gitnang uring kabataang Pilipino, tulad ng mga estudyante at mga nakababatang propesyunal.

 

FEDERICO "RICO" VILLANUEVA
Isa sa tatlong ito ay ang Ok Lang Maging Malungkot at Umiyak. Mairerekomenda ito sa mga Kristiyanong kasalukuyang dumadaan sa mabibigat na problema, dahil bukod sa nasa wikang Filipino ito, mas madali rin itong basahin dahil binubuo lamang ang akda ng 123 pahina (at maliit lamang ang sukat ng aklat). Mahalaga ang ganitong kaiklian ng aklat, yamang walang emosyunal na lakas ang mga dumadaan sa problema para tiyagaing magbasa ng makakapal na akda ukol sa teolohikal na repleksyon sa kapighatian. Bukod sa wika at ikli, nasa popular na antas din ang mismong nilalaman ng akda. Sa aklat na ito, si Federico Villanueva bilang teologo-pastor ay nakikipag-usap sa simbahan, hindi sa mga kapwa niya akademiko.[12] Masisilayan sa mga pahina nito ang pagbaba ng teologo mula sa toreng garing, at pakikipag-usap sa mga kapwa Kristiyano, upang ibahagi sa kalakhang simbahang Pilipino ang mga repleksyon niya bilang teologo.  

 

Malinaw ang layunin ng aklat – nais niyang muling ipakilala sa simbahang Pilipino ang isang tradisyong matagal na nitong kinalimutan, ang tradisyon ng panaghoy. Napansin niya ang nangingibabaw na represyon ng simbahan sa mga itinuturing na “negatibong emosyon” tulad ng pagiging down, pagiging malungkot, at pag-iyak. Puro masasaya ang mga awiting liturhikal, puro pananagumpay ang laman ng mga patotoo, at puro positibo ang laman ng pagpapayo sa mga Kristiyano. Ang pagiging malungkot at pag-iyak ay tinitingnan ng marami sa simbahan bilang manipestasyon ng mahinang pananampalataya. Iniisip nating kasalanan sa Diyos ang hindi pagiging matatag at positibo sa harap ng mga problema.

 

Malaking suliranin ito para kay Villanueva, dahil sa tatlong kadahilanan. Una, hindi tugma ito sa reyalidad ng buhay natin bilang mga Kristiyano. Gamit ang mga ideya ni Walter Brueggemann, ipinaliwanag niyang may iba’t ibang panahon sa buhay-Kristiyano. Nariyan ang season of orientation, kung saan pangkaraniwan ang takbo ng ating buhay. Dumadaan din tayo sa season of disorientation, kung saan puno ng pagsubok at paghihirap ang ating buhay. Sa panahon na makalagpas tayo sa yugtong ito ay darating naman ang season of new orientation, kung saan nakamit natin ang kapayapaan at pag-asa matapos ang mga unos na pinagdaanan natin. Aniya, ang problema sating mga Pilipinong Kristiyano ay iisa lamang ang alam nating tugon sa anuman sa tatlong yugtong ito: maging matatag at masaya. Hindi natin ibinubulalas ang ating nararamdaman batay sa kung nasaang yugto tayo ng ating buhay.

 

Pangalawa, hindi tayo nagiging tapat sa tunay nating nararamdaman. Yamang nasanay tayo sa kaisipan na dapat ay lagi tayong masaya at matatag bilang Kristiyano, pinepeke natin ang nararamdaman natin. Sinasabi natin sa mga kapwa Kristiyano at sa Diyos ang sa tingin natin ay tamang ipahayag. Gamit ang tonong naglalaro sa pagitan ng sarkasmo at kabalintunaan, nagwika si Villanueva na umaawit tayo ng “Kasama natin ang Diyos, dumaan man ako sa ilog di ako malulunod”, kahit sa mga panahong katatapos palang tayong salantahin ng bagyong Ondoy! Ipinahayag ng may-akda na hindi ito malusog sa dimensyong sikolohikal, yamang maraming sikolohista ang nagsasabi na marka ng kalusugang emosyunal ang kakayahan ng taong makaramdam at magpahayag ng iba’t ibang emosyon.

 

Pangatlo, hindi ito Biblikal. Napakaraming karakter sa Biblia ang pagkita ng depresyon, kalungkutan, at pag-iyak nila sa Diyos. Nariyan si Jose, David, Elias, Jeremias, Pablo, at iba pa. Maging si Jesus mismo ay tumangis noong mamatay si Lazaro, at noong nasa hardin siya ng Gethsemane. Ipinaliwanag ni Villanueva na kung tutuusin, mas marami pa ngang awiting panaghoy kesa sa awiting pagpupuri at pasasalamat sa aklat ng Mga Awit.

 

Napakahalaga para kay Villanueva ng mga awiting panaghoy, dahil binigay ito ng Diyos sa atin upang magkaroon tayo ng mga salitang magagamit natin upang ibulalas ang ating mga kalungkutan. Idiniin niya ang isang napakahalagang katotohanan – na ang mga awiting panaghoy ay kapwa panalangin at salita ng Diyos. Sa isang banda, panalangin ito ng mga sinaunang Israelita upang ipahayag ang kalungkutan nila sa Diyos. Sa kabilang banda, salita rin ito ng Diyos para sa ating mga kasalukuyang Kristiyano. Kung paanong may mga awiting pagpupuri sa Mga Awit na magagamit natin sa panahon ng tagumpay at kasiyahan, maaari rin nating magamit ang mga awiting panaghoy sa mga oras naman ng kadiliman. Iginiit ni Villanueva na hindi awtomatikong marka ng mahinang pananampalataya ang pagiging malungkot at pag-iyak. Sa katunayan, maaari pa nga raw itong maging indikasyon ng lumalalim na relasyon sa Diyos. Kitang kita natin ito sa Biblia – ang mga taong pinakamalalapit sa Diyos ang mayroong lakas ng loob na magpahayag ng kanilang tunay na damdamin sa Diyos.

 

Liban sa malaking tulong na maibibigay ng akda ni Villanueva sa mga indibiduwal na Kristiyanong kasalukuyang dumadaan sa matitinding pagsubok, mayroon din itong potensyal na makapag-ambag sa pagbabagong-diwa ng buong simbahang Ebanghelikal sa Pilipinas. Kung pakikinggan natin ang payo ng pastor-teologong ito at ibabahagi ang mga ito sa iba, maaari itong makatulong upang magkaroon ng espasyo ang mga awiting panaghoy sa ating mga simbahan. Kapag dumating ang puntong iyon, pangkaraniwan na nating mapapakinggan sa loob ng simbahan ang mga katagang “ok lang maging malungkot at umiyak.”  



[1] Tingnan ang Stephen Bevans, Models of Contextual Theology (Manila: Logos Publications, Inc., 1992), 88-102.

[2] Nailimbag kalaunan ang disertasyong ito bilang Federico G. Villanueva, The Uncertainty of a Hearing: A Study of the Sudden Change of Mood in the Lament Psalms (Leiden: Brill, 2008).

[3] Federico G. Villanueva, Psalms 1-72, Asia Bible Commentary (Carlisle, England: Langham Global Library, 2016).

[4] Federico G. Villanueva, Lamentations: A Pastoral and Contextual Commentary, Asia Bible Commentary (Carlisle, U.K.: Langham Global Library, 2016).

[5] Federico G. Villanueva, “My God, Why? Natural Disasters and Lament in the Philippine Context”, nasa Why, O God? Disaster, Resiliency, and the People of God, mga pat., Athena E. Gorospe, Charles Ringma, at Karen Hollenbeck-Wuest, 87-99 (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., at Quezon City: Asian Theological Seminary, 2017).

[6] Federico G. Villanueva, Lord, I’m Depressed: The Lament Psalms & Depression (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2019).

[7] Federico G. Villanueva, “Anong Talata sa Biblia ang Bagay sa Dutertismo?: Relihiyon bilang Kasangkapan sa Giyera Kontra Droga”, nasa Babala ng Pantayong Pananaw sa Bansa: Panganib mula sa mga Nakikipagjetski, mga pat., Arvin Pingul, Mark Joseph P. Santos, Kevin Paul Martija at Axle Christien J. Tugano (Quezon City: Bagong Kasaysayan, napipintong mailathala).

[8] Federico G. Villanueva, “My God, My God, Why Have You Forsaken Me? Christology amid Disasters”, nasa Christologies, Cultures, and Religions: Portraits of Christ in the Philippines, mga pat., Pascal D. Bazzell at Aldrin Penamora, 78-86 (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., at Quezon City: Asia Theological Association, 2016).

[9] Villanueva, Lord, I’m Depressed.

[10] Federico G. Villanueva, It’s Ok to be Not Ok: The Message of the Lament Psalms (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2012).

[11] Federico G. Villanueva, Ok Lang Malungkot at Umiyak (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017); Ok Lang Mag-Struggle at Mabigo (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017); at Ok Lang Magalit at Magtampo sa Diyos (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017).

[12] Para sa halaga ng pagkakaroon ng isip ng teologo at puso ng pastor, tingnan ang John Piper at D.A. Carson, The Pastor as Scholar & the Scholar as Pastor (Wheaton, Illinois: Crossway, 2011).

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...