Alanguilan, Gerry, David Hontiveros, Budjette Tan, Oliver Pulumbarit, Ian Sta. Maria, Kajo Baldisimo. Underpass: A Summit Media Graphic Anthology. Mandaluyong: Summit Publishing Co., 2009.
Ang Underpass ay koleksyon ng apat na magkakaibang komiks ng katatakutan at kababalaghan, na inilunsad noong 5th Philippine Annual Komiks Convention (KOMIKON).[1] Kinatha ito ng anim na batikang personalidad sa larangan ng komiks sa Pilipinas.
Ang unang kwento ay ang Sim ni Gerry
Alanguilan. Ukol ito sa isang lalakeng aksidenteng nakapulot ng isang sim
card sa dyip. Nang ipasok niya ito sa kanyang selpon ay biglang may tinig
ng babae na nanghihingi sa kanya ng tulong mula sa isang kakaibang numero.
Pinuntahan niya ang tahanan ng babae, at nagulantang nang malaman mula sa nanay
nito na matagal nang patay ang naturang babae. Habang nasa tahanan siya ng
nanay ng babae, biglang may ipinadala ang kakaibang numero na larawan – larawan
ng protagonista na duguan at patay. Nagtapos ito sa senaryo kung saan
nagkatotoo ang larawang kanyang natanggap.
Ang ikalawang kwento ay ang Judas’ Kiss nina
David Hontiveros, Budjette Tan, at Oliver Pulumbarit. Umiinog naman ito sa kwento
ng isang lalake na pinatay ang kanyang asawa’t nakababatang kapatid na lalake
dahil nahuli niya itong nagtatalik (dating magnobyo ang kanyang asawa’t kapatid).
Matagal na niyang alam ang ukol sa ugnayan ng dalawa, ngunit kalaunan lang niya
isinagawa ang kanyang planong pagpatay. Hinalikan niya ang kanyang asawa bago
siya magkunwaring aalis para sa trabaho, ngunit ang totoo ay huhulihin niyang
nagtatalik ang dalawa. Itinago niya ang bangkay ng dalawa sa ilalim ng isang
puno ng mangga. Kalaunan ay minulto siya ng kanyang pinatay sa pamamagitan ng
paghalik nang paulit-ulit sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, bagay na
ginagawa dati ng kanyang asawa sa kanya noong nabubuhay pa ito. Ngunit
natuklasan niya kalaunan na ang gumagawa pala sa kanya nito ay hindi ang
kanyang asawa bagkus ay ang kapatid niya. Ang ganitong homosekswal na parusang
ipinataw sa kanya ay tila may kinalaman sa katotohanang ayaw niya sa bakla – na
inilahad ng mga may-akda noong binanggit na tutol siya sa ginagawa ng kanyang
anak na lalakeng nakikipagrelasyon sa mga mas nakatatandang kapwa lalake, kaya
pinalayas niya ito dati.
Ang ikatlong kwento ay ang Katumbas nina
Hontiveros at Ian Sta. Maria. Ukol ito kay Kadasig na ipinadala ni Ibu, ang dyosa
ng kamatayan, upang kalabanin ang masasamang espiritu na naglalagalag at
nanggugulo sa mundo ng mga tao. Ginagapi niya ng mga ito upang maihatid niya sa
kabilang buhay. May pagkakatulad ang kwentong ito sa Trese (ang tanyag na
komiks na ginawan ng anime sa Netflix), dahil ukol din ito sa isang superhero
na nagpapanatili ng kapayapaan ng siyudad. Tulad rin ng Trese, humuhugot
ito ng mga elemento mula sa mga kwentong bayan at inilalapat ito sa modernong
urban na senaryo. Halimbawa, si Ibu (na lumitaw rin sa Trese) ay mula sa
mitolohiyang Manobo.[2] Upang
madala ang lagalag na espiritu sa kabilang buhay na pinaghaharian ni Ibu,
dinadala ni Kadasig ang espiritu kay Manduyapit, na drayber ng dyip na naghahatid
patungong kabilang buhay. Modernong representasyon ito sa sinaunang
kapaniwalaan ng mga Pilipino, kung saan pinaniniwalaang ang kaluluwa ay
inihahatid sa kabilang buhay sa pamamagitan ng pagsakay sa isang bangka. Marami
pang ibang element ng kwento na nakaugat sa kalinangang Pilipino. Ang pangalan
mismo ng bida na Kadasig ay isang salitang Cebuano, na isa sa mga katumbas sa
Ingles ay enthusiasm.[3]
Mayroon ding nakasulat sa braso ng ni Manduyapit na mga titik ng Baybayin. Sa
kasalukuyan, isa nang serye ang kwento ni Kadasig na binubuo ng maraming
komiks, na nilikha ni Hontiveros.
Ang ikaapat na kwento ay ang The Clinic na
nilikha nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo. Ukol ito sa artistang si Manilyn
na nabuntis ng kanyang nobyo. Hinikayat ito ng kanyang manager na
magsagawa ng aborsyon upang mapangalagaan ang imahe at trabaho nito. Dinala siya
nito sa Venus Clinic ni Doktora Victoria. Sa dulo ng kwento, ipinakitang isa
palang manananggal si Doktora Victoria, na kumakain sa sanggol ng mga artistang
tumutungo sa kanyang klinika upang magpalaglag. Yamang sina Tan at Baldisimo
ang lumikha rito, may pagkakatulad rin ito sa Trese. Naglalaman din ito ng mga
nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino (tulad ng mananaggal), na inilagay sa
isang modernong senaryo (klinika). Sa katunayan, may reperensya sa Trese ang
mismong kwento. Nabanggit ni Manilyn sa kwento ang bali-balita ukol sa isang
babaeng pinatay ng tiyanak sa Magna Mall. Malinaw na reperensya ito sa “Case 7:
Embrace of the Unwanted” na nasa Trese 2: Unreported Murders.[4]
Ang The Clinic at Embrace of the Unwanted ay parehong ukol sa
aborsyon.
Kung tutuusin, wala talagang malinaw na pising
nag-uugnay sa apat na kwento, liban sa lahat ng ito nakapaloob sa genre ng
katatakutang piksyon (horror fiction). Ginamit nila ang metapora ng “underpass”
bilang simbolismo ng katatakutan, kababalaghan, misteryo, panganib, kadiliman,
at lagusan sa kakaibang mundo ng kakaibang mga nilalang.
[1] Laurice Penamante, “Underpass: They Want to Scare You”, Oktubre 27,
2019, Spot.ph, matatagpuan sa https://bit.ly/3bx0Tv1, sinangguni noong Nobyembre
2, 2021.
[2] Karl Gaverza, “Everything You Need to Know About the Mythological
Creatures in Trese”, Hunyo 14, 2021, Esquire, matatagpuan sa https://bit.ly/3EAvRiz, sinangguni noong
Nobyembre 3, 2021.
[3] Tingnan ang websayt ng Binisaya.com, matatagpuan sa https://bit.ly/3bzzvNi, sinangguni noong
Nobyembre 3, 2021.
[4] Budjette Tan at Kajo Baldisimo, Trese 2: Unreported Murders (Imus City, Cavite: 19th Avenida
Publishing House, 2021). Taong 2009 unang nailimbag ang akdang ito ng Visprint,
Inc. bago ito muling ilimbag kalaunan ng Avenida.
No comments:
Post a Comment