Wednesday, November 3, 2021

Rebyu #93 -- Liliosa Rapi Hilao ni Alice R. Hilao-Gualberto

Hilao-Gualberto, Alice R. Liliosa Rapi Hilao, Bansay Bikolnon Biography Series No. 5. Naga City: Ateneo de Naga University Press, 2017.

 

Mula nang magtagumpay si Rodrigo Roa Duterte na maokupa ang Malakanyang noong 2016, nagsimula ang pagtindi ng distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar. Ayon kay Cleve Kevin Arguelles, kinasangkapan ni Duterte ang pagpapabango sa alaala ng Batas Militar para sa sarili niyang pag-angat sa kapangyarihan, yamang ang kanyang pag-angat ay nakabatay sa kolektibong pagkapagod ng taumbayan sa mga nabigong pangako ng rehimeng EDSA (1986-2016).[1] Kaya hindi nakapagtataka ang mga sumunod na aksyon ni Duterte matapos ang pag-upo bilang pangulo: ipinalibing niya sa Libingan ng mga Bayani si Ferdinand Marcos, tinulungan si Imelda na mapawalang-sala, pagkanlong kay Imee sa kanilang partido noong tumatakbo ito sa pagka-senador, at sa kasalukuyan, pagsuporta sa kandidatura ni Bongbong.

 

Bahagi ng ganitong proyekto ng natawag ni Arguelles na “politics of forgetting” ang pagbura ng magkasabwat na Marcos-Duterte sa tinig ng mga biktima ng Batas Militar. Upang tuloy-tuloy na mabawi ang kapangyarihan sa antas ng pambansang pulitika, bahagi ng adyenda ng mga Marcos ang pagsasagilid sa alaala ng mga babae’t lalakeng nagbuwis ng kanilang buhay “to speak truth to power.” Upang labanan ang ganitong agos ng pagkalimot, mahalagang sariwain ang alaala ng mga biktima, particular yaong mga pangalang nakaukit sa Bantayog ng mga Bayani – tulad ni Liliosa “Lilli” Hilao.

 

Isa sa mga batis na magagamit sa pananariwa sa alaala ni Lilli ay ang Liliosa Rapi Hilao, na isinulat mismo ng kapatid niyang si Alice R. Hilao-Gualberto. Yamang kapamilya ang nagsulat, isa itong bukal ng primaryang batis na humuhugot ng kaalaman mula sa alaala mismo ng mga nakasama ni Lilli. Ang 23 pahinang monograpo na ito ay bahagi ng “Bansay Bikolnon Biography Series”, na inilimbag ng Ateneo de Naga University Press. Nakapaloob sa seryeng ito ang maikling pananalambuhay sa mga natatanging Bikolnon tulad nina James J. O’Brien, Tomas Arejola, Simeon A. Ola, Raul S. Roco, Ramon R. San Andres, Luis General Jr., Potenciano V. Gregorio Sr., Jose Ma. Panganiban, at Jorge I. Barlin. Ikalima ang talambuhay ni Lilli sa seryeng ito. Mainam na bigyang-buod rito ang nilalaman ng naturang akda, kalakip ng iba pang karagdagang impormasyon mula sa ibang mga batis.

 

Ipinanganak si Liliosa “Lilli” Rapi Hilao noong Marso 14, 1950 sa Bulan, Sorsogon. Pangpito siya sa siyam na mga anak nina Maximo Hilario Hilao at Celsa Rojo-Rapi. Isang masipag na mag-aaral, laging nakakatanggap si Lilli ng karangalan sa paaralan, mula pa man noong pumasok siya sa Bulan Elementary School at Bulan High School. Lumipat siya sa Jose P. Laurel High School, noong magpasya ang kanyang pamilya na tumungong Maynila. Nagtapos siya ng hayskul na may “unang karangalang banggit.” Kalaunan ay nagtagumpay siya na makapasa at makapasok sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), sa ilalim ng digring Communication Arts.

 

Kahit kasagsagan noon ng kaliwa’t kanang aktibismong pangmag-aaral, hindi sumasama sa mga kilos-protesta si Lilli, lalo na dahil mahina ang kanyang pangangatawan dulot ng madalas nap ag-atake ng kanyang hika. Gayunpaman, may sariling paraan si Lilli ng pagpapamalas ng kanyang pagmamahal sa bayan. Aktibo siya bilang kasamang patnugot ng Hasik, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng PLM. Nagsulat siya rito ng ilang sanaysay na kritika sa Batas Militar tulad ng “The Vietnamization of the Philippines” at “Democracy is Dead in the Philippines under Martial Law.” Aktibo si Lilli sa iba’t ibang organisasyon sa loob ng PLM. Dalawang beses siyang nahalal bilang pangulo ng Communication Arts Department (1970-1971, 1972-1973). Siya ang nagtatag ng Alithea, isang pangkababaihang samahan sa loob ng pamantasan. Naging kabahagi rin siya ng College Editors Guild of the Philippines.[2]

 

Mariin ang kanyang pagtutol sa korapsyon ng rehimeng Marcos. Sa katunayan, noong ideklara ni Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 1972, isinulat ni Lilli sa kanyang talaarawan na “Democracy is dead.”[3] Magtatapos sana si Lilli bilang nag-iisang cum laude ng kanyang batch sa PLM ngunit naganap ang hindi inaasahan ng lahat. Noong Abril 4, 1973, pinasok ang kanilang bahay sa Quezon City ng ilang lasing na sundalo ng Philippine Constabulary’s Anti-Narcotics Unit (CANU), sa pangunguna ni Arturo Castillo. Hinalughog nila ang bahay upang hanapin ang kapatid ni Lilli na si Winfred, na pinaparatangan ng militar na subersibo. Nagkataong wala noon si Winfred sa kanilang tahanan. Nang igiit ni Lilli na maglabas sila ng search warrant bago maghalughog, ginulpi nila ito, pinosasan at dinakip. Pinalabas nilang subersibo ito dahil lamang sa mga isinulat niya sa PLM.

 

Dinala muna sa ibang lugar si Lilli bago siya tuluyang ipiit sa Kampo Crame. Nang makarating siya sa Crame, nakita siya ng kanyang 16 taong gulang na kapatid na si Josefina, na noon ay dinala rin sa Crame upang isalang sa interogasyon. Hindi agad nakilala ni Josefina ang kanyang ate dahil sa namamaga nitong mukha at bugbog saradong katawan. Nakita rin siya ni Kapitan Rogelio Roque, ang kanyang bayaw na nasa militar. Napansin nito na tinortyur si Lilli, ngunit wala siyang magawa upang tulungan ito.

 

Pagsapit ng Abril 7, pinapunta ni Castillo ang isa sa mga kapatid ni Lilli sa ospital ng Crame. Doon ay natagpuan niya ang wala nang buhay na katawan ni Lilli. Ipinahayag ng militar na nagpakamatay si Lilli sa isang palikurang panglalake sa pamamagitan ng pag-inom ng muriatic acid.[4] Pinalabas pa nila na adik ‘diumano sa droga si Lilli. Hindi naniwala ang pamilya ni Lilli sa militar. Malabong magpakamatay si Lilli sapagkat dalawang linggo na lamang ay gagradweyt na ito bilang nag-iisang cum laude. Imposible ring adik ito sa droga, gayong bukod sa kanyang kasipagang akademiko, relihiyoso si Lilli, na aktibong kasapi ng samahang Hare Krishna. Kaya upang malaman ang tunay na nangyari kay Lilli, nagpasya ang kanyang pamilya na ipa-autopsy ang bangkay nito sa Loyola Memorial Chapels. Lumitaw na mayroong 11 na marka sa magkabilang kamay si Lilli ng turok ng truth serum at droga. May mga sunog ang labi niya mula sa upos ng sigarilyo. Namamaga rin ang mukha niya mula sa paulit-ulit na sampal. Natuklasan din nila na puno ng bakas ng daliri (fingerprint) ang buong katawan ni Lilli, na karagdagang indikasyon na siya’y paulit-ulit na ginahasa ng nasa 5-6 katao. Si Lilli ang kauna-unahang naitalang pinatay na detinado noong panahon ng Batas Militar.

 

Masahol din ang ginawang pagproseso ng militar sa bangkay ni Lilli bago ito dalhin sa Loyola Memorial Chapels. Hindi pantay ang pagkakahiwa sa ka-tawan nito hanggang sa kanyang ari, na parang isang hayop. Inalis ang kanyang utak, bituka, at iba pang lamang loob at nilagay sa isang sisidlan na may muriatic acid. Kung tila hindi pa sapat ito, maging sa mismong lamay ni Lilli ay mahigpit ang naging pagbabantay ng militar. Sa mismong araw ng pagtatapos ng mga estudyante sa PLM makalipas ang dalawang lingo, nag-suot sila ng itim na arm bands bilang anyo ng pagpoprotesta sa sinapit ni Lilli. Nag-iwan din sila ng isang bakanteng upuan sa araw ng pagtatapos, na simbolikong upuan ni Lilli. Bagaman namayapa na siya, iginawad pa rin ng PLM ang kanyang digri, kalakip ng kanyang Latin honor.

 

Samantala, matagal na nagtago ang ilan sa mga miyembro ng pamilyang Hilao dahil sa matinding pagmamanman sa kanila ng militar. Bukod sa nang-yari kay Lilli, nakaranas din ng pang-aabuso ang iba niyang kapamilya. Isinalang sa matinding tortyur ang kapatid niyang si Winfred at bayaw ni-tong si Romeo Enriquez. Ipinakulong din ang iba niya pang kapatid gaya ni Josefina at Amarylis.

 

Sa kabila ng matinding inhustisyang sinapit ni Lilli, hindi naman nawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Lilli. Noong 1976, isa ang nangyari kay Lilli sa ginamit ng Amnesty International upang punahin ang laganap na paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas. Naitulak din nito ang simbahang Katoliko at ilang mga organisasyon na magsagawa ng imbestigasyon sa kalagayan ng mga detinadong pulitikal. Pagsapit ng 1987, inihabla ang pamilyang Marcos sa korte ng Hawaii, sa pamamagitan ng mga testimonya ukol sa 1,000 biktima ng Batas Militar. Ang pangunahing ginamit na batayan dito ay ang kaso ni Lilli. Noong 1992 ay nagwagi ang mga biktima sa korte ng Hawaii laban sa pamilyang Marcos.

 

Sa pagdaloy ng panahon, samu’t saring pag-alala ang ginawa ng mga Pilipino sa kabayanihan ni Lilli. Bilang parangal sa kanya, nagpasya ang pamahalaang lokal ng Bulan, Sorsogon na palitan ang Burgos Street sa Zone VI ng Liliosa R. Hilao Street. Noong 2015, isinama ang kanyang pangalan sa Bantayog ng mga Bayani. Nito namang 2021 lamang, inilunsad ng PLM ang Lilliosa Hilao Gender and Development Corner. Isa itong imbakan ng mga materyales ukol sa katarungang pangkasarian na nasa Celso Al Carunungan Memorial Library ng naturang Pamantasan.   

 

Patuloy rin sa pagiging inspirasyon si Lilli sa mga kabataang Pilipino na nag-susulong ng katarungan. May ilang mga estudyante ng PLM na nagsagawa ng dula noong Hulyo 18, 2017 ukol sa buhay ni Lilli. Ilan sa mga katagang pin-akainaalala ng mga kabataan kay Lilli ay ang mga salitang ito na isinulat niya sa isang artikulo: “ang bayan muna bago ang sarili”



[1] Cleve Kevin Robert V. Arguelles, “Duterte’s Other War: The Battle for EDSA People Power’s Memory”, nasa A Duterte Reader: Critical Essays on Rodrigo Duterte’s Early Presidency, pat., Nicole Curato, 263-282 (Quezon City: Bughaw, 2017).

[2] Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, “PLM honors Liliosa Hilao through Gender & Development corner”, Abril 7, 2021, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, matatagpuan sa https://bit.ly/3mGhQtj, sinangguni noong Nobyembre 4, 2021.

[3] National Historical Commission of the Philippines, Ang Mamatay nang Dahil Sa’yo: Heroes and Martyrs of the Filipino People in the Struggle Against Dictatorship 1972-1986 (Volume 1) (Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2015), 95.

[4] Alice R. Hilao-Gualberto, “Liliosa R. Hilao: Her Life and Martyrdom – A Potential Philippine Leader”, Xiao, https://bit.ly/3BN93u2, sinangguni noong Nobyembre 4, 2021.  

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...