Friday, November 12, 2021

Rebyu #94 -- The Modern Preacher and the Ancient Text ni Sidney Greidanus

Greidanus, Sidney. The Modern Preacher and the Ancient Text: Interpreting and Preaching Biblical Literature. Leicester, England: Wm. B. Eerdmans Publishing Co. 1988.

 

Mayroong dalawang magkasalungat na posisyon ukol sa usapin ng saysay ng sinaunang Biblia sa kontemporaryong panahon. Sa isang banda, nariyan ang mga naniniwalang ang Biblia ay isa nang napaglumaang dokumento na wala nang saysay sa kasalukuyang lipunan, kaya naman hindi na natin kailangan pang pag-usapan ang aplikasyon nito sa ating panahon. Sa kabilang banda, nariyan naman ang mga nagpapahayag na direkta at payak nating mailalapat sa kasalukuyan ang lahat ng nasa Biblia yamang ito ang salita ng Diyos.

 

Sa pagitan ng dalawang ito nakatindig ang aklat ni Sidney Greidanus na The Modern Preacher and the Ancient Text. Sa isang banda, iginigiit niya na hindi maaaring bara-barang ilapat nang direkta sa kasalukuyan ang Biblia nang hindi isinasaalang-alang ang magkaibang kontekstong pangkasaysayan ng sinaunang Biblia at nating mga modernong Kristiyano. Sa kabilang banda, yamang salita ng Diyos ang Biblia, maitatawid ang mga aral nito mula sa panahon ng mga sinaunang mananampalataya tungo sa panahon ng mga modernong Kristiyano. Kaya naman, responsibilidad ng mga mangangaral (preacher) na timbangin ang dalawang ito: katapatan sa Biblia bilang sinaunang teksto, at saysay sa kontemporaryong simbahan bilang salita ng Diyos. Ang aklat ni Greidanus ay nagtatangkang magsilbing mapa na gagabay sa mga mangangaral para sa layuning ito.

 

Ang aklat ay pinagsamang hermeneutika at homiletika sa iisang bolyum. O sa mas saktong paglalarawan, ito ay aklat ukol sa aplikasyon ng mga prinsipyong hermeneutikal sa homiletika. Sinalansan ng may-akda ang mga kaalamang hermeneutikal na bunga ng mga pananaliksik sa araling biblikal (biblical studies) hanggang sa huling bahagi ng ikadalawampung dantaon, at pagkatapos ay siniyasat ang kapakinabangan ng mga ito sa ministeryo ng pangangaral (preaching). Isa sa mga pinakasentral na tesis ng aklat ang paninindigan ng may-akda na marapat na maging holistiko ang ating interpretasyon sa Biblia. Nangangahulugan ito na dapat unawain ang Biblia sa pinagsama-sama nitong dimensyong pangkasaysayan, pampanitikan, at teolohikal.    

 

Mayroon kasing tendensya na bigyang-diin ang isa lamang sa tatlong dimensyong ito. Minsan, tinitingnan lamang ang Biblia bilang dokumentong pangkasaysayan, batis upang maunawaan ang sinaunang kabihasnang Hebreo. May mga pagkakataon din na tinatrato lamang ito bilang akdang pampanitikan na may sariling mundong nakahiwalay sa pangkasaysayang konteksto nito. Ang ilan naman, itinuturing itong salita ng Diyos, isang akdang teolohikal, nang hindi tinitingnan ang dimensyong pangkasaysayan at pampanitikan nito. Ayon kay Greidanus, mabibigyang-katarungan lamang natin ang Biblia kung titingnan natin ito bilang pinagsama-samang dokumentong pangkasaysayan, akdang pampanitikan, at teolohikal na aklat. Naglaan siya ng tig-iisang kabanata sa aklat ukol sa tatlong dimensyong ito.

 

Kritikal si Greidanus sa metodong historikal-kritikal ng araling biblikal. Sa kanyang palagay, naging mapaminsala ang metodong historikal-kritikal sa pag-aaral ng Biblia. Lumikha ito ng dikotomiyang kasaysayan-teolohiya, at ipinasok nito ang Biblia sa kategorya ng teolohiya. Para sa mga tagapagsulong ng metodong historikal-kritikal, ang Biblia ay repleksyon ng teolohiya ng mga mananampalatayang lumikha rito, at wala silang layunin na maglahad ng tunay na kasaysayan. Bunga nito, naipinta nila ang Biblia bilang koleksyon lamang ng mga alamat na ukol sa pananampalataya ng mga sinaunang Israelita at Kristiyano. Naninindigan ang may-akda na malalabanan lamang ang ganitong tendensya ng metodong historikal-kritikal kung sisikapin nating ipook ang Biblia, muli, sa dimensyong historikal, literaryo, at teolohikal nito. Gayunman, sa kabila ng pagiging kritikal sa metodong historikal-kritikal, naniniwala siyang mayroon pa ring mapapakinabangan ang mga Kristiyano sa mga kaalaman na bunga ng ilang pamamaraang nabuo nito tulad ng source criticism, form criticism, redaction criticism, at rhetorical criticism.  

 

Mapapansin din sa buong aklat ang pagkiling ni Greidanus sa biblikal na teolohiya (biblical theology). Sa partikular, itinampok niya ang canonical approach ni Brevard Childs, na isang bersyon ng biblikal na teolohiya. Sinasang-ayunan ni Greidanus ang paninindigan ni Childs na sa pag-interpreta sa anumang tekstong biblikal, dapat itong ipook sa konteksto ng buong canon o buong Biblia. Ito’y sapagkat ang buong Biblia ay pinapagbigkis ng iisang progresibong rebelasyon, iisang kwento ng pagkilos ng Diyos sa kasaysayan ng kaligtasan/katubusan ng mga mananampalataya (salvation/redemption history) (mas gusto ni Greidanus na tawagin itong kasaysayang pangkaharian o “kingdom history”). Aniya, sa pamamagitan ng ganitong diin sa kasaysayang pangkaharian, mas mapapagtanto natin ang saysay ng Biblia bilang nag-iisang awtoritatibong batis ng pangangaral (preaching) sa mga kontemporaryong Kristiyano. Bahagi tayo ng nag-iisang kasaysayang pangkahariang ito, kung paanong bahagi rin nito ang mga sinaunang Kristiyano; kaya naman, ang Biblia na orihinal na isinulat para sa kanila ay para rin sa atin.  

 

Ang lahat ng konsiderasyong ito – holistikong pagtingin sa tatlong dimensyon ng Biblia, at pagpapahalaga sa biblikal na teolohiya ng Biblia bilang bunga ng iisang kasaysayang pangkaharian – ay inilapat ni Greidanus sa homiletika. Ipinangkat niya ang mga tekstong biblikal sa apat na genre (naratibong Hebreo, propetikong panitikan, Magandang Balita, at liham), at pagkatapos ay tsaka isa-isang inilapat sa mga ito ang interpretasyong pangkasaysayan, pampanitikan, at teolohikal. Dito niya ipinaliwanag kung paano ipangaral ang apat na genre ng Biblia na nagmumula sa holistikong interpretasyon sa mga ito.   

 

Anumang genre ang ipapangaral, naniniwala si Greidanus na ekspositoryong pangangaral (expository preaching) ang dapat na gamitin ng pastor. Para sa kanya, ito ang pinakatapat na uri ng pangangaral sa Biblia. Sa ekspositoryong pangangaral tayo makakasigurado na ang ating ipinapangaral ay talagang nagmumula sa Biblia. Iginigiit din ni Greidanus, na mahalaga na ang bawat ekspositoryong pangangaral sa mga biblikal na teksto ay mayroong tema. Mahalagang may tema kapag nangangaral, upang magkaroon ang iisang direksyon ang buong pangangaral, at upang hindi malihis sa kung saan-saang paksa ang pastor. Naniniwala rin si Greidanus na ang tema ng pangangaral (sermon theme) ay dapat na batay pa rin o ekstensyon ng tema ng teksto (text theme), upang makasigurado na talagang tapat sa Biblia ang magiging tema ng buong pangangaral. Dagdag pa rito, hindi sapat para kay Greidanus na ang nilalaman (content) lamang ng pangangaral ang tapat sa teksto. Bagkus, dapat ay pati ang anyo (form) ng pangangaral ay may paggalang pa rin sa teksto. Halimbawa, kung naratibo ang tekstong biblikal na ipapangaral (hal. kwento ni Jose sa Genesis), mabunga kung naratibo rin o malapit sa naratibo ang anyo (narrative form) ng pangangaral (ibig sabihin, pasalaysay ang uri ng pangangaral). Kung lohikal na diskurso naman ang teksto (hal. pagtalakay ni Pablo sa Roma 1:18-32), mainam na ang anyo naman ng pangangaral ay didactic form (o lohikal na paghimay-himay sa teksto). Kung ukol naman sa panaghoy ang tekstong biblikal (mula halimbawa sa Mga Awit), mainam na maipahatid sa mga tagapakinig ang tono o pakiramdam ng panaghoy.

 

Mainam na gabay ang aklat na ito ni Sidney Greidanus para sa mga pastor na nagnanasang maging tapat sa Biblia at kapaki-pakinabang sa kanilang kongregasyon. Ideyal din itong teksbuk ng mga semenarista sa kurso man ng hermeneutika o homiletika.    

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...