Wednesday, November 17, 2021

Rebyu #95 -- Living and Dying: In Memory of 11 Ateneo de Manila Martial Law Activists ni Cristina Jayme Montiel

Montiel, Cristina Jayme. Living and Dying: In Memory of 11 Ateneo de Manila Martial Law Activists. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.

 

"And with our remembering, we open a sacred space in our own lives for the mustard seeds of sacrifice and courage to grow abundantly, in the service of a nation chronically wracked with social suffering." 

– Cristina Jayme Montiel

 

Kaalinsabay ng unti-unting pagbabalik ng pamilyang Marcos sa pambansang pulitika ay ang pagtindi ng disimpormasyon ukol sa Batas Militar bilang isang yugto ng kasaysayang Pilipino. Isa sa samu’t saring disimpormasyong ito ay ang ipinapalaganap na mito na napilitan lamang ang rehimeng Marcos na ideklara ang Batas Militar dahil sa banta ng komunismo sa pambansang seguridad. Kontra rito, malinaw sa mga datos na kakaunti lang ang populasyon ng Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army (NPA) ng Communist Party of the Philippines bago ang yugto ng diktadura. Sa katunayan, nagsimula lamang ang paglobo ng kasapian ng NPA nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar. Sa pagtindi ng represyon at pagsasarado sa mga legal na espasyo ng pakikibaka (tulad ng mga kilos-protesta, kritikal na pamamahayag, at paglilimbag ng mga kritikal na akda), napilitan ang maraming progresibo na tumalon sa armadong pakikibaka. Ang katotohanang ito ang dahilan kung bakit ayon sa ilang komentarista, si Marcos ang numero unong recruiter ng mga NPA.[1]

 

Isa sa mga akdang nagpapatunay rito ay ang Living and Dying ni Cristina Jayme Montiel. Ang akda ay pagsasalaysay sa mapait na dinanas ng 11 na kabataang Atenista noong panahon ng Batas Militar. Ang 11 ito ay binubuo ng mga sumusunod:

 

  • v  Ferdinand “Ferdie” Mirasol Arceo
  • v  William Vincent “Bill” Acuna Begg
  • v  Artemio “Jun” Somoza Celestial, Jr.
  • v  Manuel “Sonny” Llanes Hizon, Jr.
  • v  Edgardo Gil “Edjop” Mirasol Jopson
  • v  Emmanuel Agapito “Eman” Flores Lacaba
  • v  Dante Dizon Perez
  • v  Abraham “Ditto” Pascual Sarmiento Jr.
  • v  Lazaro “Lazzie” P. Silva Jr.
  • v  Nicolas “Nick” M. Solana Jr.
  • v  Emmanuel “Manny” Del Rosario Yap

 

Bagaman may pagkakaiba-iba ang detalye ng kanilang pakikibaka laban sa represyon ng rehimeng Marcos, karamihan sa kanila ay napilitang mag-underground nang ipataw ang Batas Militar, yamang isinarado ng rehimeng Marcos ang lahat ng mga legal na espasyo ng pagsusulong ng katarungang panlipunan.

 

Bilang mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU), galing sila sa mga mayayamang pamilya na sanay sa maginhawang pamumuhay. Ang ama ni Manny na si Pedro Yap ay isang abogado na kalaunan ay maluluklok bilang punong mahistrado ng Korte Suprema. Isang abogado rin ang ama ni Ditto, na may malapit na relasyon kina dating pangulong Diosdado Macapagal at Senador Gerardo Roxas. Lieutenant Colonel sa Philippine Constabulary ang ama ni Lazzie. Mula sa mayamang angkan ng Batangas naman ang mga magulang ni Dante. Sa kaso ni Bill, ang buong pamilya niya ay mga mamamayan ng Estados Unidos, ngunit pinili ni Bill na ilipat sa Pilipinas ang kanyang pagkamamamayan dahil sa pagmamahal sa bayan. Lahat sila ay tumalikod sa marangyang pamumuhay at sumuong sa mahirap na buhay ng pakikibaka, yamang hindi nila maatim na mamuhay nang maginhawa habang mayorya ng mga kababayan nila ay naghihirap.

 

Bago ang deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 1972, lahat sila ay abala sa iba’t ibang legal na pagsusulong ng pagbabagong panlipunan. Si Ferdie ay isa sa mga pinuno ng Ligang Demokratiko ng Ateneo, isang grupo ng mga aktibistang kabataan sa naturang pamantasan. Si Edjop ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines. Bilang kasapi ng Samahan para sa Pagpapaunlad ng Lipunan, abala si Dante sa pagsusulong ng karapatann ng mga drayber at mga manggagawa. Si Nick ay lublob naman sa paglilingkod sa mga mahihirap ng komunidad ng Davao. Sa mahihirap na komunidad ng Novaliches naman nalublob si Manny. Samantala, si Ditto ay manunulat ng pahayagang Philippine Collegian ng Unibersidad ng Pilipinas.

 

Nang ideklara ang Batas Militar, naisara ang mga espasyong ito, kaya halos lahat sila ay naitulak na sumali sa NPA. Marami sa kanila ay hindi namatay sa engkwentro, kundi sa pananambang ng mga militar sa kanilang mga pinagtataguan. Sa katunayan, maaaring hulihin at ipiit sa bilangguan ang ilan sa kanila nang sila’y madakip, pero pinili ng militar na itortyur o/at patayin sila. Ang pinakamalala sa mga ito ay ang ginawa kay Bill bago ito patayin. Sa autopsy ng bangkay ni Bill, lumitaw na may 17 saksak ito sa katawan, 11 tama ng baril, basag na tadyang, at wasak na kamay. Si Eman ay nadakip din nila ng buhay, gayundin ang kasamahan nitong 18 taong gulang na babaeng buntis. Ikukulong sana nila ang dalawa, ngunit nagbago ang isip nila. Pinatay nila ang babae, pagkatapos ay ipinutok sa bunganga ni Eman ang baril, at binaril pa ito sa dibdib. Hindi rin nanlaban si Dante nang mahuli siya ng militar sa kanilang hideout, at sa kabila ng pagmamakaawa ng kasama nitong babae, niratrat nila ng baril si Dante (32 tama ng baril ang lumitaw sa kanyang autopsy).

 

Lahat sila ay namatay ng napakabata. Halimbawa, 21 si Ferdie at Dante, 22 si Sonny, 23 si Lazzie, 24 si Bill, 25 si Ditto, at 26 si Nick. Napakaganda sana ng kinabukasan na naghihintay sa kanila, yamang sa takbo ng kanilang buhay ay hindi malabong magtagumpay sila sa kani-kanilang larangan. Si Edjop ay balediktoryan sa Ateneo High School, nagtapos ng inhinyero bilang cum laude sa Ateneo, at nag-aral ng abogasya sa UP. Balediktoryan kapwa sa elementarya at hayskul si Eman bago kumuha ng AB Humanities sa Ateneo, at nang makagradweyt ay nagturo sa UP. Salutatoryan sa hayskul si Bill, na pangarap sanang magpari. AB Economics pare-pareho ang programa nina Jun, Sonny, Nick, at Manny. Matapos maghayskul sa Ateneo, kumuha ng programang Business Administration and Accountancy si Ditto sa UP, kung saan din siya nagsilbi bilang editor-in-chief ng Philippine Collegian.

 

Halos lahat ng mga kabataang ito ay konsistent sa pagtamo ng mga akademikong karangalan sa kanilang pag-aaral, aktibo sa mga pangmag-aaral na konseho at mga organisasyon ng kanilang mga paaralan, nanalo sa iba’t ibang kompetisyon sa labas ng eskwelahan, at nagkaroon ng kanya-kanyang magandang propesyon. Ngunit nabuhay sila sa malupit na panahon ng Batas Militar. Ani nga ni dating Senador Rene Saguisag ukol sa mga kabataang ito: “We lost an entire generation who would have been natural leaders.”[2] Ganito rin ang saloobin ni dating Senador Jose Diokno. Nang dumalaw siya sa lamay ni Edjop, isa sa mga binitiwan niyang kataga ay ang mga sumusunod: “We are not gathered here to mourn him. We should mourn for ourselves, and a society which has made in necessary for a young man like Edjop to give up his life.”[3]

 

Tama si Diokno. At hanggang ngayon ay dapat pa rin tayong tumangis – tumangis para sa isang bayang madaling makalimot sa alaala ng kanyang mga anak na nagbuwis ng buhay laban sa pamilyang nang-api sa kanya, pamilyang nais niyang ibalik sa kapangyarihan ngayon.



[1] Pahayag ng historyador na si Michael Charleston “Xiao” Chua na nasa News5Everywhere, “Martial Law Myths Busted History”, websayt ng Youtube, matatagpuan sa https://www.youtube.com/watch?v=LUfeatNvseI&t=12s, sinangguni noong Nobyembre 18, 2021.  

[2] Nasa News5Everywhere, “Martial Law Myths Busted History”, websayt ng Youtube, matatagpuan sa https://www.youtube.com/watch?v=LUfeatNvseI&t=12s, sinangguni noong Nobyembre 18, 2021.  

[3] Nasa Montiel, Living and Dying, 62.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...