Tuesday, February 8, 2022

Rebyu #99 -- The Difficult Doctrine of the Love of God ni D.A. Carson

Carson, D.A. The Difficult Doctrine of the Love of God. Wheaton, Illinois: Crossway, 2000.

 

In eternity past, the Father loved the Son, and the Son loved the Father. There has always been an other-orientation to the love of God. All the manifestations of the love of God emerge out of this deeper, more fundamental reality: love is bound up in the very nature of God. God is love (p.39).

 

If God is utterly sovereign, and if he is utterly all-knowing, what space is left for emotions as we think of them? The divine oracles that picture God in pain or joy or love surely seem a little out of place, do they not, when this God knows the end from the beginning, cannot be surprised, and remains in charge of the whole thing anyway? From such a perspective, is it not obvious that the doctrine of the love of God is difficult? (p.58)

 

 

May ilang mga Kristiyano na nag-iisip na hindi na natin kailangan ng teolohiya, dahil sapat na umano na alam nating ang Diyos ay pag-ibig. Nakabatay ang pag-iisip na ito sa paniniwalang ang pahayag na “ang Diyos ay pag-ibig” ay isang napakapayak na katotohanan lamang na napakadaling unawain. Taliwas dito, ipinakita ng maikli ngunit malaman na akdang The Difficult Doctrine of the Love of God ni D.A. Carson na hindi ganoong kapayak ang paksang ito tulad ng iniisip ng marami.

 

Dalawang dahilan ang tinukoy ni Carson sa pagiging masalimuot ng pag-ibig ng Diyos. Una, nakaugat ito sa lumalalang paglaho ng kamalayang biblikal sa mga lipunan sa Kanluran. Bukas na bukas ang marami sa Kanluran sa “pag-ibig ng Diyos”, ngunit ang pag-unawa nila sa “Diyos” na ito ay hindi na nagmumula sa Biblia. Ang pag-unawa nila sa “pag-ibig ng Diyos” ay nakahiwalay sa iba pang pangunahing katangian ng Diyos tulad ng katarungan, kabanalan, pagkamuhi sa kasalanan, kadakilaan, at marami pang iba. Nagiging sentimental na lamang ang pananaw ng marami sa pag-ibig ng Diyos, na tila isang terapyutikong pantulong lamang sa ating sikolohikal na kalusugan. 

 

Ang ikalawang pinagmumulan ng kasalimuotan ng paksa ay kung paano babalansehin ang pag-ibig ng Diyos sa soberanya (sovereignty) ng Diyos. Madalas na ipinapailalim ang pag-ibig sa aspektong emosyunal, na bahagi ng pagiging “personal” ng tao. Ngunit hindi tulad ng tao, ang Diyos ay “transcendent”, hindi saklaw ng espasyo at panahon na kinapapalooban ng tao. Dahil sa pagiging transcendent ng Diyos, may mga teologong nagpapalagay na walang emosyon ang Diyos (yamang ang emosyon ay katangiang pantao). Ang mga pahayag sa Biblia ukol sa pag-ibig ng Diyos ay ipinagpapalagay na “anthropopathism” lamang (ibig sabihin, inilalarawan lang ng Biblia ang Diyos sa mga kategorya ng damdamin ng tao upang maunawaan natin ito, ngunit sa katunayan ay wala talagang damdamin ang Diyos).


Upang lalo pang malayo ang pag-ibig ng Diyos mula sa sentimentalismo ng emosyon, ginamit nila ang Griyegong konsepto ng agapao bilang pantukoy sa pag-ibig ng Diyos. Anila, ang agapao ay pag-ibig na hindi nakabatay sa emosyon, bagkus ay kusang loob na pagsasakripisyo ng sarili para sa kapakanan ng iba. Iba raw ito sa phileo na tumutukoy sa emosyunal na pag-ibig, gayundin sa erao na tumutukoy naman sa sekswal na pag-ibig. Ngunit ipinakita ni Carson na hindi maaaring ipagpalagay na ang agapao ay may takdang kahulugan. Giit niya, naipapagpalit-palit madalas ang agapao at phileo sa Septuagint (Griyegong Lumang Tipan) at Bagong Tipan. Sa katunayan, ang damdamin ni Amnon kay Tamar (na kanyang ginahasa) ay inilarawan gamit ang salitang agapao. Sa Ebanghelyo naman ni Juan, parehong ginamit ang agapao at phileo bilang pantukoy sa pag-ibig ng Diyos. Isa pa, hindi rin maaaring iredyus ang pag-ibig o agapao sa kusang loob na pagsasakripisyo ng sarili para sa iba, dahil sa 1 Corinto 13, inilahad ni Pablo na posibleng isakripisyo ng isang tao ang sarili niya para sa iba nang walang pag-ibig.

 

Para kay Carson, dapat balansehin ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos sa pagitan ng emosyon at kalooban (will). Sa isang banda, hindi maaaring tingnan ang pag-ibig ng Diyos na sentimentalismo lamang. Dahil kung ganito ang ating pananaw, mababawasan natin ang pagka-Diyos ng Diyos, magmumukha siyang tila tao na bulnerable ang mga layunin, kalooban, at aksyon sa mga panlabas na puwersang emosyunal. Sa kabilang banda, hindi rin naman pwedeng ikahon ang pag-ibig ng Diyos bilang akto lamang ng kalooban. Malinaw ang paglalarawan ng Biblia sa tindi ng emosyunal na aspekto ng pag-ibig ng Diyos (hal. Hosea 11), kaya naman hindi maaaring ipagpalagay ang mga talatang naglalarawan ng pag-ibig ng Diyos bilang anthropopathism lamang.  

 

Marami pang tinalakay si Carson na mga isyung nakapaloob sa tensyon sa pagitan ng pag-ibig ng Diyos bilang isang persona, at ang kanyang soberanya, na makapagpapakita sa mga mambabasa kung bakit napakamasalimuot ng pag-ibig ng Diyos bilang isang doktrina. Nariyan din halimbawa ang tensyon sa pagitan ng pag-ibig ng Diyos at pagkamuhi ng Diyos (paksa ng ikaapat na kabanata ng aklat, kung saan niya tinalakay ang pag-ibig ng Diyos sa konteksto ng debate ng mga Calvinist at Arminian ukol sa katubusan/atonement), gayundin ang pag-ibig ng Diyos sa konteksto ng soberanya ng Diyos at moral na responsibilidad ng tao (ang pagbabalanse nito ay tinatawag ni Carson na “compatibilism”). Sa gitna ng pagtalakay sa ikalawang dahilan ng pagiging masalimuot ng doktrina ng pag-ibig ng Diyos, ipinaliwanag ni Carson na kaya mahirap unawain ang pag-ibig ng Diyos ay dahil parte ito ng misteryo/hiwaga ng pagiging kapwa transcendent at personal ng Diyos. Sa isang banda, siya ay transcendent, nasa labas ng espasyo at panahon na kinamulatan ng tao. Sa kabilang banda, siya ay personal, nakikipag-ugnay sa kanyang mga nilikha. Ano ang hitsura ng pag-ibig ng Diyos ay mahirap unawain, yamang alam lamang natin ang hitsura ng pag-ibig sa konteksto ng espasyo at panahon, samantalang ang Diyos ay transcendent na entidad. Anong hitsura ng pag-ibig ng isang entidad na hindi saklaw ng espasyo at panahon? Ito ang dahilan kung bakit gaano man lumago ang ating pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos, marapat na kilalanin na may aspekto itong mahiwaga (tulad ng doktrina ng Santatlo/Trinity, inkarnasyon, at kalikasan ni Kristo bilang buong tao at buong Diyos).

 

Sa aking palagay, isa sa mga pangunahing ambag ng aklat na ito ni Carson sa pagpapayabong ng talastasan ukol sa paksa ay ang kategorisasyon niya ng limang magkakaibang paraan ng Biblia sa paglalahad ng pag-ibig ng Diyos. Ang limang ito ay ang mga sumusunod:

 

1. Intra-Trinitarian Love – Pag-ibig ng bawat persona ng Santatlo sa isa’t isa, halimbawa, ang pag-ibig ng Ama sa Anak at ang pag-ibig ng Anak sa Ama sa walang hanggang nakalipas.  

 

2. Providential Love – Pag-ibig ng Diyos sa lahat ng nilikha bilang Manlilikha (Mateo 6).

 

3. Yearning Love – Pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanang tao, na pinag-uugatan ng kanyang marubdob na panawagan para sila’y magsisi (Juan 3:16).

 

4. Elective Love – Pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, na kanyang pinili para sa kaligtasan bago pa man ang paglikha ng sanlibutan (Efeso 5:25).

 

5. Covenantal Love – Pag-ibig ng Diyos na nakabatay o kondisyunal sa pagsunod o pagsuway ng mga tao sa kanyang kalooban (Jude 21).


Giit ni Carson, dapat balansehin ang limang ito sa tuwing pinag-uusapan ang pag-ibig ng Diyos, dahil ang limang ito ay pare-parehong ginagamit ng Biblia sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Hindi maaaring piliin ang isa lamang sa mga ito at iangat sa taas ng iba pang paraan ng paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Halimbawa, kung ang gagamitin lamang na kategorya ay ang providential love, mawawalan na ng saysay ang pagsisisi. Lahat ay mahal ng Diyos, kaya lahat ay maliligtas kahit ano pa ang gawin nila. Sa ganang ito, mahuhulog tayo sa bitag ng unibersalismo. Kung covenantal love lamang ang lenteng gagamitin, ang pag-ibig ng Diyos ay maireredyus sa pagiging kondisyunal sa ating aksyon, at wala nang magiging lugar para sa habag ng Diyos. Ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos gamit lamang ang isa sa limang ito bilang eksklusibong lente ay mayroong maidudulot na negatibo. Yamang masalimuot (complex) ang paglalarawan ng Biblia sa pag-ibig ng Diyos, kailangang maging masalimuot din ang pag-unawa natin dito sa pamamagitan ng pagbabalanse sa lima.


Naipakita ni Carson ang saysay ng ganito niyang kategorisasyon nang subukan niya itong ilapat sa debateng Calvinist-Arminian ukol sa katubusan (p.77). Tulad ng alam na natin, para sa mga Calvinist, si Kristo ay namatay para sa kaligtasan/katubusan ng iilan pinili (elect), habang ang mga Arminian ay naniniwala na si Kristo ay namatay para sa kaligtasan/katubusan ng lahat (bagaman ang aktuwal na maliligtas ay iilan lamang din). Ipinakita ni Carson na mauunawaan nang mainam ang mistulang magkakasalungat na berso ng Biblia ukol sa katubusan kung uunawain ito sa konteksto ng magkakaibang paraan ng paglalarawan ng Biblia sa pag-ibig ng Diyos. Totoong namatay si Kristo para sa lahat (tindig ng Arminian) tulad ng sinasabi ng ilang bahagi ng Biblia, kung ang pag-uusapan ay ang yearning love ng Diyos, ang kanyang marubdob na panawagan para sa lahat na magsisi mula sa kasalanan. Totoong namatay si Kristo para sa iilan (tindig ng Calvinist) tulad ng sinasabi ng ilang bahagi ng Biblia, kung ang pag-uusapan naman ay ang elective love ng Diyos, ang kanyang pagpili batay sa kanyang sariling kalooban. Sa aking palagay, marami pang ibang paksa kung saan magiging kapaki-pakinabang ang paggamit ng kategorisasyong ito ni Carson, tulad ng usapin ng ebanghelismo, pagdidisipulo, pagpapayo, pangangalaga sa kalikasan, at iba pa.


Mainam na panapos sa maikling rebyung ito ang mga salita mismo ni Carson sa bandang dulo ng aklat:

The love of God is not merely to be analyzed, understood, and adopted into holistic categories of integrated theological thought. It is to be received, to be absorbed, to be felt (p.81).

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...