Parreño, Earl G. Boss Danding. Quezon City: First Quarterstorm Foundation Inc., 2003.
Ilan lamang
ang mga tanong na ito sa mga nailarawang reyalidad ng lipunang Pilipino ni Earl
G. Parreño sa kanyang akdang Boss Danding. Ang aklat ay isang
mala-politikal na biograpiya ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., na itinuturing
ng marami bilang numero unong kroni (crony) ni Marcos. Sa katunayan, ani
ni Parreño, si Danding ay pumapangalawa kay Marcos sa pagiging pinakamayaman at
pinakamakapangyarihang tao sa buong Pilipinas noong panahon ng Batas Militar. Mayroong
nagbansag sa kanyang “Pacman” dahil sa tendensya ng kanyang pagiging gahaman na
saklawin ang lahat ng mga industriyang kanyang naiibigan. Kilala rin siya sa
titulong “Coconut King” dahil sa kanyang tagumpay na mahawakan ang monopolyo ng
industriya ng buko sa buong bansa.
Ang bawat
kabanata ng aklat ay pumapaksa sa iba’t ibang yugto at aspekto ng buhay ni
Danding. Nariyan ang pagtalakay ukol sa angkang Cojuangco, mula pa sa unang
patriarkong si Ingkong Jose, hanggang sa tunggalian ng dalawang sangay ng
pamilyang Cojuangco (sangay ni Danding at sangay ni Peping) (Chapter 2 Family Feud).
Ang isang kabanata ay nakalaan naman sa kaugnayan ni Danding kay Marcos, na
naging daan para sa pagpapalawak ni Danding ng kanyang kapangyarihang pulitikal
at ekonomiko (Chapter 3 Father and Son). Ipinakita sa kabanatang ito kung paano
nagamit ni Danding ang serye ng mga presidential decree ni Marcos upang
palawakin ang kanyang mga negosyo. Ang kanyang mga negosyo ang pinapaksa ng ikaapat
na kabanata (Chapter 4 Empire of the Coconut King). Nilalaman ng kabanatang ito
ang proseso ng pagbuo ni Danding ng monopolyo sa industriya ng buko, na
nagbigay sa kanya ng kapangyarihan upang mapalawak ang kanyang imperyo ng mga
negosyo. Ipinakita ni Parreño kung paanong ginamit ni Danding ang milyon-milyong
salapi ng coconut levy fund (mula sa dugo’t pawis ng mga magsasaka) upang
mahawakan ang mga korporasyon sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya tulad ng
pagbabangko, pananalapi, pagkain, mga inumin, agrikultura, konstruksyon,
kemikal, transportasyon, komunikasyon, libangan, at marami pang iba. Mayroon
ding kabanata ukol sa pagbalik ng kapangyarihan ni Danding sa Pilipinas matapos
siyang maeksilo sa ibang bansa dulot ng EDSA People Power I (Chapter 1 The ‘Pacman’
Returns). Isinalaysay ng kabanata kung paanong ang 242 na mga korporasyong
sinamsam ng pamahalaan mula sa kanya (dahil itinuturing na mula sa ill-gotten
wealth o nakaw na yaman) ay unti-unting nabawi ni Danding, sa pamamagitan
ng paggamit sa kanyang mga koneksyon sa pulitika at negosyo at sa pamamagitan
ng pakikipag-alyansa sa mga umookupa sa Malakanyang (hal. Ramos, Estrada, at
Arroyo).
Ngunit
higit pa ang aklat sa pagiging pulitikal na biograpiya ng isang tao. Ang buhay
ni Danding ay ginamit lamang ni Parreño upang magsilbing mikrokosmo ng karumihan
ng lipunang Pilipino. Ang buhay ni Danding ay buhay na patunay sa kagimbal-gimbal
na relasyon sa pagitan ng pulitika at negosyo. Ang aklat ay testamento rin ng
pang-aapi ng makapangyarihan sa mahihirap: ng pangangamkam sa lupain ng mga
lumad, ng pananamantala sa mga magsasaka, ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang
aklat ay isa ring napapanahong babasahin sa kasalukuyang panahon kung kailan
unti-unting binabago ang imahe ng Batas Militar bilang ginintuang panahon sa ating
kasaysayan: malinaw na patunay ang katha ni Parreño sa malawakan at
sistematikong pandarambong ng diktadurang Marcos at kanyang mga kroni.
No comments:
Post a Comment