Thursday, March 10, 2022

Rebyu #101 -- Taipan: Stories about Lucio Tan

 Evangelista, Susan P., Rosalina Ora’a Fuentes, and Doreen G. Yu. Eds. Taipan: Stories about Lucio Tan. Antipolo City: Southeast Asian Interdisciplinary Development Institute Formation Center, 2007.

 

 

Ang aklat ay kalipunan ng mga kwento’t parangal ng humigit kumulang 50 taong malapit sa negosyanteng si Lucio Tan. Mababasa rito ang kwento ng kanyang mga kamag-anak (tulad ng kanyang asawa, bayaw, at hipag), mga dating kaklase, mga guro, mga kaibigan, mga kasamahan sa trabaho, at mga empleyado. Nag-alay ng kani-kanilang maiiksing panulat ang mga empleyado mula sa iba’t ibang korporasyon ni Lucio Tan tulad ng Tanduay, Philippine Airlines, Fortune Tobacco, Philippine National Bank, Allied Bank, Tan Yan Kee Foundation, at marami pang iba.

 

Isa sa mga pangunahing layunin ng aklat ang mahumanisa ang imahe ni Lucio Tan, ibig sabihin, gawing pangkaraniwang tao ang kanyang imahe. Isinagawa ito sa pamamagitan ng paglalahad ng ilan niyang mga manerismo na nagpapakita ng kanyang kapayakan tulad ng pagkahilig sa siomai, puto, lomi at daing, paghuhugas ng kanyang sariling pinagkainan, personal na paghahain sa mga bisita, pagdadala ng yellow paper sa lahat ng okasyon na sinusulatan niya ng mga datos, hilig sa kasaysayang Tsino, paglalagay sa bulsa ng sando na pamalit niya kapag pinagpawisan siya, at marami pang iba. Itinatampok din ng aklat ang mga magagandang katangian ni Lucio Tan tulad ng kanyang pagiging payak, kababaang-loob, paggalang sa mga magulang, habag sa mga nangangailangan, pagiging matalino sa negosyo, kasipagan, at iba pa. Isinalaysay ng kanyang mga kakilala ang samu’t sari niyang mga kawang-gawa sa pamamagitan ng mga proyekto ng Tan Yan Kee Foundation. Ukol sa usapin ng kawang-gawa, may espesyal na tuon ang aklat sa mga bagay na may kinalaman sa edukasyon (na makikita sa pangangasiwa niya ng University of the East [UE] at Foundation for Upgrading the Standard of Education [FUSE], paglalaan ng mga iskolarsyip, at pagbibigay ng donasyon sa mga eskwelahan).

 

Lahat ng ito ay nagsisilbing pangontra sa pampublikong imahe ni Lucio Tan bilang kroni (crony) ni Marcos, tumatakas sa pagbubuwis, nang-aapi ng mga manggagawa, at gahamang kapitalista. Para sa mga may-akda, ang ganitong mga imahe ni Lucio Tan na “crafted by Philippine media has been unfair” (p.ii). Anila, magbabago ang ganitong imahe ni Lucio Tan kung pakikinggan ang magagandang kwento ng mga taong talagang malapit sa kanya.

 

Bagaman mahalaga na pakinggan ang testimonya ng mga malapit sa isang taong pinag-aaralan, kailangang tandaan na ang kasaysayan ay hindi lang naman umiinog sa personal na relasyon ng isang pampublikong pigura, kundi sa kanyang epekto sa mas malawak na lipunan. Halimbawa, maaaring makakuha tayo ng magagandang testimonya ukol kay Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang asawa, mga anak, mga kaibigan, at iba pang malalapit sa kanya, ngunit mas may tuon ang kasaysayan sa kanyang mga polisiya na may malawak na implikasyon sa lipunan tulad ng kanyang digma kontra droga kesa sa kanyang personal na buhay. Isa pang halimbawa: maaaring si Adolf Hitler ay isang mabuting anak, asawa, ama at kaibigan, ngunit hindi nito mabubura ang paghatol ng kasaysayan kay Hitler bilang mamamatay-tao ng milyon-milyong Hudio.

 

Ganito rin ang kaso ng buhay ni Lucio Tan. Kahit gaano pa karaming positibong testimonya ang ihain ng kanyang mga kapamilya, mga kaibigan, at mga katrabaho, sa huli, kasaysayan pa rin ang hahatol sa kanya ukol sa kung ano ang naging implikasyon ng mga aksyon niya sa mas malawak na lipunang Pilipino. Kaya naman kailangang maging maingat sa pagbasa ng mga aklat na tulad ng Taipan: The Stories about Lucio Tan, na mala-hagiograpikong pagpipinta sa larawan ng isang tanyag na negosyante. Nangangahulugan ito na kailangang basahin ang Taipan kaalinsabay o kahanay ng ibang mga kritikal na batis ukol kay Lucio Tan, lalo na yaong nakatutok sa kanyang pagiging kroni ni Ferdinand Marcos noong panahon ng Batas Militar tulad ng Some are Smarter than Others: The History of Marcos’ Crony Capitalism ni Ricardo Manapat,[1] at “Power and Politics in the Philippine Banking Industry: An Analysis of State-Oligarchy Relations” ni Paul Hutchcroft.[2]



[1] Ricardo Manapat, Some are Smarter than Others: The History of Marcos’ Crony Capitalism, Annotated Edition (Quezon City: Bughaw, 2020).

[2] Paul D. Hutchcroft, “Power and Politics in the Philippine Banking Industry: An Analysis of State-Oligarchy Relations”, Philippine Political Science Journal Vol. 18, Issue 37-38 (1994): 57-78.

No comments:

Post a Comment

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...