Thursday, March 31, 2022

Rebyu #103 -- Trese 4: Last Seen After Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 4: Last Seen After Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022.

 

Tulad ng naunang mga bolyum, hitik sa kawili-wiling mga kwento ang ikaapat na bolyum ng Trese. Episodiko ito tulad ng una at ikalawang bolyum (kaiba ng ikatlong bolyum ukol sa pinagmulan ni Trese na may katangiang kronolohikal). Bagaman walang kaugnayang kronolohikal ang apat na kwentong nakapaloob sa Trese 4, may isang malinaw na pising nag-uugnay sa kanila: ang pagkastigo sa masamang kalikasan ng tao at ng kanyang lipunan.

 

Kitang-kita ito sa Cadena de Amor, kung saan may sindikato ng mga marino na nambibiktima ng mga kababaihan. Ang ganitong pambibiktima ang nakapagpagalit sa tinawag sa komiks na “plant elementals.” Malinaw nitong inilalantad ang sistema ng human trafficking sa mga kababaihang Pilipina na ipinapadala sa ibang bansa. Mapapansin sa kwentong ito ang tila paggamit ng taktikang inclusio[1] upang maidiin ang pinakatema ng kwento: nagsimula ito sa isang serial rapist na nagtatangkang manggahasa ng isang babae sa parke, at nagtapos ito sa kaso ng panggagahasa at pagpatay sa isang babaeng ipagbibili dapat sa ibang bansa.   

 

Sa Private Collection, lantad muli ang kasamaan ng tao. Sa katunayan, sa kwentong ito, isang mortal na tao ang salarin sa pagpatay sa mga manananggal, aswang, tikbalang, dwende at iba pa. Ang mga kakaibang nilalang na ito ang nagmakaawa sa isang tao na patayin na sila imbis na pahirapan pa. At ayon sa kwento, ginawa ng tao ang mga krimen na ito dahil lang sa pagkabagot.

 

Sa Wanted Bed Spacer, mas maganda rin ang pagpinta sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa mga tao. Pansin ito sa makulay na paglalarawan sa bangungot, isang babaeng enkanto na yumayakap at humahawak sa dibdib ng taong may mabigat na pinagdadaanan, upang mapangalagaan ang puso nito mula sa pagkawasak. Sa tuwing dumadaan sa sobrang nakakalungkot na sitwasyon ang tao, higit na humihigpit ang paghawak ng bangungot sa puso nito, na dahilan kaya sumisikip ang kanyang dibdib. Kapag naging labis na ang nararamdaman ng tao, labis din ang paghawak ng bangungot sa puso hanggang sa tuluyang mamatay ang tao. Kapag napagtanto bigla ng bangungot ang kanyang nagawa, lumuluha ito hanggang sa mamatay rin na kasama ng tao. Ipinakita ng kwento ang mabuting intensyon ng bangungot, na mas nagmahal pa sa karakter na si Roy sa kwento, kaysa sa mismong kasintahan niya na nang-iwan sa kanya at nagdulot ng labis na pighati. Kaiba ng mabuting pagpinta ng kwento sa mga kakaibang nilalang, mas negatibo ang pagpinta ng kwento sa mga tao, bagaman implisito ang paraan ng ganitong pagpintang ginawa sa kwento. Halimbawa, nang banggitin sa kwento ang ukol sa pagpapakamatay ng isang estudyante dahil sa pagbagsak niya sa pagsusulit at takot na mabigo niya ang kanyang mga magulang, implisitong kinikritika ng mga may-akda ang labis na ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Makikita rin ang ganitong implisitong kritisismo sa kwento ukol sa batibat. Ito ay mga nilalang na nakatira sa mga puno, at nananatili sila sa kahoy kapag pinutol ang mga ito at ginamit sa pagpapagawa ng bahay. Ang mga batibat na nasa kahoy ng bahay ang dumadagan sa natutulog na nakatira. Maaaring mahaka na isa itong implisitong kritika sa pagsira ng mga tao sa kalikasan. Sa maikling salita, mas mainam ang pagpinta ng kwento sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa  sa mga tao mismo.

 

Sa Fight of the Year, ang boksingerong karakter ng kwento na si Manuel na taga-General Santos City ay malinaw na humalaw ng inspirasyon kay Manny Pacquiao. Sa kwentong ito, isang beses kada taon ay nakikipagboksing si Manuel sa labindalawang halimaw upang mapangalagaan ang kapayapaan ng General Santos. Mayroon kasi siyang kasunduan sa halimaw na si Sytan, na bawat matatalo niyang halimaw ay lilisan mula sa General Santos at hindi manggugulo doon sa loob ng isang buong taon. Bagaman malinaw sa kwento na mga kakaibang halimaw (tulad ni Sytan) ang kontrabida at tao ang bida (tulad ni Manuel), may implisito pa rin itong kritika sa masamang kalikasan ng tao. Makikita ito sa pagbatikos sa pagiging bukas ng tao (tulad ni Noni, na isang nakababatang boksingero) na gawin ang kahit na anong bagay para sa kasikatan at kayamanan.  

 

Malinaw ang mensaheng ipinahahatid ng bolyum na ito: minsan, mas nakakatakot pa ang mga tao kaysa sa mga halimaw sa ating mga kwentong bayan at imahinasyon. At hindi nakapagtataka ang gantong mensahe ng bolyum 4, dahil ang buong serye ng Trese ay nakapaloob sa pampanitikang genre ng noir, na patungkol sa mga krimen sa siyudad. Kaya naman makikitaan ito ng mga implisitong pagkastigo sa urban na lipunang Pilipino.

 

Tulad ng naunang tatlong bolyum, malikhaing napaghalo nina Tan at Baldisimo ang luma at bago sa bawat kwento: sinaunang plant elementals at modernong human trafficking, sinaunang manananggal at modernong hunters, sinaunang bangungot at modernong mga estudyante sa unibersidad, sinaunang mga halimaw at modernong boksingero. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagkukuwento ng Trese, nagsisilbi itong pedagohikal na kasangkapan: naituturo nito sa kontemporaryong henerasyon ang mayamang kultura ng mga kwentong bayan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng interesanteng pamamaraan. Makakaramdam kaagad ng kaugnayan ang mga mambabasa sa mga kwento ng Trese, kahit pa mga makalumang paniniwala ang tinatalakay, sapagkat ang lunsaran o tanghalan ng mga kwento ay ang pamilyar na modernong lipunang Pilipino.   



[1] Isang taktikang pampanitikan, kung saan gumagamit ang may-akda ng parehong mga salita o linya o senaryo bilang pagbubukas at pagtatapos ng isang kwento, upang maipahatid ang pinakatema nito.

Wednesday, March 23, 2022

Rebyu #102 -- UP into the 21st Century and Other Essays ni Francisco Nemenzo

Nemenzo, Francisco. UP into the 21st Century and Other Essays. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.

 

Liberal education, if it is authentic, strives to breed a different type of intellectuals who combine technical competence with sensitivity, imagination, a critical mind, and an awareness that their responsibility is to serve the people, not the ones who rule them. (p.99)


Ang aklat ay koleksyon ng mga sanaysay ni Francisco Nemenzo, na inilimbag ng UP Press sa okasyon ng pagkakahirang sa kanya noong Marso 2000 bilang ika-18 pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Tulad ng paliwanag ng noo’y bise presidente ng unibersidad na si Ma. Serena Diokno, inilimbag ang akda upang maipakilala si Nemenzo at ang kanyang mga pananaw sa mas malawak na komunidad ng UP. Ang mga sanaysay na piniling makasama sa koleksyon ay puro nakatutok sa mga paksa ng edukasyon: mga suliranin ng UP bilang isang unibersidad, edukasyon sa gitna ng mga makabagong teknolohiya, liberal na edukasyon, kalayaang akademiko, kilusang pangmag-aaral, at iba pa.

 

Sa palagay ko, maibubuod sa tatlong salita ang pananaw ni Nemenzo ukol sa ideyal na edukasyon na nailatag niya sa mga sanaysay: mahusay, progresibo, makabuluhan.

 

Mahusay. Mararamdaman sa mga sanaysay ni Nemenzo ang pagkaasiwa sa uri ng edukasyon na kuntento na sa pagiging pangkaraniwan (mediocre). Madalas na ipinagmamalaki na isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamaraming porsyento ng populasyon na marunong magbasa at magsulat, at nakatapos ng kolehiyo, at isa rin sa mga bansang may pinakamarami bilang ng mga paaralan. Subalit iginiit ni Nemenzo na ang kahusayan ay nakabatay sa kalidad, hindi sa kwantidad. Binatikos ni Nemenzo ang komersyalisasyon ng edukasyon, kung saan tinitingnan na lamang ang edukasyon bilang proseso ng paglikha ng mga propesyunal na kailangan ng estado at ng mga korporasyon. Aniya ang tawag sa ganitong sistema ay sertipikasyon, hindi edukasyon. Para sa kanya, ang tunay na edukasyon ay paghubog sa kritikal na kamalayan ng mga mag-aaral, mga mag-aaral na nag-aaral dahil sa pagmamahal sa pagkatuto, at hindi lamang upang magkatrabaho. Ito para kay Nemenzo ang edukasyong tunay na mahusay. Binatikos niya ang ilang salik na nagdudulot ng pagiging pangkaraniwan o mediocre ng sistemang pang-edukasyon ng bansa, tulad ng maliit na pasweldo sa mga guro, na dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga pinakamatatalino at pinakamahuhusay na estudyanteng pasukin ang larangan ng akademya matapos makagradweyt.

 

Progresibo. Pinuna rin ni Nemenzo ang pagpaprayoridad ng pamahalaan sa mga larangang teknikal kaysa sa liberal na edukasyon. Gusto raw kasi ng pamahalaan na magsilbi lamang ang unibersidad na tagapagprodyus ng mga manggagawang maglilingkod sa estado at sa mga korporasyon, sa ilalim ng sistemang kapitalista. Aniya, hindi ganito ang tunay na misyon ng unibersidad. Bagkus, ang unibersidad ay mayroong responsibilidad na bigyan ang mga mag-aaral ng kamalayan ukol sa malawakang istruktura ng pang-aapi sa lipunan. Ikinategorya niya ang mga intelektuwal na naipoprodyus ng unibersidad sa dalawa: mga teknokratikong intelektuwal at mga bisyonaryong intelektuwal. Ang teknokratikong intelektuwal daw ay gumagamit ng kanilang talino para sa pamahalaan at mga korporasyon. Pasibong tinatanggap ng mga teknokratikong intelektuwal ang umiiral na sistema. Sa kabaliktaran, malinaw sa mga bisyonaryong intelektuwal na ang dapat nilang paglingkuran ay ang taumbayan, at hindi ang mga naghaharing uri. Kinukuwestiyon ng mga bisyonaryong intelektuwal ang umiiral na sistema, at kumikilos sila para sa pagbuo ng bagong sistema na mas makatarungan at mas napapanahon. Ang mga bisyonaryong intelektuwal aniya ang dapat maiprodyus ng mga unibersidad.

 

Makabuluhan. Isa pang katangian ng ideyal na edukasyon para kay Nemenzo ay ang pagiging makabuluhan nito. Hindi lamang dapat na mahusay ang edukasyon, dapat na malinaw ang saysay nito sa taumbayan, batay sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Kaya naman makailang ulit niyang nabanggit sa ilang mga sanaysay na hindi dapat magpahuli ang mga guro sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at midya para sa kanilang pagtuturo. Hindi raw dapat pabayaan ito sa kamay ng mga mangmang, na ginagamit lamang ang mga ito para libangin ang taumbayan, sa halip na mapalago ang kanilang kaalaman. Aniya, maaaring gamitin ng unibersidad ang mga makabagong teknolohiya at midya (telebisyon at radyo) upang mademokratisa ang edukasyon, maipalaganap ang pagkatuto sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

 

Kaugnay ng mga ito, isa pang natatanging rekomendasyon ni Nemenzo para sa pagpapaunlad ng sistemang pang-edukasyon ay ang pag-aalis ng mga programang teknikal mula sa mga unibersidad. Aniya, ang tunay na gampanin ng unibersidad ay lumikha ng mga pantas, hindi magprodyus ng mga kinakailangang trabahador ng pamahalaan at ng mga korporasyon. Maaaring magtayo ng mga paaralan na espesyalisado talaga sa mga teknikal na programa. Aniya, maging sa hayskul ay maaaring ikabit ang ganitong mga bokasyunal na larangan. Marami naman daw uri ng trabaho hindi kailangan ng digri mula sa unibersidad, yamang ang kailangan ay praktikal na kakayahan. Sa ibang bansa, hindi naman hinahanapan ng digri mula sa unibersidad ang ilang mga trabahong teknikal, yamang wala naman minsang kaugnayan ang kanilang pinag-aaralan sa unibersidad sa kanilang magiging trabaho. Ang resulta tuloy nito ay ang pagdami ng mga gradweyt sa unibersidad na walang trabaho, o hindi tugma ang trabaho sa kanilang inaral. Kaya praktikal na ihiwalay ang mga teknikal na programa sa unibersidad, na mas nakatuon aniya dapat sa liberal na edukasyon. Sa pamamagitan nito, mas makakapagpokus daw talaga ang mga unibersidad sa paglikha ng mga pantas na tunay na may pagmamahal sa pagkatuto, mga pantas na may kakayahang suriin ang lipunan.

 

Mainam na babasahin ang aklat na ito para sa mga administrador ng mga unibersidad para sa pagmumuni-muni nila sa paggawa ng mga polisiya; para sa mga mga guro’t propesor sa pagsusuri nila sa pilosopiya ng edukasyon na mayroon sila; at pati na rin para sa mga estudyante, upang mapagnilayan nila ang tatahaking landas bilang mga akademiko sa hinaharap.

Thursday, March 10, 2022

Rebyu #101 -- Taipan: Stories about Lucio Tan

 Evangelista, Susan P., Rosalina Ora’a Fuentes, and Doreen G. Yu. Eds. Taipan: Stories about Lucio Tan. Antipolo City: Southeast Asian Interdisciplinary Development Institute Formation Center, 2007.

 

 

Ang aklat ay kalipunan ng mga kwento’t parangal ng humigit kumulang 50 taong malapit sa negosyanteng si Lucio Tan. Mababasa rito ang kwento ng kanyang mga kamag-anak (tulad ng kanyang asawa, bayaw, at hipag), mga dating kaklase, mga guro, mga kaibigan, mga kasamahan sa trabaho, at mga empleyado. Nag-alay ng kani-kanilang maiiksing panulat ang mga empleyado mula sa iba’t ibang korporasyon ni Lucio Tan tulad ng Tanduay, Philippine Airlines, Fortune Tobacco, Philippine National Bank, Allied Bank, Tan Yan Kee Foundation, at marami pang iba.

 

Isa sa mga pangunahing layunin ng aklat ang mahumanisa ang imahe ni Lucio Tan, ibig sabihin, gawing pangkaraniwang tao ang kanyang imahe. Isinagawa ito sa pamamagitan ng paglalahad ng ilan niyang mga manerismo na nagpapakita ng kanyang kapayakan tulad ng pagkahilig sa siomai, puto, lomi at daing, paghuhugas ng kanyang sariling pinagkainan, personal na paghahain sa mga bisita, pagdadala ng yellow paper sa lahat ng okasyon na sinusulatan niya ng mga datos, hilig sa kasaysayang Tsino, paglalagay sa bulsa ng sando na pamalit niya kapag pinagpawisan siya, at marami pang iba. Itinatampok din ng aklat ang mga magagandang katangian ni Lucio Tan tulad ng kanyang pagiging payak, kababaang-loob, paggalang sa mga magulang, habag sa mga nangangailangan, pagiging matalino sa negosyo, kasipagan, at iba pa. Isinalaysay ng kanyang mga kakilala ang samu’t sari niyang mga kawang-gawa sa pamamagitan ng mga proyekto ng Tan Yan Kee Foundation. Ukol sa usapin ng kawang-gawa, may espesyal na tuon ang aklat sa mga bagay na may kinalaman sa edukasyon (na makikita sa pangangasiwa niya ng University of the East [UE] at Foundation for Upgrading the Standard of Education [FUSE], paglalaan ng mga iskolarsyip, at pagbibigay ng donasyon sa mga eskwelahan).

 

Lahat ng ito ay nagsisilbing pangontra sa pampublikong imahe ni Lucio Tan bilang kroni (crony) ni Marcos, tumatakas sa pagbubuwis, nang-aapi ng mga manggagawa, at gahamang kapitalista. Para sa mga may-akda, ang ganitong mga imahe ni Lucio Tan na “crafted by Philippine media has been unfair” (p.ii). Anila, magbabago ang ganitong imahe ni Lucio Tan kung pakikinggan ang magagandang kwento ng mga taong talagang malapit sa kanya.

 

Bagaman mahalaga na pakinggan ang testimonya ng mga malapit sa isang taong pinag-aaralan, kailangang tandaan na ang kasaysayan ay hindi lang naman umiinog sa personal na relasyon ng isang pampublikong pigura, kundi sa kanyang epekto sa mas malawak na lipunan. Halimbawa, maaaring makakuha tayo ng magagandang testimonya ukol kay Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang asawa, mga anak, mga kaibigan, at iba pang malalapit sa kanya, ngunit mas may tuon ang kasaysayan sa kanyang mga polisiya na may malawak na implikasyon sa lipunan tulad ng kanyang digma kontra droga kesa sa kanyang personal na buhay. Isa pang halimbawa: maaaring si Adolf Hitler ay isang mabuting anak, asawa, ama at kaibigan, ngunit hindi nito mabubura ang paghatol ng kasaysayan kay Hitler bilang mamamatay-tao ng milyon-milyong Hudio.

 

Ganito rin ang kaso ng buhay ni Lucio Tan. Kahit gaano pa karaming positibong testimonya ang ihain ng kanyang mga kapamilya, mga kaibigan, at mga katrabaho, sa huli, kasaysayan pa rin ang hahatol sa kanya ukol sa kung ano ang naging implikasyon ng mga aksyon niya sa mas malawak na lipunang Pilipino. Kaya naman kailangang maging maingat sa pagbasa ng mga aklat na tulad ng Taipan: The Stories about Lucio Tan, na mala-hagiograpikong pagpipinta sa larawan ng isang tanyag na negosyante. Nangangahulugan ito na kailangang basahin ang Taipan kaalinsabay o kahanay ng ibang mga kritikal na batis ukol kay Lucio Tan, lalo na yaong nakatutok sa kanyang pagiging kroni ni Ferdinand Marcos noong panahon ng Batas Militar tulad ng Some are Smarter than Others: The History of Marcos’ Crony Capitalism ni Ricardo Manapat,[1] at “Power and Politics in the Philippine Banking Industry: An Analysis of State-Oligarchy Relations” ni Paul Hutchcroft.[2]



[1] Ricardo Manapat, Some are Smarter than Others: The History of Marcos’ Crony Capitalism, Annotated Edition (Quezon City: Bughaw, 2020).

[2] Paul D. Hutchcroft, “Power and Politics in the Philippine Banking Industry: An Analysis of State-Oligarchy Relations”, Philippine Political Science Journal Vol. 18, Issue 37-38 (1994): 57-78.

Monday, March 7, 2022

Rebyu #100 -- Boss Danding ni Earl G. Parreño

Parreño, Earl G. Boss Danding. Quezon City: First Quarterstorm Foundation Inc., 2003.

 

Gaano kadumi ang pulitikang Pilipino? Paano nagagamit ng mga negosyante ang pulitika para sa higit na pagpapayaman? Paano nakakasangkapan ng mga pulitiko ang pagnenegosyo para sa pagpapalawak ng kapangyarihang pulitikal? Paano napaglalaruan ng mga makapangyarihan ang batas at ang mga mahihirap sa kanilang mga kamay sa pamamagitan ng tambalan ng pulitika at negosyo?

 

Ilan lamang ang mga tanong na ito sa mga nailarawang reyalidad ng lipunang Pilipino ni Earl G. Parreño sa kanyang akdang Boss Danding. Ang aklat ay isang mala-politikal na biograpiya ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., na itinuturing ng marami bilang numero unong kroni (crony) ni Marcos. Sa katunayan, ani ni Parreño, si Danding ay pumapangalawa kay Marcos sa pagiging pinakamayaman at pinakamakapangyarihang tao sa buong Pilipinas noong panahon ng Batas Militar. Mayroong nagbansag sa kanyang “Pacman” dahil sa tendensya ng kanyang pagiging gahaman na saklawin ang lahat ng mga industriyang kanyang naiibigan. Kilala rin siya sa titulong “Coconut King” dahil sa kanyang tagumpay na mahawakan ang monopolyo ng industriya ng buko sa buong bansa.

 

Ang bawat kabanata ng aklat ay pumapaksa sa iba’t ibang yugto at aspekto ng buhay ni Danding. Nariyan ang pagtalakay ukol sa angkang Cojuangco, mula pa sa unang patriarkong si Ingkong Jose, hanggang sa tunggalian ng dalawang sangay ng pamilyang Cojuangco (sangay ni Danding at sangay ni Peping) (Chapter 2 Family Feud). Ang isang kabanata ay nakalaan naman sa kaugnayan ni Danding kay Marcos, na naging daan para sa pagpapalawak ni Danding ng kanyang kapangyarihang pulitikal at ekonomiko (Chapter 3 Father and Son). Ipinakita sa kabanatang ito kung paano nagamit ni Danding ang serye ng mga presidential decree ni Marcos upang palawakin ang kanyang mga negosyo. Ang kanyang mga negosyo ang pinapaksa ng ikaapat na kabanata (Chapter 4 Empire of the Coconut King). Nilalaman ng kabanatang ito ang proseso ng pagbuo ni Danding ng monopolyo sa industriya ng buko, na nagbigay sa kanya ng kapangyarihan upang mapalawak ang kanyang imperyo ng mga negosyo. Ipinakita ni Parreño kung paanong ginamit ni Danding ang milyon-milyong salapi ng coconut levy fund (mula sa dugo’t pawis ng mga magsasaka) upang mahawakan ang mga korporasyon sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya tulad ng pagbabangko, pananalapi, pagkain, mga inumin, agrikultura, konstruksyon, kemikal, transportasyon, komunikasyon, libangan, at marami pang iba. Mayroon ding kabanata ukol sa pagbalik ng kapangyarihan ni Danding sa Pilipinas matapos siyang maeksilo sa ibang bansa dulot ng EDSA People Power I (Chapter 1 The ‘Pacman’ Returns). Isinalaysay ng kabanata kung paanong ang 242 na mga korporasyong sinamsam ng pamahalaan mula sa kanya (dahil itinuturing na mula sa ill-gotten wealth o nakaw na yaman) ay unti-unting nabawi ni Danding, sa pamamagitan ng paggamit sa kanyang mga koneksyon sa pulitika at negosyo at sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa mga umookupa sa Malakanyang (hal. Ramos, Estrada, at Arroyo).

 

Ngunit higit pa ang aklat sa pagiging pulitikal na biograpiya ng isang tao. Ang buhay ni Danding ay ginamit lamang ni Parreño upang magsilbing mikrokosmo ng karumihan ng lipunang Pilipino. Ang buhay ni Danding ay buhay na patunay sa kagimbal-gimbal na relasyon sa pagitan ng pulitika at negosyo. Ang aklat ay testamento rin ng pang-aapi ng makapangyarihan sa mahihirap: ng pangangamkam sa lupain ng mga lumad, ng pananamantala sa mga magsasaka, ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang aklat ay isa ring napapanahong babasahin sa kasalukuyang panahon kung kailan unti-unting binabago ang imahe ng Batas Militar bilang ginintuang panahon sa ating kasaysayan: malinaw na patunay ang katha ni Parreño sa malawakan at sistematikong pandarambong ng diktadurang Marcos at kanyang mga kroni.   

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...