Wednesday, June 22, 2022

Rebyu #105 -- Maganda pa ang Daigdig ni Lazaro Francisco

Francisco, Lazaro. Maganda pa ang Daigdig. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 1982.


ANG ETIKA NG MAGANDA SA NOBELA NI LAZARO FRANCISCO

 

Ang mga literatura gaya ng nobela ay mayayamang balon na mapagsasalukan ng samu’t saring pagpapakahulugan. Minsan ay nakabatay sa gagamiting pangsalok ang uri ng tubig na masasalok mula sa mga balon na ito. O sa pangungusap na walang metapora, nakabatay ang mga pagpapakahulugang makukuha sa mga nobela alinsunod sa gagamiting mga konsepto, balangkas, o pananaw sa pagbasa dito.

 

Ang nobela ni Lazaro Francisco na Maganda pa ang Daigdig ay tulad rin ng isang mayamang balon. Nais kong sumalok sa balon na ito gamit ang konsepto ng “maganda.” Isa sa mga mapanghawang-landas na akdang nagpayabong ng pag-unawa natin sa konsepto ng maganda ay ang aklat na Ang Maganda sa Teolohiya nina Jose de Mesa at iba pang kapwa niya teologo.[1] Ipinaliwanag nila sa aklat na sa kulturang Pilipino, ang maganda, kaiba sa Kanluraning konsepto ng beauty, ay hindi lamang tumutukoy sa panlabas o estetikal na aspekto kundi pati sa panloob o etikal na dimensyon. Malinaw itong ipinapakita ng wika natin. Sa wikang Filipino, madalas na sinonimo ang mabuti at maganda. Sinasambit natin ang “magandang umaga” bilang salin ng “good morning” sa halip na “mabuting umaga.” Sa bokabularyo ng mga Kristiyanong Pilipino, kapwa katanggap-tanggap na salin ng Good News ang Mabuting Balita at Magandang Balita. Halos magkasing-kahulugan din sa wika natin ang kabutihang-loob/kabutihang-asal at kagandahang-loob/kagandahang-asal. Ang kabaliktaran ng maganda, na “pangit”, ay may etikal na dimensyon din tulad ng maganda. Ginagamit ng mga Pinoy ang pangit bilang paglalarawan sa masamang asal (“ang pangit naman ng ugali niyan”, “pangit ang pagpapalaki sa batang iyan”, “pangit siyang makitungo sa kapwa”). Kaalinsabay nito, siyempre ay may panlabas/estetikal na nilalaman din ang konsepto ng maganda. Ipinanglalarawan din natin ito sa mga panlabas na anyo (“maganda ang kanyang mga mata”, “maganda ang disenyo ng bahay”, “puno ng magagandang tanawin ang lugar na ito”). Samakatuwid, malinaw sa kulturang Pilipino ang sabay na pag-iral ng panloob (etikal) at panlabas (estetikal) na dimensyon ng maganda.

 

Naaangkop sa akda ni Lazaro Francisco ang paglalapat dito ng konsepto ng maganda, dahil bukod sa nasa titulo mismo ito ng nobela, makailang ulit itong nabanggit sa buong akda. Malinaw ang pagganap ng maganda sa nobela bilang isang konseptong etikal. Maituturing na pinakabuod ng nobela ang dalawang magkahiwalay na pahayag na binanggit ng karakter ni Miss Loreto “Luring” Sanchez kung saan lumitaw mismo ang titulo ng akda:

 

Nais kong mapaligaya ng aking pag-ibig at ng aking pagmamahal ang maraming nangangailangan upang mapanatili sa kanila ang paniniwalang maganda pa ang daigdig kahiman puno na ng dungis (p.54).

 

Ibig kong suhayan ang isang pag-asang nagigipo! Ibig kong mabigyan ng sandalan ang isang pananalig na nawawalan ng sandigan! … Ibig kong makita ng lahat na maganda pa ang buhay, maganda pa ang daigdig, at karapat-dapat pa ito sa ating pag-ibig at pagpapakasakit, pagkat may mga nilikha pang marunong mabuhay nang di dahil lamang sa kanilang sarili! (361).

 

Sa mga siping ito, madaling mahihinuha na ang “maganda pa ang daigdig” ay isang patuloy na pag-asa, pag-aasam ng isang mas maayos na lipunan sa gitna ng mapangit na daigdig. Kaya sinasambit ang “maganda pa ang daigdig” ay dahil sa mas nangingibabaw na kapangitan ng daigdig. Laganap sa buong nobela ang paglalarawan sa kapangitang ito ng daigdig.

 

Mahusay na nailarawan ng nobelista ang kapangitang ito gamit ang buhay ng bidang si Lino Rivera. Tila puro kapangitan ang mga naranasan ni Lino sa buhay. Sapilitan siyang naisali bilang sundalo sa Ikalawang Digmaang Pandaigdig laban sa mga Hapon. Habang nakapiit siya sa Bataan, ang kanyang asawa ay ginahasa ng mga Hapon, na nagtulak sa babae upang kitilin ang sariling buhay. Nang makatakas siya, matagal na panahon ang lumipas bago niya natagpuan ang kanyang anak. Labis na pagbabata ang kanyang dinanas upang itaguyod ang anak. Hindi niya ito nagawang pag-aralan dahil sa hirap nang buhay. Naranasan pa ni Lino na dayain sa trabaho, hindi paswelduhin mula sa kanyang pinaghirapan, at mapalayas sa inuupahan dahil sa kawalan ng pambayad. Nasanay silang mag-ama na kumalam ang sikmura sa gutom. Makailang ulit din na nakulong si Lino dahil sa mga bintang na walang katotohanan.

 

Bukod sa personal na buhay na ito ni Lino, ipinakita rin ng nobela ang kapangitan ng daigdig sa pamamagitan ng pagkastigo sa ilang pangit na sistemang umiiral sa lipunang Pilipino. Nangunguna na rito ang pagkritika ng nobelista sa sistemang pakikisama (tenancy system). Malaman ang naging diskurso ukol dito lalo na sa pagitan ng usapan nina Lino at Pari Amando (p.60-66), at sa talumpati ni Pari Amando sa harap ng mga kasamang asendero (p.127-133). Pinuna ng may-akda, sa pamamagitan ng tinig ni Lino at Pari Amando, ang kapangitang dala ng sistemang pakikisama sa lipunang Pilipino: ang pagpapatindi ng puwang sa pagitan ng mga makapangyarihang panginoong maylupa at mga busabos na kasama. Nabanggit halimbawa ni Lino na ang kaapihan ng pagiging busabos na kasama ay namana pa ng kanilang pamilya mula pa sa kanilang kanunu-nunuan. Sa talumpati ni Pari Amando, binansagan niya ang sistemang ito na “kalawang ng kahapon” at “mahapding aglahi sa mukha ng demokrasya” (p.128). Ito rin ang itinuro niyang sanhi kung bakit mas nagiging madali ang pagrekrut sa mga magbubukid bilang kasapi ng mga Huk.

 

Isa pang mapangit na tatak ng lipunang Pilipino ayon sa nobela ay ang depektibong sistema ng katarungan. Makalawang ulit na nakulong si Lino kahit na siya’y inosente, dahil sa suplong ng mga pekeng saksi. Sa buong nobela, makailang ulit binanggit ang pag-iral ng depektibong mga batas na nagiging sanhi kung bakit napaparusahan ang mga inosente (hal. sa palitan nina Kumander Hantik at Lino, nina Don Tito at Pari Amando, at sa talumpati ni Lino sa mga kasama niyang takas).

 

Ang lahat ng ito ay nagpapakita na pangit talaga ang daigdig. Ngunit sa gitna ng kapangitang ito ay may munting pag-asa ang nobelista na gaganda pa ang daigdig. At batay sa dalawang susing pahayag ni Miss Sanchez, ang daan tungo sa katuparan ng pagganda ng daigdig ay pag-ibig. Pag-ibig din ang susi upang mabuhay sa puso ng kapwa ang pag-asang ito ukol sa pagganda ng daigdig. At malinaw sa buong nobela na ang pag-ibig na ito ay hindi romantikong pag-ibig batay sa kasarian (o eros sa Griyego), kundi pag-ibig sa kapwa-tao (o phileo sa Griyego). Halimbawa, sinabihan ni Miss “Mina” Lavadia si Miss Sanchez na matigas ang kanyang puso dahil sa hindi pagbibigay ng pag-asa sa manliligaw nitong si Kapitan Roda, ngunit iginiit ni Miss Sanchez na napakalambot ng kanyang puso (p.331). Matigas ang puso niya kung ang pagbabatayan ay pag-ibig na romantiko (eros), ngunit malambot ito kung ang batayan ay pag-ibig sa kapwa-tao (phileo). Sa ibang bahagi ng nobela, nabanggit din na tinatawag ng iba si Miss Sanchez na “babaeng walang pag-ibig.” Ito ay sapagkat ang tinutukoy nilang pag-ibig ay romantiko. Ngunit malinaw na puno ng pag-ibig si Miss Sanchez kung pag-ibig sa kapwa ang sukatan. Makailang ulit halimbawang binanggit ni Miss Sanchez ang pag-ibig niya sa ampon niyang si Ernesto, na anak ni Lino (p.297). Ipinapakita ng mga ito na ang tinutukoy sa nobela na pag-ibig na daan tungo sa pagiging maganda ng daigdig ay pag-ibig sa kapwa-tao (phileo) at hindi pag-ibig na romantiko (eros).

 

Ang pagpaprayoridad ng nobela sa pag-ibig sa kapwa kaysa pag-ibig romantiko ay nakaayon din sa mas mabigat na pagtitimbang ng nobela sa kagandahang panloob (etikal) kaysa kagandahang panlabas (estetikal). Ito’y ‘di kataka-taka, sapagkat madalas, ang pag-ibig romantiko ay nakabatay sa kagandahang panlabas, habang ang pag-ibig sa kapwa ay nakabatay sa kagandahang panloob. Kitang kita ito sa palitan nina Kapitan Roda at Miss Sanchez (p.197):

 

Miss Sanchez: Esther Mathews. Isa siyang mestisa-Amerikana… Sa palagay ko’y napakaganda niya…

Kapitan Roda: Huwag mo nang banggitin sa akin, Luring, ang ganda ninuman. Ang kagandahan ninumang maganda ay nauuwi lamang sa maging simpatika sa piling mo.

Miss Sanchez: Saan mo ba tinitingnan ang kagandahan, Carlos?

Kapitan Roda: Saan? Saan pa kundi sa lahat ng bagay. Sa mukha, sa diwa, sa puso, sa budhi, sa kaluluwa, sa lahat!

 

Sa palitang ito, makikita na bagaman nagsimula ang usapan sa kagandahang panlabas ng babae dahil sa romantikong pag-ibig ni Kapitan Roda kay Miss Sanchez, nauwi ito sa pagtalakay ukol sa kagandahang panloob. At sa mga nabanggit ni Kapitan Roda na mga aspekto ng kagandahan, isa lamang ang pasok sa kategorya ng kagandahang panlabas (mukha) habang ang nalalabi ay puro ukol sa kagandahang panloob (diwa, puso, budhi, kaluluwa). Kaugnay nito, sa palitan naman ni Miss Sanchez at Miss Lavadia, nabanggit nitong una na (335):

 

Magtataka ka, Mina, marahil, sa kaibhan ng paningin ko at panlasa sa pag-uri sa katangian ng isang lalaki, o ng sinumang tao. Ang tinitingnan ko sa tao ay di ang kaniyang baro kundi ang kaniyang katauhan. At, ang tinitingnan ko naman sa katauhan ng tao ay di ang kaniyang katawan kundi ang kaniyang kaluluwa.

 

Muli, makikita sa siping ito na ang batayan ng pag-ibig ni Miss Sanchez ay mga bagay na may kinalaman sa kagandahang panloob kaysa kagandahang panlabas. Sa pamamagitan ng pag-ibig sa kapwa na nakabatay sa kagandahang panloob, naniniwala si Miss Sanchez na ang kapwang pinag-ukulan ng pag-ibig ay patuloy na magkakaroon ng pag-asa na gaganda pa ang daigdig. At ang pag-ibig na ito ay hindi lang daan para patuloy na umasa ang kapwa na gaganda pa ang daigdig, ito mismo ang instrumento upang aktuwal na mapaganda ang daigdig. Sabi nga ni Miss Sanchez, “maganda pa ang daigdig, at karapat-dapat pa ito sa ating pag-ibig at pagpapakasakit, pagkat may mga nilikha pang marunong mabuhay nang di dahil lamang sa kanilang sarili!” Sa gayon, kung matututong mabuhay ang mga tao para sa kanilang kapwa dahil sa pag-ibig, unti-unting gaganda ang daigdig. Sa kabaliktaran, kung magiging makasarili ang mga tao at wala silang magiging pag-ibig sa kapwa, walang pag-asa na gumanda ang daigdig, at sa halip ay mas papangit pa ito.

 

Samakatuwid, ang maganda bilang konseptong etikal sa nobela ni Lazaro Francisco ay naglalaman ng pag-ibig bilang pangunahing sangkap nito. Ngunit hindi lamang pag-ibig ang nilalaman nito. Isa pang mahalagang sangkap ng konseptong ito sa nobela ay ang pananampalataya sa Diyos. Makailang ulit na dinambana sa nobela ang elementong ito. Halimbawa, nang aarestuhin na si Lino nang mga awtoridad dahil sa maling paratang, itinagubilin niya sa anak na si Ernesto na (p.150):

 

Huwag kang mawawalan ng pananalig sa Diyos, Ernesto! Iyan na lamang. Sa mga bagay na dati kong pinaniniwalaan, ang tanging di ko ibig na mawala pa sa akin… Sa Kaniya ka tatawag kapag nawawalan ka ng pag-asa.   

 

Pagkatapos nito ay iniwan niya ang kanyang krusipiho kay Ernesto. Sa palitan naman ni Kumander Hantik at Lino, ganoon na lamang kahalaga ang pananampalataya ni Lino na binanggit niyang ang isa sa pinakadahilan kung bakit ayaw niyang sumapi sa mga komunistang Huk ay dahil walang Diyos ang mga ito. Nariyan din ang depiksyon kay Miss Sanchez na relihiyoso, na laging nagdadala kina Ernesto at Ernestina sa simbahan. Ang prominenteng papel ni Pari Amando (at magandang depiksyon sa kanya bilang pari) sa buong nobela ay nagpapatibay rin sa pagpapahalaga ng nobela sa pananampalataya. Implisito sa nobela ang paninindigan na kinakailangan ang relihiyon o pananampalataya sa Diyos para sa pagbuo ng isang magandang daigdig.

 

Liban sa pag-ibig at pananampalataya, nariyan din ang katarungan bilang nilalaman ng maganda. Matibay ang mensahe ng nobela na kinakailangan ang katarungan upang magkaroon ng magandang daigdig. Halimbawa, binanggit ni Lino sa mga kasama niyang takas na mahalaga sa ilalim ng anumang pamahalaan ang katarungan (p.348). Ang kawalan mismo ng katarungan ang pinupuna ni Lino sa pamahalaan ng Pilipinas, at ang kawalan nito rin ang dahilan kung bakit kinakailangan pa nilang tumakas mula sa bilangguan. Sa usapin din ng katarungan humuhugot si Lino at Pari Amando ng katwiran laban sa sistema ng pakikisama. Ang eksposisyon sa konsepto ng katarungan sa nobela ay higit na makikita sa talumpati ni Lino sa kanyang mga kasamahang takas. Implisitong mahihinuha mula sa talumpati na ang katarungan ang naghihiwalay sa tama at mali. At ang distinksyon sa tama at mali, ayon kay Lino, ay nakabatay naman sa sariling budhi ng isang tao. Aniya (p.264):

 

Susuhayan natin ang katwiran at katarungan saanman at kailanman, ayon sa bulong ng sarili nating budhi.Kukupkupin natin at ipagsasanggalang ang sinumang api at pinagkaitan ng katarungan sa loob at labas ng bayan.

 

Ang pananaw ni Lino sa katarungan din ang pinaghuhugutan ng kanyang kritika kapwa sa mga Huk at sa Pamahalaan. Sa isang banda, pinupuna niya ang diktadurang nais itatag ng mga Huk (na para sa kanya ay labag sa prinsipyo ng demokrasya), gayundin ang kanilang panliligalig sa ilang mga inosenteng tao (tulad ng pagnanakaw para sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon). Sa kabilang banda, pinupuna niya naman ang mga baluktot na batas na mayroon ang Pamahalaan, gayundin ang pamamayani ng sistemang pakikisama.

 

Sa kabuuan, itong tatlo ang nilalaman ng maganda bilang konseptong etikal sa nobela: pag-ibig, pananampalataya, at katarungan. At naniniwala ang nobelista na ang mga sangkap na ito ang kinakailangan upang mapaganda pa ang daigdig.



[1] De Mesa, Jose M., Estela P. Padilla, Levy L. Lanaria, Rebecca G. Cacho, Yuri D. Cipriano, George N. Capaque, Timoteo D. Gener. Ang Maganda sa Teolohiya. Quezon City: Claretian Communications Foundation, Inc., 2017.

Saturday, April 2, 2022

Rebyu #104 -- Trese 5: Midnight Tribunal nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 5: Midnight Tribunal. Pasay City: Visprint, Inc., 2012.

 

Kung mayroon mang isang temang pinakalitaw sa bolyum 5 ng Trese, ito ay ang malalang korapsyon sa Kalakhang Maynila, at ang matinding pangangailangan ng katarungan. Ang palala nang palalang korapsyon ang dahilan kung bakit lumitaw sa bolyum na ito ang ibang mga karakter bukod kay Trese na nagtangkang ilagay ang katarungan sa kanilang mga kamay: ang tikbalang na si Maliksi bilang Maverick Rider, at ang tatlong abogado bilang Judges (na nagtataglay ng kapangyarihan ni Datu Makkata Runggan). Samu’t sari ang korapsyon at krimen na ipininta nina Budjette at Kajo sa bolyum na ito, tulad ng ilegal na droga, ilegal na pagtotroso, nakaw na mga sasakyan, pangangamkam ng lupain, at pagpatay. Ngunit isa sa pinakamatingkad na pagsasalarawan ng korapsyon sa bolyum ay ang pagtukoy sa isang gobernador bilang may pakana ng maraming ilegal na gawain. Binigyan ng mga may-akda ng pangalan ang gobernador: Sunny Romualdez.

 

Ang gobernador ay protektado ng isang karakter na binansagan nila na “Madame.” Ginamit nila si Imelda Marcos bilang inspirasyon ng karakter na ito. Ayon sa deskripsyon ng kwento, si Madame ay kauuwi pa lamang sa Pilipinas mula sa ibang bansa; mahilig umano itong mangolekta ng mahahalagang gamit; at madalas daw itong kumilos upang protektahan ang mga pulitikong may kaugnayan sa kanya o tagasuporta niya. Malinaw ang pisikal na pagkakahawig ng karakter sa hitsura ni Imelda. Sa katunayan, sa mismong Afterword ay tuwirang binanggit ni Budjette Tan ang kontrobersyal na First Lady:

 

Yvette’s tale plus Carlos’ stories about how influential the First Lady was in the course of Philippine history, if she was able to enchant presidents and generals, Holywood celebrities and foreign dictators, what kind of power would the Madame in Trese’s universe be able to wield? The thought made me shudder and excited me at the same time.

 

Hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit sina Budjette at Kajo ng mga totoong tao bilang inspirasyon ng kanilang mga karakter sa Trese. Sa bolyum 4, nauna na nilang ginamit si Manny Pacquiao bilang inspirasyon sa karakter ng boksingerong si Manuel. Bukod kay Imelda, ginamit din sa bolyum 5 ang katauhan ng mga artistang sina Edu Manzano, Herbert Bautista, at Richard Gomez bilang inspirasyon para sa karakter ng tatlong abogado sa Trese na halos ganito rin ang mga pangalan: Eddie Manzano, Richard Bautista, at Herbert Gomez. Isa sa mga pakinabang ng ganitong paghalaw ng inspirasyon sa mga totoong tao ay nagiging mas Pinoy ang dating ng kwento. Lalong mahalaga ang paggamit kay Imelda bilang inspirasyon sa likod ng karakter ni Madame, dahil lalo nitong naididiin ang mensahe na ang Trese ay salamin ng karumihan ng lipunang Pilipino (partikular na ng mga korapsyon sa Kamaynilaan).  

Thursday, March 31, 2022

Rebyu #103 -- Trese 4: Last Seen After Midnight nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo

Tan, Budjette, Kajo Baldisimo. Trese 4: Last Seen After Midnight. Imus, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2022.

 

Tulad ng naunang mga bolyum, hitik sa kawili-wiling mga kwento ang ikaapat na bolyum ng Trese. Episodiko ito tulad ng una at ikalawang bolyum (kaiba ng ikatlong bolyum ukol sa pinagmulan ni Trese na may katangiang kronolohikal). Bagaman walang kaugnayang kronolohikal ang apat na kwentong nakapaloob sa Trese 4, may isang malinaw na pising nag-uugnay sa kanila: ang pagkastigo sa masamang kalikasan ng tao at ng kanyang lipunan.

 

Kitang-kita ito sa Cadena de Amor, kung saan may sindikato ng mga marino na nambibiktima ng mga kababaihan. Ang ganitong pambibiktima ang nakapagpagalit sa tinawag sa komiks na “plant elementals.” Malinaw nitong inilalantad ang sistema ng human trafficking sa mga kababaihang Pilipina na ipinapadala sa ibang bansa. Mapapansin sa kwentong ito ang tila paggamit ng taktikang inclusio[1] upang maidiin ang pinakatema ng kwento: nagsimula ito sa isang serial rapist na nagtatangkang manggahasa ng isang babae sa parke, at nagtapos ito sa kaso ng panggagahasa at pagpatay sa isang babaeng ipagbibili dapat sa ibang bansa.   

 

Sa Private Collection, lantad muli ang kasamaan ng tao. Sa katunayan, sa kwentong ito, isang mortal na tao ang salarin sa pagpatay sa mga manananggal, aswang, tikbalang, dwende at iba pa. Ang mga kakaibang nilalang na ito ang nagmakaawa sa isang tao na patayin na sila imbis na pahirapan pa. At ayon sa kwento, ginawa ng tao ang mga krimen na ito dahil lang sa pagkabagot.

 

Sa Wanted Bed Spacer, mas maganda rin ang pagpinta sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa mga tao. Pansin ito sa makulay na paglalarawan sa bangungot, isang babaeng enkanto na yumayakap at humahawak sa dibdib ng taong may mabigat na pinagdadaanan, upang mapangalagaan ang puso nito mula sa pagkawasak. Sa tuwing dumadaan sa sobrang nakakalungkot na sitwasyon ang tao, higit na humihigpit ang paghawak ng bangungot sa puso nito, na dahilan kaya sumisikip ang kanyang dibdib. Kapag naging labis na ang nararamdaman ng tao, labis din ang paghawak ng bangungot sa puso hanggang sa tuluyang mamatay ang tao. Kapag napagtanto bigla ng bangungot ang kanyang nagawa, lumuluha ito hanggang sa mamatay rin na kasama ng tao. Ipinakita ng kwento ang mabuting intensyon ng bangungot, na mas nagmahal pa sa karakter na si Roy sa kwento, kaysa sa mismong kasintahan niya na nang-iwan sa kanya at nagdulot ng labis na pighati. Kaiba ng mabuting pagpinta ng kwento sa mga kakaibang nilalang, mas negatibo ang pagpinta ng kwento sa mga tao, bagaman implisito ang paraan ng ganitong pagpintang ginawa sa kwento. Halimbawa, nang banggitin sa kwento ang ukol sa pagpapakamatay ng isang estudyante dahil sa pagbagsak niya sa pagsusulit at takot na mabigo niya ang kanyang mga magulang, implisitong kinikritika ng mga may-akda ang labis na ekspektasyon ng mga magulang sa kanilang mga anak. Makikita rin ang ganitong implisitong kritisismo sa kwento ukol sa batibat. Ito ay mga nilalang na nakatira sa mga puno, at nananatili sila sa kahoy kapag pinutol ang mga ito at ginamit sa pagpapagawa ng bahay. Ang mga batibat na nasa kahoy ng bahay ang dumadagan sa natutulog na nakatira. Maaaring mahaka na isa itong implisitong kritika sa pagsira ng mga tao sa kalikasan. Sa maikling salita, mas mainam ang pagpinta ng kwento sa imahe ng mga kakaibang nilalang kaysa  sa mga tao mismo.

 

Sa Fight of the Year, ang boksingerong karakter ng kwento na si Manuel na taga-General Santos City ay malinaw na humalaw ng inspirasyon kay Manny Pacquiao. Sa kwentong ito, isang beses kada taon ay nakikipagboksing si Manuel sa labindalawang halimaw upang mapangalagaan ang kapayapaan ng General Santos. Mayroon kasi siyang kasunduan sa halimaw na si Sytan, na bawat matatalo niyang halimaw ay lilisan mula sa General Santos at hindi manggugulo doon sa loob ng isang buong taon. Bagaman malinaw sa kwento na mga kakaibang halimaw (tulad ni Sytan) ang kontrabida at tao ang bida (tulad ni Manuel), may implisito pa rin itong kritika sa masamang kalikasan ng tao. Makikita ito sa pagbatikos sa pagiging bukas ng tao (tulad ni Noni, na isang nakababatang boksingero) na gawin ang kahit na anong bagay para sa kasikatan at kayamanan.  

 

Malinaw ang mensaheng ipinahahatid ng bolyum na ito: minsan, mas nakakatakot pa ang mga tao kaysa sa mga halimaw sa ating mga kwentong bayan at imahinasyon. At hindi nakapagtataka ang gantong mensahe ng bolyum 4, dahil ang buong serye ng Trese ay nakapaloob sa pampanitikang genre ng noir, na patungkol sa mga krimen sa siyudad. Kaya naman makikitaan ito ng mga implisitong pagkastigo sa urban na lipunang Pilipino.

 

Tulad ng naunang tatlong bolyum, malikhaing napaghalo nina Tan at Baldisimo ang luma at bago sa bawat kwento: sinaunang plant elementals at modernong human trafficking, sinaunang manananggal at modernong hunters, sinaunang bangungot at modernong mga estudyante sa unibersidad, sinaunang mga halimaw at modernong boksingero. Sa pamamagitan ng ganitong uri ng pagkukuwento ng Trese, nagsisilbi itong pedagohikal na kasangkapan: naituturo nito sa kontemporaryong henerasyon ang mayamang kultura ng mga kwentong bayan sa Pilipinas, sa pamamagitan ng interesanteng pamamaraan. Makakaramdam kaagad ng kaugnayan ang mga mambabasa sa mga kwento ng Trese, kahit pa mga makalumang paniniwala ang tinatalakay, sapagkat ang lunsaran o tanghalan ng mga kwento ay ang pamilyar na modernong lipunang Pilipino.   



[1] Isang taktikang pampanitikan, kung saan gumagamit ang may-akda ng parehong mga salita o linya o senaryo bilang pagbubukas at pagtatapos ng isang kwento, upang maipahatid ang pinakatema nito.

Wednesday, March 23, 2022

Rebyu #102 -- UP into the 21st Century and Other Essays ni Francisco Nemenzo

Nemenzo, Francisco. UP into the 21st Century and Other Essays. Quezon City: University of the Philippines Press, 2000.

 

Liberal education, if it is authentic, strives to breed a different type of intellectuals who combine technical competence with sensitivity, imagination, a critical mind, and an awareness that their responsibility is to serve the people, not the ones who rule them. (p.99)


Ang aklat ay koleksyon ng mga sanaysay ni Francisco Nemenzo, na inilimbag ng UP Press sa okasyon ng pagkakahirang sa kanya noong Marso 2000 bilang ika-18 pangulo ng Unibersidad ng Pilipinas. Tulad ng paliwanag ng noo’y bise presidente ng unibersidad na si Ma. Serena Diokno, inilimbag ang akda upang maipakilala si Nemenzo at ang kanyang mga pananaw sa mas malawak na komunidad ng UP. Ang mga sanaysay na piniling makasama sa koleksyon ay puro nakatutok sa mga paksa ng edukasyon: mga suliranin ng UP bilang isang unibersidad, edukasyon sa gitna ng mga makabagong teknolohiya, liberal na edukasyon, kalayaang akademiko, kilusang pangmag-aaral, at iba pa.

 

Sa palagay ko, maibubuod sa tatlong salita ang pananaw ni Nemenzo ukol sa ideyal na edukasyon na nailatag niya sa mga sanaysay: mahusay, progresibo, makabuluhan.

 

Mahusay. Mararamdaman sa mga sanaysay ni Nemenzo ang pagkaasiwa sa uri ng edukasyon na kuntento na sa pagiging pangkaraniwan (mediocre). Madalas na ipinagmamalaki na isa ang Pilipinas sa mayroong pinakamaraming porsyento ng populasyon na marunong magbasa at magsulat, at nakatapos ng kolehiyo, at isa rin sa mga bansang may pinakamarami bilang ng mga paaralan. Subalit iginiit ni Nemenzo na ang kahusayan ay nakabatay sa kalidad, hindi sa kwantidad. Binatikos ni Nemenzo ang komersyalisasyon ng edukasyon, kung saan tinitingnan na lamang ang edukasyon bilang proseso ng paglikha ng mga propesyunal na kailangan ng estado at ng mga korporasyon. Aniya ang tawag sa ganitong sistema ay sertipikasyon, hindi edukasyon. Para sa kanya, ang tunay na edukasyon ay paghubog sa kritikal na kamalayan ng mga mag-aaral, mga mag-aaral na nag-aaral dahil sa pagmamahal sa pagkatuto, at hindi lamang upang magkatrabaho. Ito para kay Nemenzo ang edukasyong tunay na mahusay. Binatikos niya ang ilang salik na nagdudulot ng pagiging pangkaraniwan o mediocre ng sistemang pang-edukasyon ng bansa, tulad ng maliit na pasweldo sa mga guro, na dahilan kung bakit nagdadalawang-isip ang mga pinakamatatalino at pinakamahuhusay na estudyanteng pasukin ang larangan ng akademya matapos makagradweyt.

 

Progresibo. Pinuna rin ni Nemenzo ang pagpaprayoridad ng pamahalaan sa mga larangang teknikal kaysa sa liberal na edukasyon. Gusto raw kasi ng pamahalaan na magsilbi lamang ang unibersidad na tagapagprodyus ng mga manggagawang maglilingkod sa estado at sa mga korporasyon, sa ilalim ng sistemang kapitalista. Aniya, hindi ganito ang tunay na misyon ng unibersidad. Bagkus, ang unibersidad ay mayroong responsibilidad na bigyan ang mga mag-aaral ng kamalayan ukol sa malawakang istruktura ng pang-aapi sa lipunan. Ikinategorya niya ang mga intelektuwal na naipoprodyus ng unibersidad sa dalawa: mga teknokratikong intelektuwal at mga bisyonaryong intelektuwal. Ang teknokratikong intelektuwal daw ay gumagamit ng kanilang talino para sa pamahalaan at mga korporasyon. Pasibong tinatanggap ng mga teknokratikong intelektuwal ang umiiral na sistema. Sa kabaliktaran, malinaw sa mga bisyonaryong intelektuwal na ang dapat nilang paglingkuran ay ang taumbayan, at hindi ang mga naghaharing uri. Kinukuwestiyon ng mga bisyonaryong intelektuwal ang umiiral na sistema, at kumikilos sila para sa pagbuo ng bagong sistema na mas makatarungan at mas napapanahon. Ang mga bisyonaryong intelektuwal aniya ang dapat maiprodyus ng mga unibersidad.

 

Makabuluhan. Isa pang katangian ng ideyal na edukasyon para kay Nemenzo ay ang pagiging makabuluhan nito. Hindi lamang dapat na mahusay ang edukasyon, dapat na malinaw ang saysay nito sa taumbayan, batay sa kasalukuyang kalagayan ng lipunan. Kaya naman makailang ulit niyang nabanggit sa ilang mga sanaysay na hindi dapat magpahuli ang mga guro sa paggamit ng mga makabagong teknolohiya at midya para sa kanilang pagtuturo. Hindi raw dapat pabayaan ito sa kamay ng mga mangmang, na ginagamit lamang ang mga ito para libangin ang taumbayan, sa halip na mapalago ang kanilang kaalaman. Aniya, maaaring gamitin ng unibersidad ang mga makabagong teknolohiya at midya (telebisyon at radyo) upang mademokratisa ang edukasyon, maipalaganap ang pagkatuto sa labas ng apat na sulok ng silid-aralan.

 

Kaugnay ng mga ito, isa pang natatanging rekomendasyon ni Nemenzo para sa pagpapaunlad ng sistemang pang-edukasyon ay ang pag-aalis ng mga programang teknikal mula sa mga unibersidad. Aniya, ang tunay na gampanin ng unibersidad ay lumikha ng mga pantas, hindi magprodyus ng mga kinakailangang trabahador ng pamahalaan at ng mga korporasyon. Maaaring magtayo ng mga paaralan na espesyalisado talaga sa mga teknikal na programa. Aniya, maging sa hayskul ay maaaring ikabit ang ganitong mga bokasyunal na larangan. Marami naman daw uri ng trabaho hindi kailangan ng digri mula sa unibersidad, yamang ang kailangan ay praktikal na kakayahan. Sa ibang bansa, hindi naman hinahanapan ng digri mula sa unibersidad ang ilang mga trabahong teknikal, yamang wala naman minsang kaugnayan ang kanilang pinag-aaralan sa unibersidad sa kanilang magiging trabaho. Ang resulta tuloy nito ay ang pagdami ng mga gradweyt sa unibersidad na walang trabaho, o hindi tugma ang trabaho sa kanilang inaral. Kaya praktikal na ihiwalay ang mga teknikal na programa sa unibersidad, na mas nakatuon aniya dapat sa liberal na edukasyon. Sa pamamagitan nito, mas makakapagpokus daw talaga ang mga unibersidad sa paglikha ng mga pantas na tunay na may pagmamahal sa pagkatuto, mga pantas na may kakayahang suriin ang lipunan.

 

Mainam na babasahin ang aklat na ito para sa mga administrador ng mga unibersidad para sa pagmumuni-muni nila sa paggawa ng mga polisiya; para sa mga mga guro’t propesor sa pagsusuri nila sa pilosopiya ng edukasyon na mayroon sila; at pati na rin para sa mga estudyante, upang mapagnilayan nila ang tatahaking landas bilang mga akademiko sa hinaharap.

Thursday, March 10, 2022

Rebyu #101 -- Taipan: Stories about Lucio Tan

 Evangelista, Susan P., Rosalina Ora’a Fuentes, and Doreen G. Yu. Eds. Taipan: Stories about Lucio Tan. Antipolo City: Southeast Asian Interdisciplinary Development Institute Formation Center, 2007.

 

 

Ang aklat ay kalipunan ng mga kwento’t parangal ng humigit kumulang 50 taong malapit sa negosyanteng si Lucio Tan. Mababasa rito ang kwento ng kanyang mga kamag-anak (tulad ng kanyang asawa, bayaw, at hipag), mga dating kaklase, mga guro, mga kaibigan, mga kasamahan sa trabaho, at mga empleyado. Nag-alay ng kani-kanilang maiiksing panulat ang mga empleyado mula sa iba’t ibang korporasyon ni Lucio Tan tulad ng Tanduay, Philippine Airlines, Fortune Tobacco, Philippine National Bank, Allied Bank, Tan Yan Kee Foundation, at marami pang iba.

 

Isa sa mga pangunahing layunin ng aklat ang mahumanisa ang imahe ni Lucio Tan, ibig sabihin, gawing pangkaraniwang tao ang kanyang imahe. Isinagawa ito sa pamamagitan ng paglalahad ng ilan niyang mga manerismo na nagpapakita ng kanyang kapayakan tulad ng pagkahilig sa siomai, puto, lomi at daing, paghuhugas ng kanyang sariling pinagkainan, personal na paghahain sa mga bisita, pagdadala ng yellow paper sa lahat ng okasyon na sinusulatan niya ng mga datos, hilig sa kasaysayang Tsino, paglalagay sa bulsa ng sando na pamalit niya kapag pinagpawisan siya, at marami pang iba. Itinatampok din ng aklat ang mga magagandang katangian ni Lucio Tan tulad ng kanyang pagiging payak, kababaang-loob, paggalang sa mga magulang, habag sa mga nangangailangan, pagiging matalino sa negosyo, kasipagan, at iba pa. Isinalaysay ng kanyang mga kakilala ang samu’t sari niyang mga kawang-gawa sa pamamagitan ng mga proyekto ng Tan Yan Kee Foundation. Ukol sa usapin ng kawang-gawa, may espesyal na tuon ang aklat sa mga bagay na may kinalaman sa edukasyon (na makikita sa pangangasiwa niya ng University of the East [UE] at Foundation for Upgrading the Standard of Education [FUSE], paglalaan ng mga iskolarsyip, at pagbibigay ng donasyon sa mga eskwelahan).

 

Lahat ng ito ay nagsisilbing pangontra sa pampublikong imahe ni Lucio Tan bilang kroni (crony) ni Marcos, tumatakas sa pagbubuwis, nang-aapi ng mga manggagawa, at gahamang kapitalista. Para sa mga may-akda, ang ganitong mga imahe ni Lucio Tan na “crafted by Philippine media has been unfair” (p.ii). Anila, magbabago ang ganitong imahe ni Lucio Tan kung pakikinggan ang magagandang kwento ng mga taong talagang malapit sa kanya.

 

Bagaman mahalaga na pakinggan ang testimonya ng mga malapit sa isang taong pinag-aaralan, kailangang tandaan na ang kasaysayan ay hindi lang naman umiinog sa personal na relasyon ng isang pampublikong pigura, kundi sa kanyang epekto sa mas malawak na lipunan. Halimbawa, maaaring makakuha tayo ng magagandang testimonya ukol kay Pangulong Rodrigo Duterte mula sa kanyang asawa, mga anak, mga kaibigan, at iba pang malalapit sa kanya, ngunit mas may tuon ang kasaysayan sa kanyang mga polisiya na may malawak na implikasyon sa lipunan tulad ng kanyang digma kontra droga kesa sa kanyang personal na buhay. Isa pang halimbawa: maaaring si Adolf Hitler ay isang mabuting anak, asawa, ama at kaibigan, ngunit hindi nito mabubura ang paghatol ng kasaysayan kay Hitler bilang mamamatay-tao ng milyon-milyong Hudio.

 

Ganito rin ang kaso ng buhay ni Lucio Tan. Kahit gaano pa karaming positibong testimonya ang ihain ng kanyang mga kapamilya, mga kaibigan, at mga katrabaho, sa huli, kasaysayan pa rin ang hahatol sa kanya ukol sa kung ano ang naging implikasyon ng mga aksyon niya sa mas malawak na lipunang Pilipino. Kaya naman kailangang maging maingat sa pagbasa ng mga aklat na tulad ng Taipan: The Stories about Lucio Tan, na mala-hagiograpikong pagpipinta sa larawan ng isang tanyag na negosyante. Nangangahulugan ito na kailangang basahin ang Taipan kaalinsabay o kahanay ng ibang mga kritikal na batis ukol kay Lucio Tan, lalo na yaong nakatutok sa kanyang pagiging kroni ni Ferdinand Marcos noong panahon ng Batas Militar tulad ng Some are Smarter than Others: The History of Marcos’ Crony Capitalism ni Ricardo Manapat,[1] at “Power and Politics in the Philippine Banking Industry: An Analysis of State-Oligarchy Relations” ni Paul Hutchcroft.[2]



[1] Ricardo Manapat, Some are Smarter than Others: The History of Marcos’ Crony Capitalism, Annotated Edition (Quezon City: Bughaw, 2020).

[2] Paul D. Hutchcroft, “Power and Politics in the Philippine Banking Industry: An Analysis of State-Oligarchy Relations”, Philippine Political Science Journal Vol. 18, Issue 37-38 (1994): 57-78.

Monday, March 7, 2022

Rebyu #100 -- Boss Danding ni Earl G. Parreño

Parreño, Earl G. Boss Danding. Quezon City: First Quarterstorm Foundation Inc., 2003.

 

Gaano kadumi ang pulitikang Pilipino? Paano nagagamit ng mga negosyante ang pulitika para sa higit na pagpapayaman? Paano nakakasangkapan ng mga pulitiko ang pagnenegosyo para sa pagpapalawak ng kapangyarihang pulitikal? Paano napaglalaruan ng mga makapangyarihan ang batas at ang mga mahihirap sa kanilang mga kamay sa pamamagitan ng tambalan ng pulitika at negosyo?

 

Ilan lamang ang mga tanong na ito sa mga nailarawang reyalidad ng lipunang Pilipino ni Earl G. Parreño sa kanyang akdang Boss Danding. Ang aklat ay isang mala-politikal na biograpiya ni Eduardo “Danding” Cojuangco Jr., na itinuturing ng marami bilang numero unong kroni (crony) ni Marcos. Sa katunayan, ani ni Parreño, si Danding ay pumapangalawa kay Marcos sa pagiging pinakamayaman at pinakamakapangyarihang tao sa buong Pilipinas noong panahon ng Batas Militar. Mayroong nagbansag sa kanyang “Pacman” dahil sa tendensya ng kanyang pagiging gahaman na saklawin ang lahat ng mga industriyang kanyang naiibigan. Kilala rin siya sa titulong “Coconut King” dahil sa kanyang tagumpay na mahawakan ang monopolyo ng industriya ng buko sa buong bansa.

 

Ang bawat kabanata ng aklat ay pumapaksa sa iba’t ibang yugto at aspekto ng buhay ni Danding. Nariyan ang pagtalakay ukol sa angkang Cojuangco, mula pa sa unang patriarkong si Ingkong Jose, hanggang sa tunggalian ng dalawang sangay ng pamilyang Cojuangco (sangay ni Danding at sangay ni Peping) (Chapter 2 Family Feud). Ang isang kabanata ay nakalaan naman sa kaugnayan ni Danding kay Marcos, na naging daan para sa pagpapalawak ni Danding ng kanyang kapangyarihang pulitikal at ekonomiko (Chapter 3 Father and Son). Ipinakita sa kabanatang ito kung paano nagamit ni Danding ang serye ng mga presidential decree ni Marcos upang palawakin ang kanyang mga negosyo. Ang kanyang mga negosyo ang pinapaksa ng ikaapat na kabanata (Chapter 4 Empire of the Coconut King). Nilalaman ng kabanatang ito ang proseso ng pagbuo ni Danding ng monopolyo sa industriya ng buko, na nagbigay sa kanya ng kapangyarihan upang mapalawak ang kanyang imperyo ng mga negosyo. Ipinakita ni Parreño kung paanong ginamit ni Danding ang milyon-milyong salapi ng coconut levy fund (mula sa dugo’t pawis ng mga magsasaka) upang mahawakan ang mga korporasyon sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya tulad ng pagbabangko, pananalapi, pagkain, mga inumin, agrikultura, konstruksyon, kemikal, transportasyon, komunikasyon, libangan, at marami pang iba. Mayroon ding kabanata ukol sa pagbalik ng kapangyarihan ni Danding sa Pilipinas matapos siyang maeksilo sa ibang bansa dulot ng EDSA People Power I (Chapter 1 The ‘Pacman’ Returns). Isinalaysay ng kabanata kung paanong ang 242 na mga korporasyong sinamsam ng pamahalaan mula sa kanya (dahil itinuturing na mula sa ill-gotten wealth o nakaw na yaman) ay unti-unting nabawi ni Danding, sa pamamagitan ng paggamit sa kanyang mga koneksyon sa pulitika at negosyo at sa pamamagitan ng pakikipag-alyansa sa mga umookupa sa Malakanyang (hal. Ramos, Estrada, at Arroyo).

 

Ngunit higit pa ang aklat sa pagiging pulitikal na biograpiya ng isang tao. Ang buhay ni Danding ay ginamit lamang ni Parreño upang magsilbing mikrokosmo ng karumihan ng lipunang Pilipino. Ang buhay ni Danding ay buhay na patunay sa kagimbal-gimbal na relasyon sa pagitan ng pulitika at negosyo. Ang aklat ay testamento rin ng pang-aapi ng makapangyarihan sa mahihirap: ng pangangamkam sa lupain ng mga lumad, ng pananamantala sa mga magsasaka, ng pagnanakaw sa kaban ng bayan. Ang aklat ay isa ring napapanahong babasahin sa kasalukuyang panahon kung kailan unti-unting binabago ang imahe ng Batas Militar bilang ginintuang panahon sa ating kasaysayan: malinaw na patunay ang katha ni Parreño sa malawakan at sistematikong pandarambong ng diktadurang Marcos at kanyang mga kroni.   

Tuesday, February 8, 2022

Rebyu #99 -- The Difficult Doctrine of the Love of God ni D.A. Carson

Carson, D.A. The Difficult Doctrine of the Love of God. Wheaton, Illinois: Crossway, 2000.

 

In eternity past, the Father loved the Son, and the Son loved the Father. There has always been an other-orientation to the love of God. All the manifestations of the love of God emerge out of this deeper, more fundamental reality: love is bound up in the very nature of God. God is love (p.39).

 

If God is utterly sovereign, and if he is utterly all-knowing, what space is left for emotions as we think of them? The divine oracles that picture God in pain or joy or love surely seem a little out of place, do they not, when this God knows the end from the beginning, cannot be surprised, and remains in charge of the whole thing anyway? From such a perspective, is it not obvious that the doctrine of the love of God is difficult? (p.58)

 

 

May ilang mga Kristiyano na nag-iisip na hindi na natin kailangan ng teolohiya, dahil sapat na umano na alam nating ang Diyos ay pag-ibig. Nakabatay ang pag-iisip na ito sa paniniwalang ang pahayag na “ang Diyos ay pag-ibig” ay isang napakapayak na katotohanan lamang na napakadaling unawain. Taliwas dito, ipinakita ng maikli ngunit malaman na akdang The Difficult Doctrine of the Love of God ni D.A. Carson na hindi ganoong kapayak ang paksang ito tulad ng iniisip ng marami.

 

Dalawang dahilan ang tinukoy ni Carson sa pagiging masalimuot ng pag-ibig ng Diyos. Una, nakaugat ito sa lumalalang paglaho ng kamalayang biblikal sa mga lipunan sa Kanluran. Bukas na bukas ang marami sa Kanluran sa “pag-ibig ng Diyos”, ngunit ang pag-unawa nila sa “Diyos” na ito ay hindi na nagmumula sa Biblia. Ang pag-unawa nila sa “pag-ibig ng Diyos” ay nakahiwalay sa iba pang pangunahing katangian ng Diyos tulad ng katarungan, kabanalan, pagkamuhi sa kasalanan, kadakilaan, at marami pang iba. Nagiging sentimental na lamang ang pananaw ng marami sa pag-ibig ng Diyos, na tila isang terapyutikong pantulong lamang sa ating sikolohikal na kalusugan. 

 

Ang ikalawang pinagmumulan ng kasalimuotan ng paksa ay kung paano babalansehin ang pag-ibig ng Diyos sa soberanya (sovereignty) ng Diyos. Madalas na ipinapailalim ang pag-ibig sa aspektong emosyunal, na bahagi ng pagiging “personal” ng tao. Ngunit hindi tulad ng tao, ang Diyos ay “transcendent”, hindi saklaw ng espasyo at panahon na kinapapalooban ng tao. Dahil sa pagiging transcendent ng Diyos, may mga teologong nagpapalagay na walang emosyon ang Diyos (yamang ang emosyon ay katangiang pantao). Ang mga pahayag sa Biblia ukol sa pag-ibig ng Diyos ay ipinagpapalagay na “anthropopathism” lamang (ibig sabihin, inilalarawan lang ng Biblia ang Diyos sa mga kategorya ng damdamin ng tao upang maunawaan natin ito, ngunit sa katunayan ay wala talagang damdamin ang Diyos).


Upang lalo pang malayo ang pag-ibig ng Diyos mula sa sentimentalismo ng emosyon, ginamit nila ang Griyegong konsepto ng agapao bilang pantukoy sa pag-ibig ng Diyos. Anila, ang agapao ay pag-ibig na hindi nakabatay sa emosyon, bagkus ay kusang loob na pagsasakripisyo ng sarili para sa kapakanan ng iba. Iba raw ito sa phileo na tumutukoy sa emosyunal na pag-ibig, gayundin sa erao na tumutukoy naman sa sekswal na pag-ibig. Ngunit ipinakita ni Carson na hindi maaaring ipagpalagay na ang agapao ay may takdang kahulugan. Giit niya, naipapagpalit-palit madalas ang agapao at phileo sa Septuagint (Griyegong Lumang Tipan) at Bagong Tipan. Sa katunayan, ang damdamin ni Amnon kay Tamar (na kanyang ginahasa) ay inilarawan gamit ang salitang agapao. Sa Ebanghelyo naman ni Juan, parehong ginamit ang agapao at phileo bilang pantukoy sa pag-ibig ng Diyos. Isa pa, hindi rin maaaring iredyus ang pag-ibig o agapao sa kusang loob na pagsasakripisyo ng sarili para sa iba, dahil sa 1 Corinto 13, inilahad ni Pablo na posibleng isakripisyo ng isang tao ang sarili niya para sa iba nang walang pag-ibig.

 

Para kay Carson, dapat balansehin ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos sa pagitan ng emosyon at kalooban (will). Sa isang banda, hindi maaaring tingnan ang pag-ibig ng Diyos na sentimentalismo lamang. Dahil kung ganito ang ating pananaw, mababawasan natin ang pagka-Diyos ng Diyos, magmumukha siyang tila tao na bulnerable ang mga layunin, kalooban, at aksyon sa mga panlabas na puwersang emosyunal. Sa kabilang banda, hindi rin naman pwedeng ikahon ang pag-ibig ng Diyos bilang akto lamang ng kalooban. Malinaw ang paglalarawan ng Biblia sa tindi ng emosyunal na aspekto ng pag-ibig ng Diyos (hal. Hosea 11), kaya naman hindi maaaring ipagpalagay ang mga talatang naglalarawan ng pag-ibig ng Diyos bilang anthropopathism lamang.  

 

Marami pang tinalakay si Carson na mga isyung nakapaloob sa tensyon sa pagitan ng pag-ibig ng Diyos bilang isang persona, at ang kanyang soberanya, na makapagpapakita sa mga mambabasa kung bakit napakamasalimuot ng pag-ibig ng Diyos bilang isang doktrina. Nariyan din halimbawa ang tensyon sa pagitan ng pag-ibig ng Diyos at pagkamuhi ng Diyos (paksa ng ikaapat na kabanata ng aklat, kung saan niya tinalakay ang pag-ibig ng Diyos sa konteksto ng debate ng mga Calvinist at Arminian ukol sa katubusan/atonement), gayundin ang pag-ibig ng Diyos sa konteksto ng soberanya ng Diyos at moral na responsibilidad ng tao (ang pagbabalanse nito ay tinatawag ni Carson na “compatibilism”). Sa gitna ng pagtalakay sa ikalawang dahilan ng pagiging masalimuot ng doktrina ng pag-ibig ng Diyos, ipinaliwanag ni Carson na kaya mahirap unawain ang pag-ibig ng Diyos ay dahil parte ito ng misteryo/hiwaga ng pagiging kapwa transcendent at personal ng Diyos. Sa isang banda, siya ay transcendent, nasa labas ng espasyo at panahon na kinamulatan ng tao. Sa kabilang banda, siya ay personal, nakikipag-ugnay sa kanyang mga nilikha. Ano ang hitsura ng pag-ibig ng Diyos ay mahirap unawain, yamang alam lamang natin ang hitsura ng pag-ibig sa konteksto ng espasyo at panahon, samantalang ang Diyos ay transcendent na entidad. Anong hitsura ng pag-ibig ng isang entidad na hindi saklaw ng espasyo at panahon? Ito ang dahilan kung bakit gaano man lumago ang ating pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos, marapat na kilalanin na may aspekto itong mahiwaga (tulad ng doktrina ng Santatlo/Trinity, inkarnasyon, at kalikasan ni Kristo bilang buong tao at buong Diyos).

 

Sa aking palagay, isa sa mga pangunahing ambag ng aklat na ito ni Carson sa pagpapayabong ng talastasan ukol sa paksa ay ang kategorisasyon niya ng limang magkakaibang paraan ng Biblia sa paglalahad ng pag-ibig ng Diyos. Ang limang ito ay ang mga sumusunod:

 

1. Intra-Trinitarian Love – Pag-ibig ng bawat persona ng Santatlo sa isa’t isa, halimbawa, ang pag-ibig ng Ama sa Anak at ang pag-ibig ng Anak sa Ama sa walang hanggang nakalipas.  

 

2. Providential Love – Pag-ibig ng Diyos sa lahat ng nilikha bilang Manlilikha (Mateo 6).

 

3. Yearning Love – Pag-ibig ng Diyos sa mga makasalanang tao, na pinag-uugatan ng kanyang marubdob na panawagan para sila’y magsisi (Juan 3:16).

 

4. Elective Love – Pag-ibig ng Diyos para sa kanyang bayan, na kanyang pinili para sa kaligtasan bago pa man ang paglikha ng sanlibutan (Efeso 5:25).

 

5. Covenantal Love – Pag-ibig ng Diyos na nakabatay o kondisyunal sa pagsunod o pagsuway ng mga tao sa kanyang kalooban (Jude 21).


Giit ni Carson, dapat balansehin ang limang ito sa tuwing pinag-uusapan ang pag-ibig ng Diyos, dahil ang limang ito ay pare-parehong ginagamit ng Biblia sa paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Hindi maaaring piliin ang isa lamang sa mga ito at iangat sa taas ng iba pang paraan ng paglalarawan sa pag-ibig ng Diyos. Halimbawa, kung ang gagamitin lamang na kategorya ay ang providential love, mawawalan na ng saysay ang pagsisisi. Lahat ay mahal ng Diyos, kaya lahat ay maliligtas kahit ano pa ang gawin nila. Sa ganang ito, mahuhulog tayo sa bitag ng unibersalismo. Kung covenantal love lamang ang lenteng gagamitin, ang pag-ibig ng Diyos ay maireredyus sa pagiging kondisyunal sa ating aksyon, at wala nang magiging lugar para sa habag ng Diyos. Ang pag-unawa sa pag-ibig ng Diyos gamit lamang ang isa sa limang ito bilang eksklusibong lente ay mayroong maidudulot na negatibo. Yamang masalimuot (complex) ang paglalarawan ng Biblia sa pag-ibig ng Diyos, kailangang maging masalimuot din ang pag-unawa natin dito sa pamamagitan ng pagbabalanse sa lima.


Naipakita ni Carson ang saysay ng ganito niyang kategorisasyon nang subukan niya itong ilapat sa debateng Calvinist-Arminian ukol sa katubusan (p.77). Tulad ng alam na natin, para sa mga Calvinist, si Kristo ay namatay para sa kaligtasan/katubusan ng iilan pinili (elect), habang ang mga Arminian ay naniniwala na si Kristo ay namatay para sa kaligtasan/katubusan ng lahat (bagaman ang aktuwal na maliligtas ay iilan lamang din). Ipinakita ni Carson na mauunawaan nang mainam ang mistulang magkakasalungat na berso ng Biblia ukol sa katubusan kung uunawain ito sa konteksto ng magkakaibang paraan ng paglalarawan ng Biblia sa pag-ibig ng Diyos. Totoong namatay si Kristo para sa lahat (tindig ng Arminian) tulad ng sinasabi ng ilang bahagi ng Biblia, kung ang pag-uusapan ay ang yearning love ng Diyos, ang kanyang marubdob na panawagan para sa lahat na magsisi mula sa kasalanan. Totoong namatay si Kristo para sa iilan (tindig ng Calvinist) tulad ng sinasabi ng ilang bahagi ng Biblia, kung ang pag-uusapan naman ay ang elective love ng Diyos, ang kanyang pagpili batay sa kanyang sariling kalooban. Sa aking palagay, marami pang ibang paksa kung saan magiging kapaki-pakinabang ang paggamit ng kategorisasyong ito ni Carson, tulad ng usapin ng ebanghelismo, pagdidisipulo, pagpapayo, pangangalaga sa kalikasan, at iba pa.


Mainam na panapos sa maikling rebyung ito ang mga salita mismo ni Carson sa bandang dulo ng aklat:

The love of God is not merely to be analyzed, understood, and adopted into holistic categories of integrated theological thought. It is to be received, to be absorbed, to be felt (p.81).

Saturday, January 15, 2022

Rebyu #98 -- Preaching to a Postmodern World ni Graham Johnston

Johnston, Graham. Preaching to a Postmodern World: A Guide to Reaching Twenty-First Century Listeners. Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2002.

 

Walang katotohanan. Lahat ng katotohanan ay subhektibong konstruksyon lamang ng lipunan. Ang rason/katwiran ay produkto ng mga karanasan ng tao, alinsunod sa kanyang kasarian, uri, etnisidad, at iba pa, kaya naman hindi talaga ito kumakatawan sa reyalidad. Walang iisang pananaw-pandaigdig (worldview) na kayang sumaklaw sa totalidad ng karanasan ng lahat ng grupo ng mga tao sa buong daigdig. Kaya naman ang pagtatangka na paniwalain ang ibang grupo sa pananaw-pandaigdig ng isang grupo ay akto ng karahasan. Sa ganang ito, ang lahat ng metanaratibo o pananaw-pandaigdig ay mapang-api. Ang dapat lamang umiral ay petite-naratibo, ang subhektibong pananaw ng bawat indibiduwal o grupo ng mga tao na nagmumula sa kanila mismo. Kaugnay nito, lahat ng relihiyon ay balido. Lahat sila ay magkakaibang daan lamang sa iisang reyalidad. Walang iisang relihiyon na mayroong karapatang ideklara na sila lamang ang tama at ang iba ay mali.

 

Sa pagkalansag ng modernismo at pag-usbong ng postmodernismo, ganito ang mga lumalaganap na paniniwala sa kasalukuyan, lalo sa mga Kanluraning lipunan. Sa harap ng mga ito, paano ipapangaral ang eksklusibong mensahe ng Kristiyanismo ukol kay Kristo bilang nag-iisang daan sa kaligtasan? Ang suliraning ito ang sinikap na tugunan ni Graham Johnston sa kanyang akdang Preaching to a Postmodern World. Tulad na rin ng nilinaw ng may-akda sa simula pa lamang ng akda, ito ay hindi isang purong teoretikal na pagninilay sa postmodernismo sa lente ng teolohiya. Bagkus ay praktikal na gabay sa mga pastor upang matulungan sila kung paano epektibong ipapangaral ang Mabuting Balita sa mga Kristiyano’t ‘di Kristiyanong impluwensyado ng postmodernismo.

 

Ani ni Johnston, may dalang kapwa mga hadlang at mga oportunidad ang postmodernismo sa pangangaral ng Salita ng Diyos.

 

Sa isang banda, hamon sa pangangaral ang tendensya ng postmodernismo na mas kumiling sa pakiramdam at karanasan bilang batayan ng katotohanan kaysa sa rason/katwiran. Sa pagkawala ng tiwala sa katwiran, tila naging pakawala ang mga tao na maaari nang maniwala sa kahit na anong bagay. Sa kabilang banda, napabagsak ng postmodernismo ang kayabangan ng katwiran ng tao, ang paniniwala na lahat ay maaaring saklawin ng rason, maging ang mismong Diyos na isang paksa lamang na nakapailalim sa rason ng tao. Nagdadala ito ng oportunidad sa mga pastor na bumuo ng mga sermon na hindi lamang kognitibo at lohikal, kundi nagpapahalaga rin sa damdamin at karanasan ng kanilang mga tagapakinig. Dapat tingnan ang mga tagapakinig, hindi bilang mga utak lamang na pwedeng salinan ng impormasyon mula sa Biblia, kundi mga holistikong tao na binubuo ng iba’t ibang dimensyon bukod sa isip.

 

Sa isang banda, hadlang sa Kristiyanismo ang pagdududa ng postmodernismo sa lahat ng metanaratibo. Malinaw na ang pananaw-pandaigdig ng Kristiyanismo ay isang metanaratibo, na sumasaklaw at nagbibigay-kahulugan sa buong kasaysayan ng sangkatauhan. Sa lente ng postmodernismo, ang metanaratibo ng Kristiyanismo ay batis ng maraming karahasan, at anyo ng pang-aapi ang pagpilit sa ibang tao na paniwalaan ito. Sa kabilang banda, makikita rin ito bilang oportunidad para sa pangangaral. Kontra sa metanaratibo, nagpapahalaga ang postmodernismo sa petite-naratibo, o maliliit na kwento ng bawat indibiduwal o personal na pananaw nila sa mundo. Maaaring samantalahin ito ng mga pastor sa pamamagitan ng paggamit ng mga personal na kwento nila at ng ibang mga tao bilang ilustrasyon sa kanilang sermon. Ang kani-kanilang petite-naratibo ay maaaring magamit upang unti-unting matanggap ng mga tao ang metanaratibo ng Kristiyanismo. Sa usapin ng pangangaral, isang praktikal na maaaring gawin ng mga pastor ay ang paggamit ng induktibong pangangaral kaysa deduktibong pangangaral. Tumutukoy ang deduktibong pangangaral sa paglalahad ng pangkabuuang punto sa simula pa lamang, at pagkatapos ay pagtalakay sa ispesipikong mga nilalaman nito. Tumutukoy naman ang induktibong pangangaral sa pagsisimula muna sa mga ispesipikong mga nilalaman, at sa bandang dulo na ilalahad ang pangkabuuang punto. Mas angkop din aniya ang naratibong pangangaral kaysa sa didaktibong pangangaral. Ang didaktibong pangangaral ay isang uri ng pangangaral na lohikal na sinusuri at ibinabahagi ang sermon sa mga tagapakinig na para baga isang lektura sa unibersidad. Sa naratibong pangangaral, ginagawang pagkukuwento ang sermon. Mas angkop ang naratibo at induktibong pangangaral sa mga postmodernistang tagapakinig, dahil maiksi ang atensyon nila, mahilig sila sa mga kwento, at mas gusto nila ng presentasyon na nararamdaman ng puso at hindi lamang nauunawaan ng isip.

 

Sa isang banda, dapat mabahala ang mga manganagaral sa sobrang pagkakalubog ng mga tao sa midya (telebisyon, pelikula, bidyo ng mga musika, atbp.). Dahil dito ay unti-unti nang napalitan ng imahe ang salita bilang batayan ng katotohanan. Lumabo na rin ang distinksyon sa pagitan ng pisikal at birtuwal na reyalidad. Napaiksi rin nito ang kakayahan ng mga tao na panatilihin sa iisang bagay ang kanilang atensyon sa mahabang panahon. Hamon ito sa pangangaral, yamang ang Biblia ay nakasulat na mga salita at hindi imahe, at ang pangangaral ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga salita. Sa kabilang banda, oportunidad rin ito sa pangangaral. Ani ni Johnston, dapat maging malikhain ang mga pastor sa kanilang pangangaral, at maaari silang gumamit ng mga pelikula, palabas sa telebisyon, bidyo ng mga musika, at mga likhang sining bilang ilustrasyon sa mga puntong nais nilang ibahagi. Aktuwal na naipakita ng may-akda ang pagiging bukas sa mga ganitong bagay, dahil kaalinsabay ng pagsipi sa mga akademikong artikulo’t aklat ng mga teologo, mangangaral, pastor, at misyonero, sumisipi rin siya ng mga eksena sa pelikula at telebisyon, mga palabas na pangkomedya, dokumentaryo, at linya sa mga kanta sa kanyang mismong aklat bilang ilustrasyon. Sa katunayan, siguradong walang mambabasa na hindi makakapansin sa dami ng mga pelikulang nabanggit at nasipi ni Johnston sa aklat. Ilan lamang sa napakaraming halimbawa nito ay ang pagbanggit niya sa Starwars, Zelig, Dead Poet’s Society, Scooby Doo, Star Trek, Friends, Jurassic Park, Jesus of Montreal, Blade Runner, Space Jam, Braveheart, Rambo, Apollo 13, at Schindler’s List. 

 

Marami pang ibang hadlang at oportunidad na dala ang postmodernismo sa pangangaral ng Biblia bukod sa mga nabanggit sa itaas. Ngunit anu’t ano pa man, nilinaw ng aklat na hindi maaaring hindi ikonsidera ng simbahan ang reyalidad ng postmodernismo sa kanilang pangangaral. Hindi na maibabalik ang kamay ng relo upang muling buhayin ang panahong moderno, bago ang pag-usbong ng postmodernismo. Hindi maaaring magkulong ang simbahan sa sarili niyang mundo, na nakahiwalay sa mas malawak na lipunan. Kung nais ng simbahan na mapakinggan ng daigdig ang Mabuting Balita ni Kristo, kailangang harapin ng mga pastor ang lipunang impluwensyado ng postmodernismo, at hubugin ang pangangaral nila batay sa mga pagbabagong naidulot ng postmodernismo sa kultura. Paulit-ulit nabanggit ni Johnston sa aklat na hindi sapat na panatilihin lamang ang katapatan sa Biblia. Mahalaga rin ang konsiderasyon sa mga tagapakinig. Ang katapatan sa Biblia at saysay sa mga tagapakinig ay dalawang bagay na hindi maaaring pagpilian ng mga nangangaral – dapat na balansehin ang dalawang ito dahil pareho silang mahalaga. At bahagi ng konsiderasyon sa mga tagapakinig ang pagbuo ng mga taktika ng pangangaral na angkop sa postmodernong panahon.

 

Dapat salungguhitan na naisulat ang aklat na ito sa konteksto ng lugar at panahong kinapapalooban ni Johnston. Isinulat ito para sa mga Kanluranin, partikular sa mga Amerikano ng Generation X. Kaya naman marami sa mga reperensya ng aklat ay nagmumula sa kulturang popular ng Generation X sa Estados Unidos. Gayunman, may saysay pa rin ang aklat na ito para sa mga kapastorang Pilipino, lalo na dahil maraming bahagi ng lipunang urban ng Pilipinas ang Amerikanisado, at samakatuwid ay may ilan nang kaisipang postmoderno na kahit papaano ay nadala sa bansa. Dapat lamang maging maingat ang mga mambabasa sa paglalapat ng mga aral mula sa aklat tungo sa pangangaral sa kontekstong Pilipino, dahil maraming pagkakaiba ang kasalukuyang lipunang Pilipino sa Generation X ng lipunang Amerikano. Kailangang matutong “magtalbos” ang mga Pilipinong babasa ng aklat na ito – kunin ang mga aral ng aklat kung saan may pagkakatulad o nagkakatagpo ang Generation X ng lipunang Amerikano at kasalukuyang lipunang Pilipino, at itapon ang mga aral ng aklat na medyo malayo sa karanasang Pilipino at hindi mapapakinabangan.

Rebyu #118 - The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story ni D.A. Carson

Carson, D.A. The God Who is There: Finding Your Place in God’s Story . Grand Rapids, Michigan: Baker Books, 2010. “Kung mamamatay ka ngayon,...