Monday, November 22, 2021

Rebyu #96 -- Liberation Preaching: The Pulpit and the Oppressed nina Justo Gonzales at Catherine Gonzales

Gonzales, Justo L., at Catherine G. Gonzales. Liberation Preaching: The Pulpit and the Oppressed. Abingdon Preacher’s Library, patnugot, William D. Thompson. Nashville: Abingdon Press, 1980.


Mayroong tendensya sa hanay ng mga kapastoran sa Pilipinas na magkaroon ng agarang pagdududa sa anumang akda na may kinalaman sa liberation theology. Ang pangkaraniwang persepsyon sa liberation theology ay hindi biblikal at komunista. Kauna-unawa ito dahil sa epekto sa Pilipinas ng pulitika ng Cold War. Sa pandaigdigang ideolohikal na digmaang ito mula dekada 1950 na pinangungunahan ng Estados Unidos (kapitalista) at Union of Soviet Socialist Republics o USSR (komunista), napadpad ang Pilipinas sa panig ng mga kapitalista bilang dating kolonya ng mga Amerikano. Dahil dito, naging laganap sa bansa ang masamang imahe ng komunismo, habang napabuti naman ang imahe ng kapitalismo. Sa mata ng mga Kristiyanong Pilipino, nairedyus ang kabuuan ng komunismo sa tendensyang ateista at diktatoryal nito. At dahil sa paratang sa liberation theology bilang Marxismong nagbabalat-kayo lamang na relihiyon, agad na sumama ang larawan nito sa hanay ng kapastoran sa Pilipinas.[1]    

 

Alam natin na hindi makatwiran ang agarang paghusga sa anumang ideolohiya o kilusan nang hindi muna pinapakinggan ang talagang sinasabi nila. Isang mainam na paraan upang mapakinggan natin sila ay sa pamamagitan ng pagbasa sa mga akdang isinulat mismo ng mga taong nagsusulong ng ideolohiya o kilusang ito. Sa kaso ng liberation theology, kapag sinimulan nating basahin ang kanilang mga akda, mapapagtanto natin na mayroon tayong mahahalagang aral na mapapakinabangan mula sa kanila, kahit pa hindi natin tanggapin ang kabuuan ng liberation theology bilang isang teolohikal na kilusan. Para sa Pilipinong Ebanghelikal na si Rodrigo Tano, ilan sa matututunan natin mula sa liberation theology ay ang halaga ng paggamit ng agham panlipunan sa teolohiya, pagpanig sa mga mahihirap, pagbabalanse sa pagitan ng tamang paniniwala (orthodoxy) at tamang pagkilos (orthopraxis), at pag-unawa sa komyunal at istruktural na dimensyon ng kasalanan.[2] At hindi naman nakapagtataka na marami tayong matututunan sa liberation theology, yamang ang lipunang Pilipino na puno ng kahirapan at inhustisya ay mayroong malaking pagkakawangis sa Latin Amerika, ang lipunang nagluwal sa liberation theology.

 

Sa hanay ng napakaraming mga babasahin sa liberation theology, isa sa pinakamakabuluhang basahin ng mga pastor bilang mga mangangaral ay ang Liberation Preaching: The Pulpit and the Oppressed na isinulat ng mag-asawang historyador ng simbahan (church historian) at teologo na sina Justo Gonzales at Catherine Gonzales. Ang aklat ay bahagi ng Abingdon Preacher’s Library, na serye ng mga maninipis na aklat na inilimbag para makatulong sa mga mangangaral sa pagpapainam ng kanilang mga sermon, gayundin para sa mga semenarista sa pagpapalalim nila ng kaalamang homiletikal. Ilan sa mga aklat na kasama ng Liberation Preaching sa seryeng ito ay ang A Theology of Preaching, Creative Preaching, Designing the Sermon, The Person in the Pulpit, The Sermon as God’s Word, at iba pa.

 

Ang Liberation Preaching ay isang panimulang babasahin ukol sa kalikasan at tunguhin ng pangangaral mula sa pananaw ng liberation theology. Para kina Justo at Catherine, ang pangangaral ay sentral sa proseso ng pagmumulat sa simbahan ukol sa reyalidad ng pang-aapi. Sa konteksto ng isang simbahang puno ng mga kasaping makapangyarihan, ang liberation preaching o mapagpalayang pangangaral ay daan upang maunawaan nila ang pagiging kabilang nila sa hanay ng mga nang-aapi. Sa konteksto naman ng isang simbahang puno ng kasapiang walang kapangyarihan, ang mapagpalayang pangangaral ay daan upang maunawaan pa nila lalo ang pagiging kabilang nila sa hanay ng mga inaapi. At ang kamalayang ito na dala ng mapagpalayang pangangaral ay makakapag-ambag sa kolektibong pagkilos ng unibersal na simbahan sa paglaban sa pang-aapi.

 

Para sa mga may-akda, mahalaga ang kolektibong pagkilos ng lahat ng mga kilusang mapagpalaya sa loob ng simbahan, dahil iisa lamang ang sistemang kanilang kinakalaban. May magkakaibang tuon ang mga kilusang mapagpalaya. Nariyan ang feminist theology para sa kalayaan ng mga kababaihan, black theology para sa kalayaan ng mga Aprikano at Aprikano-Amerikano, Third World theology para sa kalayaan ng mahihirap na bansa, at iba pang anyo ng liberation theology para sa kalayaan ng mga mahihirap na tao. Ang kanilang pagkritika sa iba’t ibang anyo ng pang-aapi ay pag-atake sa iba’t ibang dimensyon ng iisang demonikong sistema na pinananatili ni Satanas bilang iisang kalaban. At iisa lamang din ang hinahangad nating kalayaan, yamang iisa ang ating tagapagpalaya – ang Diyos kay Kristo Hesus. Ito ang dahilan kung bakit dapat matuto sa isa’t isa ang iba’t ibang kilusang mapagpalaya, at kung bakit kailangan nilang magkaisa.

 

Sa ganitong pagkilos ng Diyos para palayain ang sangkatauhan sa pamamagitan ng mga kilusang mapagpalaya, mahalaga ang gampanin ng pastor bilang mangangaral. Gaya ng nabanggit na, instrumento sila upang lumalim ang kamalayan ng mga Kristiyano (kapwa yaong mga kabilang sa grupong nang-aapi o grupong inaapi) ukol sa reyalidad ng pang-aapi at pagpapalaya. Kaya mahalaga na ang mangangaral muna ang unang magkaroon ng kamalayang mapagpalaya. At giit ng mga may-akda, magiging posible lamang ito kung magkakaroon ng mapagpalayang interpretasyon ang mangangaral sa Biblia na kanyang ipapangaral. Sinipi ni Justo at Catherine Gonzales ang ideya ni Juan Luis Segundo ng hermeneutic circle, at sinabing ito ang proseso sa pag-usbong ng mapagpalayang interpretasyon ng mangangaral sa Biblia.

 

Bilang isang proseso, may ilang partikular na yugto ang hermeneutic circle. Una, nagsisimula ang bawat mangangaral sa pagkakaroon ng konserbatibong pananaw sa Biblia. Marami sa mga tradisyunal na interpretasyon sa Biblia na ipinasa-pasa sa iba’t ibang henerasyon ay agad niyang tinatanggap. Marami sa mga tradisyunal na interpretasyon na ito ay mapang-api, yamang marami sa tradisyon ng simbahan ay nilikha ng mga makapangyarihan (kadalasan, mga lalake, gitnang uri, at puti). Ikalawa, dadaan ang mangangaral sa yugto ng kanyang buhay kung saan mararanasan niya o masisilayan ang reyalidad ng pang-aapi, na makapagtutulak sa kanya upang magkaroon ng “ideolohikal na pagdududa” (ideological suspicion). Magsisimula niyang pagdudahan ang mga tradisyunal na interpretasyon sa Biblia, na hindi talaga kumakatawan sa tunay na kahulugang nasa loob ng Biblia, kundi mga kahulugang ipinataw ng mapang-aping sistema. Halimbawa, mapapagtanto niyang ginagamit ng mga makapangyarihan ang ilang talata sa Biblia na ukol sa pagpapailalim ng babae sa asawang lalake at pagkakuntento ng mahirap sa pagiging mahirap upang higit na mapanatili ang ugnayang pangkapangyarihan sa pagitan ng babae-lalake at mahirap-mayaman sa lipunan at sa simbahan. Itutulak siya ng ideolohikal na pagdududa na huwag basta-basta tanggapin ang mga nakasanayang interpretasyon nang hindi sinusuri nang maigi ang teksto, lalo na kapag ginagamit ito upang mang-api. Ikatlo, gamit ang ideolohikal na pagdududang ito ay magkakaroon siya ng “bagong hermeneutika”, ng isang mapagpalayang interpretasyon sa Biblia.

 

Bahagi ng mapagpalayang interpretasyong ito ang realisasyon na ang buong Biblia mismo ay tala ng pagkilos ng Diyos sa agos ng kasaysayan upang palayain ang kanyang bayan. At bilang tala, sinasalamin ng Biblia ang pananaw ng mga api – mula sa Israel na isang maliit at laging sinasakop na bansa, tungo sa simbahan na isang mahirap na komunidad ng mga unang Kristiyano. Sa kaso ng Lumang Tipan, ang Israelita ay mga alipin na pinalaya ng Diyos mula sa makapangyarihang Ehipto. Sa kaso naman ng Bagong Tipan, ang mga simbahan ay itinatag ng isang sanggol na ipinanganak sa sabsaban, at sa malaking bahagi ng buhay niya ay naging eksilo o exile bilang mamamayan sa labas ng bayan niyang Nazareth. Iginiit ng mga may-akda na yamang ang Biblia ay tala ng pagkilos ng Diyos sa kasaysayan mula sa punto-de-bista ng mga api, marapat din na isagawa ang interpretasyon ng Biblia gamit ang pananaw ng mga api sa kasalukuyan. At ito ang pinakapuso ng liberation theology – ang pagteteolohiya mula sa pananaw ng mga api. Kaya naman liban sa pagkatuto ng mangangaral sa kanyang sariling karanasan ng pang-aapi, mahalagang makinig siya sa pagbabahagi ng karanasan ng iba’t ibang sektor na api tulad ng kababaihan, minoryang kultural, mahihirap, mga bansang kinolonya, mga imigrante, at iba pa. Sa pamamagitan ng pakikinig sa kanila ay mapapagyabong ng mangangaral ang kanyang mapagpalayang interpretasyon sa Biblia. Ang kanyang mapagpalayang hermeneutika ang huhubog ng kanyang mapagpalayang homiletika, na magiging daan upang yumabong ang mapagpalayang kamalayan ng nakikinig na kongregasyon, na silang instrumento ng Diyos sa pagpapalaya sa daigdig.

 

Anuman ang tanggapin o ‘di tanggapin ng mga Pilipinong pastor mula sa liberation theology, tiyak na may isang bagay tayong hindi maitatanggi mula rito – may ‘di maipagkakailang lugar sa Biblia at buhay-Kristiyano ang pagkiling sa mga api. Dahil dito, gaano man kalaki o kaliit, tiyak na may matututunan tayong mga Pilipinong Kristiyano sa liberation theology. At sa kaso ng mga pastor bilang mga mangangaral, siguradong may mapupulot na aral ang mga pastor bilang mga mangangaral sa Liberation Preaching nina Justo at Catherine Gonzales.



[1] Si Gustavo Guitierrez mismo, na itinuturing ng marami na ama ng liberation theology, ay naggiit na hindi maikakahon ang liberation theology sa Marxismo, lalo pa dahil hindi siya nagsusulong ng armadong pakikibaka. Tingnan ang “Conversations with Fr. Gustavo Guitierrez” sa Ma. Ceres Doyo, You Can’t Interview God: Church Women and Men in the News; Selected Articles from the Philippine Daily Inquirer (Mandaluyong: Anvil Publishing, Inc., at Makati: Inquirer Books, 2013), 6-8.

[2] Rodrigo Tano, This Complicated and Risky Task: Selected Essays on Doing Contextual Theology from a Filipino Evangelical Perspective, patnugot, Romel Regalado Bagares (Quezon City: Alliance Graduate School, 2006), 60-66.

Wednesday, November 17, 2021

Rebyu #95 -- Living and Dying: In Memory of 11 Ateneo de Manila Martial Law Activists ni Cristina Jayme Montiel

Montiel, Cristina Jayme. Living and Dying: In Memory of 11 Ateneo de Manila Martial Law Activists. Quezon City: Ateneo de Manila University Press, 2007.

 

"And with our remembering, we open a sacred space in our own lives for the mustard seeds of sacrifice and courage to grow abundantly, in the service of a nation chronically wracked with social suffering." 

– Cristina Jayme Montiel

 

Kaalinsabay ng unti-unting pagbabalik ng pamilyang Marcos sa pambansang pulitika ay ang pagtindi ng disimpormasyon ukol sa Batas Militar bilang isang yugto ng kasaysayang Pilipino. Isa sa samu’t saring disimpormasyong ito ay ang ipinapalaganap na mito na napilitan lamang ang rehimeng Marcos na ideklara ang Batas Militar dahil sa banta ng komunismo sa pambansang seguridad. Kontra rito, malinaw sa mga datos na kakaunti lang ang populasyon ng Bagong Hukbong Bayan o New People’s Army (NPA) ng Communist Party of the Philippines bago ang yugto ng diktadura. Sa katunayan, nagsimula lamang ang paglobo ng kasapian ng NPA nang ideklara ni Marcos ang Batas Militar. Sa pagtindi ng represyon at pagsasarado sa mga legal na espasyo ng pakikibaka (tulad ng mga kilos-protesta, kritikal na pamamahayag, at paglilimbag ng mga kritikal na akda), napilitan ang maraming progresibo na tumalon sa armadong pakikibaka. Ang katotohanang ito ang dahilan kung bakit ayon sa ilang komentarista, si Marcos ang numero unong recruiter ng mga NPA.[1]

 

Isa sa mga akdang nagpapatunay rito ay ang Living and Dying ni Cristina Jayme Montiel. Ang akda ay pagsasalaysay sa mapait na dinanas ng 11 na kabataang Atenista noong panahon ng Batas Militar. Ang 11 ito ay binubuo ng mga sumusunod:

 

  • v  Ferdinand “Ferdie” Mirasol Arceo
  • v  William Vincent “Bill” Acuna Begg
  • v  Artemio “Jun” Somoza Celestial, Jr.
  • v  Manuel “Sonny” Llanes Hizon, Jr.
  • v  Edgardo Gil “Edjop” Mirasol Jopson
  • v  Emmanuel Agapito “Eman” Flores Lacaba
  • v  Dante Dizon Perez
  • v  Abraham “Ditto” Pascual Sarmiento Jr.
  • v  Lazaro “Lazzie” P. Silva Jr.
  • v  Nicolas “Nick” M. Solana Jr.
  • v  Emmanuel “Manny” Del Rosario Yap

 

Bagaman may pagkakaiba-iba ang detalye ng kanilang pakikibaka laban sa represyon ng rehimeng Marcos, karamihan sa kanila ay napilitang mag-underground nang ipataw ang Batas Militar, yamang isinarado ng rehimeng Marcos ang lahat ng mga legal na espasyo ng pagsusulong ng katarungang panlipunan.

 

Bilang mga estudyante ng Ateneo de Manila University (ADMU), galing sila sa mga mayayamang pamilya na sanay sa maginhawang pamumuhay. Ang ama ni Manny na si Pedro Yap ay isang abogado na kalaunan ay maluluklok bilang punong mahistrado ng Korte Suprema. Isang abogado rin ang ama ni Ditto, na may malapit na relasyon kina dating pangulong Diosdado Macapagal at Senador Gerardo Roxas. Lieutenant Colonel sa Philippine Constabulary ang ama ni Lazzie. Mula sa mayamang angkan ng Batangas naman ang mga magulang ni Dante. Sa kaso ni Bill, ang buong pamilya niya ay mga mamamayan ng Estados Unidos, ngunit pinili ni Bill na ilipat sa Pilipinas ang kanyang pagkamamamayan dahil sa pagmamahal sa bayan. Lahat sila ay tumalikod sa marangyang pamumuhay at sumuong sa mahirap na buhay ng pakikibaka, yamang hindi nila maatim na mamuhay nang maginhawa habang mayorya ng mga kababayan nila ay naghihirap.

 

Bago ang deklarasyon ng Batas Militar noong Setyembre 1972, lahat sila ay abala sa iba’t ibang legal na pagsusulong ng pagbabagong panlipunan. Si Ferdie ay isa sa mga pinuno ng Ligang Demokratiko ng Ateneo, isang grupo ng mga aktibistang kabataan sa naturang pamantasan. Si Edjop ay pangulo ng National Union of Students of the Philippines. Bilang kasapi ng Samahan para sa Pagpapaunlad ng Lipunan, abala si Dante sa pagsusulong ng karapatann ng mga drayber at mga manggagawa. Si Nick ay lublob naman sa paglilingkod sa mga mahihirap ng komunidad ng Davao. Sa mahihirap na komunidad ng Novaliches naman nalublob si Manny. Samantala, si Ditto ay manunulat ng pahayagang Philippine Collegian ng Unibersidad ng Pilipinas.

 

Nang ideklara ang Batas Militar, naisara ang mga espasyong ito, kaya halos lahat sila ay naitulak na sumali sa NPA. Marami sa kanila ay hindi namatay sa engkwentro, kundi sa pananambang ng mga militar sa kanilang mga pinagtataguan. Sa katunayan, maaaring hulihin at ipiit sa bilangguan ang ilan sa kanila nang sila’y madakip, pero pinili ng militar na itortyur o/at patayin sila. Ang pinakamalala sa mga ito ay ang ginawa kay Bill bago ito patayin. Sa autopsy ng bangkay ni Bill, lumitaw na may 17 saksak ito sa katawan, 11 tama ng baril, basag na tadyang, at wasak na kamay. Si Eman ay nadakip din nila ng buhay, gayundin ang kasamahan nitong 18 taong gulang na babaeng buntis. Ikukulong sana nila ang dalawa, ngunit nagbago ang isip nila. Pinatay nila ang babae, pagkatapos ay ipinutok sa bunganga ni Eman ang baril, at binaril pa ito sa dibdib. Hindi rin nanlaban si Dante nang mahuli siya ng militar sa kanilang hideout, at sa kabila ng pagmamakaawa ng kasama nitong babae, niratrat nila ng baril si Dante (32 tama ng baril ang lumitaw sa kanyang autopsy).

 

Lahat sila ay namatay ng napakabata. Halimbawa, 21 si Ferdie at Dante, 22 si Sonny, 23 si Lazzie, 24 si Bill, 25 si Ditto, at 26 si Nick. Napakaganda sana ng kinabukasan na naghihintay sa kanila, yamang sa takbo ng kanilang buhay ay hindi malabong magtagumpay sila sa kani-kanilang larangan. Si Edjop ay balediktoryan sa Ateneo High School, nagtapos ng inhinyero bilang cum laude sa Ateneo, at nag-aral ng abogasya sa UP. Balediktoryan kapwa sa elementarya at hayskul si Eman bago kumuha ng AB Humanities sa Ateneo, at nang makagradweyt ay nagturo sa UP. Salutatoryan sa hayskul si Bill, na pangarap sanang magpari. AB Economics pare-pareho ang programa nina Jun, Sonny, Nick, at Manny. Matapos maghayskul sa Ateneo, kumuha ng programang Business Administration and Accountancy si Ditto sa UP, kung saan din siya nagsilbi bilang editor-in-chief ng Philippine Collegian.

 

Halos lahat ng mga kabataang ito ay konsistent sa pagtamo ng mga akademikong karangalan sa kanilang pag-aaral, aktibo sa mga pangmag-aaral na konseho at mga organisasyon ng kanilang mga paaralan, nanalo sa iba’t ibang kompetisyon sa labas ng eskwelahan, at nagkaroon ng kanya-kanyang magandang propesyon. Ngunit nabuhay sila sa malupit na panahon ng Batas Militar. Ani nga ni dating Senador Rene Saguisag ukol sa mga kabataang ito: “We lost an entire generation who would have been natural leaders.”[2] Ganito rin ang saloobin ni dating Senador Jose Diokno. Nang dumalaw siya sa lamay ni Edjop, isa sa mga binitiwan niyang kataga ay ang mga sumusunod: “We are not gathered here to mourn him. We should mourn for ourselves, and a society which has made in necessary for a young man like Edjop to give up his life.”[3]

 

Tama si Diokno. At hanggang ngayon ay dapat pa rin tayong tumangis – tumangis para sa isang bayang madaling makalimot sa alaala ng kanyang mga anak na nagbuwis ng buhay laban sa pamilyang nang-api sa kanya, pamilyang nais niyang ibalik sa kapangyarihan ngayon.



[1] Pahayag ng historyador na si Michael Charleston “Xiao” Chua na nasa News5Everywhere, “Martial Law Myths Busted History”, websayt ng Youtube, matatagpuan sa https://www.youtube.com/watch?v=LUfeatNvseI&t=12s, sinangguni noong Nobyembre 18, 2021.  

[2] Nasa News5Everywhere, “Martial Law Myths Busted History”, websayt ng Youtube, matatagpuan sa https://www.youtube.com/watch?v=LUfeatNvseI&t=12s, sinangguni noong Nobyembre 18, 2021.  

[3] Nasa Montiel, Living and Dying, 62.

Friday, November 12, 2021

Rebyu #94 -- The Modern Preacher and the Ancient Text ni Sidney Greidanus

Greidanus, Sidney. The Modern Preacher and the Ancient Text: Interpreting and Preaching Biblical Literature. Leicester, England: Wm. B. Eerdmans Publishing Co. 1988.

 

Mayroong dalawang magkasalungat na posisyon ukol sa usapin ng saysay ng sinaunang Biblia sa kontemporaryong panahon. Sa isang banda, nariyan ang mga naniniwalang ang Biblia ay isa nang napaglumaang dokumento na wala nang saysay sa kasalukuyang lipunan, kaya naman hindi na natin kailangan pang pag-usapan ang aplikasyon nito sa ating panahon. Sa kabilang banda, nariyan naman ang mga nagpapahayag na direkta at payak nating mailalapat sa kasalukuyan ang lahat ng nasa Biblia yamang ito ang salita ng Diyos.

 

Sa pagitan ng dalawang ito nakatindig ang aklat ni Sidney Greidanus na The Modern Preacher and the Ancient Text. Sa isang banda, iginigiit niya na hindi maaaring bara-barang ilapat nang direkta sa kasalukuyan ang Biblia nang hindi isinasaalang-alang ang magkaibang kontekstong pangkasaysayan ng sinaunang Biblia at nating mga modernong Kristiyano. Sa kabilang banda, yamang salita ng Diyos ang Biblia, maitatawid ang mga aral nito mula sa panahon ng mga sinaunang mananampalataya tungo sa panahon ng mga modernong Kristiyano. Kaya naman, responsibilidad ng mga mangangaral (preacher) na timbangin ang dalawang ito: katapatan sa Biblia bilang sinaunang teksto, at saysay sa kontemporaryong simbahan bilang salita ng Diyos. Ang aklat ni Greidanus ay nagtatangkang magsilbing mapa na gagabay sa mga mangangaral para sa layuning ito.

 

Ang aklat ay pinagsamang hermeneutika at homiletika sa iisang bolyum. O sa mas saktong paglalarawan, ito ay aklat ukol sa aplikasyon ng mga prinsipyong hermeneutikal sa homiletika. Sinalansan ng may-akda ang mga kaalamang hermeneutikal na bunga ng mga pananaliksik sa araling biblikal (biblical studies) hanggang sa huling bahagi ng ikadalawampung dantaon, at pagkatapos ay siniyasat ang kapakinabangan ng mga ito sa ministeryo ng pangangaral (preaching). Isa sa mga pinakasentral na tesis ng aklat ang paninindigan ng may-akda na marapat na maging holistiko ang ating interpretasyon sa Biblia. Nangangahulugan ito na dapat unawain ang Biblia sa pinagsama-sama nitong dimensyong pangkasaysayan, pampanitikan, at teolohikal.    

 

Mayroon kasing tendensya na bigyang-diin ang isa lamang sa tatlong dimensyong ito. Minsan, tinitingnan lamang ang Biblia bilang dokumentong pangkasaysayan, batis upang maunawaan ang sinaunang kabihasnang Hebreo. May mga pagkakataon din na tinatrato lamang ito bilang akdang pampanitikan na may sariling mundong nakahiwalay sa pangkasaysayang konteksto nito. Ang ilan naman, itinuturing itong salita ng Diyos, isang akdang teolohikal, nang hindi tinitingnan ang dimensyong pangkasaysayan at pampanitikan nito. Ayon kay Greidanus, mabibigyang-katarungan lamang natin ang Biblia kung titingnan natin ito bilang pinagsama-samang dokumentong pangkasaysayan, akdang pampanitikan, at teolohikal na aklat. Naglaan siya ng tig-iisang kabanata sa aklat ukol sa tatlong dimensyong ito.

 

Kritikal si Greidanus sa metodong historikal-kritikal ng araling biblikal. Sa kanyang palagay, naging mapaminsala ang metodong historikal-kritikal sa pag-aaral ng Biblia. Lumikha ito ng dikotomiyang kasaysayan-teolohiya, at ipinasok nito ang Biblia sa kategorya ng teolohiya. Para sa mga tagapagsulong ng metodong historikal-kritikal, ang Biblia ay repleksyon ng teolohiya ng mga mananampalatayang lumikha rito, at wala silang layunin na maglahad ng tunay na kasaysayan. Bunga nito, naipinta nila ang Biblia bilang koleksyon lamang ng mga alamat na ukol sa pananampalataya ng mga sinaunang Israelita at Kristiyano. Naninindigan ang may-akda na malalabanan lamang ang ganitong tendensya ng metodong historikal-kritikal kung sisikapin nating ipook ang Biblia, muli, sa dimensyong historikal, literaryo, at teolohikal nito. Gayunman, sa kabila ng pagiging kritikal sa metodong historikal-kritikal, naniniwala siyang mayroon pa ring mapapakinabangan ang mga Kristiyano sa mga kaalaman na bunga ng ilang pamamaraang nabuo nito tulad ng source criticism, form criticism, redaction criticism, at rhetorical criticism.  

 

Mapapansin din sa buong aklat ang pagkiling ni Greidanus sa biblikal na teolohiya (biblical theology). Sa partikular, itinampok niya ang canonical approach ni Brevard Childs, na isang bersyon ng biblikal na teolohiya. Sinasang-ayunan ni Greidanus ang paninindigan ni Childs na sa pag-interpreta sa anumang tekstong biblikal, dapat itong ipook sa konteksto ng buong canon o buong Biblia. Ito’y sapagkat ang buong Biblia ay pinapagbigkis ng iisang progresibong rebelasyon, iisang kwento ng pagkilos ng Diyos sa kasaysayan ng kaligtasan/katubusan ng mga mananampalataya (salvation/redemption history) (mas gusto ni Greidanus na tawagin itong kasaysayang pangkaharian o “kingdom history”). Aniya, sa pamamagitan ng ganitong diin sa kasaysayang pangkaharian, mas mapapagtanto natin ang saysay ng Biblia bilang nag-iisang awtoritatibong batis ng pangangaral (preaching) sa mga kontemporaryong Kristiyano. Bahagi tayo ng nag-iisang kasaysayang pangkahariang ito, kung paanong bahagi rin nito ang mga sinaunang Kristiyano; kaya naman, ang Biblia na orihinal na isinulat para sa kanila ay para rin sa atin.  

 

Ang lahat ng konsiderasyong ito – holistikong pagtingin sa tatlong dimensyon ng Biblia, at pagpapahalaga sa biblikal na teolohiya ng Biblia bilang bunga ng iisang kasaysayang pangkaharian – ay inilapat ni Greidanus sa homiletika. Ipinangkat niya ang mga tekstong biblikal sa apat na genre (naratibong Hebreo, propetikong panitikan, Magandang Balita, at liham), at pagkatapos ay tsaka isa-isang inilapat sa mga ito ang interpretasyong pangkasaysayan, pampanitikan, at teolohikal. Dito niya ipinaliwanag kung paano ipangaral ang apat na genre ng Biblia na nagmumula sa holistikong interpretasyon sa mga ito.   

 

Anumang genre ang ipapangaral, naniniwala si Greidanus na ekspositoryong pangangaral (expository preaching) ang dapat na gamitin ng pastor. Para sa kanya, ito ang pinakatapat na uri ng pangangaral sa Biblia. Sa ekspositoryong pangangaral tayo makakasigurado na ang ating ipinapangaral ay talagang nagmumula sa Biblia. Iginigiit din ni Greidanus, na mahalaga na ang bawat ekspositoryong pangangaral sa mga biblikal na teksto ay mayroong tema. Mahalagang may tema kapag nangangaral, upang magkaroon ang iisang direksyon ang buong pangangaral, at upang hindi malihis sa kung saan-saang paksa ang pastor. Naniniwala rin si Greidanus na ang tema ng pangangaral (sermon theme) ay dapat na batay pa rin o ekstensyon ng tema ng teksto (text theme), upang makasigurado na talagang tapat sa Biblia ang magiging tema ng buong pangangaral. Dagdag pa rito, hindi sapat para kay Greidanus na ang nilalaman (content) lamang ng pangangaral ang tapat sa teksto. Bagkus, dapat ay pati ang anyo (form) ng pangangaral ay may paggalang pa rin sa teksto. Halimbawa, kung naratibo ang tekstong biblikal na ipapangaral (hal. kwento ni Jose sa Genesis), mabunga kung naratibo rin o malapit sa naratibo ang anyo (narrative form) ng pangangaral (ibig sabihin, pasalaysay ang uri ng pangangaral). Kung lohikal na diskurso naman ang teksto (hal. pagtalakay ni Pablo sa Roma 1:18-32), mainam na ang anyo naman ng pangangaral ay didactic form (o lohikal na paghimay-himay sa teksto). Kung ukol naman sa panaghoy ang tekstong biblikal (mula halimbawa sa Mga Awit), mainam na maipahatid sa mga tagapakinig ang tono o pakiramdam ng panaghoy.

 

Mainam na gabay ang aklat na ito ni Sidney Greidanus para sa mga pastor na nagnanasang maging tapat sa Biblia at kapaki-pakinabang sa kanilang kongregasyon. Ideyal din itong teksbuk ng mga semenarista sa kurso man ng hermeneutika o homiletika.    

Wednesday, November 3, 2021

Rebyu #93 -- Liliosa Rapi Hilao ni Alice R. Hilao-Gualberto

Hilao-Gualberto, Alice R. Liliosa Rapi Hilao, Bansay Bikolnon Biography Series No. 5. Naga City: Ateneo de Naga University Press, 2017.

 

Mula nang magtagumpay si Rodrigo Roa Duterte na maokupa ang Malakanyang noong 2016, nagsimula ang pagtindi ng distorsyong pangkasaysayan ukol sa Batas Militar. Ayon kay Cleve Kevin Arguelles, kinasangkapan ni Duterte ang pagpapabango sa alaala ng Batas Militar para sa sarili niyang pag-angat sa kapangyarihan, yamang ang kanyang pag-angat ay nakabatay sa kolektibong pagkapagod ng taumbayan sa mga nabigong pangako ng rehimeng EDSA (1986-2016).[1] Kaya hindi nakapagtataka ang mga sumunod na aksyon ni Duterte matapos ang pag-upo bilang pangulo: ipinalibing niya sa Libingan ng mga Bayani si Ferdinand Marcos, tinulungan si Imelda na mapawalang-sala, pagkanlong kay Imee sa kanilang partido noong tumatakbo ito sa pagka-senador, at sa kasalukuyan, pagsuporta sa kandidatura ni Bongbong.

 

Bahagi ng ganitong proyekto ng natawag ni Arguelles na “politics of forgetting” ang pagbura ng magkasabwat na Marcos-Duterte sa tinig ng mga biktima ng Batas Militar. Upang tuloy-tuloy na mabawi ang kapangyarihan sa antas ng pambansang pulitika, bahagi ng adyenda ng mga Marcos ang pagsasagilid sa alaala ng mga babae’t lalakeng nagbuwis ng kanilang buhay “to speak truth to power.” Upang labanan ang ganitong agos ng pagkalimot, mahalagang sariwain ang alaala ng mga biktima, particular yaong mga pangalang nakaukit sa Bantayog ng mga Bayani – tulad ni Liliosa “Lilli” Hilao.

 

Isa sa mga batis na magagamit sa pananariwa sa alaala ni Lilli ay ang Liliosa Rapi Hilao, na isinulat mismo ng kapatid niyang si Alice R. Hilao-Gualberto. Yamang kapamilya ang nagsulat, isa itong bukal ng primaryang batis na humuhugot ng kaalaman mula sa alaala mismo ng mga nakasama ni Lilli. Ang 23 pahinang monograpo na ito ay bahagi ng “Bansay Bikolnon Biography Series”, na inilimbag ng Ateneo de Naga University Press. Nakapaloob sa seryeng ito ang maikling pananalambuhay sa mga natatanging Bikolnon tulad nina James J. O’Brien, Tomas Arejola, Simeon A. Ola, Raul S. Roco, Ramon R. San Andres, Luis General Jr., Potenciano V. Gregorio Sr., Jose Ma. Panganiban, at Jorge I. Barlin. Ikalima ang talambuhay ni Lilli sa seryeng ito. Mainam na bigyang-buod rito ang nilalaman ng naturang akda, kalakip ng iba pang karagdagang impormasyon mula sa ibang mga batis.

 

Ipinanganak si Liliosa “Lilli” Rapi Hilao noong Marso 14, 1950 sa Bulan, Sorsogon. Pangpito siya sa siyam na mga anak nina Maximo Hilario Hilao at Celsa Rojo-Rapi. Isang masipag na mag-aaral, laging nakakatanggap si Lilli ng karangalan sa paaralan, mula pa man noong pumasok siya sa Bulan Elementary School at Bulan High School. Lumipat siya sa Jose P. Laurel High School, noong magpasya ang kanyang pamilya na tumungong Maynila. Nagtapos siya ng hayskul na may “unang karangalang banggit.” Kalaunan ay nagtagumpay siya na makapasa at makapasok sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), sa ilalim ng digring Communication Arts.

 

Kahit kasagsagan noon ng kaliwa’t kanang aktibismong pangmag-aaral, hindi sumasama sa mga kilos-protesta si Lilli, lalo na dahil mahina ang kanyang pangangatawan dulot ng madalas nap ag-atake ng kanyang hika. Gayunpaman, may sariling paraan si Lilli ng pagpapamalas ng kanyang pagmamahal sa bayan. Aktibo siya bilang kasamang patnugot ng Hasik, ang opisyal na pahayagang pangmag-aaral ng PLM. Nagsulat siya rito ng ilang sanaysay na kritika sa Batas Militar tulad ng “The Vietnamization of the Philippines” at “Democracy is Dead in the Philippines under Martial Law.” Aktibo si Lilli sa iba’t ibang organisasyon sa loob ng PLM. Dalawang beses siyang nahalal bilang pangulo ng Communication Arts Department (1970-1971, 1972-1973). Siya ang nagtatag ng Alithea, isang pangkababaihang samahan sa loob ng pamantasan. Naging kabahagi rin siya ng College Editors Guild of the Philippines.[2]

 

Mariin ang kanyang pagtutol sa korapsyon ng rehimeng Marcos. Sa katunayan, noong ideklara ni Marcos ang Batas Militar noong Setyembre 1972, isinulat ni Lilli sa kanyang talaarawan na “Democracy is dead.”[3] Magtatapos sana si Lilli bilang nag-iisang cum laude ng kanyang batch sa PLM ngunit naganap ang hindi inaasahan ng lahat. Noong Abril 4, 1973, pinasok ang kanilang bahay sa Quezon City ng ilang lasing na sundalo ng Philippine Constabulary’s Anti-Narcotics Unit (CANU), sa pangunguna ni Arturo Castillo. Hinalughog nila ang bahay upang hanapin ang kapatid ni Lilli na si Winfred, na pinaparatangan ng militar na subersibo. Nagkataong wala noon si Winfred sa kanilang tahanan. Nang igiit ni Lilli na maglabas sila ng search warrant bago maghalughog, ginulpi nila ito, pinosasan at dinakip. Pinalabas nilang subersibo ito dahil lamang sa mga isinulat niya sa PLM.

 

Dinala muna sa ibang lugar si Lilli bago siya tuluyang ipiit sa Kampo Crame. Nang makarating siya sa Crame, nakita siya ng kanyang 16 taong gulang na kapatid na si Josefina, na noon ay dinala rin sa Crame upang isalang sa interogasyon. Hindi agad nakilala ni Josefina ang kanyang ate dahil sa namamaga nitong mukha at bugbog saradong katawan. Nakita rin siya ni Kapitan Rogelio Roque, ang kanyang bayaw na nasa militar. Napansin nito na tinortyur si Lilli, ngunit wala siyang magawa upang tulungan ito.

 

Pagsapit ng Abril 7, pinapunta ni Castillo ang isa sa mga kapatid ni Lilli sa ospital ng Crame. Doon ay natagpuan niya ang wala nang buhay na katawan ni Lilli. Ipinahayag ng militar na nagpakamatay si Lilli sa isang palikurang panglalake sa pamamagitan ng pag-inom ng muriatic acid.[4] Pinalabas pa nila na adik ‘diumano sa droga si Lilli. Hindi naniwala ang pamilya ni Lilli sa militar. Malabong magpakamatay si Lilli sapagkat dalawang linggo na lamang ay gagradweyt na ito bilang nag-iisang cum laude. Imposible ring adik ito sa droga, gayong bukod sa kanyang kasipagang akademiko, relihiyoso si Lilli, na aktibong kasapi ng samahang Hare Krishna. Kaya upang malaman ang tunay na nangyari kay Lilli, nagpasya ang kanyang pamilya na ipa-autopsy ang bangkay nito sa Loyola Memorial Chapels. Lumitaw na mayroong 11 na marka sa magkabilang kamay si Lilli ng turok ng truth serum at droga. May mga sunog ang labi niya mula sa upos ng sigarilyo. Namamaga rin ang mukha niya mula sa paulit-ulit na sampal. Natuklasan din nila na puno ng bakas ng daliri (fingerprint) ang buong katawan ni Lilli, na karagdagang indikasyon na siya’y paulit-ulit na ginahasa ng nasa 5-6 katao. Si Lilli ang kauna-unahang naitalang pinatay na detinado noong panahon ng Batas Militar.

 

Masahol din ang ginawang pagproseso ng militar sa bangkay ni Lilli bago ito dalhin sa Loyola Memorial Chapels. Hindi pantay ang pagkakahiwa sa ka-tawan nito hanggang sa kanyang ari, na parang isang hayop. Inalis ang kanyang utak, bituka, at iba pang lamang loob at nilagay sa isang sisidlan na may muriatic acid. Kung tila hindi pa sapat ito, maging sa mismong lamay ni Lilli ay mahigpit ang naging pagbabantay ng militar. Sa mismong araw ng pagtatapos ng mga estudyante sa PLM makalipas ang dalawang lingo, nag-suot sila ng itim na arm bands bilang anyo ng pagpoprotesta sa sinapit ni Lilli. Nag-iwan din sila ng isang bakanteng upuan sa araw ng pagtatapos, na simbolikong upuan ni Lilli. Bagaman namayapa na siya, iginawad pa rin ng PLM ang kanyang digri, kalakip ng kanyang Latin honor.

 

Samantala, matagal na nagtago ang ilan sa mga miyembro ng pamilyang Hilao dahil sa matinding pagmamanman sa kanila ng militar. Bukod sa nang-yari kay Lilli, nakaranas din ng pang-aabuso ang iba niyang kapamilya. Isinalang sa matinding tortyur ang kapatid niyang si Winfred at bayaw ni-tong si Romeo Enriquez. Ipinakulong din ang iba niya pang kapatid gaya ni Josefina at Amarylis.

 

Sa kabila ng matinding inhustisyang sinapit ni Lilli, hindi naman nawalan ng kabuluhan ang pagkamatay ni Lilli. Noong 1976, isa ang nangyari kay Lilli sa ginamit ng Amnesty International upang punahin ang laganap na paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas. Naitulak din nito ang simbahang Katoliko at ilang mga organisasyon na magsagawa ng imbestigasyon sa kalagayan ng mga detinadong pulitikal. Pagsapit ng 1987, inihabla ang pamilyang Marcos sa korte ng Hawaii, sa pamamagitan ng mga testimonya ukol sa 1,000 biktima ng Batas Militar. Ang pangunahing ginamit na batayan dito ay ang kaso ni Lilli. Noong 1992 ay nagwagi ang mga biktima sa korte ng Hawaii laban sa pamilyang Marcos.

 

Sa pagdaloy ng panahon, samu’t saring pag-alala ang ginawa ng mga Pilipino sa kabayanihan ni Lilli. Bilang parangal sa kanya, nagpasya ang pamahalaang lokal ng Bulan, Sorsogon na palitan ang Burgos Street sa Zone VI ng Liliosa R. Hilao Street. Noong 2015, isinama ang kanyang pangalan sa Bantayog ng mga Bayani. Nito namang 2021 lamang, inilunsad ng PLM ang Lilliosa Hilao Gender and Development Corner. Isa itong imbakan ng mga materyales ukol sa katarungang pangkasarian na nasa Celso Al Carunungan Memorial Library ng naturang Pamantasan.   

 

Patuloy rin sa pagiging inspirasyon si Lilli sa mga kabataang Pilipino na nag-susulong ng katarungan. May ilang mga estudyante ng PLM na nagsagawa ng dula noong Hulyo 18, 2017 ukol sa buhay ni Lilli. Ilan sa mga katagang pin-akainaalala ng mga kabataan kay Lilli ay ang mga salitang ito na isinulat niya sa isang artikulo: “ang bayan muna bago ang sarili”



[1] Cleve Kevin Robert V. Arguelles, “Duterte’s Other War: The Battle for EDSA People Power’s Memory”, nasa A Duterte Reader: Critical Essays on Rodrigo Duterte’s Early Presidency, pat., Nicole Curato, 263-282 (Quezon City: Bughaw, 2017).

[2] Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, “PLM honors Liliosa Hilao through Gender & Development corner”, Abril 7, 2021, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila, matatagpuan sa https://bit.ly/3mGhQtj, sinangguni noong Nobyembre 4, 2021.

[3] National Historical Commission of the Philippines, Ang Mamatay nang Dahil Sa’yo: Heroes and Martyrs of the Filipino People in the Struggle Against Dictatorship 1972-1986 (Volume 1) (Manila: National Historical Commission of the Philippines, 2015), 95.

[4] Alice R. Hilao-Gualberto, “Liliosa R. Hilao: Her Life and Martyrdom – A Potential Philippine Leader”, Xiao, https://bit.ly/3BN93u2, sinangguni noong Nobyembre 4, 2021.  

Tuesday, November 2, 2021

Rebyu #92 -- Underpass nina Gerry Alanguilan, David Hontiveros, Budjette Tan, Oliver Pulumbarit, at Ian Sta. Maria, Kajo Baldisimo

Alanguilan, Gerry, David Hontiveros, Budjette Tan, Oliver Pulumbarit, Ian Sta. Maria, Kajo Baldisimo. Underpass: A Summit Media Graphic Anthology. Mandaluyong: Summit Publishing Co., 2009.

 

Ang Underpass ay koleksyon ng apat na magkakaibang komiks ng katatakutan at kababalaghan, na inilunsad noong 5th Philippine Annual Komiks Convention (KOMIKON).[1] Kinatha ito ng anim na batikang personalidad sa larangan ng komiks sa Pilipinas.

 

Ang unang kwento ay ang Sim ni Gerry Alanguilan. Ukol ito sa isang lalakeng aksidenteng nakapulot ng isang sim card sa dyip. Nang ipasok niya ito sa kanyang selpon ay biglang may tinig ng babae na nanghihingi sa kanya ng tulong mula sa isang kakaibang numero. Pinuntahan niya ang tahanan ng babae, at nagulantang nang malaman mula sa nanay nito na matagal nang patay ang naturang babae. Habang nasa tahanan siya ng nanay ng babae, biglang may ipinadala ang kakaibang numero na larawan – larawan ng protagonista na duguan at patay. Nagtapos ito sa senaryo kung saan nagkatotoo ang larawang kanyang natanggap.

 

Ang ikalawang kwento ay ang Judas’ Kiss nina David Hontiveros, Budjette Tan, at Oliver Pulumbarit. Umiinog naman ito sa kwento ng isang lalake na pinatay ang kanyang asawa’t nakababatang kapatid na lalake dahil nahuli niya itong nagtatalik (dating magnobyo ang kanyang asawa’t kapatid). Matagal na niyang alam ang ukol sa ugnayan ng dalawa, ngunit kalaunan lang niya isinagawa ang kanyang planong pagpatay. Hinalikan niya ang kanyang asawa bago siya magkunwaring aalis para sa trabaho, ngunit ang totoo ay huhulihin niyang nagtatalik ang dalawa. Itinago niya ang bangkay ng dalawa sa ilalim ng isang puno ng mangga. Kalaunan ay minulto siya ng kanyang pinatay sa pamamagitan ng paghalik nang paulit-ulit sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan, bagay na ginagawa dati ng kanyang asawa sa kanya noong nabubuhay pa ito. Ngunit natuklasan niya kalaunan na ang gumagawa pala sa kanya nito ay hindi ang kanyang asawa bagkus ay ang kapatid niya. Ang ganitong homosekswal na parusang ipinataw sa kanya ay tila may kinalaman sa katotohanang ayaw niya sa bakla – na inilahad ng mga may-akda noong binanggit na tutol siya sa ginagawa ng kanyang anak na lalakeng nakikipagrelasyon sa mga mas nakatatandang kapwa lalake, kaya pinalayas niya ito dati.

 

Ang ikatlong kwento ay ang Katumbas nina Hontiveros at Ian Sta. Maria. Ukol ito kay Kadasig na ipinadala ni Ibu, ang dyosa ng kamatayan, upang kalabanin ang masasamang espiritu na naglalagalag at nanggugulo sa mundo ng mga tao. Ginagapi niya ng mga ito upang maihatid niya sa kabilang buhay. May pagkakatulad ang kwentong ito sa Trese (ang tanyag na komiks na ginawan ng anime sa Netflix), dahil ukol din ito sa isang superhero na nagpapanatili ng kapayapaan ng siyudad. Tulad rin ng Trese, humuhugot ito ng mga elemento mula sa mga kwentong bayan at inilalapat ito sa modernong urban na senaryo. Halimbawa, si Ibu (na lumitaw rin sa Trese) ay mula sa mitolohiyang Manobo.[2] Upang madala ang lagalag na espiritu sa kabilang buhay na pinaghaharian ni Ibu, dinadala ni Kadasig ang espiritu kay Manduyapit, na drayber ng dyip na naghahatid patungong kabilang buhay. Modernong representasyon ito sa sinaunang kapaniwalaan ng mga Pilipino, kung saan pinaniniwalaang ang kaluluwa ay inihahatid sa kabilang buhay sa pamamagitan ng pagsakay sa isang bangka. Marami pang ibang element ng kwento na nakaugat sa kalinangang Pilipino. Ang pangalan mismo ng bida na Kadasig ay isang salitang Cebuano, na isa sa mga katumbas sa Ingles ay enthusiasm.[3] Mayroon ding nakasulat sa braso ng ni Manduyapit na mga titik ng Baybayin. Sa kasalukuyan, isa nang serye ang kwento ni Kadasig na binubuo ng maraming komiks, na nilikha ni Hontiveros.

 

Ang ikaapat na kwento ay ang The Clinic na nilikha nina Budjette Tan at Kajo Baldisimo. Ukol ito sa artistang si Manilyn na nabuntis ng kanyang nobyo. Hinikayat ito ng kanyang manager na magsagawa ng aborsyon upang mapangalagaan ang imahe at trabaho nito. Dinala siya nito sa Venus Clinic ni Doktora Victoria. Sa dulo ng kwento, ipinakitang isa palang manananggal si Doktora Victoria, na kumakain sa sanggol ng mga artistang tumutungo sa kanyang klinika upang magpalaglag. Yamang sina Tan at Baldisimo ang lumikha rito, may pagkakatulad rin ito sa Trese. Naglalaman din ito ng mga nilalang mula sa mitolohiyang Pilipino (tulad ng mananaggal), na inilagay sa isang modernong senaryo (klinika). Sa katunayan, may reperensya sa Trese ang mismong kwento. Nabanggit ni Manilyn sa kwento ang bali-balita ukol sa isang babaeng pinatay ng tiyanak sa Magna Mall. Malinaw na reperensya ito sa “Case 7: Embrace of the Unwanted” na nasa Trese 2: Unreported Murders.[4] Ang The Clinic at Embrace of the Unwanted ay parehong ukol sa aborsyon.

 

Kung tutuusin, wala talagang malinaw na pising nag-uugnay sa apat na kwento, liban sa lahat ng ito nakapaloob sa genre ng katatakutang piksyon (horror fiction). Ginamit nila ang metapora ng “underpass” bilang simbolismo ng katatakutan, kababalaghan, misteryo, panganib, kadiliman, at lagusan sa kakaibang mundo ng kakaibang mga nilalang.



[1] Laurice Penamante, “Underpass: They Want to Scare You”, Oktubre 27, 2019, Spot.ph, matatagpuan sa https://bit.ly/3bx0Tv1, sinangguni noong Nobyembre 2, 2021.

[2] Karl Gaverza, “Everything You Need to Know About the Mythological Creatures in Trese”, Hunyo 14, 2021, Esquire, matatagpuan sa https://bit.ly/3EAvRiz, sinangguni noong Nobyembre 3, 2021.

[3] Tingnan ang websayt ng Binisaya.com, matatagpuan sa https://bit.ly/3bzzvNi, sinangguni noong Nobyembre 3, 2021.

[4] Budjette Tan at Kajo Baldisimo, Trese 2: Unreported Murders (Imus City, Cavite: 19th Avenida Publishing House, 2021). Taong 2009 unang nailimbag ang akdang ito ng Visprint, Inc. bago ito muling ilimbag kalaunan ng Avenida.

Monday, November 1, 2021

Rebyu #91 -- Ok lang Maging Malungkot at Umiyak ni Federico Villanueva

Villanueva, Rico G. Ok Lang Maging Malungkot at Umiyak. Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017.

 

Si Federico Villanueva ang isa sa pangunahing dalubhasa sa kasalukuyan na nakatuon sa pagsasagawa ng Pilipinong Kristiyanong pagninilay sa kadalasang tinataguriang “mga negatibong emosyon” tulad ng galit, takot, tampo, lungkot, at iba pa. Markado ang metodong teolohikal ni Villanueva ng natawag ni Stephen Bevans na “synthetic model”,[1] kung saan tinatangka niyang pagtapatin at pag-usapin ang Biblia at kontekstong Pilipino. Bilang espesyalista sa Lumang Tipan, ang tuon ni Villanueva ay kadalasang nasa awiting panaghoy (lament psalms). Dito nakatuon ang kanyang disertasyong doktorado sa University of Bristol.[2] Sa serye ng Asia Bible Commentary (kung saan siya ang pangkalahatang patnugot), siya ang may-akda ng komentaryo sa Mga Awit[3] (yamang narito ang mga awiting panaghoy) at Panaghoy.[4] Sa bugkos ng kanyang mga akda, madalas niyang inilalapat ang mga awiting panaghoy sa samu’t saring isyu ng lipunang Pilipino tulad ng mga sakuna,[5] depresyon,[6] at gera kontra droga.[7] Itinatapat niya rin ang mga awiting panaghoy sa mga konseptong nakaugat sa kulturang Pilipino tulad ng tampo[8] at dalamhati.[9]

 

Sa popular na antas, ang ganitong paglalapat ni Villanueva ng awiting panaghoy sa kontekstong Pilipino ay makikita sa It’s Ok to be Not Ok: The Message of the Lament Psalms.[10] Limang taon matapos ang pagkakalimbag ng akdang ito, naglathala si Villanueva ng serye ng tatlong aklat na nakabatay sa naturang libro.[11] Bagaman nasa popular na antas din ang It’s Ok to be Not Ok, mas aksesibol ang serye ng tatlong aklat na ito dahil nasa wikang Filipino sila nakasulat, sa pangunguna ng tagapagsalin na si Marlene Legaspi-Munar. Ang mga aklat na ito na nasa Filipino at binudburan ng ilang salitang Ingles ay angkop na angkop lalo na sa mga gitnang uring kabataang Pilipino, tulad ng mga estudyante at mga nakababatang propesyunal.

 

FEDERICO "RICO" VILLANUEVA
Isa sa tatlong ito ay ang Ok Lang Maging Malungkot at Umiyak. Mairerekomenda ito sa mga Kristiyanong kasalukuyang dumadaan sa mabibigat na problema, dahil bukod sa nasa wikang Filipino ito, mas madali rin itong basahin dahil binubuo lamang ang akda ng 123 pahina (at maliit lamang ang sukat ng aklat). Mahalaga ang ganitong kaiklian ng aklat, yamang walang emosyunal na lakas ang mga dumadaan sa problema para tiyagaing magbasa ng makakapal na akda ukol sa teolohikal na repleksyon sa kapighatian. Bukod sa wika at ikli, nasa popular na antas din ang mismong nilalaman ng akda. Sa aklat na ito, si Federico Villanueva bilang teologo-pastor ay nakikipag-usap sa simbahan, hindi sa mga kapwa niya akademiko.[12] Masisilayan sa mga pahina nito ang pagbaba ng teologo mula sa toreng garing, at pakikipag-usap sa mga kapwa Kristiyano, upang ibahagi sa kalakhang simbahang Pilipino ang mga repleksyon niya bilang teologo.  

 

Malinaw ang layunin ng aklat – nais niyang muling ipakilala sa simbahang Pilipino ang isang tradisyong matagal na nitong kinalimutan, ang tradisyon ng panaghoy. Napansin niya ang nangingibabaw na represyon ng simbahan sa mga itinuturing na “negatibong emosyon” tulad ng pagiging down, pagiging malungkot, at pag-iyak. Puro masasaya ang mga awiting liturhikal, puro pananagumpay ang laman ng mga patotoo, at puro positibo ang laman ng pagpapayo sa mga Kristiyano. Ang pagiging malungkot at pag-iyak ay tinitingnan ng marami sa simbahan bilang manipestasyon ng mahinang pananampalataya. Iniisip nating kasalanan sa Diyos ang hindi pagiging matatag at positibo sa harap ng mga problema.

 

Malaking suliranin ito para kay Villanueva, dahil sa tatlong kadahilanan. Una, hindi tugma ito sa reyalidad ng buhay natin bilang mga Kristiyano. Gamit ang mga ideya ni Walter Brueggemann, ipinaliwanag niyang may iba’t ibang panahon sa buhay-Kristiyano. Nariyan ang season of orientation, kung saan pangkaraniwan ang takbo ng ating buhay. Dumadaan din tayo sa season of disorientation, kung saan puno ng pagsubok at paghihirap ang ating buhay. Sa panahon na makalagpas tayo sa yugtong ito ay darating naman ang season of new orientation, kung saan nakamit natin ang kapayapaan at pag-asa matapos ang mga unos na pinagdaanan natin. Aniya, ang problema sating mga Pilipinong Kristiyano ay iisa lamang ang alam nating tugon sa anuman sa tatlong yugtong ito: maging matatag at masaya. Hindi natin ibinubulalas ang ating nararamdaman batay sa kung nasaang yugto tayo ng ating buhay.

 

Pangalawa, hindi tayo nagiging tapat sa tunay nating nararamdaman. Yamang nasanay tayo sa kaisipan na dapat ay lagi tayong masaya at matatag bilang Kristiyano, pinepeke natin ang nararamdaman natin. Sinasabi natin sa mga kapwa Kristiyano at sa Diyos ang sa tingin natin ay tamang ipahayag. Gamit ang tonong naglalaro sa pagitan ng sarkasmo at kabalintunaan, nagwika si Villanueva na umaawit tayo ng “Kasama natin ang Diyos, dumaan man ako sa ilog di ako malulunod”, kahit sa mga panahong katatapos palang tayong salantahin ng bagyong Ondoy! Ipinahayag ng may-akda na hindi ito malusog sa dimensyong sikolohikal, yamang maraming sikolohista ang nagsasabi na marka ng kalusugang emosyunal ang kakayahan ng taong makaramdam at magpahayag ng iba’t ibang emosyon.

 

Pangatlo, hindi ito Biblikal. Napakaraming karakter sa Biblia ang pagkita ng depresyon, kalungkutan, at pag-iyak nila sa Diyos. Nariyan si Jose, David, Elias, Jeremias, Pablo, at iba pa. Maging si Jesus mismo ay tumangis noong mamatay si Lazaro, at noong nasa hardin siya ng Gethsemane. Ipinaliwanag ni Villanueva na kung tutuusin, mas marami pa ngang awiting panaghoy kesa sa awiting pagpupuri at pasasalamat sa aklat ng Mga Awit.

 

Napakahalaga para kay Villanueva ng mga awiting panaghoy, dahil binigay ito ng Diyos sa atin upang magkaroon tayo ng mga salitang magagamit natin upang ibulalas ang ating mga kalungkutan. Idiniin niya ang isang napakahalagang katotohanan – na ang mga awiting panaghoy ay kapwa panalangin at salita ng Diyos. Sa isang banda, panalangin ito ng mga sinaunang Israelita upang ipahayag ang kalungkutan nila sa Diyos. Sa kabilang banda, salita rin ito ng Diyos para sa ating mga kasalukuyang Kristiyano. Kung paanong may mga awiting pagpupuri sa Mga Awit na magagamit natin sa panahon ng tagumpay at kasiyahan, maaari rin nating magamit ang mga awiting panaghoy sa mga oras naman ng kadiliman. Iginiit ni Villanueva na hindi awtomatikong marka ng mahinang pananampalataya ang pagiging malungkot at pag-iyak. Sa katunayan, maaari pa nga raw itong maging indikasyon ng lumalalim na relasyon sa Diyos. Kitang kita natin ito sa Biblia – ang mga taong pinakamalalapit sa Diyos ang mayroong lakas ng loob na magpahayag ng kanilang tunay na damdamin sa Diyos.

 

Liban sa malaking tulong na maibibigay ng akda ni Villanueva sa mga indibiduwal na Kristiyanong kasalukuyang dumadaan sa matitinding pagsubok, mayroon din itong potensyal na makapag-ambag sa pagbabagong-diwa ng buong simbahang Ebanghelikal sa Pilipinas. Kung pakikinggan natin ang payo ng pastor-teologong ito at ibabahagi ang mga ito sa iba, maaari itong makatulong upang magkaroon ng espasyo ang mga awiting panaghoy sa ating mga simbahan. Kapag dumating ang puntong iyon, pangkaraniwan na nating mapapakinggan sa loob ng simbahan ang mga katagang “ok lang maging malungkot at umiyak.”  



[1] Tingnan ang Stephen Bevans, Models of Contextual Theology (Manila: Logos Publications, Inc., 1992), 88-102.

[2] Nailimbag kalaunan ang disertasyong ito bilang Federico G. Villanueva, The Uncertainty of a Hearing: A Study of the Sudden Change of Mood in the Lament Psalms (Leiden: Brill, 2008).

[3] Federico G. Villanueva, Psalms 1-72, Asia Bible Commentary (Carlisle, England: Langham Global Library, 2016).

[4] Federico G. Villanueva, Lamentations: A Pastoral and Contextual Commentary, Asia Bible Commentary (Carlisle, U.K.: Langham Global Library, 2016).

[5] Federico G. Villanueva, “My God, Why? Natural Disasters and Lament in the Philippine Context”, nasa Why, O God? Disaster, Resiliency, and the People of God, mga pat., Athena E. Gorospe, Charles Ringma, at Karen Hollenbeck-Wuest, 87-99 (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., at Quezon City: Asian Theological Seminary, 2017).

[6] Federico G. Villanueva, Lord, I’m Depressed: The Lament Psalms & Depression (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2019).

[7] Federico G. Villanueva, “Anong Talata sa Biblia ang Bagay sa Dutertismo?: Relihiyon bilang Kasangkapan sa Giyera Kontra Droga”, nasa Babala ng Pantayong Pananaw sa Bansa: Panganib mula sa mga Nakikipagjetski, mga pat., Arvin Pingul, Mark Joseph P. Santos, Kevin Paul Martija at Axle Christien J. Tugano (Quezon City: Bagong Kasaysayan, napipintong mailathala).

[8] Federico G. Villanueva, “My God, My God, Why Have You Forsaken Me? Christology amid Disasters”, nasa Christologies, Cultures, and Religions: Portraits of Christ in the Philippines, mga pat., Pascal D. Bazzell at Aldrin Penamora, 78-86 (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., at Quezon City: Asia Theological Association, 2016).

[9] Villanueva, Lord, I’m Depressed.

[10] Federico G. Villanueva, It’s Ok to be Not Ok: The Message of the Lament Psalms (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2012).

[11] Federico G. Villanueva, Ok Lang Malungkot at Umiyak (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017); Ok Lang Mag-Struggle at Mabigo (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017); at Ok Lang Magalit at Magtampo sa Diyos (Mandaluyong City: OMF Literature Inc., 2017).

[12] Para sa halaga ng pagkakaroon ng isip ng teologo at puso ng pastor, tingnan ang John Piper at D.A. Carson, The Pastor as Scholar & the Scholar as Pastor (Wheaton, Illinois: Crossway, 2011).

Rebyu #112 - Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing ni Ricky Lee

Lee, Ricky. Kulang na Silya at Iba pang Kuwentong Buhay: Essays on Life and Writing. Loyola Heights, Quezon City: Philippine Writers Studio ...